Hindi ko na lang pinansin ang usap - usapan ng mga tao tungkol sa amin ni Ace at patuloy na rin ang palaging pagpunta niya sa bahay, nangliligaw, wala naman kaming natatapakan na tao. Hindi naman sila ang bubuo ng pamilyang gusto ko.
Walang pasok ngayon si Ace at nasa labas lang kami habang kumakain ng dirty ice cream ng may tumayo sa harapan kong isang babae, si Genesis. Gulat na gulat ako ng makita ko siya dito sa bahay at hinahanap si Ace.
"Ace, may balita ka ba kay Aero? Nakapagpasa ka na ba ng scholarship?" Tanong ni Genesis sa kanya at parang hindi ako napansin dito kahit na tinitigan ako ni Genesis at nginitian, ang atensyon ni Ace ay nasa kanya lang. HIndi ko alam kung dapat ba ako makaramdam ng pagseselos dahil sa naging aksyon ni Ace. Nakita niya lang si Genesis ay para na akong naglahong bula. Hindi man niya ako magawang maipakilala.
Tumayo lang si Ace at hinila si Genesis palayo sa akin. Marahil may importante silang pag - uusapan pero kung wala naman itong kinalaman sa akin ay mabuti ng marinig ko. Marahil, tungkol ito kay Aero o kaya ay sa iba pang bagay.
Wala na akong balita sa kung ano ang nangyayari kay Aero at Genesis dahil simula ng dumating si Ace sa buhay ko, nasa kanya na ang oras ko. Ang alam ko lang ay nagkakamabutihan na sila ni Genesis dahil kung hindi, kasama ko na si Aero dito sa bahay namin at nalulunod sa alak. Pagkaalis ni Genesis ay agad akong humarap kay Ace dahil mukha rin siyang problemado.
"Anong pinag - usapan niyo ni Genesis?" Tanong ko sa kanya at patuloy na lang sa pagkain ng ice cream. Tinitigan niya lang ako at tila pinag - iisipan kung sasabihin niya ba sa akin kung ano ang problema o hindi. Nagtanong lang ako sa kanya hindi sa nagseselos ako pero baka may makuha akong sagot sa kanya tungkol kay Aero.
"May problema si Genesis tungkol kay Aero. Bigla daw kasi nawala ito. Magdadalawang linggo nang hindi nagpaparamdam sa kanya." Mahinang sabi ni Ace pero may kakaiba sa ekpresyon ng kanyang mukha. Parang may hindi siya sinasabi sa akin.
"Ngayon ko lang ito natanong pero matagal na ako nagtataka, bakit at anong meron kay Genesis at gustong gusto siya ni Aero? Diba ay matalik mong kaibigan si Aero? May kailangan ba kayo kay Genesis?" Tanong sa akin ni Ace at hindi ko alam kung ano ang una kong sasagutin.
"Matagal na namin gustong makilala si Genesis, ngayon lang kami nagkaroon ng pagkakataon dahil abala kami sa buhay namin." Sagot ko sa kanya at hindi ko alam kung makukumbinse ko ba siya o hindi. Basta ako, sinabi ko ang totoo na matagal na namin hinahanap si Genesis.
"Tinutulungan kami ni Aero makakuha ng scholarship para pag - aaral namin ng kolehiyo pero ngayon, hindi namin siya mahanap, malabo rin itong si Aero eh. Ngayon nasa harapan niya na si Genesis, biglang nawala." Malungkot na sabi ni Ace kaya naman naisip kong kausapin na si Aero kung kailangan niya ng tulong ko. Kung may kaya lang ako sa buhay ay ako na mismo ang magpapa - aral sa kanya.
"Ah ganon ba. Madami kasi inaasikaso yang si Aero. Nagpapatakbo siya ng saril niyang kumpanya pero hindi naman niya kayo bibiguin sa pangarap niyong makapag - aral dahil isa ako sa mga natulungan ni Aero noon. Sagot ko sa kanya para hindi siya mag - isip ng kung ano ano.
"Ayos lang ba sayo kung magiging schoolmate ko si Genesis?" Sabi niya sa akin at may halong pagtatanong. Para siyang humihingi ng permiso sa akin kahit na wala pa talagang 'kami' sa sitwasyon namin.
"Oo naman. Wala naman problema yon, Ace. Pwede kang makipagkaibigan sa kahit sinong gusto mo. sumama ka sa mga kaibigan mo, alam mo naman na ang tama at mali, Ace. Hindi rin ako selosang babae." Matikas kong sabi sa kanya. Wala naman akong alam sa mga ganito dahil ito ang unang relasyon na meron ako at wala akong balak sabihin kay Ace na siya ang first boyfriend ko.
Hindi ko rin alam kung tama ba na hindi ako maghigpit kay Ace kahit na siya na mismo ang gustong higpitan ko siya. I think he wants me to own him for real. Pero alam ko sa sarili ko na hindi ako nagseselos.
Hindi na siya nagsalita pa pero lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa baywang ko saka ikinandong sa kanya. Uminit ang pisngi ko dahil sa ginawa niya at agad akong lumayo pero sobrang higpit ng kapit niya sa akin. Nakakahiya kung makita kami ng mga tao. Ganito ba ang pakiramdam ng kinikilig? Nakakailang dahil sa alam kong marami ang nagkakagusto kay Ace pero ako ang nagustuhan niya. Hindi maganda ang timpla ng mga babae dito sa akin, alam ko iyon. Ramdam ko iyon dahil sa araw araw na paglabas ko ng bahay at may makakasalubong na kapitbahay ay masama ang tingin sa akin.
"Ano ba ginagawa mo? Nakakahiya, baka may makakita sa atin." Bulong ko sa kanya at pinapalo ko pa rin ang niyang kumakapit sa akin pero hindi siya nagpatinag. Naramdaman ko pang inamoy niya ang buhok ko kaya ng maramdaman kong hindi na ganoon kahigpit ang yakap niya ay agad na akong kumawala.
"Wala ka naman dapat ikahiya, Yna. Darating din tayo diyan." Masayang sabi niya at pumasok na ako agad sa loob. Sumunod naman siya at nakangisi lang sa akin. Pilyong mga ngiti. Habang nakatingin ako sa kanya, nakita kong may pamilyar na lalaki ang papalapit sa amin at bumungad sa akin si Aero. Malaki na ang eyebags niya at kitang kita na ang pagod sa kanyang mukha. Malaki ang pinagkaiba niya sa itsura niya noong kasama niya pa lang kami ni mama. Marahil ay sa sobrang pag - iisip at walang nakakausap ay sobrang stress na siya.
"Aero.. Anong ginagawa mo dito?" Tanong ko sa kanya at ngumiti siya ng mapait. Hindi ko alam kung kailangan ko bang lusutan ang pagdating ni Aero dito. Malalaman kasi ni Ace na magkakilala pala kami at baka maungkat ang kasalanan na ginawa namin.
"Magkakilala kayo?" Tanong sa akin ni Ace at tumango lang ako at palipat - lipat ang tingin niya sa amin na tila kailangan niya ng iba pang sagot. Hindi siguro makapaniwala na magkakilala kami ni Aero. Hindi ko rin naman kasi nilinaw noon kay Ace kung anong meron sa amin ni Aero. Ni hindi niya alam na si Aero ang first love at ang lalaking iniyakan ko ng sobra noon.
"Ah, yes. Siya talaga yung nagpapahanap noon kay Genesis, Ace. Si Aero. Magkakilala na rin naman kayo diba." Mahina kong sabi at parang bumigat ang hangin sa paligid pero ayoko magpahalata kay Ace na may nakaraan kami ni Aero.
"Ah, Aero, tara na pumasok ka na. Ikaw din, Ace." Sabi ko sa kanila at nauna na akong pumasok sa loob. Huminga muna ako ng malalim at inasikaso na ang ipapamiryenda ko kay Aero. May natira pa naman kaming tinapay kanina ni Ace at nag - init na lang ako ng tubig.
Pagka silip ko sa sala, parang nag - uusap ng masinsinan ang dalawa at naiisip ko talagang magkamag - anak sila dahil sa laki ng pagkakahalintulad nila. Hindi ko naisip noon na pagtabihin ang dalawa para ma kumpirma ang hinala ko pero ngayon, tama rin pala ang naiisip ko.
Para silang pinagbiyak na bunga pero si Aero ay mas maputi kay Ace. Magkaiba rin ang gupit ng kanilang buhok, ang kulay ng kanilang mata at ang laki ng panga. Pero may anggulo si Ace na makikita mo talagang kamukha siya ni Aero. Isa iyon siguro sa dahilan kaya madali akong mahulog kay Ace.
Agad na akong nagkanaw ng kape ni Aero, kagaya ng timpla ko sa kanya noon at dinala ko na rin ang tirang tinapay kasama ang palaman saka inilapag iyon sa table. Nakita ko sa gilid ng aking mga mata na masama ang tingin ni Ace sa akin pagkaabot ko ng kape ni Aero.
"Nga pala, nandito si Genesis kanina, hinahanap ka. Mukhang naghahabulan kayo pareho." Sabi ko kay Yna at natawa lang si Ace sa sinabi kong iyon. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya para matuwa siya doon pero bintanaan ko ng tingin si Aero na mag - ingat sa sasabihin dahil kasama namin ngayon si Ace.
"Ah, hindi ko alam na dumaan siya dito. Magkikita sana kami ngayon para sana asikasuhin ang scholarship eh. May kailangan siyang pirmahan. Isa na rin sa rason kaya ako nandito ay para papirmahan rin sayo ang iilang papers. Iiwanan ko na lang sayo ito, Ace. Ikaw na ang magbigay kay Genesis kapag nagkita kayo sa school. Yna, pwede ka ba makausap ng tayo lang?" Tanong ni Aero at agad naman akong tumango. Pinagmasdan ko muna si Ace na abala sa pinapagawa ni Aero kaya lumabas na agad kami ng bahay saka dinala ko siya sa gilid ng gate.
"Yna, naghihinala na si Spiel. Kailangan na nating tapusin ang dapat tapusin. Yung bahay ni John, pwede bang ikaw na muna ang mag - asikaso?" Tanong sa akin ni Aero at inilabas niya galing sa kanyang bag ang dalawang kumpol ng pera. Puro tag - iisang libo ito at ibinalik niyang muli sa bag saka iniabot sa akin.
"Kasama na rin diyan ang araw - araw na pangangailangan niyo ni Manang Hilda." Sabi sa akin ni Aero at tumango lang ako. Simula bukas ay kailangan ko na naman maging abala sa paglilinis ng bahay na iyon. Nakikita ko na naman sa kung paano ko tinanggalan ng hininga ang sarili kong ama.
Umalis na si Aero pagkatapos noon at hindi man lang niya nakita si mama. Hindi na rin siya nakapagpaalam kay Ace at basta na lang umalis. Pagkapasok ko sa loob, agad kong itinago ang hawak kong pera saka tumabi kay Ace.
"Anong pinag - usapan niyo ni Aero?" Tanong sa akin ni Ace at iniaayos niya na ang mga papel. Nakahiwalay na rin ang form na para kay Genesis.
"Ah, wala. May nasabi lang siyang problema. Bukas ay magiging abala ako. Maaga akong aalis dito at may pasok ka naman sa paaralan diba. Wala ka bang projects or assignments?" Tanong ko sa kanya at tila na open ko sa kanya ang mga bagay na hindi niya inaasikaso. Agad siyang tumayo at hinalikan ako sa labi.
"Madami na pala akong deadlines sa linggo. Mag - aasikaso na muna ako. Ingat ka bukas, hindi ako gagamit ng cellphone dahil kinukumpiska ni Amang tuwing may gagawin akong school works. " Sabi sa akin ni Ace at agad na siyang lumabas ng bahay. Sinundan ko siya para sa mga form ni Genesis pero pagkalabas ko ng gate, nakita ko siyang medyo malayo na dahil tinakbo niya ang pauwi sa kanila. Isinara ko na lang ang pintuan namin at ako na lang nagtabi ng form ni Genesis.
Naisip kong huwag na ibigay ito sa kanya para hindi siya makatuntong ng college at para maisip niyang pinaasa lang siya ni Aero sa scholarship na inooffer nito sa kanya at awayin niya si Aero pero hindi naman ako ganong klase ng tao. Minsan ay nakakaisip ako ng mga masasamang bagay pero madalas ay hindi naman ginagawa.
Nagluto na lang ako ng hapunan namin at saka ko ginising si mama. Hindi na naman siya makakatulog mamaya dahil alas sais na ay tulog pa rin siya.
"Nandito si Aero kanina, may iniwanan lang at umalis na rin agad." Sabi ko kay mama pagkalabas niya ng kwarto. Natigil lang siya sa tapat ng pinto at nag - ayos na ng kanyang buhok.
"Hindi mo man lang ako tinawag saglit para makamusta naman si Aero. Alam mo naman na hindi masyadong nagsasabi ng problema si Aero. Sana man lang ay matulungan natin siya." Bulong sa akin ni mama pero hindi ko na lang pinansin. Binaliwala ko na lang siya at dumiretso na ako sa pagluluto.
"Anong ginawa ni Aero?" Tanong uli sa akin ni mama. Sinundan niya pa ako sa kusina para lang tanungin. Hindi ko man lang masabi sa kanya na may bago na naman ipapagawa sa akin si Aero. Gusto ko na rin sana tumanggi pero hirap akong gawin iyon lalong lalo na kay Aero.
"May iniwanan lang na papeles para kay Genesis. Hindi ko nga alam paano ko ibibigay. Baka ipasa ko na lang kay Ace ang pagbibigay ng papeles." Sabi ko kay mama at tumango lang siya saka umalis papuntang sala. Sinundan ko siya ng tingin dahil baka makita niya ang perang iniwanan sa akin ni Aero. Maluwag pa naman kasi ang bahay at kung may bago man ay makikita agad.
Sinilip ko lang siya at nakita kong tinitingnan niya ang envelop kung nasaan ang mga form para kay Genesis. Mamaya ko na lang ibibigay ito pagkatapos namin kumain ng hapunan. Para matulungan ko naman si Ace sa pag - aaral niya. Malaki rin kasi ang naitulong niya sa akin kaya ako naman ang gagawa ng mga bagay para matulungan ko siya.
"Ma, anong gusto mong ulam?" Tanong ko sa kanya habang nag - iisip din kung magluluto ba ako o bibili na lang ng ulam. May iilan pa kasi akong natirang gulay dito. Karne na lang ang kulang pero kung lalabas pa ako, aabutin lang ako ng masyadong gabi bago kami makakain ni mama.
"Magdelata na lang tayo." Sabi sa akin ni mama at tiningnan ko na lang kung ano ang magandang luto sa mga sardinas namin sa bahay. Naisip kong gawin na lang itong ginisang sardinas at lagyan ng kamatis, sibuyas at bawang. Nagsaing na rin ako habang nagluluto para mas mapadali ang trabaho ko.
"Yna, ihahatid ko na lang ang envelop ni Genesis doon kila Ace. Gusto ko rin lumabas labas muna at makipag - usap sa mga kapitbahay para may kaibigan naman tayo dito." Sabi sa akin ni mama saka ako sinilip.
"Sige po, ma. Ako ayos lang na nandito sa loob ng bahay. Madami rin kasi akong iniisip." Sagot ko sa kanya at ngumiti na lang rin. Ayos na rin na naiisip ni mama ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Unti unti na rin mangyayari ang mga pangarap namin na magkaroon ng maayos na buhay. Kailangan umpisahan ang mga ganong bagay sa kung paano mag - isip.
Ang huling ipapagawa sa akin ni Aero ang pinakahuling pabor na gagawin ko para sa kanya at pagkatapos noon, bibitawan ko na talaga siya dahil sobra sobra pa ang nagawa kong pagtulong sa kanya, ang makapatay ng tao. Kahit na magalit sa akin si mama dahil sa gagawin ko sa susunod na linggo ay ipapaliwanag ko na lang sa kanya ang lahat. At ipapangako ko sa sarili ko na ito na talaga ang pinakahuli sana ay hindi ko rin kainin ang salita ko sa mga susunod na araw.
"Pero kumain ka na muna bago ka umalis, mama." Pahabol ko sa kanya at tumango naman siya at sinilip ang iniluluto ko. Inamoy amoy niya ito at tila gustong husgahan.
"Sige nga at nang matikman ko naman ang luto mo. Minsan ka lang naman kasi magluto." May kasamang biro ang sinabi ni mama pero kumuha na siya ng kutsara para tikman ito. Matagal bago siya qnagsalita ng sasabihin sa akin at tila ninanamnam talaga ang luto ko.
"Pwede ka na mag - asawa, ang problema na lang ay ang mapapangasawa." Masayang sabi ni mama at niyakap lang ako. Sa tagal tagal na namin magkasama ay ngayon ko lang na lang ulit naramdaman ang yakap ni mama.
"Kung si Ace talaga ang gusto mo, wala naman problema. Basta, ang gawin mo ay ang tama at wala kang aapakan na tao. Minsan na tayong nadapa at alam natin ang pakiramdam ng mahusgahan ng tao kaya ingatan mo rin ang sarili mo. Mas una mong mahalin ang sarili mo." Mahabang paaalala sa akin ni mama habang magkayakap pa rin kami.
Naluha ako ng kaunti dahil sa sinabi niya at naramdaman kong safe ako sa piling ng aking mama.
"Ang drama naman natin, mama. Gutom lang siguro to. Kumain na nga tayo." Sabi ko sa kanya at nauna na kaong kumalas. Pinunasan ko ang luha ko pagkatalikod ko at nagsandok na ako ng makakain namin.
Mabilis lang kaming kumain at agad na lumabas si mama dahil ayaw niya rin naman gabihin sa daan. Kaya habang naglilinis ako ng bahay ay umuwi na rin si mama. Agad kong kinuha ang pera sa ilalim ng kama namin at mabuti na lang ay hindi iyon nakita ni mama.
"Nakita ko si Aero, galing kila Ace. Matalik na magkaibigan ba ang dalawa?" Tanong sa akin ni mama at kahit ako ay hindi ko rin alam. Hindi naman kasi nagkekwento si Ace tungkol sa kanila ni Aero.
"Hindi ko alam, mama. Basta nalaman ko na lang na magkaibigan pala sila. SImula ng makilala namin si Genesis ay isang beses lang namin napag - usapan si Aero. " Sagot ko kay mama at punong puno ako ng pagtataka. Mas nauna akong makilala si Ace pero parang mas malapit pa si Aero sa kanya.
May binabalak ata si Aero at kailangan na kailangan niya si Ace pero kung ano man ang plano niya, wala na akong balak pang alamin iyon. Tahimik na ang buhay namin ni mama at ayoko ng guluhin pa ito.
"Baka gusto lang kasi ni Aero mapalapit siguro kay Ace dahil kay Genesis. Alam mo naman po na magkaibigan si Genesis at Ace." Sagot ko uli sa kanya at tumango lang siya pero hindi pa rin siya kumbinsido sa sagot ko. Kahit naman ako ay hindi rin talaga alam kung ano ang meron sa dalawa. Ayoko na lang mag - isip ng kung ano dahil mas gusto ko na ang tahimik na buhay.
"Layuan mo na muna siguro si Ace o kaya ay huwag ka na muna masyadong magtitiwala sa kanya. Kilalanin mo na muna siya ng maigi." Bilin sa akin ni mama at agad na siyang naglinis ng katawan para makatulog na rin.
Hanggang pagtulog ay hindi ako tinigilan ng pag - iisip ko dahil maaari naman talaga magkaroon ng posibilidad na magkakilala na sila Ace at Aero at may kung anong binabalak. Pakiramdam ko ay may kung ano ang mangyayari dahil sa nalaman na ni Ace na magkakilala kami ni Aero, baka kung ano ang isipin niya tungkol sa amin.
"Goodnight, Ace." Text ko sa kanya bago ako tulunyan na makatulog.