“Sir Grant?”
Pumasok siya at muling tinawag ang binata pero hindi pa rin ito sumasagot.
Mabilis siyang lumapit rito. Hinawakan niya ang braso nito at pilit na itinihaya ang nakatagilid nitong katawan.
Inilapit niya ang tenga sa mukha nito upang siguraduhin kung humihinga pa rin ito.
Nakahinga siya nang maluwag nang masigurado na buhay pa ito.
Hindi niya alam kung nawalan ba ito nang malay o sadyang nakatulog lang.
“Sir, gising! Hindi ko alam ang gagawin sa ‘yo,” namumuroblemang sambit niya. Tiningnan niya ang tagiliran nito na patuloy pa rin ang pagdurugo.
Kinikilabutan man siya sa nakikitang mapulang likido ay pilit niyang pinalalakas ang loob. Wala siyang magawa kundi gisingin ito at pilitin na dalhin sa ospital.
Kung magmamatigas pa rin ito ay hihingi na siya ng tulong sa kapitbahay.
“Ano ba? H’wag niyo naman ako takutin. Paano kapag namatay ka?... May kamag-anak ka ba? Asawa?” sunod-sunod na tanong niya habang tinapatapik ang pisngi nito.
Wala siyang sagot na nakuha mula rito at nanatili lang na nakapikit ang mga mata nito.
“Diyos ko! Bakit ba kasi ngayon pa nangyari ‘to? At sa akin pa talaga natapat.” Tumunghay siya at sinapo ang sariling noo habang tinitigan mabuti ang binata. Kinagat niya ang labi habang nag-iisip.
Niyuko niya ito at sinimulan kapain ang bulsa ng binata at tiningnan kung naroon ang cellphone nito.
Pinunasan niya ang sariling noo dahil sa pawis. Maliit lang ang kwarto, sarado ang nag-iisang bintana kaya’t walang hangin ang pumapasok sa loob. Hindi na rin niya magawang buksan ang electric fan dala ng matinding nyerbos na anumang oras ay baka mamamatay ang binata sa harapan niya.
Nang makapa ang cellphone sa bulsa ng pantalon nito ay agad niyang ipinasok ang kamay doon pero hindi pa man niya lubusang nakukuha iyon ay biglang may humablot sa pala-pulsuhan niya.
“Wh-at are you doing?” paos ang boses na tanong ng binata na hindi niya namalayan na nagising na pala.
“H-hinahanap ko ang cellphone mo… Kailangan natin ipaalam sa kamag-anak mo ang nangyari sa ‘yo…”
“Wala akong kamag-anak…” saad nito habang pilit na bumabangon.
Bahagya itong ngumiwi at biglang nasapo ang ang tagiliran. “Ah!”
Napangiwi si Vera habang mabilis na inalalayan ang binata. Nanlalaki ang mga mata niya nang makita ang mas maraming dugo na umagos mula sa tagiliran nito.
“If you plan to keep on watching me die, then suit yourself,” masungit na sambit nito na tila binalewala ang sakit ng bahagi ng katawan na mayroong tama ng baril.
Tumayo ito at umupo sa kama pagkatapos ay hinubad ang suot nitong puting t-shirt na halos maging pula na ang kulay dahil sa dugo.
Napakurap-kurap siya at bahagyang iniiwas ang tingin dito. Ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng hubad na katawan ng lalaki. Napalunok siya habang naalala ang katawan ng modelong lalaki na minsan niyang nakita sa magazine na dala ni Kakai. Pareho lang ang katawan nito sa modelong iyon pero nakakakaba pala ang makakita ng ganoon sa personal.
Ipinilig niya ang ulo at iwinaksi ang nasa isipan.
Sa kilos nito ngayon ay mukhang nag-overthink lang siya. Hindi pa man niya nakikita ang sugat nito ay nasisiguro niyang malubha iyon dahil sa dami ng dugo na lumabas doon pero bakit parang nakagat lang ng aso ang reaksyon nito ngayon.
“Hindi ka pa umaalis, tutulungan mo ba 'ko?”
Napalunok siya at napilitang lingunin ito.
“A-akala ko kasi, malubha ang lagay mo… Wait! Anong ginagawa mo?”
Nakita niya na kinuha nito ang patalim na iniabot sa kanya kanina na tinutukoy nitong gamit para alisin ang bala sa tagiliran niya.
Inilapat nito ang kutsilyo sa katawan at tingin niya ay tinatanya nito ang bahagi ng may tama ng baril.
“Aalisin ang bala, ano pa?” masungit na sagot nito. “Mukha naman wala akong mapapala sa ‘yo kaya ako na ang gagawa… You may leave.”
Hindi niya pinansin ang pagsusungit nito dahil baka dala lang iyon ng pagkakabaril dito.
Nanlaki ang mga mata niya nang sinimulan nitong itusok ang dulo ng kutsilyo sa tagiliran nito kaya agad siyang napatalikod habang pigil na pigil ang sarili na mapasigaw sa gulat.
Nilingon niya muli ang binata. Mariin nitong kinakagat ang labi na tila paraan nito para maibsan ang hapdi ng ginagawa.
Napangiwi siya at muling tumalikod dahil hindi niya kayang tagalan na panoorin ang ginagawa nito.
Lumabas siya ng kwarto at mabilis na naghalungkat ng gamit sa cabinet. Wala siyang alam sa mga ganoong bagay pero naisip niya na kailangan nito ng gamot para sa sugat.
Isa-isa niyang hinalungkat ang mga cabinet sa kusina maging sa sala upang maghanap ng medicine kit.
Nasapo niya ang ulo nang sa wakas ay nakita niya ang hinahanap. Tumingin siya sa pinto ng kwarto nang marinig ang malutong na mura sa loob.
Napapikit siya at agad na pumasok doon dala ang nakuhang medicine kit at isang planggana na may lamang tubig.
Nakayuko ang binata na ngayon ay nakatitig na sa bala ng baril na nasa kamay nito.
Lumapit siya rito at paluhod na dinaluhan ang sugat nito na patuloy na nagdurugo at maingat na pinahiran ng gamot na pampaampat ng dugo. Maya-maya ay tumayo siya at lumapit sa cabinet na malapit sa kama.
“Asan ang mga towel mo rito?”
Nilingon niya ang binata nang hindi ito sumagot. Nakatingin lang ito sa kanya na na tila walang balak na sagutin ang tanong niya.
Napailing na lang siya at muling ibinalik ang atensyon sa paghahanap. Ilang sandali lang ay nakita niya ang nakasalansan na mga puting tuwalya.
Kumuha siya ng isa roon saka bumalik sa kinaroroonan ng binata. Nakasunod pa rin ang mga mata nito sa kanya.
Inayos niya ang unan saka inutusan ang binata. “Humiga ka muna at lilinisin ko ang sugat mo.. dito,” turo niya sa pinagsalansan niyang unan. “Tumagilid ka.”
Akala niya ay hindi pa rin ito kikilos at titigan lang siya pero sa huli at sumunod din ito at hinayaan siyang tulungan ito upang makahiga siya nang maayos.
Kinuha niya ang towel at sinimulang linisin ang sugat. Napapangiwi siya habang ginagawa iyon dahil pakiramdam niya ay siya ang nasasaktan sa laki ng sugat nito.
Masyadong nakatutok ang atensyon niya sa maingat na paglilinis ng sugat nito kaya hindi niya napapansin ang walang kurap na pagmamasid sa kanya ng binata.
Ilang minuto siyang seryoso sa ginagawa. Pagkatapos niyang linisin ang sugat ay nilagyan niya iyon ng gasa.
Pawisang tumayo siya at pinahid ang noo. “Ayan, ok na siguro sa ngayon ‘yan para hindi na dumugo pansamantala pero kailangan mo pa rin pumunta sa ospital para mabigyan ka ng tamang gamot.”
Tingin niya ay hindi naman ganoon kalubha ang tama ng bala pero hindi pa rin sila sigurado kung gaano kalaki ang pinsala nito lalo na kung may naapektuhan sa organ ng katawan nito.
“Salamat. You may go.”
Napakunot ang noo niya. 'Ganito ba ang ugali niya? Akala ko pa naman ay mabait siya. Pero mukhang magkamali yata ako ng impresyon sa kanya noon.'
Nagpasalamat nga pero labas naman sa ilong.
“Yon na ‘yon?” bulong niya.
“Wala akong cash dito. Ibigay mo sa ‘kin ang account number mo at ita-transfer ko na lang ang bayad sa paglilinis mo sa sugat ko."
Halos magdikit ang mga kilay niya dahil sa narinig. Hindi naman iyon ang ibig niyang sabihin.
“Sorry, Sir, pero tulong po ang ginawa ko at hindi trabaho para bayaran niyo.”
“That’s it? C’mon, wala ng libre sa panahon ngayon," sarkastikong saad nito.
Pinaglapat niya ang mga labi at huminga nang malalim upang pigilan ang inis na nagsisimulang umahon sa dibdib niya.
“Simpleng thank you lang sana, ok na. Pero kung madami ka naman palang pera…” Tumigil siya sandali at tumingin sa kabuuan ng kwarto.
Kung pagbabasehan ang bahay na ito ay masasabi niyang hindi nagkakalayo ang estado nila sa buhay. Pero ang pagkakaiba nga lang ay may accent ang pagsasalita nito at may kakaibang dating ang kilos at ugali nito na para bang hindi angkop sa lugar na tinitirhan nito. Dagdag pa ang kilos nito nang araw na makilala niya ito sa kumpanya na pinagta-trabahuhan ni Mr. bartolome.
Binalewala niya ang naisip saka muling hinarap ang binata na matamang nakatingin sa kanya. Bahagya niyang inirapan ito. “Never mind, aalis na ‘ko.”
Hindi niya na hinintay ang sagot ng binata. Dire-diretso siyang lumabas ng bahay at hindi man lang lumingon muli.
“Ano kayang problema ng lalaking ‘yon? Siya na nga ang tinulungan, parang siya pa ang galit!” mahinang sambit niya habang naglalakad palabas.
Napansin niya na tahimik na sa labas at malinis na rin ang kalsada. Wala na ang mga pulis maging ang katawan ng lalaking nabaril kanina. Pero may ilan pa rin mga tao na hanggang ngayon ay nag-uumpukan at pinag-uusapan ang katatapos lang na aksidente.
Hindi niya pinansin ang mga iyon at tuloy-tuloy na naglakad papuntang kanto kung saan siya mag-aabang ng jeep pauwi sa kanila.
Naiinis na napabuntong hininga siya nang makita ang oras. Hindi na siya makakadaan sa palengke para bumili ng ulam na gusto niyang lutuin para sa Nanay niya
‘All thanks to you, Grant Sullivan!’