Chapter 6

1701 Words
“Vera, anak, hanggang ngayon ay hindi mo pa sinasabi sa akin kung saan ka kumuha ng perang ipinambayad mo sa ospital,” ani Aling Rose. “Nakita ko ang bill at ang resibo ng binayaran mo.” Lumingon si Vera at nakangiting umupo sa harapan ng Ina habang binabalatan ang mansanas na hawak niya. Isang linggo na ang nakaraan mula ng makalabas si Aling Rose sa ospital. Kahit papaano ay bumubuti na rin ang kalagayan nito dahil sa suporta ng mga gamot na iniinom nito. Pero ganoon pa man ay mahigpit na ipinagbilin ng doctor na kailangan na itong maoperahan sa lalong madaling panahon para hindi tuluyang kumalat ang cancer sa katawan nito na anumang oras ay maaari nitong ikamatay. “Ginamit ko po ‘yong naipon kong pera para sa tuition ko sa susunod na pasukan," aniya pero ang totoo ay kulang na kulang pa ang lahat ng pera na naipon niya. At kung hindi dahil sa tulong ni Mr. Bartolome ay hindi niya alam kung paano sila makakabayad sa laki ng gastusin sa ospital. Ayaw na sana niyang ipaalam sa kanyang Ina ang tungkol doon dahil dadagdag lang iyon sa isipin nito. At hindi makabubuti sa kalagayan nito ang mag-alala lalo na sa kalagayan nito ngayon. “Alam kong hindi sapat ang ipon mo, Vera. Kaya sabihin mo sa akin kung saan ka kumuha ng pera para mabayaran ang ganoon kalaking halaga.” Tiningnan niya ang Ina na ngayon ay seryoso na rin ang mukha. Bukod sa lungkot na laging nakapaskil sa mga mata nito ay naroon na rin ang pagdududa. Pinaglapat niya ang mga labi saka ipinagtapat dito ang tungkol sa paglapit niya kay Mr. Bartolome. Tumango-tango ito saka mapait na ngumiti. “Kaya pala dinalaw niya ako sa ospital dahil humingi ka ng tulong sa kanya,” malungkot na saad nito. “Hindi mo na siya dapat inabala pa, anak. Marami na siyang ginawang tulong sa atin noon… Marami na tayong utang na loob sa kanya at ayokong isipin niya na inaabuso natin ang kabaitan niya.” Ginagap ni Vera ang kamay ng Ina at malungkot na tinitigan iyon. Siya man ay nahihiyang lumapit dito pero wala na siyang ibang malalapitan pa. Handa siyang magpakumbaba at alisin lahat ng hiya na mayroon siya at maging dignidad niya kung kinakailangan para sa ikabubuti ng kanyang Ina. “Nay, babayaran ko naman po iyon at pumayag po si Mr. Bartolome na bayaran ko paunti-unti ang lahat ng nagastos niya sa ospital,” paliwanag niya. “Ang totoo nga po niyan ay tutulungan niya raw po ako na ipasok sa kumpanyang pinagta-trabahuhan niya pagkatapos ko ng College.” “Pero paano ka pa makakapasok sa susunod na pasukan? Nasaid na ang perang pang-tuition mo. Paano ka pa makapagtatapos sa pag-aaral kung lagi na lang akong..?" Umiling si Vera at agad na pinutol ang sasabihin nito. “Nay, h’wag mo nang alalahanin ‘yon. Ako na po ang bahala sa pag-aaral ko. Ang dapat mong isipin ngayon ay ang kalusugan mo at kung paano mo tuluyang lalabanan ang sakit mo.” Mapait itong ngumiti saka tumatangong tumingin sa kanya. Marahan nitong hinaplos ang kanyang mukha at pinakatitigan iyon saka humugot nang malalim na paghinga. “Gagawin ko ang lahat para tuluyan akong gumaling, anak. Ayokong makita kang nahihirapan,” emosyonal na sambit ni Aling Rose habang marahang hinahaplos ng daliri ang maamong mukha ng kanyang anak. “Marami ka ng isinakripisyo para sa akin at ayokong tuluyan mong gawin iyon habang nabubuhay ako…” “Nay…” naiiyak na tawag niya rito. Kinagat niya ang labi upang pigilan ang kanyang luha. “Ako dapat ang gumagawa noon para sa ‘yo pero dahil sa sakit na ito ay ikaw ang sumasalo sa lahat ng responsibilidad ko. Kaya h’wag lang mag-alala, lalabanan ko ang sakit na ito para sa ‘yo, para sa ating dalawa.” Bahagya itong ngumiti at pinakatitigan siya. “Basta ipangako mo lang sa akin na hindi ka gagawa ng mga bagay na ikapapahamak mo, naintindihan mo?” Nakangiti siyang tumango bilang pagsang-ayon saka mahigpit na yumakap dito. Sa sinabi nito ay lalo siyang nagkaroon ng dahilan at lakas ng loob para magpursigi at itaguyod ang pangangailangan nilang mag-ina at hindi dapat sumuko. “Thank you, Nay. Mahal na mahal kita.” “Mahal na mahal din kita, anak.” Lumabas si Vera ng bahay pagkatapos siguraduhin na nakatulog na ang kanyang Ina. Tiningnan niya ang lumang cellphone at kinalkula ang oras. Apat na oras ang trabaho niya sa fastfood chain na pinapasukan niya pagkatapos ay didiretso naman siya sa bahay ng dalawang batang itu-tutor niya. Kailangan niyang mag-doble kayod. At ang dalawang trabaho na mayroon siya ngayon ay kulang na kulang pa para makaipon siya ng sapat na halaga para sa operasyon ng kanyang Ina. Pero hindi siya pwedeng panghinaan ng loob lalo na’t narinig niya mismo sa kanyang Ina at ramdam na ramdam niya ang kagustuhan nitong gumaling mula sa karamdaman nito. Sigurado siya na makakagawa siya ng paraan para matuloy ang operasyon nito. Pagkatapos noon ay magiging normal na sa kanila ang lahat. Mapapanatag na ang loob niya at sisimulan na niyang tuparin ang pangarap na buhay para sa kanyang Ina. Bumuntong hininga siya at nakangiting tumingala. Lahat ay gagawin niya para matupad ang buhay na pinapangarap niya… Ang manumbalik ang kalusugan ng Ina at maibigay ang magandang buhay para rito. -- “Vera, gusto mo bang mag-sideline ulit sa catering namin next week?” tanong ng isa sa mga kamasahan niya sa trabaho na si Kakai. Kakatapos lang ng shift nila at naghahanda na siya para sa susunod niyang trabaho. Tinanggal niya ang sumbrero upang suklayin ang nakabuhol niyang buhok. Nagmamadali siya dahil ayaw niyang ma-late sa oras ng pagtuturo niya. Hindi niya kasi matanggihan ng sabihin ng manager nila na kailangan niyang mag-overtime dahil kinulang sila ng crew dahil may emergency raw ang kapalit niya. Nakangiting tumango siya habang isinusuksok sa bag ang mga gamit niya. Isa si Kakai sa madalas magbigay sa kanya ng raket. May catering business kasi ang Tita nito at karaniwang sa kanilang grupo kumukuha ng mga sideliners kapag kinukulang ito sa tao. “Oo naman, saan?” nakangiting tanong niya. Hindi niya na kailangan pang alamin ang detalye nang tinutukoy nitong event. Sanay naman na siya at kabisado na ang trabaho roon. “Sa Hills Country Club lang naman,” sagot ni Kakai habang nangingislap ang mga mata. “Girl, kasal lang naman ‘yon ni Erwin Samaniego!” kinikilig na dagdag pa nito. Tiningnan niya ito saka naiiling na nakangiti. “Sino naman ‘yan Erwin Samaniego na ‘yan at para kang bulate na binubudburan ng asin diyan?” birong tanong niya. Inirapan siya ni Kakai saka nakangising umupo paharap sa kanya. “Hay naku, wala ka talagang alam kung hindi ang magtrabaho, ‘no? Kaya wala kang kilalang celebrity eh!” Nagkibit siya ng balikat at bale-walang tinapunan ito ng matamis na ngiti. “Girl, si Erwin Samaniego ‘yong super gwapo at sikat na car racer na anak ng mag-asawang may-ari ng mga mall dito sa Pinas.” “So? Crush mo? Eh ikakasal na nga, ‘di ba?” aniya habang naglalagay ng pulbos sa mukha. “Oo crush ko pero mas crush ko ‘yong pinsan niya. Si G! At sure ako na naroon siya sa kasal ni Erwin. Kaya girl, kailangang maganda tayo sa weekend, ha? Malay mo, doon na ‘ko mapansin ng my loves ko at ikaw din, baka doon mo lang pala makikita ang the one mo, ‘di ba? Bukod sa mga rich kids ang mga dadalo do’n eh ang ga-gwapo kaya ng mga kaibigan no’n.” “Luka-luka! Pati ‘ko eh dinadamay mo,” tumatawang sagot niya. “Ikaw talaga! Diyan ka na nga. Baka ma-late pa ‘ko sa tutorial ko,” nailing niyang sambit. “See you tomorrow, Ms. Hopeless Romantic!” “Tse! Ang kj mo talaga!” nakangusong sagot nito sa kanya saka iniikot ang mga mata habang itinataboy siya. “Go! Ms. Raketera ng taon.” Kumaway siya rito at nakangiting lumabas. Kung mahaba pa ang oras niya ay sigurado siyang kung anu-ano na naman ang iku-kwento nito tungkol sa mga boys na natitipuhan nito na karaniwang na nitong topic sa free time nila. Halos fifteen minutes ang byahe niya bago makarating sa bahay ng tinuturuan niya na matatagpuan sa isang ordinaryong subdivision mula sa kanyang trabaho. Kailangan pa niyang lakarin nang halos limang minuto mula sa kanto bago niya marating ang bahay na halos nasa kalagitnaan ng subdivision. Kambal ang tutees niya na ini-rekomenda sa kanya ng store manager nila. Kaibigan nito ang mga magulang ng mga bata at nang mangailangan ng tutor ay siya ang unang naisip ng kanilang manager na ipasok dito. Pagdating sa bahay ay agad siyang pinapasok ng kasambahay at iniwan sila sa study room kung saan niya tinuturuan ang kambal. Kahit may kakulitan ang dalawang bata ay masunurin at nakikinig naman ang mga ito sa kanya. Minsan nga lang ay sumasakit ang ulo niya sa sobrang kulit lalo na ng batang lalaki pero nakakatuwang nag-aalala ito at nagso-sorry sa kanya kapag ipinakita niya na nalulungkot siya dahil sa ginawa nitong hindi maganda. Madalas naman ay hindi niya maramdaman ang pagod pagkatapos ng dalawang oras na pagtuturo at pakikipagpatintero sa kambal. Sweet ang mga ito sa kanya lalo na ang batang babae na laging umiiyak tuwing magpapaalam na siya para umuwi. Halos isang oras pa lang ng pagtuturo niya ay dumating ang mga magulang ng bata. May biglaang lakad daw ang mga ito kaya kailangan niya muna itigil ang tutorial. Pinauwi siya ng maaga pero sobra pa ang perang ibinayad ng mga ito sa kanya para sa araw na iyon. Nagpasalamat siya at nakangiting nagpaalam sa mga ito. Naisip niyang ibili ng masarap na ulam ang Nanay niya kaya dadaan na rin siya sa palengke bago umuwi. Tamang tama dahil maaga pa at mahaba-haba pa ang oras para makapag-bonding naman sila. Pero nang makalabas siya ng subdivision ay halos mapatalon siya sa pagkagulat nang maranig ang sunod-sunod na putok ng baril na kung hindi siya nagkakamali ay malapit lang sa lugar na kinatatayuan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD