3

3767 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com ------------------------------------ Wala na akong nagawa kundi ang ngumiti na lamang. Kunyari ay biro-biruan lamang na isang palabas, lalo na noong tumugtog ng fanfare ang banda, itinaas ko na lang ang aking dalawang kamay at umindak nang kagaya sa showtime na mga participants kapag nagbibitiw ng katatawanang linya si vice-ganda at matatawa ang mga audience. Mapasaya sila. Iyon din ang ginawa ko. At napaindak din ang audience namin. Ngunit may sumigaw uli ng, "Sa kabila! Sa kabila!" Na sinagot uli niya ng, "Sa kabila ba? Ah iyon lang pala eh!" at sabay rin dampi nang mabilisan ng bibig niya sa aking kabilang pisngi. Fanfare uli. At muli, itinaas ko ang aking mga kamay at sumayaw-sayaw. Hiyawan ang audience, palakpakan, ang iba ay nagsisipuilan. Lumapit pa si Marco sa gilid ng stage at sumigaw sa audiece. "O baka mayroon pa dyan sa inyong gusto ng kiss! Puwede ako... Huwag lang iyong may mga boyfriends na, baka mabugbog naman ako!" Nagtilian ang mga babaeng nasa harap. At may mga lumapit talaga sa stage kung saan nakatayo si Marko. At dahil nasa baba sila, tinulungan pa ni Marco na maka-akyat sila sa stage, hinila sa kamay. Noong aka-akyat na ang may limang babae, isa-isa niya itong niyakap at hinalikan sa pisngi, as in hindi lang iyong beso-beso kundi hinawakan niya talaga ang mukha noong mga babae at idinampi ang kanyang labi sa pisngi. Ang gulo ng mga tao sa bawat dampi ng halik ni Marco sa mga pisngi noong babae. At ang mga babaeng hinalikan naman ay parang sinaniban ng masasamang espirito na hindi magkamayaw sa kakalundag sa entablado. Tapos, ako naman ang pinuntirya, nagtatalon na nagmamakaawang halikan din daw nila ako. Tawa nang tawa si Marco at minuwestrhan na lang ako na halikan ko na lang din daw sila. Iyon ang ginawa ko. Tawanan din sila at hiyawan ang mga tao. Sobrang game talaga ni Marco. Grabe. Walang kyeme. Nasabi ko tuloy sa sarili na marahil hiniwalayan siya ng girlfriend ay dahil namis-interpret nito ang pagka-game ni Marco at pagiging malapit niya sa kanyang mga tagahanga. Napakabait pala talaga ni Marco. Hindi siya iyong tipong snub. Bihira lang kaya ang mga guwapo na ganyan ka palakaibigan at game pang makipag-harutan sa mga tagahanga. At ang lakas pa ng loob, hindi nahihiya. Kung ako siguro iyon na hindi pa kilala ng mga tao at hindi ko rin sila kilala, ayokong mag-initiate na ganoon-ganoon na lang magtawag sa audience ng, "O sino ang magpakiss d'yan?" Baka mapahiya lang ako o kaya ay sigawan ng "Boo! Boo!" Pero siya, sobra ang confidence sa sarili. Alam niyang may dating siya sa mga tao; alam niyang nabubulabog sa kanyang kaguwapuhan ang mundo ng kababaihan at kabaklaan, at alam niya kung paano dalhin ang sarili upang lalo pang tumaas ang excitement ng audience; upang lalo pang tumili ang mga ito at magwala, lalo na ang mga kababaihan at kabaklaan. Sobrang saya ng show. Ang galing! Nanatili ang mga babae sa stage, nakalingkis ang aming mga beywang sa aming mga tagiliran, hanggang sa nagulat na naman ako sa inannounce ni Marco. "I would like to invite you guys sa gig ng banda namin every night po iyan sa "The Black Stallion Resto" simula bukas ng gabi, kasama ko po dito ang partner kong si Ian" turo niya sa akin "at 9pm – 12 po iyan ng gabi, Monday to Saturday!" Palakpakan ang mga audience. Tuwang-tuwa sa announcement. Siguro dahil excited silang nalaman na makikita nilang muli si Marco. Sikat rin kasi ang resto-bar ng tita niya. Sa sarap ba naman ng mga barbecue na manok nila. Sila lang ang may ganoong klaseng style ng pagbabarbecue at kakaiba rin ang sarap, specialty talaga nila, signature na sarap na sa resto nila lang mahahanap. Dagdagan pa na mistulang nakalutang ang resto sa dagat, open-air, at sa ilalim lang mismo ng restaurant ay ang tangke nila ng mga buhay na isada – tilapya, bangus, may mga alimango at shellfish kung saan ay puwedeng mamingwit ang mga customers, o ituro ang ang gusto nilang isda o shellfish o alimango na ipaluto. Kaya dinadayo ito ng maraming customers at mga estudyante. Napatingin ako kay Marco. Hindi naman niya kasi sinabi sa akin na kasali na pala ako sa banda at magperform pa gabi-gabi sa resto-bar nila! "At isa pang announcement!" pahabol niya, "Nangangailangan po ang 'TBS Resto ng limang stand-up comedian. Open lamang po ito para sa mga student talents. Gusto po naming tulungan ang mga estudyanteng may mga talentong magpatawa na magkakaroon ng side income. Kung magaling po kayong magpatawa at mang-okray with a sense of intellect and wit, this is your chance po to be with us. Malay po ninyo, you will be the next vice ganda ng Pilipinas. Kung sakali pong matanggap kayo, you will work from 6pm – 9pm, magbigay ng saya at katatawanan sa mga customers ng TBSR. If you are interested, please see me po! Marco De Asis po ng Engineering Dept. Thank you! Thank you!" At kumaway na kaming nagpaalam sa audience. Gusto ko sanang tanungin sa kanya kung bakit ako nasali sa banda at hindi man lang pinasabihan bago mag announce. Ngunit dahil nasa stage pa kami, nilingon ko na lang siya, ang mga mata ko ay nagtatanong. Abah, kinindatan ako. "Bakit di mo sinabi agad na kasali pala ako sa banda at magperforma na agad kinabukasan?" ang tanong ko sa kanya noong wala na kami sa stage. "E, kanila lang din itinext ng tita ko ang proposal niya eh. Heto o..." sabay abot sa cp niya na noong binasa ko ay may nakasulat, "Marco... why don't you and your band perform at TBS? You and Ian are a perfect match! Bukas ng gabi let's start! I'll start to make some arrangements na sa resto ha? Don't say no..." "O ano? Pati tita ko ay bilib sa pagkanta mo!" Napangiti na lang ako. Noong nagpapractice pa kasi kami sa resto-bar nila para sa variety show na iyon, may ilang beses na napanood kami ng tita ni Marco. At nagustuhan niya ang aming kanta at ang aming duet ni Marco. Nagbiro pa nga ito sa akin ng, "Kunin na lang kaya kitang singer dito sa resto ko Ian?" Pero syempre, wala naman silang banda or something sa resto-bar nila, pure videoke lang kung kaya hindi ko ito sineryoso. "E, iyong pagkiss mo sa pisngi ko, para saan iyon?" ang tanong ko na lang tungkol sa pagkiss niya sa akin sa stage. Natawa naman siya. "E, humingi ng kiss ang mga tao eh." "Bakit? Sigurado ka bang ako ang gusto nilang i-kiss mo?" "Alangan namang ang gitara ko ang i-kiss ko. O kaya ang mga myembro natin sa banda. Tayo lang naman ang nagdu-duet. Kung tatlo sana tayong nag-duet o apat, magtatanong ako kung kanino ako ki-kiss" ang patawa niya. Dalawang tao lang kaya ang duet. "Weee!" ang nasambit ko na lang. Gusto ko sanang pahabain pa ang pagtatanong sa issue na iyon. Kinilig kasi ako. Kagaya ng mga tanong kung bakit naman kiniss pa niya talaga ako, o kung ano ang naramdaman niya sa pagkiss sa akin, o gusto ba talaga niya iyong gawin sa akin, etc. etc. Pero hinayaan ko na lang sa isip ko ang mga tanong na iyon. Natatakot akong may marinig na hindi maganda galing sa kanya. Baka masaktan na naman ako. Kaya nilasap ko na lang ang sarap ng kilig sa halik niya na sariwa pa sa aking utak at inisip ko na rin na may meaning iyonng paghalik niya sa pisngi ko. "Haisssst! Nangarap ba..." sa isip ko lang. Kinabukasan, may nag tag na sa akin ng mga litrato na inadd sa f*******:. At nakapost ito sa isang sss group na may pangalang "Mar-Ian Friends" at mayroon nang mahigit 300 members. Mabilis silang nakahagilap ng ganoon karaming member sa sala pang isang araw. Nakapost doon ang mga litrato namin sa variety show ng gabing iyon. May solo picture ako, may solo rin si Marco, may kaming dalawa at may mga kuha rin kung saan hinalikan ni Marco ang aking pisngi at ang mga babaeng naroon. Syempre maraming nagreact. May mga nagcomment na, "ang cute daw ni Marco!!!", "Ang cute nilang dalawa ni Ian!" "Kaka-inlove!" "Bagay sila!" "Ang guwapo ni Ian!" "ang gaguwapo nilang dalawa!" "Marco-Ian love team na!" "Marco-Ian forever!" "Ultimate Crush!" "Pambansang Kilig!" Dali-dali kong ibinalita ito kay Marco. Noong tiningnan niya ang mga nakasulat sa sss, nagreact. Natawa. "Ganyan na ba tayo ka sikat?" "Andami mong tagahanga kasi..." sambit ko. "Marami ka rin kaya..." sambit din niya. Hindi ako nakasagot agad. Gusto ko kasi sanang isingit na, "Paano iyan, may nanunuksong love team daw natin?" Ngunit hinayaan ko na lang ito sa aking isip. Ayokong magbukas ng issue na sa bandang huli ay ako rin ang masaktan. Baka maitakwil na naman ako. "Basahin mo ang mga comment..." ang nasabi ko na lang. At least, kung ano man ang mabasa niya, hindi nanggaling sa akin ang mga iyon. Wala akong kinalaman. Binasa niya. Tawa lang siya nang tawa at pagkatapos, tumingin sa akin at kumindat, binitiwan pa ang isang nakakalokong ngiti. Pakiramdam ko ay nanalaki ang aking mga mata sa mapanukso niyang kindat. "Para saan iyon?" tanong ko. "Ang alin?" "Iyong kindat?" "Bakit bawal bang kumindat? May batas ba na nagbabawal kumindat sa kapartner?" At talagang hindi na matanggal sa kanyang bibig ang salitang "partner". Kina-career na talaga niya ang paggamit ng salitang iyan. At tama rin naman siya. Wala ngang batas na nagbabawal na kumindat sa kapartner. Kaya ang naisagot ko na lang ay, "Sabagay... Ok, fine. Kindatan na rin kita." At kinindatan ko rin siya. Iyong kindat na may pagka pilyo sabay bitiw ng isang pigil na tawa, kinilig ba... At lumaki ang kanyang mga mata, parang na excite. "O... o... ang kindat mo, tangina... may meaning! Alam ko ang kindat na iyon! May ipinapahiwatig iyon!" "Waaahhh! Ano ka! Ang dumi ng isip mo! Bakit naman may meaning. Kindat-pang partner lang iyon! Bakit masama bang kindatan ang partner ko?" ang banat ko rin sa kanya. "Sabagay... pero basta, may iba eh." "Bakit ano ba ang meaning na nasa isip mo?" "Wala... Kagaya ng nasa isip mo. Pareho tayo ng meaning" Napangiti ako. Malaswa kasi ang meaning na nasa isip ko. "Weeehhhh! Ang pang-partner na kindat lang iyon. Walang meaning" ang sambit ko na lang. "E, pareho nga tayo. Ganoon din ang meaning sa utak ko." Sagot din niya. "Bakit ayaw mo?" "Bakit ayaw? Gusto ko nga eh. Sige nga kumindat ka uli?" At kinindatan ko uli siya. Ganoon pa rin, yung may pagkapilyo. Binitiwan niya ang isang nakabibighaning ngiti. Tinitigan niya ang aking mukha na para bang iniukit sa kanyang isip ang bawat detalye nito. Napatitig na rin ako sa mukha niya. Ewan... para akong nalulusaw sa titig niya ngunit pinilit ko ang aking mga matang makipagtitigan. Maya-maya, "Ang cute mo pala. Kung babae ka lang sana... niligawan na kita." Sambit niya, ang boses ay parang nang-aamo patuloy pa rin ang pagtitig niya sa aking mukha. At doon na yumuko ang lola ninyo, hindi makatingin sa kanya ngunit nag beautiful eyes pa rin ako sa sarili. Feeling ko kasi, ang haba-haba ng aking pilki-mata. Kung may pamaypay lang akong dala noon, iyong abaniko na bulaklakin, itinakip ko na ito sa aking bibig at kinurot nang pinong-pino ang tagiliran niya na hindi ko titingnan ang kanyang mukha dahil sa hiya at sabihin sa kanyang, "Ikaw naman... bolero ka talaga. Bakit ang tagal?" atsaka tatawa ako ng cute na tawa na parang naiihi, "Hihihihihihihihihihihi!" Ngunit dahil hindi naman ako si Maria Clara, at hindi rin siya isang katipunero, ang isinagot ko na lang ay, "Gusto mo nito?" sabay lapit ng kamao ko sa kanyang mukha. Astig! Hard-to-get ang drama ng lola ninyo. Lalaking-lalaki. Tumawa lang siya. Tumalikod at umiling-iling sabay sarcastic na sabi ng, "Anlaki ng kamao!" Anlaking tao niya, anlaki pa ng mga mucles, kaya alam niyang bale-wala ang kamao ko sa kanya. Parang gusto ko siyang lambingin at sabihing, "Marco! Ano ba ang kumento mo tungkol sa mga sinasabi nila sa sss group na love team tayo!" Ngunit sinarili ko na nga lang. Ayoko ko na nga ng ganyan. Takot na ako. Unang gabi ng pagpresent ng banda sa TBS Resto kung saan kasali na ako. Dahil Sabado iyon, maraming estudyanteng dumalo. Tuwang-tuwa ang tita ni Marco na unang palabas pa lang namin ay nag click na ito. Standing room only ang resto bar nila. Naroon pa rin ang mga kinilig na mga babae at bakla. At marami ring lalaki ang nakikipagjamming. May portion din kasing pwede silang kumanta, mag request ng kantang kung kaya naming kantahin ay pagbibigyan. May portion din ng audience participation na kung may gustong makipagduet sa akin o kay Marco o sa isa pang vocalist ng banda ay puwede. Kung hindi naman, may videoke partion. At syempre, hindi nawawala ang beer. Kaya patok ang pakulo naming iyon. Sobrang saya ko. Hindi lang dahil nakasama ako sa banda, na matagal ko nang pinangarap kundi dahil kasama ko si Marco. At may pandagdag-allowance pa ako. Sa bawat gabi kasi na kumakanta kami ay may bayad. Kinabukasan naman, Linggo, may mga nag-apply na mga stand up comedians. Mga estudyante at ang karamihan sa kanila ay bakla. Ganoon naman talaga siguro, mga bakla ang kadalasang gustong magiging stand-up comedian. Nakakatawa kasi ang kanilang mga birit at harutan. At may napili si Marco na tatlong bakla, isang babae at isang lalaki. Biro ni Marco, "Sa katagalan, itong lalaking kasama ninyo ay maiinlove sa nag-iisang tunay na babae sa grupo at kayong tatlong mga bakla ay mag-oorgy na kayo-kayo na lang!" Natawa sila. "O okrayan na! Pasampol!" sambit ni Marco. "Ay hindi po kami puwedeng mag-orgy kung puro kami bakla. Eww! Kadiri! Puro kami bottom kaya kailangan namin ng top - itong lalaki" sabay hila sa lalaki. "Sandali! Sandali! Ang lalaki ay para sa babae. Ako lang ang tunay a babae dito kung kaya akin lamang siya!" "At sino ang nagsabing ang lalaki ay para lamang sa babae? Wala yata ang batas na iyan sa listahan ng mga batas ng Pilipinas. Ginawa ang lalaki para sa mga bakla! Kaya kasama namin siya sa mundo ng mga bakla!" "O sya, kung ginawa nga ang mga lalaki para sa mga bakla, para kanino naman kaming mga babae?" Na siya naman mabilisang sagot ng isang bakla na, "Mga tomboy! Ang mga tomboy ay ginawa para sa mga babae." Tawanan. "At ano naman ang masasabi nitong lalaki?" tanong ni Marco sa lalaking napili. "Kung ako ang masusunod, gusto kong makipag-orgy na lang kina Sir Marco at Sir Ian!" "Ay type!!!! O sya, sali na tayong lahat! Now na ba??? Gosh! Hindi ako masyadong ready! Sabay hipo sa umbok ng kanyang puwet." sigaw ng pangatlong bakla. Tawanan. Ang saya-saya ng aming grupo. Ang set-up ng kanilang resto bar ay kapag araw, videoke lang. Kapag 6 – 9pm ay ang mga pang-ookray ng mga stand-up comedians, at sa 9 – 12 midngiht, kami na, mga banda. Minsan nakikigulo rin ang mga stand-up comedian. Naging sikat kami sa campus. Kung sila ni Prime ay tinaguriang campus lovebirds, ang tandem naman namin ni Marco ay tinaguriang Pambansang Kilig. At ang sss group na ginawa ay umabot ng may mahigit 100,000 subscribers at members. Marami rin naman ang mga tagasuporta nina Prime at sa girlfriend niya. Patuloy pa rin ang samahan at grupo ng mga barkada niya. Kapag nagkasalubong kami sa school, hindi na ako nag-aattempt na umiwas. Pakiwari ko kasi ay lumakas na ang loob ko simula noong aming variety show, kung saan nalaman ko na marami rin palang taong tumitingala sa akin, sa amin ni Marco. Kung si Prime at ang grupo niya ay kinamumuhian ang pagiging bakla at ang nagawa ko sa kanya, mas marami pa rin palang mga estudyanteng bukas ang isip sa mga ganoon na sila pa mismo ang nanghikayat sa amin ni Marco na mag-love team. Kaya hindi na ako nasasaktan. Sa isip ko lang, "Kung hindi nila ako gusto, ano ngayon? Mas marami naman ang mas nakakagusto sa akin." Ang buong akala ko kasi dati, nag-iisa lang ako sa mundo. Akala ko, lahat ng tao ay galit sa akin. Mali pala ako. Tama nga ang sinabi ng aking propesor na ang buhay ay maihalintulad sa isang gulong. Isang araw ay parang gumuho ang iyong mundo. Ngunit sasapit din ang araw na parang napamakulay ng iyong paligid. Ang importante lamang ay matuto tayong tumayo at pilit na buuin muli ang mga nabasag na piraso ng ating buhay. At hindi na rin ako nila inaasar ni Prime. Hindi ko na narinig ang mga patama nila. Kapag ganyang nagkasalubong kami, titingnan na lang nila ako. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro dahil din iyon sa variety show kung saan ako kumanta at nakita nilang maraming nagkagusto sa aking kanta. O ba kaya ay dahil ito sa pagiging ka-partenr ko si Marco na tunay nga namang pambansang kilig at maraming nababaliw na kababaihan at kabaklaan at mga humahangang kalalakihan. O baka rin, nagustuhan nila ang aking pagkanta. Anyway, nasa student center ako noon, nag-iisa dahil may pasok pa si Marco. Hinintay ko siya. Nagkataon ding nasa di kalayuan ang grupo nina Prime, kasama pa ang kanyang girlfriend. Narinig ko pang nagkakantyawan sila, nagbibiruan, nagtatawanan noong maya-maya, napansin ko na lang na bigla silang natahimik at ang isa ay nagsisigaw, "Pare! Anong nangyari sa iyo! Pare!!!" Dahil natakpan nila si Prime, tumungtong ako sa upuan na semento at sinilip si Prime. At nakita kong nakaupo lang siya, halatang-halata ang pamumutla at tila nahirapan siyang huminga. "Pare... anong nangyari sa iyo?" tanong uli ng mga barkada niya. Nakita kong inuuga pa siya nila. "Prime! Anong nangyari sa iyo! Sumagot ka!!!" sigaw ng girlfriend niya. Hindi pa rin sumagot si Prime. Kinabahan ako sa nakita. Dali-dali kong kinuha ang gamot sa aking bag at nagtatakbong nilapitan siya. "Tabi muna kayo!" sambit ko sa mga barkada niyang nakatunganga lang at pinaligiran siya noong nakarating na ako sa puwesto ni Prime. "Lumayo-layo lang nang kaunti please upang makahinga naman siya" dugtong ko habang nanatili lang na nakaupo at halos hindi gumalaw si Prime. Dali-dali kong hinubad ang kanyang polo-shirt. Iniusog ko siya upang ang kanyang likod ay mahawakan ko. Pagkatapos, pinahiran ko ang likod niya sa dala kong balm atsaka minasahe ito nang minasahe habang pigil-hininga naman ang mga barkada niyang nakatunganga pa ring nakatingin sa aking ginawa. Dedma lang ako, habang nakaupo akong halos nakasandal sa akin si Prime, sige lang ang pagmasahe ko sa kanyang likod, sa balikat, pababa sa kanyang beywang. Tapos, minasahe ko na rin ang kanyang dibdib hanggang sa kanyang tyan. Tapos balik uli sa dibdib. Iyon kasi ang ginawa ko na dati sa kanya. "Huwag mo ngang tsansingan ang boyfriend ko! Nag-take advantage ka eh. Palibhasa hindi makagalaw iyan! Bakla!" sigaw ng kanyang girlfriend sa akin. Inihinto ko ang pagmasahe kay Prime at tinitigan siya ng matulis. Nag-init ang aking tainga sa narinig. "Gusto mo? Sige halika rito, ikaw ang mamasahe sa kanya. Kapag may nangyari sa kanya, ikaw ang may kasalanan ha? Saksi ang lahat ng mga nandito na kapag may nangyari sa kanya ikaw ang may kasalanan kapag ikaw ang gumawa nitong ginagawa ko at mamatay ito!" Hindi siya nakaimik. Akala niya siguro hindi ko siya sasagutin. "O ano... ituloy ko ba o ikaw na? Daliiiii! Hindi na makahinga ang boyfriend mo! Baka mamatay na ito ako pa ang masisi dahil sa kaswapangan mo!" Hindi pa rin siya sumagot. Siguro natakot kung kaya itinuloy ko na ang pagmasahe kay Prime. Alam ko kasing iyon ang pansamantalang lunas sa kanya. Palagi kong ginagawa ito sa kanya noong may ilang beses ding sinumpong siya sa atake niyang iyon na hindi rin namin alam kung ano dahil ayaw niyang magpatingin sa duktor. Pero sa tingin ko ay allergy lang siguro iyon. Baka kapag nakalanghap siya ng usok o alikabok. At mabilis ding manumbalik ang lakas at normal niyang paghinga kapag namasahe siya. Noong unang nangyari iyon, hindi ko alam ang gagawin, ramdam kong hindi siya makahinga, namumutla, hindi halos makapagsalita, at walang lakas upang gumalaw. Ang ginawa ko ay pinahiga siya at dahil nakasanayan kong magdala ng balm, iyon ang ipinahid ko. Biniro pa nga niya ako bago siya inatake noong nagpapahid ako ng balm sa aking ilong; para raw akong matanda dahil sa amoy. Na sinagot ko naman ng, "Amoy matanda nga ito ngunit di mo lang alam ang maraming gamit nito. Baka isang araw pa ay ito ang makasagip sa buhay mo." At nangyari nga. Pagkatapos kong lagyan ng balm ang likod at dibdib niya at minasahe, nakahinga uli siya nang maluwag. "Uhhhhhh!" ang malalim na paghinga niya, palatandaang bumuti na ang kanyang pakiramdam. Gumalaw na rin siya, hinipo ang kanyang ulo. Pinakiramdaman ko muna siya ng ilang segundo at noong tuluyan na siyang gumalaw at ngumiti pa, agad rin akong tumayo at umalis nang walang pasabi. Nasa may walong metro na ang layo ko mula kay Prime noong may narinig ako. "T-tol..." Boses ni Prime. Lumingon ako. Ngumiti siya sa akin habang ang mga nakapaligid sa kanya ay nagmukhang mga walang silbi at mistulang tulala pa rin sa bilis ng mga pangyayari. "S-salamat..." ang sambit niya. Sinuklian ko ang ngiti niya ng isang ngiting pilit at dumeretso na sa aking puwesto. Eksakto naman ang pagdating ni Marco kung kaya kinuha ko na lang ang aking mga gamit at bag sa ibabaw ng mesa at umalis na kami. "Anong nangyari doon?" tanong ni Marco. Nakita niya kasi akong naglakad galing sa grupo nina Prime. "Ah, wala. Hinimatay lang..." ang sagot ko habang hinila siyang magpatuloy na kami sa paglalakad. Tuluyan na kaming tumalikod at naglalakad. "Bakit galing ka doon? Kilala mo ba ang mga iyon?" "Ah... Uu." Ang sagot kong nag-aalangan. "Iyon iba doon kakilala ko." "Ah ok. Bakit daw hinimatay?" "H-hindi ko alam eh..." ang sagot ko na lang upang malihis ang kuwento. "Ano pala ang kakantahin natin mamayang gabi?" ang pagbukas ko ng ibang topic. Nasa ganoon kaming pag-uusap ni Marco noong sa likod ko ay may nagsalita. "Tol..." Huminto kami sa paglalakad ni Marco at hinarap ang tumawag. Si Prime. "Tol..." ang sambit niya. Nakatingin lang si Marco sa kanya. "Ah... e, b-bakit? Sagot ko. N-nagmamadali kami eh." "Ah, e, s-sige, next time na lang." ang sagot din ni Prime. Siguro napansin niyang ayaw ko siyang kausapin sa oras na iyon. "Marko pare... partner ni Ian." Ang pagsingit ni Marco sabay abot ng kamay niya kay Prime. "Prime pare..." sagot naman ni Prime, napahinto nang sandali, tiningnan ako. "B-best friend ni Ian..." dugtong niya. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD