Prince Point of View
"Ang pera madaling mawala at mahirap hanapin pero ang pagmamahal hindi basta-basta nawawala dumaan man ang napakahabang panahon." – Prince
Four Years later at West Visayas State University Main Campus, Iloilo City
"Congratulations, Aries. Sa wakas nakapagtapos ka rin sa kolehiyo at sa kursong kinuha mo," proud na proud akong sabi sa kapatid ko.
"Congratulation? Para sa akin? Seryoso ka ba, Kuya?" nagpapatawa na naman niyang sagot.
"Bakit? Seryoso naman ako a?" saad ko.
"Alam ko naman iyon, Kuya. Ikaw nga dapat ang pinapasalamatan ko dahil ikaw ang nagpakapagod upang makapagtapos ako sa aking kurso. Kung hindi dahil sa iyo, hindi ko makukuha ang sertipiko at diploma ko," seryosong sabi ni Aries.
"Oo nga naman, anak. Maraming salamat din sa iyo dahil nabayaran na rin natin ang utang natin kay... Basta alam mo na iyon a," singit naman ni Nanay.
"At saka, anak, ipagpaumanhin mo kung nakapagbitiw kami ng mga masasakit na salita sa iyo noon. Patawarin mo rin kami ng nanay mo sa mga kasalanan namin," pagpapaumanhin namang wika ni Tatay.
"Wala po iyon, Nay, Tay. Nagpapasalamat nga rin po ako sa inyo dahil tinulungan ninyo akong makabangon. At kahit ilang beses pa po ninyo akong pangaralan, maluwag sa puso ko po itong tatanggapin. Pamilya ko kayo e. Ang pamilya ay nagtutulungan at nagmamahalan," nakangiting saad ko.
"Tama na nga iyan, Nay, Tay. Moment ko ito e. Bakit si Kuya ang topiko natin? Ang mabuti pa umuwi na tayo. Sayang naman ang inihanda ni Nanay kung mapapanis iyon," lahat kami ay napatawa na lamang sa sinabi ni Aries. Baka mapanis pa ang mga handa namin para sa kaniya.
Agad na kaming umalis sa bulwagan at naglakad patungo sa aking sasakyan. Kursong Information Technology ang natapos ni Aries. Iyon ang gusto niya kaya sinuportahan ko siya. Gusto niya kasing maging edukador sa larangan ng teknolohiya. Palibhasa ay mahilig sa gadgets. Habang naglalakad kami patungo sa aking sasakyan ay inakbayan ako ni Aries at may tinanong.
"Nakapag-move on ka na ba, Kuya?" mulagat ako at hindi agad nakapagsalita.
"Isa lang ang ibig sabihin niyan, Kuya. Hindi mo pa rin siya nakalimutan mo no?" nakangiti niyang sabi.
"Paano mo naman nasabi? Nakapag-move on na kaya ako. Kung hindi ako nakapag-move on, sa tingin mo makakaahon tayo? Sa tingin mo ay mababayaran natin ang utang natin? Sa tingin mo ay makakapagtapos ka sa kursong kinuha mo?" napailing siya sa mga sinabi ko na tila nang-aasar.
"Alam ko naman iyon, Kuya. Pero aminin mo man o sa hindi, mahal mo pa rin siya. Nagbabakasakali ka pa ring makita mo siya, hindi ba? Nabayaran man natin ang mga utang natin sa pamilya nila, at nakapagtapos ako ng aking pag-aaral, iyon ay dahil sa pera. Pero paano kung baligtad ang nangyari? Wala tayong pera. Hindi ako nakapagtapos, sa tingin mo mawawala kaya siya sa puso mo?" Kahit kailan talaga itong kapatid ko napakalalim kung mag-isip. Kaya naman hindi ako nagpatalo.
"Ang pera madaling mawala at mahirap hanapin pero ang pagmamahal hindi basta-basta nawawala dumaan man ang napakahabang panahon," taas noong sagot ko sa kaniya.
"Kayong dalawa, may pinag-uusapan pa ba kayo? Matagal pa ba iyan?" tawag ni Nanay sa amin.
"Sabi mo e. Tara na nga!" Iyon lamang ang tanging nasambit niya. Nagmadali na lamang kaming maglakad at pumasok sa kotse. Si Aries na muna ang nagmaneho dahil may lisensya naman siya at isa pa may sorpresa pa akong hindi naibibigay sa kaniya.
"KUYA!" Tawag sa akin ni Aries. Matapos kaming kumain ay lumabas muna siya upang makapag-relaks. Mukhang alam ko na kung ano ang tinatawag niya sa akin. Lumabas naman kami nila Nanay at Tatay. Hindi alam nila ng dalawa ang regalo ko sa kapatid ko kaya niyaya ko na rin silang lumabas.
"Kung makasigaw ka naman, Aries," wika ni Nanay.
"Ano ba iyan, Aries ha?" napapakamot sa ulong sabi naman ni Tatay.
"Kuya, para daw sa iyo. Pinirmahan ko na lang kasi nasa loob ka pa kanina. Ang ganda ng sasakyang ito, Kuya. Hindi ba, Nay, Tay? Toyota Revo," sabay namang nagkatinginin ang nanay at tatay nang makita ang kulay pulang Toyota Revo remodeled na sasakyan. Bagong-bago ito.
"Anak. Hindi ba at may sasakyan ka pa?" tanong ni Nanay.
"Baka maubusan tayo ng pera niyan, anak," saad ni Tatay. Nginitian ko na lamang sila.
"Nay, Tay. Hindi po ito para sa akin" mulagat sina nanay at tatay. "Aries, ito ang susi. Sana magustuhan mo ang regalo ko sa iyo."
Hindi naman nakapagsalita ang kapatid ko. Ilang minuto rin siyang tahimik at hindi makapaniwala. Ni hindi nga niya kinuha ang susi nang iabot ko ito sa kaniya.
"Ayaw mo yata e," kunwaring tatalikod na ako nang bigla na lamang akong yakapin ng kapatid ko. Mahigpit ang yakap niya. Ilang sandali rin iyon pero ramdam kong bigla siyang humagulgol.
"Kuya naman e. Hindi mo dapat ako niregaluhan ng ganito. Kuntento ako sa kung anong mayroon tayo. Pero dahil regalo mo ito sa akin, tinatanggap ko. Asahan mong aalagaan at iingatan ko ito, Kuya," bumitaw siya sa pagkakayakap at hinarap ko ang sisinghot-singhot niyang mukha.
"Alam kong aalagaan mo iyan, Aries. Iyan ang regalo ko sa iyo dahil kailangan mo iyan lalo na at Information Technology ang kurso mo. Nag-research pa ako niyan na most of the I.T. companies at employees ay big time. Saktong-sakto at tamang-tama lang sa taste mo. Alam kong hindi ka maluho. Matalino ka at alam ko ring matatanggap ka agad sa aaplayan mong trabaho," mahabang litanyan ko sa kaniya.
"Tay, iiwan ko po ang sasakyan ko sa inyo. Heto po ang susi. Nais ko pong sabihin sa inyo na mamayang gabi na ang flight ko papuntang Amerika. I was assigned to oversee a branch in New York sa kompanya at ako ang napili. Ipagpaumanhin po ninyo kung hindi ko sinabi sa inyo nang maaga. Last week lang po kasi ipinaalam sa akin. Sana maintindinhan po ninyo. Ito rin po ang passbook ko na ginawa para sa inyo ni Nanay at ito naman ang sa iyo, Aries. Huwag na po kayong magsasalita. Alagaan po ninyo ang mga sarili ninyo ha? Mahal na mahal ko po kayo."
Niyakap ko na lamang sila nang mahigpit. Hindi ko alam kung ilang taon akong mamamalagi sa Estados Unidos. Pero isa lang ang alam ko. Gagawin ko ito para sa pamilya ko. At aalamin ko rin sa sarili ko kung sadya bang tuluyan ko ng nakalimutan ang First and Last ko, my beloved Charm.