Chapter 9

1717 Words
“Enjoy your meal, Ma’am, Sir,” nakangiting sambit ni Vera pagkatapos ilapag ang food tray na dala niya sa ibabaw ng mesa na inookupa ng dalawang matanda. Matamis ang ngiting tinanguan siya ng matandang babae pagkatapos ay malambing na bumaling sa asawa at sinubuan ito ng french fries. Sandali niyang pinagmasdan ang mga ito saka lumayo at tinungo ang isang table para linisin iyon. Napapalingon siya sa mag-asawa at hindi niya mapigilan ang lalong mapangiti. Naririnig pa rin kasi niya ang palitan ng mga ito ng matatamis na salita. Siguro kung hindi namatay nang maaga ang Tatay niya ay ganito rin ang mga magulang niya pagtanda ng mga ito. Napalitan ng lungkot ang nakangiti niyang mga mata at bahagyang napailing nang muli niyang maalala ang kanyang Tatay. Miss na miss niya ito. Alam niya na habambuhay niya nang mararamdaman ang lungkot at puwang sa puso niya para sa pangungulila sa ama. “Vera!...” Naputol ang malalim na pag-iisip niya nang marinig ang impit na tili ni Kakai habang papalapit sa kanya. May hawak itong tray na puno ng laman ng mga pinagkainang plato. “Tingnan mo oh, andyan na naman ‘yong poging customer na hawig ng my loves ko!” “Sino?” bale-walang tanong niya habang patuloy na pinupunasan ang lamesa. Kinuha niya ang tray at humakbang patungo sa kitchen area. Sumunod naman sa kanya si Kakai at ipinatong na rin sa counter ang dala-dala nitong tray. “Girl, ayon oh! 'Yong malapit sa entrance. Kasama na naman niya ‘yong batang paslit.” Sinundan ni Vera ang tinitingnan nito pagkatapos ay nilingon niya si Kakai upang kumpirmahin kung tama ang tinitingnan niya sa tinutukoy nito. “Minsan gusto ko na rin magpanggap na pulubi eh! Baka sakaling makasalo ko rin siya sa pagkain,” naiiling na sambit nito na hindi na yata kumukurap. “Alam mo ba, kung sinu-sinong bata ang nililibre niya? Karamihan sa kanila ay mga nagtitinda sa kalye. Pero ‘yan batang ‘yan yata ang paborito niyang kasama. Siya palagi ang madalas kong nakikita na kasama niya kahit sa labas. Alam mo, kung hindi lang talaga malakas ang dating niyan, iisipin ko na anak niya ‘yan batang ‘yan.” Napakunot ang noo ni Vera na tumingin kay Kakai. Tumabingi ang labi nito habang nakahawak ang isang kamay sa baba na tila napakalalim ng iniisip. Ibinalik naman niya ang paningin sa lalaking tinutukoy nito at sa batang kasama nito. Ngayon niya lang nakita ito roon, hindi katulad ng nabanggit ni Kakai na madalas itong kumain doon kasama ang kung sinu-sinong bata. Hindi kaya nagkakamali lang ito? ‘Well… What a small world?' Nakita na naman niya ito. Ang lalaking tinulungan na nga niya pero sinungitan pa siya. Masayang nagku-kwentuhan ang dalawa at mukhang aliw na aliw ang binata sa bata. Kung hindi siya nagkakamali ay iyon din ang batang nakita niyang kausap nito noong unang araw silang nagkakilala. Wala sa sariling napangiti siya. Mukha naman mabait ito. Siguro ay may sumpong lang ito nang araw na mabaril ito. ‘Teka! Magaling na kaya ang sugat niya?’ Napatingin siya sa tagiliran nito. Hindi niya mabakas sa porma nito ang pinagdaanang insidente. Ilang araw na nga ba ang lumipas mula nang nangyari ang barilang iyon? Apat na araw? Pasimple pa niyang binilang ang daliri. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kanya ang nangyari. Kung ano ang kinalaman nito sa insidenteng iyon. Biktima lang din ba ito o talagang sangkot ito sa krimen na iyon? “Girl, tingin mo? Anak kaya niya ‘yan? Kasi lagi niyang kasama eh. Saka tingnan mo, tuwang tuwa siya kahit ang dungis no’n bata. Hindi kaya anak niya talaga ‘yan pero hindi niya lang maamin sa bata?” Gulat na napalingon si Vera sa kaibigan. “Ano? Seryoso ka ba talaga sa tanong mo? Paano ka naman umabot sa conclusion mo na 'yan?” natatawang tanong niya. “Eh kasi tingnan mo naman, ang gwapo niya at mukha rin naman may kaya sa buhay kahit simple lang ang damit. Eh kung bihisan mo nga ‘yan ng suit tulad ng mga mayayaman eh baka isipin ko na siya talaga ‘yong my loves ko na sa magazine ko lang nakikita noon. Pero imposible naman kasi na siya ‘yon dahil paano naman mapapadpad dito ang mga kaibigan ni Erwin Samaniego at kakain kasama ang mga batang paslit na kahit ako ay hindi yata gaganahan kumain?” “O, tapos?” nakatikwas ang isang kilay na tanong niya. ‘Suplada din ‘to!’ Sa isip niya. Wala naman siyang nakikitang masama o ka-imposiblehan na mapadpad sa mga ganoong kainan ang mga bigatin o mayayamang tao na tinutukoy nito. Marami nga siyang nababasa na mga kilala at malalaking negosyante na nakikihalubilo sa mga mahihirap. Lalo na ang mga politiko. Syempre, dagdag karisma para lalong lumakas ang negosyo o makuha ang loob ng masa. Malay ba niya kung isa ang Grant Sullivan na ito sa mga mapagpanggap na tao. ‘Baka may balak na tumakbo sa politika.’ Naisip niya. Pero nakita na niya nag bahay nito. Totoong mahirap lang din ito. Kaya kung sa hitsura ang pag-uusapan ay baka may lahi lang talaga ito kaya ganoon ito ka-gwapo at kakinis ang balat. “Hindi mo ‘ko gets?” nakatikwas ang ngusong tanong nito sa kanya. “Malay mo anak talaga niya 'yan na hindi lang maipakilala o maamin sa bata. Kasi bata pa siya at mayaman. O paano kung ayaw ng mga magulang niya sa ina ng batang ‘yan kaya nagpapanggap na lang siya na nagmamagandang loob sa bata?” naiiling na paliwanag nito saka nanlaki ang mga mata na napatakip sa bibig. “Oh my! Paano kung si my loves talaga ‘yan? Kaya matagal na akong walang balita sa kanya at wala na rin siyang exposure sa media dahil itinakwil na siya ng mga magulang niya dahil nakabuntis siya ng isang hampaslupa!” Hindi niya mapigilan ang matawa sa sinabi nito kaya agad niyang tinakpan ang bibig at tumingin sa paligid. Baka mapansin sila ng manager nila na nagku-kwentuhan lang. Tinampal niya ang balikat nito. “Ewan ko sa ‘yo, kakapanood mo ba ‘yan ng mga teleserye o kababasa ng mga romantic novel?” Iiling iling na tinungo niya ang mesa ng kakaalis lang na customer at sinimulang linisin iyon. Sumunod pa rin sa kanya si Kakai na ngayon naman ay nagsisimula ng mag-mop ng sahig at pasimple pa rin bumubulong sa kanya. “Pero sa tingin mo, may point ako, ‘di ba?” anito na hindi pa rin inaalis ang mga mata sa binata. “Jusko, sana naman ay mali ako. Paano na lang kung ang my loves ko nga ‘yan? Magiging single rich super hot Tita na lang siguro ako pag nagkataon.” Mariin niyang pinaglapat ang mga labi upang pigilan ang tumawa nang malakas. “Sira ka talaga! Ewan ko sa ‘yo!” Naiiling na iniwan niya si Kakai pagkatapos ligpitin at linisin ang mesa habang natatawa pa rin sa mga sinabi nito. Pagkatapos ng shift ay sabay silang lumabas ni Kakai. Halos kakalabas lang nila nang may tumigil na motor sa harap nila. Ngumuso si Kakai at lumingon sa kanya. “Nandito na ang Papa ko. Alam mo na, sobrang dyosa ko kasi kaya takot na takot na madagit ang pinakamaganda niyang anak. Paano pa ‘ko magkaka-boyfriend sa lagay na ‘to kung bantay-sarado ako?” Kinagat niya ang pang-ibabang labi habang pigil na pigil ang tawa pagkatapos ay tumingin sa Papa nito na nakakunot ang noo pagkatapos marinig ang sinabi ng anak. “Ikaw talaga! Eh ikaw itong sobrang kuripot, ayaw mong mamasahe,” nakangiting biro nito na nagkunwaring paalis na. “Bantay sarado pala, ha? Aalis na ‘ko. Umuwi ka mag-isa...” “Papa naman! Hindi na mabiro,” malambing na sambit nito saka mabilis na umangkas sa likuran ng motor. “Alam mo naman na may pinag-iipunan ako ng sweldo ko eh. Saka ayaw mo no’n, hindi ko na hihingin sa 'yo ‘yong gusto ko bilhin? At sigurado ka rin na hindi pa mananakaw sa 'yo ang dyosa mong anak?" Yumakap ito sa likuran ng ama saka binigyan nang mabilis na halik ang pisngi nito na ikinangiti naman ng matanda habang naiiling. “Bye! Vera, ingat. See you tomorrow!” ani Kakai na kumindat pa pagkatapos ay nag-flying kiss sa kanya. Nakangiting tumango si Vera at kumaway sa mga ito. “Ingat ka sa pag-uwi, Vera, ha? Mauna na kami ng anak ko," nakangiting baling sa kanya ng matanda. “Salamat po, Tito. Ingat din po kayo.” Pagkaalis ng mag-ama ay saka lang siya nagsimulang maglakad papunta sa kabilang kalsada upang mag-aabang ng jeep. Patawid na sana siya nang may humarang sa harapan niya kaya napatigil siya. “Ate!” Napayuko siya sa batang tumawag sa kanya na ngiting ngiting nakatingala sa kanya. Sandali niyang pinagmasdan ang mukha nito at agad naman niyang naalala ito. May hawak na isang tangkay ng rosas ang bata na nakabalot sa plastic at nakangiti pa rin na iniaabot sa kanya. Kumibot ang bibig niya at sandaling nag-isip saka dumukot sa bulsa niya. “Flowers naman ngayon ang tinda mo. Sige, bibilhin ko na ‘yan... Teka, magkano ba ‘yan?” Kinuha niya ang wallet at nagbilang ng barya doon. Naisip niyang ibigay sa Nanay niya ang bulaklak. Mahilig kasi itong magtanim ng mga rosas noon at sigurado siya na magugustuhan nito iyon. “Hindi ko po ito ibinebenta sa inyo, Ate,” inosenteng sambit nito habang nakangiti. “May nagpapabigay po nito sa inyo.” “Sa akin?” turo niya sa sarili at sandaling luminga sa paligid. “Sure ka ba na ako ang tinutukoy ng nagpapabigay niyan?” Nakakatanggap naman siya noon ng bulaklak pero madalas ay kapag Valentine’s day o birthday niya at galing iyon sa classmate niya o ‘di kaya ay mula sa makulit nilang customer. At sa lahat ng pagkakataon na iyon ay ang mga ito mismo ang nag-aabot sa kanya. “Opo, Ate. May message pa po oh! ‘Di ba ikaw si Ate Veronica?” Bahagyang napaawang ang labi niya at kinuha ang maliit na card na nakasabit sa bulaklak at binasa ang nakasulat doon. “I’m sorry, Veronica.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD