2

4776 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com ------------------------------------ Isinara ko na ang puso ko para kay Prime. Hindi ko na rin inaasahang babalik pa ang pagiging magkaibigan namin. Nasayangan lang ako sa haba ng aming pagiging magkaibigan. Nasaktan ako, nagkamali, nanghinig ng patawad ngunit nabigo... Para sa akin, matitiis kong hindi niya mahalin huwag lang sanang maputol ang maganda naming samahan bilang magkaibigan. Ngunit wala akong control sa isip niya. Hindi ko rin siya masisisi na sa ginawa kong iyon, ay tuluyan na niyang isara ang kanyang isip at kapatawaran para sa akin. "Siguro naman, kahit papaano, bigyan ko na rin ang sarili ko nang kahit kaunting respeto at pride." Sa isip ko lang. Kaya tuloy ang buhay ko sa school na pilit binura ang aming mga masasayang ala-ala bilang mag-close friends. Pilit ko ring itinayo ang sarili galing sa pagka-lugmok ng aking self-worth. Pilit kong kahit papaano, isiniksik ko sa isip na ang nangyaring iyon ay bahagi lang ng aking buhay, isang challenge kumbaga na dapat kong ma-overcome. Sabi nga ng aking paboritong professor, "Minsan may bahagi talaga sa ating buhay na akala natin ay sobrang down na tayo, nag-iisa, walang kakampi, ang lahat ay kalaban, at wala nang silbi pa ang buhay. Ngunit bahagi lamang ito sa mga proseso na ating pagdadaanan upang marating ang tuktok ng tagumpay. Sa ating pagkalugmok, hindi hihinto ang takbo ng buhay; hindi rin hihinto ang pag-ikot ng mundo. Tuloy pa rin ito sa kabila ng iyong paghinagpis. Kaya pilitin mo ang sariling tumayo bagamat mahirap, malampasan ang mga pagsubok at sumabay sa takbo ng buhay at sa pag-ikot ng mundo dahil sa bagay na iyan, sa halos walong bilyong tao na nakatira sa mundong ito, siguradong hindi ka nag-iisa..." Atsaka may sinabi rin siyang ang buhay raw ay parang isang gulong. May bahagi na nasa taas ka, at may bahagi ring nasa ibaba ka. Hindi raw maaaring sa lahat ng panahon ay nasa ibaba ka. Darating din ang panahon na nasa taas ka naman, at muli, bababa at tataas. Normal lang daw ito sa buhay. Dahil kung ang isang gulong ay hindi iikot, hindi rin nito marating ang kanyang destinasyon; ang kanyang patutunguhan. Ganoon din ang tao. Sa ating kagustuhang marating ang ating gustong destinasyon o pangarap, iikot at iikot pa rin ang gulong ng ating buhay... Kaya maliban sa kantang "Exchange Of Hearts" na narinig ko sa videoke house, ang mga salita ng aking propesor ay nakapagpatibay rin sa akin bagamat hindi pa rin nawawala ang sakit kapag nakikita ko si Prime sa klase, o kahit saan man sa campus na may ibang mga kaibigan at parang ang saya-saya pa nila na nagtatawanan, naghaharutan na para bang ipinamukha sa akin na masaya siya kahit wala na ako sa buhay niya. Pero kahit nandoon pa rin ang kirot, kaya ko nang tiisin. Pinilit kong magpakatatag. Pinilit kong magpakumbaba. Kapag nakita ko siya na ganyang masayang-masayang nakikipagbangkaan sa mga kaibigan at lilingon siya sa akin, yuyuko na lang ako na parang isang talunang aso na nagyuyukyok at nakatago ang buntot sa ilalim ng kanyang tyan. Minsan, aalis na lang din ako. Isang beses, may nag-uumpukang mga lalaki sa student center. Hindi ko naman akalain na naroon pala si Prime, naupo ako sa di kalayuan. Narinig kong nagkuwentuhan sila. "Pare... naranasan mo na bang magkaroon ng kaibigang bakla?" ang tanong ng isa na nasa umpukan. Hindi ko kaagad siya nabosesan. Siguro may ubo siya noon kaya husky ang boses niya. "Ako pare, marami. Marami naman kasi tayong classmates na bakla, di ba?" sagot ng isa. "Ok naman silang kaibigan pare, wala naman akong problema. Ang saya-saya nga eh!" sambit din ng isa. "E, naranasan niyo na ba na sa gitna ng iyong kalasingan, ginapang kayo?" Tawanan. "Nangyari sa iyo iyan?" "Oo pare. Putsa... Kung hindi lang ako lasing noon, binugbog ko na iyon!" "Kung sa akin naman nangyari iyon, pare at lasing ako, ok lang. Nakakatulong pa ang katawan ko na mag-enjoy siya. Walang mawawala sa akin. Walang problema." Sagot naman ng isa. "Pero pare... bad trip iyan. Lalo na kung ang baklang iyon ay pilit na nagpakalalaki at naturigan pang best friend mo!" Tawanan uli ang grupo. Doon na ako kinabahan. Tiningnan ko ang nagsalita. Si Prime pala! At nakatingin siya sa akin! Yumuko na lang ako. Ayoko kasing mapansin nila. "Waaaahhh1 Parang kilala ko kung sino iyan pare ah! Best friend mo ba kamo?" singit ng isa. "Oo pare. Best friend. Pero noon iyon pare. Ngayon, hindi na!" ang sagot naman niya. Palihim na lang akong tumayo at nilisan ang lugar upang hindi ko na marinig pa ang kanilang pagtatawanan. Pumunta ako sa likod ng building kung saan may mga malalaking kahoy at noong nag-isa na lang ako sa ilalim ng malaking puno ng pine tree, "Kaya mo iyan, Ian! Kaya mo iyan!" bulong ko sa sarili pinigilan ang mga luhang huwag pumatak, pilit na binura sa isip ang mga narinig na patama. Pinatugtog ko ang kantang "Exchange of Heart" sa aking cp. Pinakinggan iyon, binigyan ng pag-asa ang aking isip na balang araw nga ay magkatotoo ang sinabi sa kanta na maranasan din niya ang sakit na aking naramdaman. Kumbaga, magbaligtad ang aming puso, iibig siya at mabigo, samantalang ako ay makapagmove on na... Ngunit sadyang napakalaki nga talaga siguro ng kasalanan ko kay Prime. Hindi niya ako tinantanan ng mga patama. Isang araw, nakita ko naman siya sa campus. At sa pagkakataong iyon, babae naman ang kanyang kasama. At maganda ang babaeng iyon, sexy, isa sa mga beauty queen na nakita kong kalahok at nanalo ng runner-up sa campus beauty pageant na katatapos lamang isinagawa ng eskuwelahan. Noong nakita niyang nakatingin ako sa kanila, parang lalo pa niyang ipinamukha sa akin ito. Niyakap niya ang babae, nagharutan sila at pagkatapos, hinalikan niya ito sa bibig. Ako naman, nagkunyaring hindi sila nakita at binilisan ko na lang ang aking paglalakad. Inaamin kong sobra akong nasaktan sa tagpong iyon. Hindi dahil sa nagselos ako kundi sa inasta niyang pagpapamukha sa akin na may girlfriend siya. Para bang sobrang napakababa na ng kanyang pagtingin sa akin. Hindi naman kasi priority kong habol sa kanya ang kanyang pag-ibig o katawan. Ang pagiging magkaibigan namin ang pinakamahalaga na pinanghinayangan ko. Ngunit sa inasta niya, parang ang tining niya sa akin ay ang kapogian niya ang aking pinanghinayangan; na ito ang habol ko sa kanya. Napakababaw naman. Sabagay, nagkamali ako. Pero hindi ko rin maalis sa isip ang tanong kung ano batalaga ang gusto niyang mangyari sa kanyang palabas na iyon na parang gusto niyang i-torture ang aking isip. Gusto ba niyang tuluyan na akong umalis sa eskuwelahang iyon? gusto ba niyang magpakamatay ako dahil sa nagawa kong kasalanan sa kanya? Gusto ba niyang makita akong nagdusa...? Ewan. Hindi ko alam. At hindi lang doon nagtapos ang nasaksihan ko sa kanila ng babae. Usap-usapan ang kanilang love-team sa campus. Paano, guwapo naman talaga si Prime at ang babae ay maganda rin. Kahit sa mga school programs at variety shows na iniisponsoran ng mga clubs pang fund-raising, kapag partner sila sa sayawan o stage drama, patok na patok. Sikat sila sa school. Bagay na bagay... Para silang si Sarah Geronimo at Gerald Anderson ng unibersidad na kinikiligan ng mga tao. Isang araw na maulan-ulan at putikin pa ang kalsada, siguro ay talagang malas ko iyon, habang naglalakad ako papasok ng unibersidad, nakita ko ba naman na makakasalubong ko si Prime at mga barkada niya. Dahil maliit lang ang pathwalk, at siguradong makikita nila akong makasalubong nila, lumihis ako ng daan, sa di kalayuang pathwalk na putikin at sa gilid pa nito ay isang maruming lanaw na puno ng putik, na minsan ay pinapaliguan ng kalabaw. Doon ako nagtiis na maglakad kahit hindi covered walk iyon upang makaiwas lang sa kanila. Pakiwari ko kasi ay may phobia na ako sa kanya at sa mga barkada niya. Ilang beses na kaya akong pinariringgan, pinapahiya, tinatawag na bakla sa harap ng maraming tao. Habang lihim akong naglalakad, nakayuko lang upang hindi mapansin, bigla namang nadulas ang aking paa. "Splakkkk!". Nalaglag ako sa putik na nakadapa pa at nagkalat ang aking mga gamit saputikan. At dahil sa ingay, napansin nila tuloy ako. Ang ginawa ng grupo niya ay huminto, nilapitan ako, pinagtatawanan at kinunan pa ng litrato. At hindi lang iyan. May sumigaw pa na "Bakla ka kasi!!!!" Hindi ko alam kung si Prime ang sumigaw. Parang boses niya kasi iyon. Hindi ko na kasi magawang lingunin pa sila dahil sa hiya at sa ginawa nilang pagpi-picture sa akin. Dahil sa pagtatawanan at pagpipicture nila sa akin, lalong napansin ako ng maraming estudyante. Hanggang sa nakapaligid na sila sa akin habang ako naman ay hindi magkamayaw kung ano ang gagawin. Nabalot sa matinding hiya, pagkalito at sama ng loob, walang imik akong tumayo, pinulot ang aking mga gamit na nagkalat habang dinig na dinig ko ang kanilang pagtatawanan. Para akong isang asong talunan na nagyuyukyok habang nagtatakbo patungo sa gilid ng gate guard kung saan ay may gripo at naglinis sa basang-basa at putiking damit at gamit. Masakit. Imagine, imbes na tulungan nila ako, pinagtatawanan pa, kinunan ng litrato at tinawag na bakla sa harap ng maraming estudyanteng nanood. Pero pilit ko pa ring tiniis ang lahat ng sakit ng kanilang pang-aapi. Naitanong ko tuloy kung ganoon ba talaga katindi ang aking kasalanan sa kanya na ganoon-ganoon na lang kung makapanlait at makaasta sila para lamang sirain at durugin ang aking pagkatao? Perpekto na ba talaga ang pagkatao nila na hindi sila nakagawa ng kahit katiting na pagkakamali sa buhay? Wala na ba talagang pag-asang mapatawad ako sa aking nagawa na parang gusto na lang nila akong magpakamatay? At kinagabihan nga, nakapost na sa f*******: ang nga kuha nila sa akin. May nakadapa ako sa putikan, may nakatayo, ang damit, mukha at ulo ko ay nabalot sa putik, may kuha rin kung saan ay namumulot ako sa aking mga gamit. Kapag nakita ng isang normal na tao ang mga larawang kuha nila na ipinaskil sa f*******:, ay masasabing wala talaga silang puso. Imbes na tulungan nila ako, pinagtatawanan pa, kinunan ng litrato at ipinangalandrakan ang aking pagkatisod sa putikan. At hindi lang iyan. Ang nakapaskil pa sa album na iyon ay ang mga salitang, "Ang kuwento ng isang baklang nagtatampisaw sa putik... Bow!" Isang mensahe ng pangungutya... Maraming nagreact din anman. May mga bumabatikos sa lantarang pagpapahiya sa akin. May mga barkada rin nilang todo depensa sa kanilang ginawa. Kesyo raw, bakla naman talaga ako; kesyo raw may mapagsamantala ako, hindi dapat igalang o pagkakatiwalaan; isa raw akong soro na nag anyong-tupa. At marami pa silang sinasabi na hindi ko na pinatulan pa. Lahat tiniis ko iyon. Sabi ko na lang sa sariling kung talagang ganyan katindi ang kasalanan ko, tatanggapin ko ang lahat. Kasalanan ko rin naman eh. Pagdusahan ko. At ipinangako kong hindi ako gaganti; hindi ako magrereklamo kahit gaano man kasakit ang kanilang gagawin sa aking pagkatao. Ang tanging konsuwelo ko na lang ay ang kanta at ang mga sinabi sa akin ng aking propesor. Isang araw, naisipan kong magpunta sa videoke bar. Mahilig lang kasi akong kumanta. Sa kanta kasi, parang naipapalabas ko ang aking saloobin. Sa kanta, nababawasan ang bigat ng aking nadarama. Sampung piso lang ang extra ko, sapat lamang para sa apat na kanta. Sa limanpiso na coin kasi, dalawang kanta. Ang ibang pera ko ay mapamasahe ko na sa tricycle pauwi. Ang plano ko ay uupo na lamang sa seawall pagkatapos kumanta, magmumuni-muni at kapag napagod na ang isip, uuwi na. Noong nakapasok na ako sa videoke bar, tinumbok ko diretso ang videoke machine, kinuha ang song book sa itaas nito at pumili ng kanta. Dahil wala namang kumanta sa mga kumakain, ako lang ang nagpatugtog. Noong napili ko na ang aking kakantahin, dali-dali kong kinuha ang mikropono at umupo sa malapit na mesa, hindi ko na tiningnan pa ang ibang mga customers. Wala kaogn pakialam sa kanila. At kinanta ko na naman ang "Exchange of Hearts". Noong natapos na ang kanta, may biglang, "Klap! Klap! Klap! Klap! Bravo! Ang galing-galing!" ang boses na narinig ko sa aking likuran. Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Nakita ko ang lalaking kumanta rin sa aking kinanta sa una kong pagpunta sa videoke bar na iyon. Napangiti ako. Hindi ko akalain na naroon pala siya. Lumapit siya sa akin. "Ikaw iyong dating nagpunta dito at kinanta rin ang kanta na iyan, di ba?" tanong niya. "O-oo... Ako nga. At ikaw rin iyong kumanta niyan noong nandito ako, di ba?" Tumango siya. Binitiwan ang isang nakakabighaning ngiti. Noon ko lang siya napagmasdang maigi. "Ang guwapo pala niya!" sa isip ko lang. Singkit ang kanyang mga mata, maputi na makinis ang kanyang mukha, matangos ang kanyang ilong, mapupula at kaakit-akit ang kanyang mga labi at sa kanyang ngiti, kitang-kita ang mapuputi at pantay na mga ngipin. Chinito. Halimaw sa porma, dagdagan pa sa kanyang tangkad at hunk na pangangatawan na parang Aljur Abrenica lang ang porma. Pamatay! "Puwedeng makisali?" sambit niya sabay hila sa isang upuan at umupo. "S-sure!" sagot ko naman. "W-wala lang akong mai-share sa iyo kasi wala akong pera" dugtong kong binitiwan ang isang tawang-hiya. Na-excite din naman ako. Syempre, hindi ko inaasahang magkita pa kami at lalapitan pa talaga niya ako. Noong una ko kasing pagpunta ko roon, parang gusto ko na siyang kaibiganin. Pakiramdam ko kasi ay mabait siya. "Alam mo, ang galing mong kumanta..." sambit niya. "S-salamat." Sagot ko. "I-ikaw rin naman ah. Narinig ko kaya ang kanta mo kung kaya ako pumasok dito noong time na iyon?" "Talaga? Salamat naman at pumasok ka. At heto, naging kaibigan pa kita." Sagot niya. "Marco pare... Marco De Asis." sabay abot niya sa kanyang kamay. Tinanggap ko ito. "Ian. Ian Travis." Sagot ko naman. "Saan ka nag-aaral pare?" "Sa Saint Francis University." "Talaga? Wow!" "Bakit?" "Kasi next semester d'yan ako mag enroll. Magta-transfer ako d'yan. Huminto kasi ako eh. At least may kaibigan na ako sa university na iyan. Swerte ang pagpunta mo dito pare..." "Talaga? Welcome! Bakit, taga-saan ka ba? At bakit ka pala huminto ng pag-aaral?" Napangiti siya sa mga tanong ko. Siguro nakulitan. "Sa kabilang syudad ako pare." Bigla ring naging seryoso ang kanyang mukha bago siya sumagot sa pangalawa kong tanong. "G-gusto ko lang huminto. Tinamad siguro... Iyon lang" ang sagot niya. Alam ko, walang kalatoy-latoy ang sagot na iyon. Feeling ko, may mas malalim na dahilan kung bakit. Ayaw lang siguro niyang sabihin. "O sya, kanta na lang tayo. Gusto ko ring marinig ang version mo sa Exchange of Heart." mungkahi ko. "Sige!" sagot naman niya. Sinenyasan niya muna ang waiter at may inorder. "Taya ko pare... Tita ko ang may-ari nitong bar, e." sabay tawa. "Weee. Di nga?" "Oo. Kung kaya dito ako nakatambay at minsan, kapag bakante ako, tumutulong din dito lalo na kapag weekends at maraming customers..." "Aw... swerte ko. Tamang-tama, 10 piso na lang pera ko, tinipid ko para lang ako makakanta" sabay tawa. Tumawa na rin siya. Dumating ang inorder niyang pagkain na may apat na beer pa. Masarap ang inorder niyang pagkain. May fried chicken, may kare-kare, may inihaw na pusit. Kumain kami at pagkatapos, nagkantahan. At ang galing niyang kumanta. Parang isang professional na singer talaga. Ilang bese rin naming kinanta at dinuet ang kantang "Exchange Of Hearts" Noong napagod na kami sa kantahan at busog na rin, sinamahan niya ako sa may sea wall, sa mismong inupuan ko noong araw na parang tinadtad ang aking puso sa sobrang sama ng loob kay Prime. Feeling ko, parang naging close na rin kami ni Marco; dahil sa videoke bar na iyon at sa "Exchange Of Hearts". Mga 5:45 na iyon ng hapon, nakaupo kaming magkatabi sa seawall. Sa harap namin ay ang napakapayapang dagat. Nakakagaaan ng kaloobang pagmasdan ang kalawakan niyon; nakakawala ng problema at napakapresko sa isipan. Ang hihip ng malamig-lamig na simoy ng hangin ay katamtaman lamang na dumadampi sa aking balat at nagbigay ng preskong pakiramdam sa katawan. At ang langit, mamula-mula ang ulap na tinamaan ng sinag sa pulang-pulang araw na ang kalahati ay lumubog na sa kalayuan... Kabaligtaran ang lahat sa una kong pagpunta doon kung saan napakalakas ng alon na tila nanggalaiti ang mga ito sa galit at ang hangin ay nag-aalburuto na parang nakidalamhati rin sa dinadala kong bigat ng kalooban. Naisip ko tuloy na parang may kuneksyon ang kalikasan sa naramdaman ng aking kalooban. Sa pagkakatong iyon ay medyo payapa na rin ang aking isip at dagdagan pa sa pakikipagkaibigan ni Marco... lalo pang nabuhayan ako ng loob. Bagamat hindi ko pa siya kilala nang lubusan, kahit papaano, may isang kaibigan na nadyan sa aking tabi. Nasa ganoon akong paghanga sa ganda ng kalikasan at pagmumuni-muni noong bigla ko na lang nasabing, "Alam mo, noong panahon na pumasok ako sa videokehan at napapalakpak ako ng todo sa kanta mo... masamang-masama ang loob ko noon." "Talaga? Bakit?" ang sagot niya. "Ang best friend ko... itinakwil ako. Nagkasala kasi ako sa kanya at hindi niya ako napatawad." "Ow... sad naman. B-bakit? Ano ba ang kasalanan mo?" Napatingin ako sa kanya. Hindi ko kasi alam kung handa na akong sabihin iyon sa ibang tao. May takot akong nadama na baka kagaya ni Prime, layuan din niya ako. "M-mahirap eh..." "Try me. Malay mo makatulong ako." Napangiti ako. Alam ko naman kasing wala siyang maitutulong. "N-nainlove kasi ako sa kanya" Natawa siya. "Iyon lang? At sa bagay na iyan ay itinakwil ka niya agad?" "Eh... n-nag take advantage kasi ako sa kanya eh. L-lasing siya at iyon... ginawa ko sa kanya ang bagay na iyon." "Ah... I see." Ang maiksi niyang sagot. "Kaya pala... Hindi mo siya masisisi. Malaking kasalanan nga iyon. r**e iyon eh, di ba?" sabay tingin sa akin. Nabigla naman ako sa sagot niya. Para kasing hindi naman ganoon ka-grabe ang ginawa ko. Tapos, r**e na na pala iyon... "G-ganoon ba?" ang sagot ko na lang bagamat may malaking katanungan din sa aking isip kung talaga bang r**e iyong ginawa ko. "P-pero sapat ba iyon upang tuluyan na niyang sirain ang aming pagkakaibigan?" "Oo... sapat na iyon. Sinira mo ang lahat sa kanya. Pati ang tiwala niya sa iyo, ang respeto niya, nasira..." Tahimik. "Alam mo, naka-relate ako sa kuwento mo. K-kasi... nangyari rin kasi ito sa akin." Ang pagbasag niya sa katahimikan. "May n-nagtake advantage din sa iyo?" Natawa siya. "Hindi... ako ang nagtake advantage. Actually, hindi naman talaga iyon pagti-take advntage eh. Parang nalasing ako at pinagbigyan ko lang... Siya naman ang may gusto. Wala lang sa akin ang nangyari. Kaso, noong nalaman ng girlfriend ko, itinakwil niya ako... Galit na galit siya. At ito ang dahilan kung bakit ako lumayo sa amin, at lilipat ng paaralan. Dahil kasi roon, hiniwalayan ako ng aking girlfriend. Ang masaklap, sinagot niya ang aking karibal sa puso niya at ipinamumukha pa sa akin ang kanilang relasyon. Sobrang sakit... At nagtampo na rin ako sa kanya." "G-ganoon ba?" sambit ko. "Halos pareho nga tayo. Mga itinakwil..." Tahimik. "Kaya pala "Exchange Of Heart"... parang feel na feel mo kapag kinanata mo iyan" sambit ko. "Ikaw din, feel na feel mo! Parang may pinagdaanan ka rin." Tawanan. Tahimik. Napaisip ako na baka ang dahilan kung bakit niya nasabing sapat na itakwil ako ng aking kaibigan ay inisip niyang ay babae ang pinagsamantalahan ko. Ngunit hindi ko na lang din kinlaro ito sa kanya. May takot pa rin kasi ako na baka katulad din siya ni Prime na galit sa mga bakla at layuan din niya ako. Kaya, iyon... hindi niya alam na ang aking pinagsamantalahang kaibigan ay isang lalaki pala. Anyway, iyon ang simula ng aming pagiging close ni Marco. Simul noon siguro ay tatlong beses sa isang linggo akong nagpupunta sa videoke bar nila at nakikikanta ng libre. At naging mas malapit pa kami sa isa't-isa. Hanggang sa dumating ang second semester at base sa kanyang sinabi, nag-enroll nga siya sa aming unibersidad. Sa pag-enrol pa lang namin, pansin ko kaagad na marami na ang nagka-crush kay Marco. Marami kasing nakatingin sa kanya na mga estudyante. Malalaman mo naman kasi kung ang tingin ng isang tao ay may paghanga o malagkit. At upang hindi na rin kami palaging magkita pa ni Prime, nagshift ako ng ibang kurso, sa kursong kagaya nang kay ni Marko. Simula noon kami na ang palaging nagsasama sa school. Samantala, patuloy pa rin ang relasyon ni Prime at ng girlfriend niya. Talk of the campus pa rin sila at maraming humahanga sa kanilang loveteam. Ngunit wala akong pakialam sa kanila. Kapag nagkasalubong kami kahit sa saang parte ng eskuwelahan, dedma ko na lang siya. Kunyari, hindi ko siya kilala. At kapag ganyang kasama ko si Marco, ako naman ang nang-iinggit. Aakbayan ko si Marco nang sobrang higpit na halos yayakapin ko na lang ito at halikan. Si Marco naman, dedma lang din. Matatawa lang kapag ginawa ko iyon. Minsan titingnan ako at ngingitian, ililingkis na rin ang kanyang kamay sa aking beywang na para bang nagustuhan din niya. At kapag nangyari ang ganoon, parang kinikiliti ang aking puso sa sobrang kilig. "Sarap naman! Kala mo ikaw lang ang marunong mang-inggit!" sa isip ko lang. At proud pa ako. Di hamak na mas guwapo kaya si Marco kaysa kanya. Actually, hindi alam ni Marco na si Prime ang tinutukoy kong kaibigang pinagsamantalahan at tumakwil sa akin. Hindi pa nga sila magkakilala. Pero, sikat na si Prime at ang girlfriend niya sa campus. Campus lovebirds nga ang tawag sa kanila. Paano, parang mga lovebirds kung makaasta. Halikan dito, halikan doon, lampungan dito, lampungan doon. Parang p****k na tuloy ang dating ng babaeng iyon. Kaya di maiwasang may mga naiiinis ding mga estudyante sa kanila, nao-OA-han baga. Lalo na sa babae. Anyway, isang araw, nilapitan si Marco ng presidente ng English Club ng uniberidad. Magkakaroon daw sila ng fund raising at nangangailangan sila ng bagong talent upang magperform sa variety show. May nakarinig daw kasi kay Marco na kumanta sa videoke bar ng tita niya at doon nila nalaman na maganda ang boses ni Marco. "Pare, tulungan mo naman ang club namin o..." ang panunuyo ng presidente. Tiningnan ako ni Marco. "Payag ka tol?" at sa akin pa talaga nagpaalam! Syempre, napakalaking "Oo ba!" ang sagot ko. "Ang ibig kong sabihin, tayong dalawa. Duet tayo, payag ka?" Natawa ang presidente ng club. Hindi niya kasi akalain na marunong din akong kumanta. "Waaahhh! Bakit ako? E... ikaw ang inimbita!" At nilingon niya ang presidente. "Sorry pare... hindi pumayag ang partner ko eh. Sa akin walang problema. Sa partner ko, ayaw eh." ang sambit niya. "Woi ano ka! Hindi naman ako inimbita eh! Atsaka, hindi ako kasing galing mong kumanta!" "Waaahhh! Kung hindi ko pa nakita ang mga tropeo mo sa kantahan sa school at sa labas ng school..." at baling sa presidente, "Pare... maniwala ka, mas magaling kumanta kaysa akin iyan! Kung narinig mo lang kumanta iyan." Tiningnan naman ako ng presidente. "Pare, tulong na lang sa club namin, o... May mga scholars kasi kami,mga underprivileged na mga kapwa nating estudyante sa unibersidad. Parang tulong nyo na rin sa kanila para sa kanilang pag-aaral." Napatingin ako kay Marco na hinitay ang aking sagot. Syempre, nakakakonsyensya rin naman na hayan, may talent ako at opportunity na makatulong kung kaya napa- "O sige..." na rin ako. "Yeeeyyyy!" ang biglang pagsigaw ni Marco. At baling sa presidente ng club, "Kung gusto mo pare, may banda ako. Kung ok lang sa iyo; iimbitahan ko para sila ang magback-up sa kanta namin. Hindi na kami active ngayon pero anytime na tinatawag ko sila, pinagbibigyan ako ng mga iyon. Libre pare, walang bayad." "Talaga?!" ang excited na sagot ng presidente. "Kasi... naghahanap talaga rin kami ng banda para may maiba rin naman." "Waaahhh! May banda ka? Ba't hindi ko alam?" tanong ko. Natawa si Marco. "Hindi ka naman kasi nagtanong eh. Next time, magtanong ka na ha?" biro niya. at baling sa presidente ng club, "O sige pare... makakaasa ka. Kakanta kami nitong partner ko." At iyon ang napagkasunduan. Nakontact naman ni Marco ang kanyang banda. Gusto rin daw nilang makatulong kug kaya, walang problema. Nagset kami ng schedule ng meeting at practice. At dahil anim na kanta lang ang ibinigay sa amin na slot kung kaya madali lang. Isang kantang solo ni Marco, isa namang solo sa akin, dalawang kanta ang duet namin, at may dalawang kanta ang sa isa pang vocalist ng banda. Dumating ang araw ng variety show. Noon ko lang din nalaman na inimbitahan din pala sina Prime at girlfriend niya na magpresent ng isang maiksing love scene skit. Dahil sa nalaman, hindi ko na naman maiwasang hindi kabahan. Baka kasi may magsisigaw na naman ng "Bakla!" galing sa grupo niya. Nagsimula ang palabas. Maganda naman ang takbo. Nauna ang modelling, may sayaw, tapos may may gumawa ng magic, may naggitara, nagpiano... Ang sunod na palabas ay ang kina Prime. May kuwento. Tungkol sa isang magkasintahan na pinagbawalan ang pagmamahalan ng kanilang mga magulang. Nagsumpaang magmahalan. Nagtanan at sa bandang huli ay nanindigan sa kanilang pagmamahalan. Nakakakakilig. Palakpakan ang mga tao. Noong sinet-up na ang banda, upang kami na ang susunod, nasabi ko kay Marco na kinabahan ako. Natakot kasi ako na baka may sisigaw na naman ng "Bakla!" at ipapahiya ako. "Huwag kang kabahan. Ako ang bahala..." ang maiksi lang niyang tugon. Ako ang unang kumanta. Solo ko iyon sa kantang "Exchange Of Heart". Medyo kinabahan ako kung kaya parang mahina ang boses ko. Ewan ko, parang iba talaga ang naramdaman ko sa pagkanta kong iyon, taliwas sa ibang mga pagkakanta ko na excited at kampante lang. Kinabahan ako na hindi ko mawari. Nagsimula pa lang ako sa aking kanta noong may narinig na akong sumisigaw ng, "Bakla! Bakla!" Dahil doon, parang tuluyang nawala ang aking concentration at nag-isip na ihinto na lang ang aking pagperform. May narinig na akong nagtawanan noong may narinig naman akong boses sa mikropono na itinuloy ang kanta ko. Nilingon ko ang aking likuran. Si Marco pala at itinuloy niya ang kanta habang naglakad patungo sa sentro ng entablado kung nasaan ako at minuwestrahan niya akong sige lang, ituloy ko lang. Nakakabingi ang palakpakan ng mga tao noong pumasok na si Marco. First time kasi niyang ma-exposed at sa tindi ba naman ng kanyang porma at kakisigan at ganda pa ng boses, naghihiyawan ang mga babae. Nakangiti siya, kumaway sa audience, halatang sanay, nag-eenjoy sa kanyang ginawa at wala kang makikitang kaba sa kanyang porma. Feeling ko, nag-wild ang kababaihan at mga bakla. Mas kinilig pa ang audience kaysa palabas nina Prime at ng girlfriend niya. Itinuloy ko na rin ang pagkanta. Ginawa naming duet ni Marco. At ang ganda niyang mag-blend! Ang solo ko sanang kanta ay naging duet na. Bale sagutan ang aming style na may blending. Bahagyang natahimik ang mga tao noong nagpatuloy na kami sa aming pagkanta. Noong natapos na ito, hiyawan uli ang audience. Doon na ako sumigla at ginanahan. Kaya noong sumunod na kanta, todo bigay na ako. Ipinakita ko talaga ang best ko, iniisip na isa lang iyon sa mga contest na sinalihan ko. Ang sunod naming kinanta ay – (Lyrics Sound of Silence) At ang sumunod naman ay solo ko na. Hindi ko na binanggit kung kanino ko ito inihandog ngunit may laman ang kanta kong ito at patama sa aking kaibigan – (Lyrics The Past) At ang sunod uli ay duet namin na may laman din at pareho kaming nakakarelate bilang mga sawi sa pag-ibig ay – (Lyrics Can't Cry Hard Enough) Halos bumagsak ang bubong ng auditorium sa lakas ng palakpakan at hiyawan ng mga estudyante. At lalo na noong inilingkis pa talaga ni Marco ang kanyang kamay sa aking beywang habang kumaway sa mga audienice. Kumaway na rin ako at ang isang kamay ko ay inilingkis na rin sa kanyang beywang. Maya-maya lang ay may sumigaw ng "Kiss! Kiss! Kiss!" Alam ko hindi galing sa grupo nina Prime ang sigaw na iyon. Grupo ng mga kababaihan iyon na kinilig sa tandem namin. Nakangiti lang ako. Dedma. Ngunit doon ako kinabahan noong pinatulan ba naman ni Marco ang mga sumigaw. "Kiss ba kamo?" "Oo!!!" ang sigaw rin ng audience. "Hindi ko kayo marinig! Lakasan niyo pa!" "KISS! KISS! KISS! KISS! KISS!" Nakakabingi ang sigawan. At doon na ako nagulat noong mabilisang idinampi ni Marco ang mga labi niya sa aking pisngi at hindi na ako nakapalag pa. At pagkatapos pa niyang gawin iyon ay parang nanukso pa sa mga audience ng, "Ganyan ba?" Hiyawan uli ang mga tao, sipulan. Ngunit ako, tila mawalan ng ulirat sa kanyang ginawa... Hindi lang dahil sa halik kundi sa walang kyeme niyang paggawa noon sa harap ng maraming tao. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD