Chapter 1: Pagmamahal At Paglimot

1007 Words
Prince Point of View "Darating ang panahon na ang sugat sa mga puso natin ay maghihilom din. Tiwala lang." - Aries Ganito ba talaga ang pakiramdam na kapag niloko ka ay mamalasin ka? Malas ka na nga sa pag-ibig ay malas ka pa sa personal mong buhay. Kung para sa iba ay hindi totoo ang mga sinasabi ko, para sa akin ay totoong-totoo. Naranasan ko kasi e. Tagos sa puso ang sakit. Matapos kong malaman ang katotohanang niloko ako ng taong mahal ko ay naging bitter naman sa akin ang pamilya ko. Hindi nila matanggap na nakipaghiwalay ako sa isang mayamang babae. "Bakit mo kasi hiniwalayan si Charie, anak. Hindi ka ba nag-iisip kung anong mangyayari sa atin?" halos atakihin sa puso sa pagsasalita at pagbubunganga si Nanay sa harapan ko. "Ang talino mo nga bobo ka naman pagdating sa pag-ibig. Ano? Saan natin kukunin ang pambayad sa pang-matrikula ng kapatid mo? Paano natin mababayaran si Charie?" Nagulat ako sa sa sinabi ni Tatay na pambayad sa pang-matrikula ng kapatid kong si Aries. Wala akong alam sa pinagsasabi nila. "Anong ibig sabihin po ninyo, Tay, Nay?" takang-taka talaga ako kung bakit ganoon ang mga sinabi nila. "Huwag ninyong sabihin na inutangan ninyo si Charie?" Napayuko ang mga ulo nila tanda na tama ang naiisip ko. Napahilamos na lamang ako sa mukha. "Tay, Nay, bakit po ninyo ginawa iyon? Oo, aminado akong mahirap lang tayo pero lahat ng pagsasakripisyo ko noon at panliligaw kay Charie ay galing sa sarili kong sikap," medyo napataas na ang tono ng boses ko sa harapan nilang dalawa. "Anong gusto mong gawin namin ha? Gusto mo bang habambuhay na lang tayong isang kahig, isang tuka? Ganoon ba ang gusto mo ha, Prince?" sigaw sa akin ni Tatay. Humugot na lamang ako nang malalim na buntong-hininga. "Huwag po kayong mag-alala, babayaran ko si Charie. Maghahanap po ako ng magandang trabaho," kahit masama ang loob ko ay binigyan ko pa rin sila ng assurance na maiaahon ko rin sila. Na mababayaran ko ang utang na hiniram nila sa ex ko. "Huwag ka puro salita! Gawin mo. Marami kang babayarang utang natin!" Napapalatak na sa galit si Tatay. Hindi na ako kumibo. Lumabas na lamang ako sa bahay at umupo sa ilalim ng puno ng mangga. Kinuha ko naman sa aking bulsa ang aking cellphone at nang tingnan ko ang wallpaper ko ay bigla na lamang akong nalungkot. Si Charie kasi at ako ang nasa larawan. Larawang nakayakap ako sa kaniya at siya ay nakahalik sa pisngi ko. Ito ang isa sa pinakamasayang alaala naming dalawa. Tatlong taon na itong litratong ito sa cellphone ko at hinding-hindi ko ito binubura pa. In-open ko na lamang ang radio sa cellphone ko at sakto namang nag-play sa MOR ang kantang "All Out of Love". Saklap naman. Pinapatamaan yata ako ng kantang ito a. Una, si Charie tapos ngayon ang nanay at tatay ko. Minahal ba talaga nila ako? "Oo, naman Kuya!" wika ng isang tinig. Si Aries, ang bunso kong kapatid. Dalawa lang naman kasi kami e. Nasa hayskul na siya. Nahulaan niya marahil ang nasa isipan ko. "O, Aries. Bakit nandito ka?" "Siyempre, para i-comfort ka, Kuya. Narinig ko ang lahat kanina. Huwag kang mag-alala, sa iyo ako. Kakampi mo ako. Kahit hindi ako vocal, mahal kita, Kuya. Ikaw kaya inspirasyon ko pagdating sa pag-ibig." Humahalakhak pa itong walang boses. "Batukan kita o gusto mo e bugbugin kita? Anong pag-ibig, pag-ibig ang sinasabi mo riyan?" Nagkunwari akong aambahan siya ng suntok. "Relaks, Kuya. Good boy kaya itong kapatid mo. Mga babae pa nga humahabol sa akin e. Maiba tayo, Kuya. Sabi nga sa nabasa ko, kapag nagmahal ka, masasaktan at masasaktan ka talaga. Pero hindi ibig sabihin noon ay susuko ka na o magpapakamatay ka, o sisirain mo na lang ang buhay sa iba't ibang bisyo. Darating ang panahon na ang sugat sa mga puso natin ay maghihilom din. Tiwala lang." Napakalalim talagang mag-sip nitong si Aries. Parang matanda kong makapagbigay ng advise. "May point ka naman. Sana nga ganoon lang kadali. Kung puwede ko lang sana i-save sa USB ang sakit na nararamdaman ko, nagawa ko na. Kung puwede lang sanang i-sweep ng vacuum cleaner itong sakit sa dibdib ko, sana naitapon ko na agad. Kaso, hindi e. Siguro nga simula pa lamang ito. Gaya nga ng sinabi mo, maghihilom din ito," sagot ko na lang. Natawa pa ako nang ma-realized kung bakit USB at vacuum cleaner pa ang ginamit kong halimbawa. "Ganiyan nga dapat, Kuya. Think positive. Maraming babaeng nagkakandarapa sa iyo. Buksan mo ang puso mo sa mga bagay na nagpapasaya sa iyo. O 'di kaya ay focus ka na lang sa mga bagay na alam mong magagawa mo. At kung sakali mang dumating ang panahong mag-krus muli ang landas ninyong dalawa ni Ate Charie, kaya mo na ba siyang harapin? Sige, Kuya, pasok na ako." Hindi na ako nakasagot sa huling mga katagang sinabi ni Aries sa akin. Nag-iwan tuloy ito ng isang malaking tandang patanong sa aking isipan. Paano nga kaya kung dumating ang araw na magkita kaming muli? Pero malabo pa yata e. Sariwa pa ang sugat ko. Kailangan kong makalimot. Kailangan ko muna siyang kalimutan. At magagawa ko lamang iyon kung pagsisikapan kong makahanap ng trabaho. Tama! Uunahin ko munang maghanap ng trabaho nang sa ganoon ay unti-unti kong mabayaran ang mga utang ng pamilya ko sa pamilya ni Charie. Sayang din naman ang mga grado ko kung sa isang pipitsuging kompanya lamang ako babagsak o magiging tambay forever. Pero... sana nga. Sana nga ay tuluyan ko na siyang makalimutan. Sana ay matagal pa ang pagkakataong mag-krus ang landas namin. Huwag sanang makialam ang tadhana sa aming muling pagkikita. Nagpatuloy na muna ako sa pakikinig ng kantang All Out of Love sa radyo. Akmang-akma kasi ang liriko sa nararamdaman ko. Ito na ang huling beses na maririnig ko ang kantang ito at sana may taong darating sa buhay ko na magmamahal sa akin ng tapat at totoo. Kung matagpuan ko na siya, hindi ko sasayangin ang bawat sandaling kilalanin siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD