THIRD PERSON’S POINT OF VIEW
“Kailangan mo akong isama pauwi,” utos ni Nika habang sinusundan ang malalaking yapak ni Tyler.
Tapos na ang buong klase sa araw na ito, at ngayon ay uwian na nila. Galit at inis pa rin ang nararamdaman ni Tyler para kay Nika, magmula no’ng pumasok ang dalaga sa buhay nito ay never pang gumaan ang kaniyang loob para sa dalaga. Ganoon pa man, kahit ilang pagbabanta pa ang kaniyang gawin sa dalaga, wala pa ring nangyayari. Hindi niya magawang saktan si Nika, kaya naisip na lamang ng binata na baka tine-take for granted lang siya ni Nika.
“Bakit kita isasama?” inis na huminto si Tyler sa paglalakad at hinarap si Nika, “Pinalayas na kita, hindi ba? H’wag ka nang bumalik sa pamamahay ko. Ang isang tulad mong minsan nang naging magnanakaw ay walang espasyo sa buhay ko.” Diretsahang bigkas nito nang hindi iniisip kung masasaktan niya ba ang damdamin ng dalaga.
“Nasa panganib ka, hindi mo ba iyon maintindihan?” patingin-tingin si Nika sa paligid, sinisiguradong walang nakaaligid at walang makakarinig ng kanilang pag-uusap, “Lagi kang nasa panganib, alam mo ba iyon?”
Napaurong na lang ng baba si Tyler dahil sa sinabi ni Nika. Hindi nito alam kung ano ang nais na mangyari ng dalaga at kung bakit bigla na lang siyang naging ganoon, “Hindi ako natatakot sa panganib,” malamig nitong bigkas, “Dahil panganib din ako.”
Umiling si Nika nang mangalit ang kaniyang mga ngipin, “Hindi ka pwedeng manganib, hindi ka maaaring malagay sa panganib!” nabuo ang kaniyang mga kamao sa hindi maipaliwanag na dahilan.
“bakit bigla ka na lang naging ganiyan?” iritadong tanong ng binata sa kaniya, “Bakit bigla-bigla ka na lang naging concern sa akin? Tsaka ano naman ang magagawa mo kung malagay ako sa alanganin?” natawa ito nang mapakla, “Mapipigilan ba ng isang tulad mo ang panganib na darating sa akin?” sarkastiko nitong tanong.
Lingid sa kaalaman ng binata ang pagtulong na nagawa sa kaniya ni Nika kaya ganoon na lamang niya ito sagut-sagutin.
Bumuntong na lamang si Nika at inisip kung paano niya makukumbinsi si Tyler. Ramdam ng dalaga na kailangan niyang dumikit kay Tyler, ramdam niyang si Tyler ang magdadala sa kaniya patungo sa kaniyang pakay sa mundo ng mga tao. Dahil kagabi pa lang, no’ng nilalakad niya ang misyon ay dalawang beses na nagkrus ang landas nila.
Naisip ng Prinsesa na hindi na iyon normal na pagtatagpo. Talagang inilalapit siya ng tadhana sa kaniyang misyon. Doon ay napagdugtong niya rin ang kakaibang nararamdaman niya sa tuwing magkasama sila ni Tyler. Dalawang beses nang nagparamdam ang tunog ng kampana sa kaniya, at parehong malapit siya kay Tyler.
Ito ang dahilan kung bakit sumama siya kay Tyler pabalik ng mansyon, at kung bakit pumasok pa rin siya sa paaralan kahit na maari naman niya nang pabayaan ito.
“Kung malalagay sa alanganin ang buhay ni Tyler, malalagay rin sa alanganin ang aking misyon... kailangan kong protektahan si Tyler.” Wika ng prinsesa sa kaniyang mismong sarili.
“oo,” wala nang ibang naisip na sabihin si Nika kundi ito.
Natawa lamang si Tyler, “Nababaliw ka na yata, eh isang suntok lang matu—“ umakma itong sasampalin ang dalaga upang mapatunayang mali ang inaakala ni Nika, subalit hindi man lang dumikit ang palad nito sa pisngi ng dalaga, “P-Paanong?” nagtatakang tanong nito.
Nanatiling nakalutang ang palad ng binata, isang pulgadang layo sa pisngi ng dalaga. Pinilit nitong madampi ang pisngi ng dalaga ngunit ito ay bigo. Para bang may malakas na hangin ang humahatak sa kamay nito, dahilan kaya hindi nito magawang sampalin si Nika.
“Kailangan mo akong isama,” malamig na utos ni Nika, na para bang siya pa ang mas superior sa kanilang dalawa, at para bang siya ang may-ari ng mansyon. “Sa ayaw mo o gusto, isasama mo ako.” Nagpatuloy ang siya sa paglalakad patungo sa kotse kung saan kadalasang naka-park ang Bugatti ni Tyler.
Habang si Tyler naman ay naiwang gulong-gulo sa mismong kinatatayuan nito. No’ng makapasok na si Nika sa loob ng Bugatti ay saka lamang nabawi ng binata ang kamay nito, saka lamang nito naigalaw nang maayos.
“What did just happen?” naguguluhang tanong ng binata sa tagaktak na pawis at nanlalaki na mga mata. Nasalin naman kaagad ang titig nito sa Bugatti, “What is she?” dagdag nitong tanong sa sarili.
**
“Tell me, ano pa ang gusto mo?” tanong ni Tyler na parang isang mabait na tuta nang makarating na sila sa mansyon.
”H’wag kang masyadong mabait, at baka magtaka silang lahat,” malamig na utos ng dalaga saka dire-diretsong naglakad patungo sa dating silid.
Tyler was speechless, nais nitong magtanong kay Nika subalit napag-uunahan ito ng kaba at takot. Anong klaseng nilalang ang kaniyang ipinasok sa mansyon?
Pagkapasok ni Nika sa loob ay nalaglag kaagad ang panga ni ningning na lumuluhang nag-aayos ng mga gamit, “N-Nika?” gulat na tanong nito nang makita siya.
Tumango at ngumiti, “Ako nga po,” sagot ni Nika.
“Jusko!” umagos ang luha ni Ningning patungo sa pisngi nito. Binitawan nito ang hawak na damit saka kumaripas ng takbo patungo sa dalaga at binigyan ito ng napakahigpit na yakap, “H’wag mo nang gagawin iyon! H’wag ka nang aalis!”
Doon ay naramdaman ni Nika ang pagka-attach ni Ningning sa kaniya. Sa halip na matuwa dahil may nagmamahal sa kaniya, lungkot ang nadama ng dalaga. Sa loob ng napakaikling panahon, hindi niya inakalang may magmamahal sa kaniya... isa pa, hindi niya ito nais.
Dahil alam niya mismo sa kaniyang sarili na hindi siya magtatagal sa mundong ito. At hindi siya naparito upang manlimos ng pagmamahal. Nandito siya para sa kaligtasan at kaayusan ng lahat.
“’wag nang malungkot, Ningning,” hinaplos niya ang likuran ni Ningning nang yakapin niya ito pabalik, “Ikaw ay hindi na malulumbay...”
“Mangako ka, m-mangako kang hindi mo na ako iiwanan,” ang patak ng mga luha nito ay diretsong napadpad sa malambot at mabangong buhok ng dalaga, “’wag mo na akong iwan, Candy.”
“Cand?” bulong na tanong ni Nika nang tawagin siya nito sa pangalang Candy.
Hindi sumagot si Ningning, Bagkus ay lumuha lang ito at mas hinigpitan ang paggapos sa katawan ng dalaga na para bang ayaw na niyang pakawalan ito.