Nanginginig ang mga kamay ko habang inaabot ang makapal na sobre mula kay Mr. Bartolome. Tinitigan ko iyong mabuti saka namamasa ang mga matang tumingin sa kanya.
Marahang pagtango ang isinagot nito sa akin habang seryoso ang mukha nito na hindi inaalis ang mga mata sa mukha ko.
“You are monitored from now on, Veronica. Tulad ng sinabi ko, personal mong allowance ang perang iyan galing sa kliyente ko. At ang gusto ni Madam ay alagaan mo mula ngayon ang sarili mo. Indicated sa agreement ang lahat ng dapat at hindi mo dapat gawin mula ngayon hanggang sa makapanganak ka at sana ay binasa mo at inintindi mo ang lahat ng nakasulat doon dahil pirmado mo na iyon. Alam kong matalino kang bata at may moral tulad ng Tatay mo kaya umaasa ako na hindi mo ako ipapahamak sa sitwasyong pinasok mo.”
Napalunok ako at napakurap.
Moral? Sa sitwasyon ko ngayon ay sino pa ang makakapagsabi na may moral pa ako?
Moral bang matatawag na ibinigay ko ang sarili ko sa isang lalaking ni sa pangalan ay hindi ko kilala? Na tanging anino lang ang nasilayan ko sa buong magdamag na pag-angkin sa katawan ko? Na pumayag akong magdalang tao para sa pamilyang hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo matatagpuan? At higit sa lahat, moral ba ang tawag sa pagsang-ayon kong ibigay ang lahat ng karapatan sa magiging anak ko sa sandaling mailuwal ko ito?
Ngayon pa lang ay parang hindi ko na masikmura ang sitwasyon kinalalagyan ko at ang napakalaking kasalanan na ginagawa ko. Pero pinili kong gawin ito para sa nag-iisang taong kakampi at karamay ko sa buong buhay ko.
Kailangan kong gawin ito para madugtungan ang buhay ng aking ina. Kung may pagpipilian ako, hinding hindi ko gagawin ito.
Pero wala. At Hindi ko kayang panoorin na lang si Nanay habang unti-unti siyang iginugupo ng karamdaman niya. Sa ngayon ay wala ng ibang mahalaga sa akin kundi ang buhay at kalakasan niya. Siya na lang ang meron ako at ipinangako ko kay Tatay na gagawin ko ang lahat para protektahan at alagaan si Nanay tulad ng kung paano niya kami inalagaan at minahal.
“Tandaan mo na maimpuwensiyang tao ang ka-transakyon natin dito. At bago mo pa tangkain na bawiin o lumabag sa kahit kaliit-liitang detalye ng kasunduang ito ay buhay ng Nanay mo ang nakasalalay dito at maging ng kinabukasan ninyong mag-ina.”
‘Transakyon?’ Muntik ko nang makalimutan na ang lahat nga pala ng ito ay may malaking halagang kabayaran kapalit ng napakalaking pagbabago sa buhay ko.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko upang itago ang pamamasa ng mga mata ko habang nakayukong tumatango.
“Kung wala ka ng ibang katanungan ay maaari ka ng umuwi sa bahay na titirhan mo pansamantala,” untag nito na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan.
“S…si Nanay po? Ku…musta po ang kalagayan niya?”
“Tagumpay ang operasyon sa Nanay mo at kailangan na lang niyang manatili pa ng ilang linggo sa hospital para tuluyan na siyang gumaling. ‘Wag ka ng mag-alala dahil may caregiver na rin akong itinalaga para mag-alaga sa kanya hanggang sa kailangan niya. Kaya wala ka ng dapat isipin pa at ipag-alala at iyon ang kabilin bilinan ni Madam na isa sa hindi mo dapat gawin. Kailangang mayroon kang peace of mind para hindi maaapektuhan ang ipagbubuntis mo.”
Pinaglapat ko ang mga labi at nakayukong tumango. Marami akong katanungan pero tulad ng sinabi nito ay may pinirmahan akong kasunduan at isa doon ay hindi ko dapat alamin ang anumang tungkol sa ama at pamilya ng ipinagbubuntis ko.
Tinawag nito ang waiter at iniabot ang bayad sa kinain ko na hindi man lang sinilip kung magkano ang dapat niyang bayaran. Pagkatapos ay ibinilin na hindi na kailangang suklian pa ito.
Bukod sa apelyido nito at pakilala ni Nanay na kaibigan ito ni Tatay at kasamahan dati sa trabaho ay wala na akong iba pang alam tungkol dito.
Ilang beses ko lang siya nakita at iyon ay noong inilibing si Tatay nang fourteen years old pa lang ako, ang pangalawa na pagkikita namin ay nang tulungan niya kami noong mga panahong akala ko ay tuluyan na rin akong iiwan ni Nanay. At ang mga sumunod ay ako mismo ang lumapit sa kanya na nagdala sa sitwasyon mayroon ako ngayon.
Mabait si Mr. Bartolome. Katunayan ay magaan ang loob ko sa kanya. Siguro ay bukod sa marami na itong naitulong sa amin ay nangungulila rin ako sa ama at sobrang nami-miss ko na si Tatay.
Kung buhay pa sana si Tatay ay siguradong hindi ko pagdadaanan ang lahat ng ito. Siguradong hindi siya papayag na magdusa at maghirap kami ni Nanay. At mas lalong sigurado ako na hindi siya papayag na gawin ko ang lahat ng ito kapalit ng dangal ko.
Pero wala na si Tatay. Limang napakatagal na taon na ang lumipas mula nang tuluyan niya kaming iwan ni Nanay. Puro hirap at kalungkutan lang ang pumuno sa limang taon na iyon sa buhay namin. Ni hindi ko nga matandaan kung kailan ko huling nakitang ngumiti si Nanay at naging totoong masaya.
Pakiramdam ko ay hindi lang limang taon ang lumipas kundi isang napakahabang panahon. Napakahabang panahon na unti-unti tumunaw sa masasayang alaala at tila pagguho ng mga pangarap namin para sa aming pamilya.
At ngayon ay panibagong yugto na naman ang sisimulan kong pasukin. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng desisyon kong ito. Pero isa lang ang tiyak ko, ang kaligtasan at maayos na buhay para kay Nanay ang magandang kapalit ng lahat ng sakripisyo kong ito.
“Nasa labas na si Dos, ang magiging driver at bodyguard mo sa Villa,” untag nito na nagpabalik sa diwa ko sa kasalukuyan. “’Wag kang mag-alala, mapagkakatiwalaan ang batang iyon. Pamangkin ko siya at sinisigurado ko sa ‘yong ligtas ka sa kanya at maaari mong ipanatag ang loob mo kapag kasama mo siya.”
Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.
“In two weeks ay may doctor na bibisita sa Villa for your check up. Once, it’s positive, wala na tayong magiging problema.”
Napakagat ako ng labi habang pinakikinggan ang lahat ng sinasabi nito. Ramdam ko din ang pag-init ng mukha ko. Sa lahat ng ito ay si Mr. Bartolome ang nakakaalam ng bawat detalye at hakbang upang maging matagumpay ang kasunduang ito. At ang nangyari kagabi sa amin ng estranghero nitong Boss ang tinutukoy nito na hindi ko maiwasan ang mailang at mahiya sa tuwing mapag-uusapan.
Tila naman nakahalata ito at nakakaunawang sinulyapan ako. “Don’t worry, Veronica. Everything will be alright,” seryosong saad nito saka bahagyang ngumiti. “Kung wala ka ng katanungan pa ay ipapahatid na kita kay Dos... At huwag kang mag-atubiling magsabi sa kanya kapag may kailangan ka kung hindi mo ako ma-contact, ok?”
Pilit akong ngumiti saka tumango. Saglit akong pumikit nang mariin saka humugot ng isang malalim na paghinga.
'Welcome to the surrogacy world, Vera!'