Chapter 1

1929 Words
Nag-iinat na bumangon si Vera sa maliit niyang kama. Umupo siya sandali at inikot-ikot ang ulo habang hawak ang batok na medyo nangalay sa pagtulog. Napasarap na naman ang tulog niya dahil sa sobrang pagod at mukhang hindi na nagawang kumilos pa mula sa pagkakahiga kagabi. Sumulyap siya sa nakaawang na bintana, medyo madilim pa sa labas. Tumayo siya at sinimulang ligpitin ang higaan. Alas-singko pa lang ng umaga pero tulad ng dati ay kailangan niya nang gumising. Bumaba siya upang maghanda ng almusal. Pero bago iyon ay sinilip niya muna ang kanyang Nanay sa kwarto nito. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang mahimbing nitong pagtulog. Medyo napapanatag na ang loob niya dahil ilang araw na ang nagdaan na hindi ito dumadaing ng pagsakit ng kanyang tiyan. Limang taon na mula ng mamatay ang kanyang Tatay mula sa aksidente. Nabangga ang minamaneho nitong kotse nang minsan pauwi na ito mula sa paghahatid sa amo nito sa Subic. Family driver ito sa pamilya Sullivan na isa sa mga mayayaman at maimpluwensyang pamilya dito sa lalawigan ng San Vicente. Mula pa binata ay nanilbihan na raw sa pamilyang iyon ang kanyang ama kaya nang mamamatay ito ay binigyan sila ng malaking halaga bilang pasasalamat sa serbisyo nito at pati na rin ang pagpapalibing dito ay sinagot na rin ng pamilyang iyon. Pero naubos din ang perang ibinigay sa kanila sa pagpapagamot sa kanyang ina. Isang buwan pagkatapos ilibing ng ama ay nagkaroon ito ng severe depression. At dahil wala naman silang ibang kamag-anak na pwedeng mahingian ng tulong para gabayan siya sa pag-aalalaga sa ina ay pumayag siya na dalhin ito sa Maynila upang doon ipagamot. Bukod sa wala rin naman siyang kakayahan na alagaan ito sa kondisyon nito noon. Sabi ng Doctor ay dahil daw iyon sa matinding kalungkutan sa biglaang pagkawala ng asawa na hindi nito nagawang tanggapin kaya pati ang isipan nito ay muntik nang bumigay. Dumating ito sa punto na halos pati siya ay hindi na nito nakilala at nagawa na siyang saktan ng pisikal. Takot na takot siya noon kasabay ng halos pagdurog sa puso niya habang hinahayaan itong saktan siya ng walang humpay. Baka kasi iyon ang makakapagpagaan sa kalooban nito at umasa siya na baka iyon din ang paraan upang bumalik ito sa dati at lumaban sa buhay para sa kanilang dalawa. Halos mawalan na siya noon ng malay dahil sa bugbog na natamo mula sa sarili niyang ina nang dumating si Lexi, ang best friend niya. Pagkatapos noon ay nagising na lang siya na nasa loob ng hospital na masakit at punong puno ng pasa at galos ang buong katawan. Ang Nanay niya ay nasa isang sulok at walang humpay sa pag-iyak. Habang ang mga kamay nito ay may tali at inaalalayan ng dalawang lalaking nakaputing uniporme. Pinigilan niya ang mga ito at nakiusap na h’wag dalhin ang ina dahil alam niyang hindi nito iyon ginustong gawin sa kanya pero ang ina na mismo ang nag-boluntaryong ipagamot ang sarili. Aaminin niya nang mga sandaling iyon ay sumagi sa isip niya na sana ay nawalan na rin siya ng buhay upang makasama ang kanyang Tatay. Para hindi na niya makita pa ang pagdurusa ng kanyang ina at para hindi na rin maranasan ang matinding paghihirap ng buhay nila. Pero mahal na mahal niya ito at hindi niya magagawang iwan. Handa siyang magsakripisyo para rito at gagawin ang lahat para gumaling ito at bumalik sa dati. Kaya niyang tiisin ang lahat para sa kanya, para sa ikagagaling nito kapalit man noon ay ang pagdurusa ng puso't isipan niya. Pagkalipas ng mahigit isang taon ay tuluyan nang naka-recover ang kanyang ina. Kahit na dama pa rin niya ang matinding pangungulila nito sa kanyang ama ay pinipilit nitong paglabanan iyon. Muli itong nag-trabaho bilang cook sa isang kilalang restaurant upang makapagpatuloy siya sa pag-aaral. At ngayon nga ay third year college na siya sa kursong Accountancy pero dahil nitong mga nakaraang buwan ay madalas ang pagsakit ng tiyan ng ina ay pinagpahinga muna ito ng kanyang amo. At dahil doon ay kinailangan niyang pagsabayin ang pag-aaral at trabaho. Sa umaga ay nag-aaral siya at sa hapon naman ay trabaho. Crew siya sa isang fast food chain at kumikita ng maliit na halaga na kung tutuusin ay kulang na kulang pa sa pang-araw araw nilang gastusin mag-ina. Pero kayang kaya niya iyon tiisin lalo na’t isang taon na lang ay ga-graduate na siya. Lahat ng sakripisyo at paghihirap nilang mag-ina ay alam niyang malapit nang matapos sa oras na makapagtapos siya sa pag-aaral. Maaliwalas ang mukhang nagtungo siya sa kusina at nagluto ng almusal. Pagkatapos ay maglilinis naman siya ng bahay bago maghanda sa pagpasok. Hangga’t maaari ay ayaw muna niyang gumawa ng kahit na anong gawaing bahay ang kanyang ina. Hindi pa naman ito katandaan pero parang napakaraming taon ang dumagdag sa itsura at pangangatawan nito at natatakot siya na may mangyaring masama dito kapag napagod. Maliit lang naman ang bahay nila kaya’t kayang kaya niya ng isingit sa oras niya ang lahat ng gawain dito. Napatingin siya sa oras ng eksaktong may kumatok sa pinto. “Ready ka na ba?” tanong ni Lexi. Nakasuot na ito ng uniporme. Tuloy tuloy itong pumasok sa loob at walang paalam na diretsong umupo sa luma nilang sofa. “Ready na. Magpaalam lang ako saglit kay Nanay.” Sabay silang pumapasok sa nag-iisang University dito sa bayan nila. Pareho silang Accountancy student pero ito ay aminadong napilitan lang sa kursong iyon. Gusto kasi nito ay sa PMA mag-aral pero matindi ang pagkontra ng Mommy nito at walang nagawa nang sapilitang isabay sa kanya sa pag-enroll noon. Pagkatapos magpaalam kay Nanay ay sabay na silang lumabas ng bahay. Pumara si Lexi ng tricycle at as usual, ito na naman ang magbabayad ng pamasahe nila. Pwede naman kasi nilang lakarin hanggang University pero may iniiwasan itong madaanan nila. “Finally, isang linggo na lang bakasyon na,” ani Lexi habang papasok sila sa hallway ng eskwelahan. “Summer na naman. Excited na ‘ko sa mga outing!” Ngumiti lang siya at saglit itong sinulyapan. “Sama ka sa ‘min, may family outing kami next week end,” excited na paanyaya nito na mabilis niyang tinanggihan. “Hindi pwede, start na ng OJT ko next week kaya every weekend lang ako makakapag-whole day sa trabaho. At kailangang matapos ko ang OJT sa bakasyon para hindi maapektuhan ang trabaho ko sa susunod na pasukan.” “Speaking of next school year, sabi ni Daddy ay siya na raw ang bahala sa tuition mo,” anito habang tinataas pa ang kilay. “So pwede ka na siguro mag-lie low kahit konti sa trabaho.” Hindi na siya nagulat sa sinabi nito. Matagal na siyang nakakatanggap ng tulong mula sa pamilya nito at madalas ay kahit hindi siya humingi ay kusa nilang ibinibigay sa kanya Kaya minsan ay nahihiya na siya kahit ang lumapit sa mga ito. Ang Daddy kasi nito ay isang abogado at ang Mommy naman ay isang elementary teacher. Dalawa lang silang magkapatid pero ang Kuya nito ay matagal ng tapos sa pag-aaral at kasalukuyang nagta-trabaho sa ibang bansa. Kaya naman maalwan ang buhay nila financially. At ang pamilya nito ay maituturing na isang huwaran na minsan ay hindi niya maiwasang kainggitan. Maliban sa hindi pagsang-ayon ng mga ito sa kursong gusto talaga ni Lexi ay napaka-supportive ng mga magulang nito sa kanya sa lahat ng bagay. Hindi niya nga alam kung mayroon pang dapat alalahanin ito sa buhay. “Pakisabi kay Tito Rafael, salamat. Pero nakapag-ipon naman na ako ng pang-tuition ko at ibabayad ko na agad ‘yon ng advance para malaki ang makuha kong discount.” “Ano ka ba? Itabi mo na lang ‘yon para sa miscellaneous. Marami pa tayong pagkakagastusan bago maka-graduate,” nakataas ang isang kilay na sa saad nito. Alam niyng maiinis na naman ito kapag hindi niya iyon tinanggap pero sobra-sobra na kasi ang naitulong ng mga ito sa kanilang mag-ina. Magpaliwanag na sana siya nang may maalala ito. “S’ya nga pala, may dumating na balik-bayan box galing kay Kuya Jax at may ipinabibigay siya sa ‘yo.” Ngumiti ito at nakangising itinaas ang isang kilay. Bahagya siyang natawa rito. Ang tinutukoy nito ay ang nag-iisa nitong kapatid na matagal nang inirereto sa kanya. Mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin naaalis ang idea nito na magkakagustuhan sila nito na alam naman niya na parang kapatid na rin ang turing sa kanya at walang ibang ibig sabihin ang pagiging mabait nito dahil mabuti talaga itong tao. “Sabay na tayong umuwi mamaya, ha?” excited na suhestyon nito. Napatango na lang siya bilang pagsang-ayon. Alam naman niya na hindi ito mapapakali hanggang hindi nakikita ang bigay sa kanya ng Kuya nito na hindi niya alam kung ano ba ang ini-expect nito na pwedeng ibigay sa kanya. Samantalang, karaniwan naman na mga gamit lang ng pambabae tulad ng kung anong meron ito ang ibinibigay din sa kanya. Pagkatapos ng klase ay agad siyang niyaya ni Lexi sa bahay nila. As usual, doon na rin siya manananghalian. Mabuti na lang at wala na silang klase sa last subject dahil maaga silang pinag-exam ng Prof nila dahil may seminar daw ito na pupuntahan. Pagdating sa bahay nila ay agad nitong binuksan ang malaking balik-bayan box na mukhang hindi pa nila nagagawang tingnan ang lahat ng laman. Pero bago pa nito mahalungkat ang loob ng box ay narinig na nila ang boses ng Mommy nito mula sa loob ng kusina na tinatawag ang pangalan nila. Agad naman nilang tinungo iyon at naabutan ang nakangiti nitong Mommy habang ibinababa sa mesa ang hawak nitong plato. “Mommy! Wala kang pasok?” tanong ni Lexi habang papalapit dito at humalik sa pisngi. Bumati tin siya rito at inimbitahan siyang maupo. “Umuwi lang ako sandali dahil may nakalimutan ako. At lunch na rin naman kaya ako na ang nagluto.” Sanay na siya sa bahay ng mga ito kaya kahit papaano ay komportable na rin siyang kumilos doon. Mula pa elementary ay magka-klase na sila ni Lexi at ayon sa kanilang mga ina ay hindi na raw sila napaghiwalay mula nang unang araw silang magkatabi sa classroom. “Saka may good news ako!” anito na tila excited na excited na nakatingin kay Lexi habang nilalagyan sila ng pagkain sa plato. Wari naman balewala kay Lexi ang reaksyon ng ina na bahagyang interes lang ang itinugon dito. “Ayaw mong malaman?” tanong nito na umarko ang isang kilay na nakatitig ang mata sa anak. “Ano ba ‘yon, Ma? Pa-suspense ka pa kasi,” natatawang sagot ni Lexi pagkatapos ay sumenyas sa kanya na kumain na bago isubo ang kutsarang puno ng laman. “Pupunta lang naman tayo sa US in two weeks at pagkatapos noon ay kasabay nating uuwi rito si Jax!” Napatayo siya nang biglang mabulunan si Lexi dahil sa pagkabigla sa ibinalita ng Mommy nito. Isa kasi iyon sa pinapangarap nito noon pa. “Totoo ba ‘yan, Ma?” kinikilig na tanong nito pagkatapos uminom ng tubig. Nakangiti naman tumango ang Mommy nito pagkatapos ay idinetalye rito ang nakatakdang pagbabakasyon sa ibang bansa. Pagkatapos mananghalian ay nanatili pa siya roon ng halos isang oras at nakipagkwentuhan sa kanilang dalawa. Bago siya umalis ay ibinigay sa kanya ni Lea ang dalawang malaking box na bigay ni Jax na hindi na nagawang siyasatin ni Lexi dahil sa sobrang excitement sa kanilang pagbabakasyon. Pag-uwi niya sa bahay ay hinintay niya lang makakain ang kanyang ina pagkatapos ay pumasok na siya sa trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD