NABABALOT NG KATAHIMIKAN ANG GABI nang magsama-sama silang apat
sa sala ng bahay nila Monique.
Lahat sila ay nagulat sa sinabi ng binata. Hindi niya mapigilang kumirot ang
dibdib niya. Dahan-dahang pumatak ang luha sa pisnge niya. " Aalis ka?" Tanong
niya sa katabi nang 'di man lang ito tinitingnan.
"Honey, babalik naman ako. Kai-"
" Ganun pa rin 'yun. Aalis ka pa rin at iiwan ako." Aniya sa nanginginig na tinig.
" Kaya ng gusto ko ding makausap sina nanay at tatay. Gusto kong mangako
sa harapan nila na babalik ako at sa pagbalik ko dito na tatayo titira. Iiwanan ko na
ang kompanya 'yun ang napag-usapan namin ni daddy." Naramdaman niya ang
kamay nitong pumunas ng luha niya. " Hon, don't you trust me?" Napatingin siya sa
mga mata nito.
" Simula ng minahal kita, kinalimutan ko na ang sarili ko. I surrender everything
to you. Ngayon mo pa itatanong sa akin ang bagay na 'yan?"
" Then, believe me. Babalik ako para sayo." Tumingin ito sa mga magulang niya
na magkatabi ding umupo. " In front of your parents, I promise to come back, not
just to be with you again but to marry you." Nakikita niya ang sensiridaa sa mga
mata nito.
" Paano ako magigising sa bawat umaga nang wala ka?" Hinawakan nito ang
magkabila niyang pisnge.
" Isang taon lang, mahal ko."
" Isang taon lang?" Ngumisi siya. " Pero ang isang taon na 'yun ay katumbas ng
buong buhay ko."
" Honey,"
Ilang beses siyang umiling. " I'm sorry. Pero 'di ko kaya 'yun." Pinunasan niya
ang basa niyang pisnge at tumayo.
"Monique," Narinig niyang sambit ng Tatay niya. Ngunit 'di siya nag-atubiling
lingunin ito. Walang paglagyan ang sakit na nararamdaman niya. Pakiramdam niya
naging pira-piraso ang puso niya. Unang beses na sinaktan siya ni Rafael. Hindi niya
kayang malayo dito. Iniisip niya pa lang nga na malalayo ito sa kaniya, sinasaksak
na ang puso niya.
Sa labis na sama ng loob napadpad siya sa pinagpapastulan kay kulas. Ang
kalabaw na sabay niyang lumaki. Napa-upo siya sa upuang kawayan na ginawa sa
mismong puno ng manggang pinagsisilungan ng kalabaw. Kahit n'ung bata pa siya
sa tuwing masama ang loob niya o may mga batang inaaway siya, ang kababata
niyang hayop ang palagi niyang tinatakbuhan at pinagsasabihan ng hinaing niya.
Napapailing siya. Natatawa siya sa sarili. Pati ba naman 'tong hayop na
walang kamalay-malay sa nararamdaman niya, dinadamay niya. Napapikit siya at
napasandal sa puno ng mangga.
Madilim na ang buong paligid ngunit 'di siya natatakot. Mas labis na
nababahala siya kung aalis ang lalaking bukod tangi niyang minahal at binigyan niya
ng lahat-lahat. Patuloy sa pagpatak ang mga luha niya. Ganito pala kasakit ang
magmahal. Ni sa panaginip 'di niya naisip na makakaramdam siya ng ganito.
" Sabi ko na nga ba't nandito ka." Napamulat siya nang marinig ang tinig ng
nanay niya. Mabilis niyang pinunasan ang pisnge niya. At umayos sa pag-upo.
Umupo ito sa tabi niya. " Kahit ano pong sabihin niyo, hindi po ako papayag."
Napaphikbi siya.
" Gaano kasakit ang nararamdaman mo ngayon?" Napatingin siya dito. Ngumiti
ito at tumingin sa kalabaw na nakasalampak sa lupa. " Ilang taon na ba mula ng
magkakilala kayo ni Rafael?"
" Mahigit tatlong taon na po." Ngumiti siya. " At dalawang taon na po kaming
nagsasama." Bumuntong hininga ito sa sagot niya.
" Biruin mo 'yun, tatlong taon mahigit pa lang, pero ang sakit na naramdaman
mo, hindi kayang tumbasan ng kahit anong salita."
" Nay,"
" N'ung umalis ka sa tabi namin ng tatay mo at nagpunta ng maynila, naalala
mo ba kung anong sabi namin sayo?" Tumingin ito sa kaniya.
" Opo. Na masaya kayo sa desisyon ko at nandito lang kayo maghihintay sa
pagbabalik ko." Ngumiti ito.
" Buong buhay namin anak, inalagaan ka namin ng tatay mo. At 'yang sakit na
nararamdaman mo ngayon sa loob ng mahigit na tatlong taong pagkakilala mo kay
Rafael, naisip mo ba kung gaano pa kaya kasakit para sa amin na magulang mo ang
malayo sa nag-iisa naming anak?" Nasaksihan niya ang pagpatak ng luha nito.
" Wala 'yung kasing sakit, anak. Wala."
" Nay,"
" Pero kahit ni isang pahiwatig ng pagtutol wala kang narinig sa amin. Alam mo
ba kung gaano kahirap ang isiping nag-iisa ka sa ibang lugar at walang kasama?
Gabi-gabi akong umiiyak at nagdarasal na sana nasa mabuting kalagayan ka.
Napakasakit nang iwan mo kami ng tatay mo." Ngumiti ito. " Pero dahil mahal ka
namin, hinayaan ka naming lumipad kahit gaano kataas pa."
" Nay, sorry po." Mas lalong sumikip ang dibdib niya. " Hindi ko po kayo inisip."
Ngumiti ito sa kaniya at pinunasan ang mga luha niya. " Anak, ang pagmamahal
ay hindi makasarili. Bigyan mo ng kalayaan si Rafael. Hayaan mo rin siyang lumipad
palayo sayo. At kung talagang nais ng Diyos na magkasama kayo, babalik siya anak.
Tulad ng pag-uwi mo sa amin." Napayakap siya dito. Wala siyang nais gawin kundi
humagulgol sa bisig ng nanay niya. Gusto niyang pawiin ng yakap nito ang bigat na
nararamdaman niya.
" Umuwi na tayo. Nag-aalala na ang tatay mo at si Rafael sayo." Tumango siya
at sumabay sa pagtayo nito.
Nadatnan nilang magkasama at tahimik na naghihintay ang tatay niya at si
Rafael sa labas ng kanilang bahay. Tumingin sa kaniya ang nanay niya at ngumiti. "
Mauna na kami ng tatay niyo sa loob." Lumapit ito sa kabiyak. " Halika na, Simon."
Narinig niyang aya ng nanay niya.
Dahan-dahang humakbang papalapit sa kaniya si Rafael. Pinunasan nito ang
namamasa niya pang pisnge. " Hon, I'm sorry. Hindi na ako, aalis. ' Wag ka lang
umiyak, please." Nginitian niya lang ito at niyakap.
" Hihintayin ko na bumalik ka. Maghihintay ako." Ipinikit niya ang mga mata
saka mahigpit na niyakap ito.
" Hindi na ako aalis."
Kumalas siya sa pagkakayakap nito. Pinisil niya ang ilong nito. " 'Wag nang
makulit, baka magbago pang isip ko." Nginitian niya ito.
" Hon?"
" Mananatili ako dito at maghihintay sayo." Hinawakan niya ang pisnge nito.
Hinagkan niya ang labi nito at muling nagpakulong sa mga bisig nito. " I love you so
much." Mahina niyang bulong.
Naramdaman niya ang paghigpit ng yakap nito. " I love you more, honey. At
pangako, babalik ako."
Alam niyang hindi garantiya ang pangako nito na babalik nga ito. Ngunit sa
ngayon sapat na 'yun upang panghawakan niya sa mga araw na darating nang wala
ito sa tabi niya.
" HON, GISING NA. BAKA MA-TRAFFIC TAYO." Dahan-dahang iminulat ni
Monique ang mga mata niya. Ngayon lang siya tinamad na gumising sa buong
buhay niya. Ngayon ang araw na aalis ang lalaking mahal niya.
" Hon," Muling sambit nito sa kaniya. Ngunit 'di pa rin siya kumikilos. Natahimik
ito. Naramdaman niya na lang ang pagtabi nito sa kaniya at niyakap siya. " Hon,
kung talagang ayaw mo, pwede naman akong hindi tumuloy." Hinalikan siya nito sa
noo. Hindi niya napigilan ang sarili niyang maiyak.
" Iniisip ko lang paano ako matutulog mamayang gabi ng wala ka.Kung paano
ako gigising bukas nang 'di nakikita ang mukha mo sa pagmulat ko."
" Hon, hindi naman ako mawawala sayo. Siguro nga malayo tayo sa isa't-isa
pero palagi kang nandito sa puso ko." Hinawakan nito ang pisnge niya. " Mahal na
mahal kita, honey. I love you so much!"
Pinunasan niya ang luha niya. Ngumiti siya saka bumangon. " Maliligo muna
ako." Tumango ito.
Mabigat ang mga paa niyang pumasok sa banyo. Isa-isa niyang hinubad ang
damit niya. Kahit na nababasa na ng tubig ang buo niyang katawan, ramdam niya pa
rin ang kakaibang init ng mga luha niya. Hindi pa nga ito umaalis, walang humpay
na ang pagpatak ng luha niya. Paano pa kaya kapag makita niya ito mamayang
kumakaway palayo? Gaano kaya kasakit kapag nakita niyang lumipad na ang
eroplanong sasakyan nito? Gusto niya itong pigilan ngunit ayaw niya namang
ipagdamot ito sa pamilya nito. Hindi dahil mahal siya nito ,may karapatan na siyang
pagbawalan ito sa mga bagay na ayaw niya. Susundin niya ang payo ng nanay niya
kahit masakit. Kahit mahirap. Maghihintay na lang siya at aasa sa pangako nito.
Nang matapos na siyang maligo ay agad siyang nagbihis. Nagtungo siya sa
kusina kung saan naghihintay ang binata. Nadatnan niya itong nagtitimpla ng gatas.
Abot tenga ang ngiti nito nang makita siya nito. Inilapag nito sa mesa ang hawak
nitong baso saka lumapit sa kaniya. Ikinulong nito ang mukha niya sa dalawang
kamay nito. " Ang ganda talaga ng mahal ko." Kahit na alam niyang pinapagaan lang
nito ang pakiramdam niya. Hindi niya mapigilang mapangiti.
" Binobola mo na ako niyan." Sagot niya dito.
Naging seryuso ang mukha nito. " Kailan ba kita binola?" Bahagyang
bumusangot ang labi nito.
" Oo na," Pagsang-ayon niya dito. Ngumiti ito.
" Kain na tayo." Ipinaghila siya nito ng upuan. " Ipinagluto kita ng paborito
mong pakbet with bagoong." Ngumiti siya at umupo.
" Mukhang masarap ah." Pilit niyang nilalagyan ng ngiti ang mukha niya. Kahit
ang totoo ay hirap na hirap na ang kalooban niya.
Ito na huling beses na makakasalo niya ito sa pagkain. At hindi niya tiyak kung
mauulit pa ba ito. Wala siyang ibang gusto kundi tingnan ang gwapo nitong mukha.
Nais niyang sulitin ang nalalabing sandali na nasisilayan niya ito. Ilang oras mula
ngayon mga ala-ala na lang at larawan nito ang makikita niya.
HABANG binabaybay nila Monique ang kalsada patungong NAIA hawak-hawak
ng binata ang kamay niya. Kahit sa pagkambyo nito, hindi nito binibitawan ang
kamay niya. " Mas lalo kitang mami-miss niyan eh." Malungkot niyang sabi.
Tumingin ito sa kanya. Ngumiti ito pagkatapos ay muli nitong ibinalik ang
atensyon sa pagmamaneho. " Mamaya ikaw na magda-drive pauwi. Wag kang
kaskasero ha?" Saglit itong tumingin sa kanya. " Tsaka mag-iingat ka kapag
nagmamaneho, maraming loko-lokong driver ngayon. ' Wag mong kakalimutang
mag-signal kapag liliko ka." Tahimik niya lang itong pinagmamasdan habang
nagsasalita. Ang totoo, hindi pumapasok sa utak niya ang mga sinasabi nito. Tulala
siyang nakatingin sa maamo nitong mukha. Ang boses nito tila naging musika sa
pandinig niya. Ayaw niyang matapos ang sandaling hawak nito ang kamay niya.
Pwede niya bang hilingin na ganito na lang sila habang buhay? Pwede bang ang
isang taon ay maging isang segundo lang? Pwede ba?
" Tsaka kung pwede every week ipa-check mo 'yung breaks, oils, at mga ilaw.
Hindi na pala, si Mang Danny na lang uutusan ko n'un baka maguyo ka ng mga
mekaniko, eh. 'Wag mo ring kalimutang-."
" I love you." Natigilan ito sa sinabi niya. Tumingin ito sa kanya saglit. Ngumiti
ito habang nagmamaneho. " I love you, hon. At wala akong ibang gusto marinig
ngayon mula sayo kundi ang sabihin mo sa akin kung gaano mo ako kamahal."
Inihinto nito ang sasakyan sa tabi ng kalsada. Tumingin ito sa mga mata niya.
Masuyo nitong hinawakan ang kamay niya. Nakikita niya ang magkahalong
emosyon sa mga mata nito. " Sabi nila, kadalasan ang mga salita ay nagiging biro at
nakakalimutan minsan. Kaya ayaw kong sabihin na mahal kita. Gusto kong
iparamdam 'yun hindi sa pamamagitan ng salita kundi ng puso ko." Dahan-dahang
inilapit nito ang mukha nito sa mukha niya. Naramdaman niya ang mainit nitong labi
na dumampi sa labi niya. Puno ng pag-iingat ang halik nito. Isang halik na ngayon
lang nito pinaramdam sa kanya. Nandun ang respeto at ang tamis ng pagmamahal
nito. Hindi niya alam kung bakit, pero ibang-iba ang halik na iyon sa mga nagdaang
paglapat ng kanilang mga labi. Ang halik na nag-iiwan ng isang pangako ng wagas
na pag-ibig.
" Mahal na mahal kita, Hon." Anito nang pakawalan nito ang labi niya. Napangiti
siya. Nagpakulong siya sa malapad nitong dibdib. Napapikit siya habang inaamoy
ang mabango nitong perfume.
" Hihintayin kita, mahal ko."