“Vera! May phone call ka. Emergency yata, bilisan mo.”
Napalingon siya sa Store Manager nila na papalapit sa kinaroroonan niya habang inilalapag niya sa dining table ang additional order ng isang customer.
“Ako na rito, bilisan mo!” Muling utos nito habang kinukuha sa kamay niya ang hawak niyang food tray. Napatango naman siya at agad na lumapit sa kinalalagyan ng telepono.
Hindi na muna niya inintindi ang biglang pagkabog ng dibdib dahil sa nakitang pag-aalala sa mukha ng manager nila kahit na puno ng pagtataka ang isipan niya kung sino ang maaaring maghanap sa kanya sa oras ng trabaho.
“Hello?”
“Hello, Vera? Si Aling Nelia ito, isinugod namin dito sa ospital ang Nanay mo. Bilisan mo, pumunta ka na rito.”
“Ho? A..ano po'ng nangyari kay Nanay?” nauutal na tanong niya. “Sige ho. Pupunta na po ako r’yan,” natatarantang sambit niya na hindi na hinintay ang sagot sa kabilang linya. Nanginginig ang mga kamay na ibinaba niya ang telepono saka nagmamadaling kinausap ang manager na hindi niya namalayan na nasa tabi na pala niya.
“Sige na, puntahan mo na ang Nanay mo. Bumalik ka na lang dito kapag maayos na ang kalagayan niya.”
“Maraming salamat, Ma’am. Mauuna na po ako.”
Lakad takbo ang ginawa niya pagkababa ng jeep. Hindi na niya nagawang magpalit ng uniform dahil sa sobra sobrang kaba at takot na lumulukob sa dibdib niya. Habang wala rin humpay ang dasal na sana ay maayos pa rin ang kalagayan ng kanyang ina kahit na malaki ang hinala niya sa totoong kalagayan nito.
Lumapit agad siya kay Aling Nelia na nasa bukana ng pintuan ng ospital na tila sadyang naghihintay sa pagdating niya.
“Aling Nelia, ano po ang nangyari? Nasa’n po si Nanay?” hinihingal na tanong niya nang tuluyan nang makalapit dito.
“Nasa emergency room pa ang Nanay mo…Dadalhan ko sana siya ng prutas kanina nang madatnan ko sa loob ng banyo n’yo na nagsusuka ng dugo.” Bakas sa tinig nito ang takot at pag-aalala. “Mabuti na lang at naisipan ko na kumustahin siya kanina dahil bigla siyang nawalan ng malay pagdating ko.”
Nakagat niya ang labi habang tuloy tuloy na pumapatak ang mga luha. Hinawakan siya nito sa braso at iginiya papunta sa emergency room.
Nakasarado pa ang pinto nito kaya nanatili sila sa labas ng kwarto. Pinaupo siya ni Aling Nelia sa mahabang upuan habang tinatapik nito ang balikat niya.
Halo-halong kaba at pagkabalisa ang tanging bumabalot sa buong pagkatao niya ngayon habang hinihintay kung ano ang kalagayan ni Nanay. Bakit siya sumuka ng dugo? May kinalaman ba ang pangangayayat nito? Wala siya nagawa kundi ang maghintay at umusal ng dasal. Sa kalagayan ng kanyang ina ay Siya lang ang tanging masasandigan niya.
Magkasalikop ang mga kamay niya habang kagat-kagat ang labi nang mapaangat ang tingin niya sa bumukas na pinto ng emergency room.
Agad siyang tumayo at sinalubong ang doctor na unang lumabas doon. “Doc, kumusta po si Nanay?”
Tiningnan muna siya nito saka ibinalik ang mata sa hawak na clip board at sandaling nagsulat doon pagkatapos ay iniabot iyon sa kasunod nitong nurse saka muli siyang hinarap.
“Sa ngayon ay nagpapahinga ang Nanay mo and positive naman ang response niya from our initial treatment. But she needs to undergo biopsy test for accurate diagnosis. And I recommend to confine her for at least three days for proper monitoring.”
Tumango-tango siya habang pinakikinggan ang mga sinasabi ng doctor. Kahit papaano ay lumuwag ng konti ang paghinga niya. Pero hindi pa rin siya mapapanatag hanggang hindi malalaman ang dahilan ng pagbabago ng katawan nito at ang mga sintomas na madalas nitong maramdaman nitong mga nakaraang buwan.
Pagkatapos ilipat ina sa isang ward ay nakiusap siya kay Aling Nelia na maiwan muna siya sandali upang magbantay dito. Kailangan niya muna umuwi sa bahay upang kumuha ng mga damit at ilang gamit na kakailanganin dito sa ospital habang naka-confine ito.
Si Aling Nelia ang kapitbahay nila na malapit sa Nanay niya at siya rin ang madalas na napaghahabilinan niya rito tuwing nasa school siya o trabaho mula ng magkasakit ito.
Mabilis siyang nag-impake ng ilang mga gamit at bumalik din agad sa ospital.
Naabutan niya si Aling Nelia na inaayos ang kumot ng kanyang ina na mahimbing na natutulog.
“Aling Nelia, maraming salamat nga po pala sa pagdala kay Nanay dito sa ospital,” aniya. “At kung hindi n’yo po siya binisita kanina ay baka mas malala ang nangyari sa kanya.”
“Naku, walang anuman iyon, Vera. Sino pa ba naman ang magtutulungan kundi tayo tayo rin lang naman magkakapit-bahay?” sabi nito pagkatapos ay kumuha ng tinapay na binili ko sa labas.
“O eh pa’no yan, may trabaho ka pa yata. Kung gusto mo ay ako muna ang magbabantay sa kanya at mamayang gabi ka na lang dito? Wala naman akong masyadong gagawin sa bahay kaya pwede ako humalili sa’yo sa pagbabantay kay Rose.”
“Nagpaalam na po ako sa manager ko na hindi muna papasok. Naiintindihan naman po niya at pwede raw ako bumalik kapag maayos na si Nanay,” nakangiting sagot niya.
Tumango tango ito. “Sigurado ka ba? Ay ang inaalala ko kasi ay pambayad mo rito sa ospital. Alam mo naman na wala rin ako pwede itulong sa ‘yo pagdating sa pera kaya maitutulong ko lang ay bantayan si Rose habang nasa trabaho ka. Kung a-absent ka sa trabaho ay baka mas lalo kang mamuroblema sa pambayad dito.”
Napatigil siya sa pagtitiklop ng damit at tumingin dito. Ngayon niya lang naalala ang tungkol sa magiging bayarin at gastusin. Ang sabi ng Doctor ay tatlong araw kailangang manatili rito ng Nanay niya, pati ang mga kailangang laboratory test ay malamang na malaking halaga rin ang kakailanganin.
Napakagat siya ng labi at tiningnan ang maputlang mukha ng ina na mahimbing na natutulog.
“May konti naman po akong naipon. Sapat pa po siguro ‘yon para sa gastusin namin dito.”
“Ikaw ang bahala. Basta ‘wag kang mahihiyang magsabi sa akin kung kailangan mo ng tulong sa pag-aalalaga sa Nanay mo, ha?” nakangiting sambit nito na bakas sa mukha ang awa habang nakatingin sa kanya. Hinawakan nito ang kamay niya saka tumayo. “Siya, maiwan na muna kita kung hindi ka pa babalik sa trabaho pero babalik ako bukas ng maaga.”
Tumango siya saka muling nagpasalamat dito bago tuluyang lumabas ng ward.
Naiwan siyang tahimik na pinagmamasdan ang maputla at payat na mukha ng ina. Ang mukhang dati’y marami ang humahanga dahil sa taglay na kagandahan. Pati ang magandang hubog ng katawan nito noon ay hindi na rin mababakas ngayon.
Mabilis siyang tumayo at lumapit dito nang marahan itong gumalaw.
“Vera?”
“Nay, nandito po ako.” Umupo siya sa tabi nito at ginagap ang kamay nito. “May masakit po ba sa inyo? Sandali lang, tatawagin ko lang ang doctor.”
“Walang masakit sa ‘kin, anak. Nasa’n ba tayo?” tanong nito habang inililinga ang mga mata sa paligid.
Tinulungan niya itong bumangon at marahang isinandal ang likod sa ulunan ng kama.
Ikinuwento niya rito ang nangyari maging ang sinabi ng doktor.
“Kausapin mo ang doktor, baka pwedeng sa bahay na lang ako magpahinga. Wala tayong pambayad dito,” nag-aalalang utos nito na akmang babangon mula sa pagkakasandal.
Maagap niya itong pinigilan at humarang sa harapan nito. “Hindi pwede, Nay. Sabi ng doktor ay kailangang i-monitor ka ng ilang araw dito para malaman natin kung ano ang dahilan ng pagsuka mo ng dugo. Pati na rin ang madalas na pagsakit ng tiyan mo. Dapat natin maagapan kung anuman ‘yan.”
“Pero saan tayo kukuha ng pambayad dito?”
“May naipon pa naman po ako at siguro ay sasapat na ‘yon. Saka may trabaho naman ako kaya ‘wag ka nang mag-alala at ‘wag n’yo nang isipin ang pambayad dito. Ako na po ang bahala roon. Ang kailangan n’yo na lang po gawin ay magpahinga at sumunod sa sasabihin ng doktor para mabilis ang paggaling n’yo,” sabi niya na pilit pinatatag ang boses.
Kailangan niyang ipakita at iparamdam dito na kaya nilang lampasan ang pagsubok na ito kahit siya mismo ay gusto nang panghinaan ng loob sa sitwasyon nila. Ang mahalaga ay gumaling ito at bumalik ang dating lakas.
“Pero para sa pag-aaral mo ang perang iyon. Paano kung magpatingin muna ako sa albularyo? Baka may nakain lang ako na nakasama sa tiyan ko—”
“Nay, mas mabuting hintayin na muna natin ang findings ng doktor. Wala naman masama sa suggestion n’yo pero mas mapapanatag ang loob ko kung doktor mismo ang magsasabi ng kung anuman ang sakit mo at hindi albularyo,” pangungumbinsi niya rito. “Hayaan n’yo at pagkalabas n’yo rito ay didiretso tayo sa albularyo na sinasabi mo.”
Lumingon siya nang walang narinig na sagot mula rito. Nasalubong niya ang malungkot na mga mata nitong lampasan ang tingin sa mukha niya. Nilapitan niya ito at hinawakan ang kamay.
“Dapat ako ang nag-aalaga at nag-iintindi sa ‘yo pero baliktad ang nangyayari—”
“Maaalagaan mo naman ako pag galing mo, ‘di ba?” nakangiting putol niya sa sasabihin nito. “Kaya h'wag ka nang mag-alala pa para mabilis kang gumaling. Sa ngayon ako muna ang bahala sa—”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang bigla nitong iniangat ang katawan sa pagkakasandal at yumuko kasabay nang pagbukas ng bibig nito at inilabas ang napakaraming dugo.