Chapter 7

1604 Words
Napatili siya at agad na tinakpan ng mga kamay ang magkabila niyang tenga. Sunod-sunod ang mga putok ng baril na halos ikabingi niya dahilan nang pagragasa ng matinding takot at kaba sa dibdib niya. Inilinga niya ang mga mata sa paligid. Maliwanag pa pero wala ni isang tao sa mahabang kalsada. Pati ang mga bahay na natatanaw niya ay nakasarado maging ang mga bintana ng mga ito. Muli siyang nakarinig nang malakas na putok ng baril na lalong ikinagulat niya kaya’t hindi niya napigilan ang mapatili nang mas malakas. Kung hindi siya nagkakamali ay malapit lang sa kinaroroonan niya ang putok na iyon kaya halos manigas siya sa kinatatayuan. Lumingon siya at nanlalaki ang mga mata nang makita ang isang lalaking bigla na lang humandusay sa bandang likuran niya. Tinakpan niya ang bibig at mabilis na tumakbo papunta sa isang eskenita na may ilang dipa ang layo mula sa kinaroroonan niya. Pakiramdam niya ay mauubusan na siya nang hininga kaya’t tumigil siya sandali para magkubli habang nanginginig ang katawan na sumandal siya sa pader. Nang halos bumabalik na sa normal ang paghinga niya ay sinilip niya ang lalaking nakataob pa rin sa kalsada hanggang ngayon. Nakadapa ito habang may mapulang dugong dumadaloy sa kalsada mula rito. Tingin niya ay hindi lang isa ang natamong bala ng baril nang katawan nito. Maya maya ay narinig niya ang mabibilis na yabag na tila nagmamadali. Muling dumagundong ang dibdib niya sa kaba dahil sa pag-aakalang mga kaaway ng lalaking nakahandusay ang dumarating. Ayaw niyang masangkot sa krimen na iyon at sa kahit na anong klaseng gulo. At mas lalong ayaw pa niyang mamatay. Pero agad din napawi ang takot niya nang makita na mga armadong pulis ang dumarating. Agad na pinuntahan ng ilan sa mga ito ang lalaking nakahandusay at maingat na sinisayat ang katawan nito habang ang ilan naman ay kumalat sa paligid. Kahit papaano ay nabawasan ang takot niya. Alam niya na ligtas na siya. Wala na rin siyang narinig na putok ng baril. Huminga siya nang malalim at akmang lalabas na nang biglang may humawak sa braso niya. Gulat na lumingon siya at napatingala sa may-ari ng malaking kamay na mahigpit na nakahawak sa braso niya. Huli na bago pa siya makasigaw upang humingi ng tulong. Mabilis nitong tinakpan ang bibig niya at sapilitang ipinasok sa bahay ng mismong pinagkukublian niya. “Biti..wan.. mo ‘ko!” aniya habang pilit na nagpupumiglas habang nakatakip pa rin ang kamay nito sa bibig niya.“Palabasin mo ‘ko rito." Maingat na isinara ng lalaki ang pinto na para bang takot na makalikha iyon ng ingay saka iyon ini-lock. Bahagya nitong sinilip ang bintana at halos makaladkad pa siya nito. Doble ang takot na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon kaysa sa naramdaman niya kanina sa labas. Pakiramdam niya ay mas lalo siyang mapapahamak ngayon. Marahas siyang binitawan ng lalaki saka niya narinig ang pabagsak nitong upo sa upuan na kahoy. Agad naman niyang nasinghot ang pabango na hindi niya matandaan kung saan o kung kanino niya naamoy pagkatapos niyong ilayo ang katawan sa kanya. “Sit down.” Utos ng baritonong boses nito na tila ba namamaos o dala ng pagod. Pati ang boses nito ay parang narinig na rin niya. Natatakot na napatingin siya sa loob ng bahay saka mabilis na nilingon ang lalaki. Tahimik itong nakayuko habang nakahawak sa tagiliran ng baywang nito. Nakasuot ito ng itim na sumbrero at itim din na face mask kaya hindi niya makita ang mukha nito. “A-anong kailangan mo sa ‘kin? Bakit mo ‘ko dinala rito?” lakas-loob na tanong niya. Gusto niya sanang sumigaw para humingi ng tulong o tumakbo palabas pero natatakot siya rito at sa baril na hawak nito. Tumingala ito at tumingin sa kanya. Napakunot ang noo niya dahil pamilyar sa kanya ang mga mata nito. “S-sino ka?” Wala naman siyang kaaway o naagrabyadong tao. At wala rin siyang kilalang tao na posibleng may kaalitan kaya wala siyang idea kung sino ang lalaking nasa harapan niya. Pero ang katatapos lang na insidente kanina… Biglang pumatak ang mga luha niya dahil sa naisip. Kung balak siya nitong i-hostage ay nanganganib ang buhay niya. Paano na lang ang Nanay niya kung mapapahamak siya lalo na ang mamatay siya? Malamang ay isa ito sa bumaril sa lalaking nakahandusay. Siguradong gagamitin siya nitong pananggalang para makatakas sa mga pulis. Lumapit siya rito at nag-iwan ng ilang hakbang sa pagitan nila saka lumuhod sa harapan nito. “Kuya, please, h’wag mo ‘kong gawing hostage. Hindi pa ‘ko pwedeng mamatay. Kailangan pa ‘ko ng Nanay ko. Parang awa mo na—” “Sh!t!” Hindi niya na natapos ang sasabihin nang bigla itong napamura. Sinundan niya ang tinitingnan nito at nanlaki ang mga mata niya nang makita ang duguan nitong kamay habang mahigpit na nakahawak sa tagiliran nito. “M..may tama ka ng baril…” Lalong nanlaki ang mga mata niya nang alisin nito ang mask sa mukha nito pati na rin ang suot nitong sumbrero. “Ikaw?!” gulat na gulat na bulalas niya. Naniningkit ang mga mata nito na tumingin sa kanya saka paismid na ibinalik ang tingin sa tagiliran nito. “A-anong nangyari? Bakit ka may tama ng baril?” natatarantang tanong niya. Tumayo siya. “Sandali tatawag ako—” “H’wag lang lalabas!” Napatigil siya at atubiling lumingon dito. Nakahawak pa rin ito sa tagaliran at tila hindi alintana ang pag-agos ng dugo doon. Nakapikit ito habang nakasandal sa matigas na sandalang kahoy ang likod nito. Biglang umahon ang takot sa dibdib niya. “Hahayaan na lang ba niya na mauubusan siya ng dugo? Paano kung mamatay siya?” puno ng takot na kausap niya sa sarili. “Ayoko nang makakita pa ulit ng patay sa harapan ko tulad ng lalaki kanina sa labas.” “Sir, kung ayaw mong humingi ako ng tulong para madala ka sa ospital at kung gusto niyong mamatay na lang dito eh aalis na lang ako. Wala naman akong atraso sa inyo para—” “Help me remove the bullet..” “Ano?!” bulalas na tanong niya habang hindi makapaniwalang nakatingin sa isang nangingislap na kutsilyo na hawak nito. Nanginginig ang mga kamay na kusang kinuha niya iyon pagkatapos ng ilang minutong naka-hang ang kamay nito sa ere habang iniaabot sa kanya ang patalim. “H-hindi ko kaya. Paano kung—” “Stop your what ifs and do it right now kung gusto mong makalabas dito.” Napapikit-pikit siya. Bakit ba siya inuutusan nito? Unang-una ay wala naman silang connection sa isa’t isa at mas lalong wala siyang kinalaman sa pagkakabaril dito. Pareho silang napatingin sa may pinto nang marinig ang sunod-sunod na katok doon. Napalunok siya at tumingin sa kaharap niya. Nakatingin lang din ito sa kanya pero hindi katulad kanina ay walang emosyon na mababanaag sa mga mata nito ngayon. Tumayo ito at mabuway na pumasok sa isang kwarto. Nakakunot ang noong sinundan niya ito nang tingin hanggang sa tuluyan itong makapasok doon. May pagkakataon na siyang tumakas pero hindi niya maintindihan kung bakit tila hindi siya makagalaw. Napapitlag siya nang muling marinig ang katok sa pintuan. Dali-dali niyang tinakpan ng unan ang upuan na may bakas ng dugo saka binuksan ang pinto. Nakatayo mula roon ang dalawang pulis na tila nagmamadali at may hinahanap. “Ano pong kailangan nila?” “May hinahanap kami, pwede ba kaming pumasok?” Napalunok siya at pilit pinatatag ang boses. Hindi niya sigurado kung ang hinahanap ng mga ito ay ang lalaking nasa loob pero kung sinuman ang tinutukoy ng mga ito ay hindi siya pwedeng makialam. “Teka lang, mga Sir. May search warrant po ba kayo?” kinakabahan niyang tanong. Bahagya siyang sumilip sa labas ng eskenita. Bakas sa mukha niya ang kaba at takot habang nakatingin sa labas. Napansin naman iyon ng pulis at inakalang dala ng mga putok ng baril kani-kanina lang ang dahilan ng nyerbos ng dalaga. “Wala. Sige, isara mong mabuti ang pinto. Hindi pa namin nahuhuli ang suspek at maaaring nasa tabi-tabi lang iyon,” nagmamadaling sagot ng isang pulis pagkatapos ay patakbong umalis sa harapan niya. Mabilis niyang isinara ang pinto saka napabuntong hininga. Kinuha niya ang bag na hindi niya namalayan na nalaglag na pala sa sahig. Pinakiramdam niya muna ang sitwasyon sa labas. Tingin niya ay tapos na ang gulo at boses na lang ng mga tao na nakikiusyoso ang naririnig niya. Niyakap niya ang bag. Tiningnan niya ang nakasaradong pinto kung nasaan ang binata. Kinagat niya ang labi. Hindi niya alam kung tama ang gagawin pero ayaw niyang masangkot sa gulo. Umiling siya saka nagpasyang lisanin ang lugar. Lumabas siya at isinara ang pinto pagkatapos siguraduhin na walang tao sa labas pero hindi pa siya nakakalayo ay napahinto siya. Naalala niya ang mukha ng binata. Ang butil-butil na pawis nito sa noo at namumutla nitong mga labi. Bakas sa itsura nito ang iniindang sakit dulot ng bala na nasa katawan pa rin nito. Kung hindi matatanggal ang balang iyon ay sigurado siyang ikamamatay nito. Huminga siya nang malalim saka nagpasyang bumalik sa bahay kung saan niya iniwan ang binata. Mabuti na lang at hindi niya nai-lock ang pinto kanina dahil sa pagmamadali niya. Mabilis siyang pumasok at tinungo ang kwarto. Kumatok siya ng ilang beses pero walang sumasagot sa loob. Ilang beses pa siyang kumatok pero nanatiling tahimik sa loob. Hinawakan niya ang door knob at tuluyang binuksan iyon nang pumihit ito. Pagpasok niya ay nakita niya ang isang bulto ng katawan na nakahiga sa sahig na tila walang malay. “Sir Grant!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD