Chapter 4

1302 Words
“Yes?” tanong sa kanya ng isang lalaki na kung hindi siya nagkakamali ay nasa singkwenta na ang edad. Itinigil nito ang ginagawa saka tiningnan siyang mabuti. Agad naman niya itong nakilala. Ang lalaki naman ay bahagyang kumunot ang noo na tila inaalala kung saan siya nakita. “G.. good morning po, Sir.. Ako po si Veronica Vergara, baka naaalala n’yo pa po ako,” nahihiyang pakilala niya rito. “Vergara,” sambit nito na sandaling yumuko. “Oh, I remember. Ikaw ‘yong anak ni Ernesto, tama?” Ngumiti siya saka tumango. “Opo, Sir. Ako nga po.” “Halika, maupo ka. Anong kailangan mo, hija? Kumusta na kayo? Ang Nanay mo?” sunod-sunod na tanong nito. Nahihiyang pinaglapat niya ang mga labi saka nakangiting umupo sa sofa na itinuro nito. “Pasensya na po kayo kung nakaabala ako sa inyo… Ang totoo po kasi ay nagbabakasali lang po ako na… na matutulungan niyo ako sa kalagayan ni Nanay.” Nahihiya man ay pinilit na niyang lakasan ang loob na sabihan agad ang pakay niya rito. Dahil noon pa man ay palagay na ang loob niya rito ay sinabi na rin niya ang totoong kalagayan nilang mag-ina. Mataman itong nakinig sa kanya pagkatapos ay tumango-tangong bumalik sa mesa nito. “May charity foundation ang kumpanyang ito at matutulungan kitang ilapit ang kailangan mo. But I cannot assure you na mako-cover up ang lahat ng expenses hanggang sa operasyon sa Nanay mo. But I can help you with other foundation na alam ko. But it’s not guaranteed, depende kasi iyon sa pondo ng mga foundation at sa dami ng nakapila.” Malapad ang ngiting napatango-tango siya. Kahit papaano ay nabuhayan siya ng loob sa mga sinabi nito. “Maraming salamat po, Sir Rey. Malaking tulong na po sa amin ang kahit na anong pwedeng magawa ng foundation na ‘yon. Pasensya na po talaga kayo. Wala na po kasi talaga akong alam na pwedeng malapitan kaya kinapalan ko na ang mukha na lumapit sa inyo,” paliwanag niya. “No worries. Naging mabuting kaibigan ko ang Tatay mo noon at sinabi ko sa kanya na nakahanda akong tumulong sa inyo sa abot ng makakaya ko. Hindi ko na nga lang nagawang dalawin kayo pagkatapos ng libing ni Ernesto dahil masyado akong naging abala sa trabaho rito at sa ibang bansa. Actually, kararating ko lang last week and hopefully ay makapag-stay na ako rito for good,” nakangiting pahayag nito. “By the way, buti pinapasok ka rito. Medyo mahigpit ang security ng kumpanya.” Muling naalala niya ang lalaking tumulong sa kanya. “Ah, pinapasok po ako ni Sir Grant.” “Grant?” kumunot ang noo nito na tila nagtataka. “Magkakilala kayo?” “Ang totoo po ay kanina ko lang siya nakilala. Narinig po niya na hinahanap ko kayo at tinulungan niya akong makapasok dito,” kiming paliwanag niya. Unti-unting nawala ang kunot sa noo nito saka tumango tango at binalewala ang sinabi niya. Muli itong yumuko at kinuha ang isang maliit na booklet. Nagsulat ito roon saka iniabot sa kanya ang isang piraso ng tseke. “Here. Gamitin mo ito para sa ibang expenses n’yo. Mamaya ay dadalaw ako sa hospital. Tatapusin ko lang ang trabaho ko.” Napakagat siya ng labi at dahan dahang kinuha ang tseke. “H.. Hindi ko po ito tatanggihan, Sir. Pero hayaan n’yo po at babayaran ko rin po ito paunti-unti.” Umiling ito saka tinapik ang kamay niya. “Don’t worry. Hindi mo naman kailangang bayaran ‘yan. Tulong ko ‘yan sa inyo.” Yumuko siya at kinagat ang labi para pigilan ang mapaiyak. Maliban kay Aling Nelia ay hindi na niya alam kung kailan siya nakaramdam ng malasakit mula sa ibang tao. “’Wag kang mag-alala, Veronica. Gagawin natin ang lahat para matulungan ang Nanay mo.” Tumunghay siya at naluluhang nagpasalamat dito. Magaan ang loob at nakangiting lumabas siya ng opisina. Pagdating sa labas ay maayos niyang ipinasok sa loob ng bag ang tsekeng ibinigay sa kanya ni Mr. Bartolome. Dadaan muna siya sa palengke upang bumili ng prutas. Pagkalabas niya ng building ay naagaw ng pansin niya ang batang babae na malakas na tumatawa habang iwinawagayway nito ang dalang sampaguita. May kausap itong lalaki na nakatalikod sa gawi niya. Madungis ang bata pero maaliwalas ang mukha nito na tila hindi alintana ang hirap ng buhay. Katunayan ay nakakadala ang halakhak nito na parang nakakawala ng problema. Rinig niya na binibiro nito ang lalaki, siguro ay para bilhan ito ng mga tindang sampaguita. “Salamat, Kuya, ha? Alam mo, lalo kang pumupogi habang tumatagal lalo na kapag pinapakyaw mo ang mga tinda ko.” “Sus! Bolera ka talaga. Kumain ka na ba?” Napatingin siya sa lalaki dahil pamilyar ang boses nito. Napangiti siya nang makilala ito at tahimik na pinagmasdan ang dalawa. “Hindi pa nga, Kuya pogi,” sagot nito na humawak pa sa tiyan. “Pero hindi ako magpapa-libre sa ‘yo ngayon kase kailangan ko ng umuwi. Nag-promise ako kay bunso na ibibili ko siya ng Jollibee at siguradong hinihintay na niya ako.” “Ganoon ba? Ok, mag-ingat ka at dumiretso na ng bahay. Baka mapasabit ka na naman sa mga tropa mo,” natatawang paalala nito. “Heto, idagdag mo sa pambili mo ng jollibee para meron ka na rin at ang Mama mo." Nakita niyang inabutan ito ng limang daang piso na ikinalaki ng mga mata ng bata. Umiling ito at nag-atubiling tanggapin pero sa huli ay tinanggap na rin iyon sa pamimilit na rin ng lalaki. Nakipag-high five pa ito sa bata bago siya tuluyang tinalikuran. Nakangiti pa rin siyang nakamasid dito habang sinusundan nito ng tingin ang papalayong bata. Hindi niya napansin na nakatitig na pala siya rito at hindi namalayan na kaharap na niya ang binata. Napapitlag siya nang ipinitik nito ang daliri sa harap niya habang bahagyang nakayuko upang magpantay sila. Napalunok siya at nahihiyang napakurap. “Ok ka lang, Miss?” nakangiting tanong nito na titig na titig sa kanya. “Ha? Ah, sorry.. sorry po. M..may naalala lang ako,” dahilan niya habang pilit na itinatago ang pagkapahiya. “Nice! Lagi ko ng naririnig ‘yan,” makahulugang saad nito. Pakiramdam niya ay lalong nag-init ang mukha niya. Ano kaya ang ibig nitong sabihin? Baka akalain nito na pinagpapantasyahan niya ito. Paano ba naman hindi eh nakatulala siyang nakatitig dito habang nakangiti? Eh sa gwapo at tangkad nga naman nito ay hindi malayong gawin iyon ng sinumang babae na makaharap nito. Dagdag pa ang nakakahalina nitong ngiti. Napalunok siya at nag-iwas ng tingin. Maya maya ay tumikhim siya saka pilit na ngumiti. “Umm.. gusto ko lang po sana na magpasalamat.. doon sa kanina,” nahihiyang pag-iiba niya ng usapan. Pinaglapat nito ang mga labi habang napataas ang kilay at pinipigilan ang ngiti. “’Yon ba? Sorry pero hindi ako tumatanggap ng basta salamat lang.” “Ho? A.. Anong ibig mong sabihin.” “Ok, ganito kasi,” anito na bahagya pang tumingala na tila nag-iisip habang nakapameywang ang dalawang kamay. “First, ang bata ko pa para i-po. Second, hindi mo pa sinasabi ang pangalan mo. Third, nagugutom na ‘ko. Pwede na sigurong bayad ang isang merienda tutal mukhang mission accomplished ka naman,” dagdag nito na itinaas taas pa ang kilay. Napakagat siya ng labi habang pinag-iisipan ang sinabi nito. Mukha naman itong mabait at magaan ang loob niya rito kahit na medyo may pagka-presko. “O.. ok. Pero baka hindi ka kumakain sa mumurahin—” “Don’t judge me. Kahit anong pagkain, tinatanggap ng tiyan ko,” maagap na sagot nito na kumindat pa sa kanya. Napaawang na lang ang bibig niya at bahagyang kumunot ang noo habang pinagmamasdan ito nang tumalikod ito at naunang maglakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD