Humahangos siyang lumabas para tumawag ng doktor. Agad naman pumasok sa loob ng ward ni Aling Rose ang doktor na kausap niya kanina kasunod ang isang nurse.
Sa lakas ng kaba ng dibdib niya ay halos hindi niya na maunawaan ang mga nangyayari sa loob ng kwartong iyon at tanging mainit na likido na patuloy na naglalandas sa mga pisngi niya ang tanging nararamdam niya ng mga sandaling iyon.
Gusto niyang pumikit o tumalikod dahil sa takot na lumulukob sa buong pagkatao niya habang pinapanood ang Ina na hirap na hirap sa pagduwal ng mapulang likido. Parang dinudurog ang puso niya sa nakikitang paghihirap nito.
Napatakip na lang siya sa bibig at tuluyang tumalikod nang hindi na makayanan pang pagmasdan ang kanyang ina.
'Bakit biglang nangyayari ito? Noong isang linggo lang ay bumubuti na ang kalagayan n’ya pero bakit ngayon ay parang malubha na ang kalagayan niya?' Ngayon niya lang ito nakita na sumuka ng dugo. Hindi kaya matagal nang nangyayari iyon na hindi nito lang sinasabi sa kanya?
Pagkalipas ng mahigit kalahating oras ay lumabas ang doktor na agad naman niyang nilapitan.
“Doc,” mahinang tawag niya. “Si Nanay po? Bakit po ganoon karami ang dugong lumalabas sa kanya?”
Tumingin ito sa kanya na bahagyang napailing. “I’ve examined her thoroughly and based on the symptoms na ipinapakita niya, the possible cause is stomach problem. Pero hindi iyon literal na sakit lang ng tiyan, maraming factor to be considered. And causes of vomiting of too much blood is really disturbing. Sa ngayon ay bantayan mo munang mabuti ang mother mo habang hinihintay natin ang test results and call the nurse if anything happens.”
Pagkasabi noon ay nagpaalam din agad ito. Pinahid niya muna ang luha bago muling pumasok sa loob ng ward.
Iniwas agad ng kanyang ina ang tingin nang makita siya nito at pasimpleng pinahid ang mga luha.
Nilapitan niya ito at tinanong kung kailan pa nito iyon nararanasan pero hindi ito sumagot at sinabing gusto na munang magpahinga.
Walang nagawa si Vera nang talikuran siya nito. At hindi rin niya ito pinilit kung ayaw pa nitong pag-usapan ang tungkol dito. Natatakot din kasi siya na baka mas lalong makasama rito na pag-usapan iyon. Pero hindi niya maiwasang mas lalong mag-alala nang hindi niya makita rito ang takot o ang pag-aalala pagkatapos ng nangyari. Tila ordinaryo lang dito ang nangyari sa ipinapakitang pambabalewala nito gayong siya ay halos hindi na makahinga sa pagkagulat at takot.
Lumipas ang dalawang araw. Hindi na nagawang pumasok ni Vera sa trabaho pati na ang OJT ay ipinagpaliban na rin niya muna. Kahit pa pumupunta roon si Aling Nelia upang pagpapahingahin siya at upang makauwi sandali sa bahay ay hindi pa rin niya magawang iwan ang ina.
Lumabas siya sa ward upang hintayin ang doktor. Ngayon daw kasi lalabas ang biopsy result at iba pang laboratory test nito.
Matiyaga siyang naghintay sa nursing station hanggang sa sabihan siya ng nurse na maaari na siyang pumunta sa clinic ni Dr. Santiago.
Pumasok siya sa puting pinto pagkatapos niyang marinig ang sagot mula sa loob. Naabutan niya ang doctor na tutok ang mga mata sa ilang papel na nasa ibabaw ng mesa nito.
Sinulyapan siya nito at inanyayahan na maupo sa harap ng mesa niya.
Pagkalipas ng halos isang oras ng pakikipag-usap dito ay nanlalambot siyang lumabas ng clinic nito.
Ilang beses niyang pinahid ang luhang ayaw tumigil sa pagpatak sa mga pisngi. Ilang beses din siyang umiling at impit na umiiyak dahil sa masamang balitang hatid nito.
“Your mother has a stage three colon cancer…”
Halos iyon lang ang paulit ulit niyang narinig habang kausap ang doktor at ipinaliliwanag ang paraan ng posibleng paggaling ng kanyang ina.
'Diyos ko! Saan ako kukuha ng tatlong daang libong piso para sa operasyon ni Nanay? '
Bumuga siya ng hangin habang nakatanaw sa bintana. Tumingala siya at mapait na ngumiti. Bakit si Nanay pa? Nawala na nga si Tatay pagkatapos ngayon ay may malubhang sakit naman si Nanay?
Gusto niyang magtanong kung ano ba’ng kasalanan ang nagawa nila para danasin ang lahat ng ito. Kung ang pang-araw araw lang na pangangailangan nila ay kayang kaya niyang gawan ng paraan at pagtrabahu-han pero
sa kalagayan nila ngayon ay parang gusto na rin niyang panghinaan ng loob.
Pero hindi pwede. Hindi pwedeng wala siyang gagawin. 'Kahit anong mangyari ay ilalaban ko si Nanay.'
Bumalik siya sa ward at nagpaalam kay Aling Nelia nang makita niya na nakatulog na muli ito.
Mabuti na lang at kahit papaano ay may natitira pang mabuting loob na kapitbahay na handang tumulong sa kanila. Malaking bagay para sa kanila na may napag-iiwanan siya sa ina kapag kailangan niya itong iwan.
Sa totoo lang ay hindi niya alam kung saan siya pupunta o kung sino ang pwede niyang lapitan para hingan ng tulong.
Si Lexi lang ang unang pumasok sa isip niya na pwedeng makatulong pero ayaw niya naman masira ang bakasyon ng pamilya nito na alam niya na kadarating pa lang sa America. Isa pa ay hindi biro ang halagang kailangan niya ngayon. At kalabisan na kung iyon ang ihihingi niya ng tulong sa mga ito.
Huminga siya nang malalim at nag-umpisang maglakad kahit hindi alam kung saan siya dadalhin ng mga paa niya. Isa lang ang sigurado niya, kailangan maoperahan ang kanyang ina sa lalong madaling panahon upang hindi kumalat ng tuluyan ang kanser nito.
Hindi niya alam kung gaano katagal siyang naglakad hanggang sa natagpuan na lang ang sarili sa harap ng isang kilalang charity office.
Nakipila siya sa karamihan ng mga taong nandoon na nagbabakasali rin na maaabutan ng tulong pero lumapit agad sa kanya ang isang staff upang sabihin na tapos na ang cut off nila para sa araw na iyon at sinabihang bumalik na lang kinabukasan.
Sa sunod na araw ay madaling araw pa lang ay bumalik siya roon pero ganoon na lang ang pagkadismaya niya ng napakahabang pila na ang naabutan at ang sabi pa ng ilan ay doon na rin sila natulog para lang hindi maabutan ng cut off.
Gusto niya na rin sana gawin iyon pero hindi niya pwedeng iwan ang Nanay niya na mag-isa sa ospital dahil hindi maaaring magbantay si Aling Nelia sa gabi. Kaya ang ilang araw niyang pagbabakasakali ng tulong ay nauwi rin sa wala.
Halos isang linggo nang naka-confine si Aling Rose sa ospital dahil sa napapadalas at maya’t maya nitong pagsusuka ng dugo at hirap sa pagdumi kaya hindi siya mailabas.
Inalalayan ito ng nurse habang nagsusuka ito. Hindi niya matagalan ang makita itong nahihirapan kaya lumabas muna siya at tahimik na umiyak. Pakiramdam niya ay nauubos na siya at nawawalan na ng pag-asa. Balewala sa kanya ang pagod at puyat sa mga nagdaang araw na halos araw araw siyang lumalapit sa mga charity kasabay ang halos walang tulog dahil sa pagbabantay naman sa ospital. Mahirap pero pilit siyang lumalaban dahil hindi niya alam kung hanggang kailan kakayanin ng katawan ng kanyang ina ang sakit niya.
Bumalik siya sa bahay para maligo at labhan na rin ang ilang damit na iniuwi niya. Pagkatapos ay muli siyang kumuha ng mga damit sa cabinet na siya naman dadalhin pabalik sa ospital.
Ito na ang naging routine niya sa halos isang linggo. At hindi pa rin siya nakakabalik sa trabaho. Halos paubos na rin ang ipon niya sa dami ng gamot na kailangang bilhin.
Patalikod na siya nang makapa ang isang papel sa ilalim ng huling damit ng kanyang Ina na kinuha niya.
Napatigil siya at kinuha iyon. Isang calling card at nakasulat doon ang pangalang Rey Bartolome at nakasaad ang address ng isang kilalang kumpanya.
Tinitigan niya ang pangalang iyon habang iniisip kung saan iyon narinig.
Napakagat siya ng labi at kahit papaano ay nabuhayan ng loob nang maalala kung sino ay may ari ng calling na iyon.
Mabilis siyang nagbihis. Bitbit ang isang back pack na laman ang mga damit nila ay tinungo niya ang address na nakalagay sa calling card.
Sumakay na siya ng taxi para mabilis marating sa address na nakasaad sa calling card. Pagkalipas ng halos dalawampung minuto ay narating na niya ang lugar.
Agad siyang nagbayad pagkatapos itigil ng driver ang sasakyan sa tapat ng isang matayog na building. Huminga muna siya nang malalim bago lakas loob na pumasok sa loob at tinungo ang receptionist sa bukana ng building.
“Good morning, Ma'am,” nahihiyang bati niya. “Umm, hinahanap ko po si Mr. Rey Bartolome. Pwede ko po ba siyang makausap?”
Seryosong tumingin sa kanya ang babae. Maganda ito at sexy sa suot nitong uniporme. Nakangiti ito noong una pero napansin niya ang pagtaas ng kilay nito na agad din naman binawi nang mapagawi ang tingin nito sa likuran niya saka ngumiti ng ubod ng tamis.
“Yes? May I know your name please?” malambing ang boses na tanong nito.
“Veronica Vergara,” nahihiyang sagot niya.
“May appointment ka ba?”
“Wala po pero kailangang kailangan ko lang siyang makausap.”
Bahagya itong umiling at tila naaawa ang mga matang tumingin sa akin. “I’m sorry, Ms. Veroni—”
“You’re looking for Mr. Bartolome?” napalingon siya nang marinig ang baritonong boses mula sa likuran niya. Medyo napatingala pa siya dahil may katangkaran ito sa kanya.
Ilang sandali niya itong tiningnan saka tumango.
Tumingin ito sa receptionist saka tumango. “Follow me, ituturo ko sa ‘yo ang opisina niya,” utos nito sa maawtoridad na boses.
Bahagya siyang napasulyap sa receptionist na nakamaang habang sinusundan nang tingin ang lalaki.
Siguro ay isa ito sa mga Boss dito kaya walang nagawa ang receptionist upang pigilan ito na payagan siyang pumasok kahit na wala siyang appointment.
Habang nasa elevator ay nakatingin lang siya nang diretso at pinapakiramdam ang lalaking katabi niya. Mukha pa itong bata na tingin niya ay dalawa o tatlong taon lang ang tanda sa kanya. Naka-plain grey t-shirt lang ito at maong pants pero maawtoridad ang dating at boses. Sandali niya lang namasdan ang itsura nito at masasabi niyang kulang ang salitang gwapo para i-describe ito. Pero wala siyang panahon para pagtuunan ng pansin ang mga ganoong bagay.
Napaka-importante ng pakay niya sa pagpunta rito at malaking aksaya sa oras para mag-appreciate pa siya ng kahit na sinong lalaki kahit gaano pa ito ka-gwapo. Isa pa ay mukha itong suplado. Pero nagpapasalamat pa rin siya rito lalo na kapag nakausap niya si Mr. Bartolome.
“Anong kailangan mo kay Mr. Bartolome?”
Napatingin siya rito. Muntik pa siyang mapakislot nang halos um-echo ang boses nito. “Ah, ummm.. personal po...”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang bumukas ang pinto ng elevator at sumenyas ito na mauna na siyang lumabas.
“The third door on the right,” anito na medyo nakangiti na ngayon. “Tell him, you were assisted by Grant."
Napatango-tango siya saka nagmamadaling tumalikod. Pero napakunot ang noo niya at agad din napaharap muli rito nang may maalala. "Maraming salamat po pala, Sir Grant," matamis ang ngiting sambit niya saka tuluyang tumalikod.