Chapter 3
Demetrius Pov
NAILIPAT ANG ina ni Evelyn at sa tulong ko ay agad na inasikaso ng hospital. Ako lahat ang gumastos ng lahat ng kakailanganin nilang mag ina. Nagpapasalamat naman sa ‘kin si Evelyn dahil sa tulong na binibigay ko para sa kanilang mag ina.
Natutuwa naman ako dahil may natulungan ako kahit papano. Hindi ko nagawang tulungan ang ina ko dati kaya ngayon na meron ako ay ibabahagi ko sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Lumipas lang ang isang buwan at tuluyang gumaling ang ina ni Evelyn. Tagumpay ang pagpapagamot ko sa kanya at ngayong araw ay lalabas na siya sa hospital.
Nandito ako sa office ko at may inaayos lang. Balak ko sanang umuwi sa bahay ko dahil tatlong araw na naman akong hindi umuuwi sa bahay.
Natigilan ako ng may kumatok sa labas ng office ko. “Come in,” saad ko kaya agad na bumukas ang pintuan at sumilip si Evelyn.
“Doc. Demetrius..” sambit niya sa pangalan ko kaya agad akong napangiti.
“Pasok ka!” Wika ko kaya agad naman tumalima ang dalaga.
Nang makapasok siya at agad na naglakad papunta sa harap ng table ko. Agad siyang yumukod sa harapan ko. “Maraming maraming salamat po, Doc. Demetrius. Napakabuti mo pong tao. Dahil po sayo ay gumaling ang nanay ko. Utang na loob ko po sayo ang paggaling ng ina ko.” Pagpapasalamat niya sa ‘kin.
“Walang anuman, Evelyn. Ginagawa ko lang ang tungkulin ko bilang doctor. Masaya ako na magaling na ang iyong ina.” Nakangiti kong sabi sa dalaga.
“Kahit ako din po, doc. Sobrang saya ko po. Ngayon po ang labas ni nanay ko, doc. Kaya nagpapasalamat na po ako sayo ngayon. Alam kong hindi sapat ang pasasalamat, doc. Bahala na po ang panginoon na magbigay pa sayo ng blessings.” Nakangiti niyang sabi saka yumukod na naman ulit.
Tinanong ko lang kung saan nakatira ang dalaga. Ayaw ko ng guluhin pa si Kevin para lang alamin kung saan nakatira si Evelyn. Baka kilitiin na ako ni Kevin kapag nag utos akong muli.
“Anong plano mo kapag nakabalik na kayo sa bahay niyo?” Tanong ko sa dalaga.
“Balak ko pong mag apply ng trabaho, doc. May mapapasukan naman po yata ako kaya hindi po ako mahihirapan.” Sagot niya agad kaya napatango tango ako.
“Mabuti naman kung ganun.” Saad ko. Tuluyang nagpaalam si Evelyn sa ‘kin dahil aayusin muna daw niya ang mga gamit nila ng ina niya.
Hindi ko na sila ihahatid sa labas ng hospital dahil busy ako ngayong araw. Gusto kong matapos ang trabaho ko para mamaya ay makauwi ako sa sarili kong bahay. Kamusta na kaya ang dalawa kong kambing do’n? Sana lang maisip ni Koa na dalawin.
Lumipas ang mga araw, wala na akong balita sa dalagang si Evelyn. Binigay ko naman sa kanya ang phone number ko just in case na mangailangan siya ng tulong.
Pero 6 days na ang nagdaan pero wala akong natanggap na text mula kay Evelyn. Kaya naisipan kong dalawin ang bahay nila. Sinabi naman sa ‘kin ng dalaga kung saan sila nakatira kaya hindi ako mahihirapan.
Naka leave ako ngayon ng one week. Deserve ko naman dahil sunod-sunod na walang pahinga. Ayaw ko pang paglamayan ng mga kaibigan ko kaya dapat lang na hindi pa ako mamatay.
Nakarating ako sa address na binigay ni Evelyn. Isang squatter area kaya nag park ako sa may gilid ng kalsada kung saan hindi mahihirapan ang mga dumadaan. Ang liit kasi ng kalsada.
Naglalakad lakad ako at naghahanap ng pwedeng mapag tanungan. Nakahanap ako ng babae na medyo may edad na. Agad akong lumapit at tinanong kung alam ba niya ang address na nakasulat sa papel.
Alam naman niya kaya agad kong tinungo ang tinuro niya. Nang makarating ako sa lugar ay nagtaka ako dahil ang dami palang tambay na umaga pa lang ay nag iinuman na.
Pero wala naman akong paki sakanila at agad kong nahanap ang bahay na sinasabi ni Evelyn. Panay ang tanaw ko kung bukas ba ang pinto o may tao ba sa loob.
Nagtatawanan pa ang mga lasing ngunit wala sa kanila ang atensyon ko. Ilang sandali pa ay may sumulpot na matandang babae. Dikit dikit kasi ang mga bahay.
“Sino hinahanap mo, pogi?” Tanong ng matanda sa ‘kin. Wala na talaga siyang ibang tinatawag na pogi kundi ako lang. Sabi ko na nga ba eh, mas pogi ako kay Koa.
“Si Evelyn po. Ito po ba ang bahay niya?” Tanong ko sabay turo sa bahay na kulang na lang ng perma ng langaw ay babagsak na.
“Ahh… oo, dyan nga yun siya nakatira. Pero wala na siya eh,” sagot ng matandang babae na ikinakunot ng noo ko.
“Wala na po? Bakit.. lumipat na po ba?” Nagtataka kong tanong sa matanda.
“Eh kasi.. nadamay silang mag ina sa isang p*****n dito nong nakaraan. Dumaadan lang yata sila ng may nag amok dito at namaril. Apat ang patay kasama na do’n ang mag ina na kagagaling lang yata sa hospital.” Pagkukwento ng matanda kaya nanlaki ang mata ko at hindi makapaniwala sa nangyari.
“Totoo po ba? O baka naman nagbibiro ka lang?” Tanong ko sa matanda.
“Eh yun ang kumakalat na balita dito, pogi. Hindi ko nakita pero ang sabi nila nga ay si Evelyn at Myrna ang namatay. Hindi na din naman bumalik sa tinitirhan nila kaya naisip ko na baka totoo talaga ang balita. Yun lang ang alam ko, pogi. Kaya nga bakante yan eh,” sabi nya sabay turo sa bahay na nasa harapan namin.
Nagpaalam na lang ako sa matandang babae at hindi ako naniwala sa sinasabi niya. Kung meron man talaga ay mapapabalita yun sa mga hospital at lalo na may kaibigan pa akong pulis. Kaya baka gawa-gawa lang ang kwento na yun.
Nakalabas ako sa eskinita at agad na tinungo ang kotse ko na nakaparada sa gilid ng kalsada. Pumasok agad ako at agad na pinausad ang sasakyan.
Habang nagmamaneho ako ay kinuha ko ang cellphone na nasa bulsa ng pantalon ko. Agad kong tinawagan si Kevin na wala sana akong balak na guluhin.
Sumagot naman agad ang kaibigan ko sa kabilang linya. “Hey, buddy! Wag mong sabihin na may iuutos ka na naman?” Tanong sa ‘kin ni Kevin ng masagot niya ang tawag.
“Yes. May natanggap ba kayo na report na may nag amok dito sa Evangelista? Lalaking namaril at nag amok daw. May namatay daw kasi na apat.” Tanong ko kay Kevin.
“Wala naman, buddy! Baka sa ibang station tumawag sa pinaka malapit na station nila. Bakit?” Tanong ni Kevin.
Hindi na ako sumagot pa at pinatayan ng tawag ang kaibigan ko. Tinungo ko ang pinaka malapit na station upang makompirma kung totoo ba talaga.
Ngunit ang putangina na phone ko ay tumunog at galing yun sa hospital kung saan ako nag tatrabaho. Pinapabalik ako ngayong araw dahil may emergency at kailangan ng tulong ko.
Wala na akong nagawa kundi ang iliko ang sasakyan papunta sa hospital kung saan ako naka destino. Hangga’t hindi ko nalalaman ang totoo ay iisipin ko na naglaho lang si Evelyn na parang hangin.
Hindi ako maniniwala agad lalo na’t mukhang marites yung nakausap ko kanina. Hihingi na muna ako ng tulong kay Kevin at baka sakaling mahanap niya ang dalaga at hindi talaga totoong may nangyaring masama sa kanya.
Lumipas pa ang mga buwan ay tuluyan kong hindi nakita si Evelyn. Nahanap na lang ni Koa ang babaeng kinababaliwan niya pero ang babaeng nais kong tulungan ay hindi na.
Hanggang ngayon ay kinukulit ko parin si Kevin na hanapin ang dalaga na bigla nalang naglaho pati ang kanyang ina. Ayaw kong maniwala sa matandang babae na napag tanungan ko kaya hindi na ako bumalik pa sa lugar na yun.
Walang makuhang impormasyon patungkol sa dalaga. Nakakapagtaka na pati ang mga pulis ay walang alam sa sinasabing nag amok. Kaya naisip ko na gawa-gawa lang talaga ng matandang babae ang sinasabi niyang namatay ang mag ina.
Six months na din kaya gusto ko ng kalimutan na nakilala si Evelyn. Tama na siguro ang paghahanap ko sa dalaga. Wala na akong magagawa kung wala na siya.
Nandito ako ngayon sa bahay ni Koa, kasama ko si Morgan, Sid at ginugulo namin ang may girlfriend na si Koa.
Inis na inis kami kay Morgan na hindi marunong magluto. Gusto ko ng tusukin ng karayom ang mata niya para matuto ang tangina.
“Sa susunod kasi kapag nainlove ka ay magiging ganito ka din tulad ko. Gagawin ang lahat para matuwa ang amore ko.” Saad ni Koa na ikinalukot naman ng mukha ni Morgan.
“Tigilan mo ako! Hindi ako katulad ninyo ni Sid na mga mahihinang nilalang.” Saad ni Morgan habang ang mukha niya ay pikon.
“Mahina daw oh.. payag kayo no’n?” Tanong ko kay Sid at Koa.
“Kakainin din niya yan, bud. Hayaan mo yan siya. Pagdumating talaga ang araw na magkagusto ka sa isang babae ay wag kang tatakbo sa ‘kin para magpaturo magluto.” Saad ni Koa na para bang inunahan na niya ang mangyayari.
“May pera ako. Kaya kong bumili ng pagkain.” Nakasimangot na sabi ni Morgan.
“Isaksak mo sa ngalangala mo ang pera mong hayop ka!” Sabat ni Sid sabay binatukan ang ulo ni Morgan.
Kami lang yata ni Morgan ang walang planong mag asawa o kahit mag girlfriend. Ayaw ko na lang pala at gusto ko na lang magpayaman. Hindi na ako gagaya kay Koa at Sid na takot sa mga bebe nila. Delikado pala kapag may minamahal, nagiging under.
Wala akong karanasan o kahit kiss man lang. No girlfriend since fetus ako. Tangina! Kaya virgin pa ako. Wala sa isip ko ang tumikim ng babae. Si Koa ay virgin din pero malamang ngayon na may bebe na ay hindi na. Lalo naman si Morgan na walang ginawa kundi ang sumimangot. Baka walang lumapit na babae dahil sa mukha niya.
Ang pinaka babaero lang talaga sa’min ay si Kevin. Pero tinamaan din ng lintik kaya nagtino pero huli na.
May isa pa kaming kaibigan na naliligaw din ang landas. Pero nakakausap ko naman kahit hindi sila bati ni Sid. Si Deimos yun na dito din nakatira sa subdivision na ‘to na pagmamay ari ni Sid.
Nakakatuwa na iisa lang kami ng subdivision na tinitirahan. Kapag walang ulam ang isa at tinamad magluto ay may pwede kaming bahay na pupuntahan.
Magiging single na lang siguro ako habang buhay. Magtatayo ng foundation para sa mga kapos palad. May isa na akong naipatayo at marami na akong natulungan. Supportado naman ng mga kaibigan ko.
Malaki laki din ang nalikom ko mula sa mga kaibigan ko. Mukha lang silang tambay sa kanto pero galante ang mga yan lalo na si Sid at Morgan dahil mga business man.
Si Koa lang talaga ang nahihirapan ako dahil pagtitripan pa ako ng gago bago siya magbigay.
Hindi ko na din binabanggit ang pangalan ni Evelyn sa mga kaibigan ko. Alam kasi nila ang ginawa kong paghahanap hanggang sa sumuko na ako. Baka nga ay palabas lang ang pagkawala nilang mag ina. Pero may sinabi si Kevin na baka daw ay totoo din dahil palagi daw may nag aamok sa lugar na yun kung saan nakatira ang mag ina.
May chance na totoo ang sinasabi ng matanda. Baka wala daw nag claim sa mga bangkay kaya nilibing na lang daw agad.
Kahit pinaliwanag na sa ‘kin ni Kevin ang mga posibleng nangyari ay itinatak ko na lang sa isipan ko na naglaho lang talaga si Evelyn sa hangin at tuluyan ng hindi nagpakita.
Wala naman akong gusto sa dalaga. Na gandahan lang ako sa kutis niyang morena. Kaya nakuha niya ang atensyon ko pero walang ibang kahulugan yun para sa ‘kin. Gusto ko lang talaga tumulong sa dalaga dahil naawa ako sa kanya.
Lumipas muli ang tatlong buwan at nagulat kami sa pagbabalik ng isa pa naming kaibigan na si Honey. Akala namin ay namatay na siya dahil isa itong Agent sa ibang bansa.
Bumalik na siya at nangako sa’min na hindi na siya aalis pa at dito na maninirahan sa subdivision para makasama niya kami. Buo na ulit ang tropa namin katulad ng dati. Masaya kami na nakabalik na si Honey at magtatayo na lang ng sariling negosyo na bakeshop. Supportado naman namin ang gago.
Si Koa ay ikinasal na kay Marilyn. Mabilisan ang ginawang pagpapakasal lalo na’t ang ama ni Koa ay masama ang ugali.
Si Morgan naman ay may nagpapansin sa kanya na bata at tinatawag niya ‘tong duwende. Mukhang susunod din yata sa yapak ni Koa na magmamahal. Mukhang ako na lang yata ang matitira na single na virgin pa. Tanginang yan!