Ilang beses kong tiningnan ang cellphone ko sa pag-asang mag-re-reply si Ate Annika sa akin. Kanina pa ako naghihintay dito sa labas ng waiting shed at isang oras na akong naghihintay dito kung hindi ako nagkakamali.
Alas-singko pa lang ay nag-aabang na ako rito sa labas para sunduin ako ni Ate Annika. Pero inabot na ako ng alas-sais ay wala man lang ni anino ng kotse niya.
Kanina ko pa siya tinatawagan at ilang beses na rin akong nagpadala ng text message pero ni isa sa mga pinadala ko ay hindi siya nag-re-reply. Nag-aalala na tuloy ako na abutin ng dilim dito sa waiting shed dahil pundido pa naman ang mga ilaw rito.
Sa laki ng tuition fee na binabayad namin sa school na ito ay kung bakit ang ilaw rito sa waiting shed ay hindi magawang ipaayos.
Nakakatakot pa naman manatili rito lalo na at hindi maaninag ang taong uupo rito. Baka mamaya ay bigla akong gawan ng masama rito at wala man lang makakakita.
Minsan pa ay tumawag ako sa numero ni Ate Annika. Sa malas! Nag-ring lang ito ng nag-ring pero hindi niya sinasagot!
Ano ba ang ginagawa ng babaeng iyon at hindi man lang masagot ang tawag ko? Nasa meeting kaya siya? O nakaligtaan na niya akong sunduin at masarap na ang hilata niya sa bahay namin.
Hindi man lang nagsabi na hindi ako masusundo para sumabay na ako kay Marionne kanina. Hindi ko naman pwedeng tawagan ang mga magulang ko dahil nasa out-of-town meeting sila. Tsaka anong magagawa nila? Hindi ko nga matawagan si Ate, sila pa kaya?
Naglakad ako patungo sa guard house na nasa malapit sa gate ng university. Mas mabuti na lang na rito ako manatili habang dahan-dahang kumakalat ang dilim. Abot naman sa kinatatayuan ko ang ilaw mula sa loob ng guard house.
Bahagya ko pang sinilip ang guard mula sa loob pero wala akong nakita sa loob. Marahil lumabas ito para bumili ng pagkain o kaya naman ay pumunta ng comfort room.
"Ate! Sagutin mo naman!" naiinis na bulalas ko. Pumadyak pa ako ng isang beses dahil sa matinding inis na nararamdaman ko.
Pakonti nang pakonti ang mga estudyanteng umuuwi at kinakabahan na ako. Ang mga kasama kong naghihintay ng mga sundo nila sa shed ay unti-unti ng nauubos.
Aabutan pa ako ni Drake rito kapag hindi pa ako sinundo ni Ate Annika. Sobra pa naman ang naging effort ko na iwasan siya simula ng umamin siya sa akin na liligawan niya ako.
Hindi ko siya binigyan ng pagkakataon makalapit sa akin simula noon dahil natatakot ako sa maaari niyang gawin kapag malapit siya sa akin. Papalapit pa lang siya ay umuurong na ako para maiwasan siya.
Ewan ko lang kung nakakahalata na siya. Hindi ko talaga hinayaan na makalapit siya sa akin dahil naalibadbaran ako sa kanya. Naalala ko pa ang masasakit na tingin ng mga babaeng nagkakagusto sa kanya rito sa university kapag lumalapit siya sa akin Lalo na iyong mga naging ex niya na sobra pa rin naghahabol sa kanya. Talagang gusto nila akong patayin sa titig.
Inabot na ulit ako sa paghihintay ng treinta minutos dito. Pero wala pa ring Ate Annika na dumarating. Kinakagat na ako ng lamok dito at lumalamig na ang hangin.
Nagsimula na akong kabahan lalo na nang marinig ko ang kantiyawan na galing sa loob ng university.
Naloko na! Naabutan pa ako ni Drake rito.
I'm sure grupo ni Drake Marko ito dahil sila lang ang maaaring naiwan sa loob ng campus. May praktis sila sa covered court ng basketball team niya kanina.
Paano ko pa siya maiiwasan ngayon kung wala akong choice kung hindi ang manatili rito malapit sa guard house. Kalat na ang dilim at iilan na lang ang estudyanteng nag-aabang ng kanilang sundo.
Gusto ko mang pumara ng taxi pero kabilin-bilinan ni Ate na huwag akong sumakay sa mga ganitong sasakyan. May napabalita kasi noong nakaraan na estudyanteng ni-rape at pinatay ng isang taxi driver. Kaya naman natatakot si Ate na sumakay ako sa ganoong sasakyan.
Pero mukhang mababalahura ako rito. Papunta na ang grupo rito ni Drake at alam kong hindi niya palalampasin ang ganitong pagkakataon.
Natigil ang malakas na tawanan nila nang sa tingin ko ay makalabas na sila sa gate.
"Oh, what we got in here, Drake?" naulinigan kong sabi ng isang lalaki.
Napapikit ako at kinuyom ang mga palad ko.
Ito na ang sinasabi ko!
"Your princess is here and looks like she is waiting for you!" kantiyaw naman ng isa. Nabosesan ko na si Harry ito na classmate namin ni Drake. Bestfriend niya ito at palikero ring gaya ng damuhong si Drake.
Naramdaman ko na naglakad sila sa gawi ko habang nag-uusap. Ako naman ay hindi sila pinag-aksayahan ng panahon na lingunin.
Nanalangin ako ng tahimik na sana ay dumating na si Ate Annika para makaiwas ako kay Drake Marko.
"Ynnah, pansinin mo naman si Drake. Ilang araw ka ng nami-miss ng prince charming mo," ani pa ni Harry na pumunta na sa harap ko para makita ako.
Basang-basa ang kanyang buhok at humahalimuyak siya sa pabango. Halos lahat sila ay halatang bagong ligo dahil amoy sa paligid ang iba't ibang klase ng sabon at pabango na gamit nila.
Nakalapit na pala sila sa akin. Hula ko marami sila dahil feeling ko biglang sumikip at uminit ang paligid dahil sa presensya nila.
Kung ibang babae ang nasa katayuan ko ay nagsisigaw at nagkikisay na ito sa kilig. But I'm not one of them, sa iisang tao lang ako kikiligin. Ang malas lang dahil committed na ang taong iyon.
"Oo nga naman, Ynnah. Umiiyak na si Drake dahil ilang araw mo ng iniiwasan," singit naman ng isa na nabosesan kong si Paul na kaklase rin namin.
Nagtawanan sila sa biro ni Paul at hindi ko mapigilang mainis. Narinig ko pa ang pagmumura ni Drake dito dahil sa sinabi nitong biro.
So, tsismoso pala 'tong mga kaibigan ni Drake? Mukhang nakukuwento ng lalaking ito ang whereabouts niya sa mga ito.
Naglakad ako palayo sa kanila. Tinulak ko pa si Harry na humarang sa daraanan ko.
"Not so fast, Ynnah." natatawang pigil ni Harry sa akin nang harangin niya ang daraanan ko. Inunat niya ang mga braso niya sa magkabila niya para hindi ako makalusot.
"Ano ba? Umalis ka nga riyan! Let me pass, Harry?" hiyaw ko habang pinipilit kong dumaan. Tinutulak ko siya pero ang siste ay ayaw talaga akong padaanin.
Nagtawanan ulit sila. Lalo na at parang mukhang nagpapatintero na kami ni Harry sa ginagawa namin.
"Bwisit ka, Harry! Umalis ka nga sa daraanan ko!"
Muli na naman nagtawanan ang iba pang barkada ni Drake. Mas uminit naman ang ulo ko at nais ko na lang tadyakan si Harry na halatang nag-e-enjoy na asarin ako.
Hanggang sa hindi na ako nagpumilit. Hingal na hingal na tumigil ako habang pinupunasan ang pawis ko sa noo.
Bigla silang tumahimik sa pagtatawanan nang magsalita si Drake para patahimikin sila.
Akala ko aalis na sila at iiwan na ako pero nagulat na lang ako ng may brasong umakbay sa akin at hinila ako palapit sa katawan niya.
Kaagad na naamoy ko ang pabangong gamit ni Drake. Itulak, ito ang gusto kong gawin ngunit hindi ko na nagawa. Dahil nilapit na niya ang sarili sa akin at bumulong malapit sa tainga ko.
"I miss you, Ynnah. Tapos na ang pag-iwas mo sa akin," aniya sa baritonong boses.
Kumabog ang puso ko sa sinabi niya. Ewan ko kung para saan ito pero kumabog nang malakas ang dibdib ko sa sinabi niya.
"Hayaan mo na akong manligaw. Bigyan mo naman ako ng chance, Ynnah." Napatingin ako sa kanya. Nagulat ako nang makitang sobrang lapit pala niya sa akin.
"I love you, Ynnah. Please, give me a chance to prove it to you." Mas nilapit pa niya ang mukha sa akin.
Naghiyawan ang mga kaibigan niya sa sinabi niya. Napapiksi naman ako at inalis ang pagkakaakbay niya sa akin. Ang sagwa tingnan ng posisyon naman. Konting galaw lang niya ay mahahalikan na niya ako.
"Tigilan mo nga ako, Drake. Don't go near me and please stop saying cheesy words to me. Sabihin mo 'yan sa mga babae mo dahil hindi ako kasali sa kanila."
Lumayo ako sa kanya pagkatapos ko iyong masabi ngunit hinaklit niya ako sa aking baywang at muling inilapit sa kanyang katawan.
Naghiyawan na naman ang mga kasamahan niya. Lalo na nang ilapit na naman ni Drake ang mukha sa akin.
"Huwag ka ng magpakipot pa kasi, Ynnah. Bagay na bagay kayo ni Drake kaya sagutin mo na," wika ni Harry na lumapit sa amin ni Drake.
Nagkantiyawan na naman ang mga kasama niya. Ang lakas pa ng tawanan nila na tila tuwang-tuwa sa maikling show na namamagitan sa amin ni Drake.
"Just give me a chance, Ynnah. I promise to you that I will make you happy."
Mas lalong nilapit ni Drake ang mukha sa akin. Bumaling naman ako sa ibang direksyon upang hindi magtugma ang mga paningin namin.
"Ang sweet mo naman, Papa Drake."
"Sagutin mo na, Ynnah. Huwag ng pakipot! Dadalhin ka ni Drake sa langit!"
Uminit ang ulo ko sa sinabi ng isa sa kaibigan ni Drake. Itinulak ko paalis sa katawan ko ang katawan ng pangahas na lalaking nakayakap sa baywang ko.
Pero sa malas, mas lalo lang niyang hinigpitan ang pagyakap sa akin.
Naiinis na ako sa ginagawa niya lalo na at panay ang kantiyaw ng mga kaibigan niya. May nagsasabi pa na halikan na ako ni Drake para matapos na ang usapan ngunit mukhang wala naman balak si Drake na gawin iyon.
Seryoso lang siyang nakatingin sa akin habang nagsusumamo ang kanyang mga mata.
Is he begging me to answer his wish? Pero hindi ko siya type. Wala pa siya sa kalingkingan ng lalaking mahal ko.
Biglang pumasok sa isip ko ang mukha ni Kuya Troy. Pero mabilis ko rin itong inalis sa isipan ko nang sumali sa balintataw ko ang mukha ng Ate ko na masayang nakayakap sa kanya.
Sabi ko kakalimutan ko na siya pero pilit pa rin siyang sumisingit sa isipan ko. Ang hirap lang talaga kalimutan ng first love ko.
"Halika na, Ynnah. Ako na ang maghahatid sa iyo," untag ni Drake sa pananahimik ko. Binitiwan niya ako at lumayo nang bahagyan sa akin.
Wala sa loob na napatango ako. Hanggang sa akayin niya ako papunta sa sasakyan niya ay hindi ako nagreklamo.
Dapat ko na yata talagang kalimutan si Kuya Troy. At para makalimutan ko siya ay kailangan kong maibaling sa iba ang nararamdaman ko.
Pero kanino?
Kay Drake Marko!!!
No! Hindi sa kanya!