By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com
------------------------------------
Napatingin sa akin si Marco habang nag handshake sila. Parang napako ang kanyang isip sa salitang, "best friend" at nagtatanong ang kanyang mga mata kung sinong best friend iyon. Marahil ay naalala niya ang sinabi kong best friend na pinagsamantalahan ko at tumakwil sa akin.
"Nice meeting you, pare!" ang sambit ni Prime sa kanya.
"Nice meeting you too!" ang sagot ni Marco.
"O... p-paano iyan, tol, alis muna kami ha? Maghanda pa kami para sa aming kakantahin sa banda mamayang gabi sa resto." Ang pagsingit ko ni hindi ko man lang siya inimbitahan na magpunta sa resto.
Habang naglakad kami ni Marco patungo sa gate ng school, hindi na naawat si Marco sa pagtatanong. Syempre, kinakabahan ako sa mga tanong niya, natakot na baka iyon na ang simula upang tuluyang mabunyag ang aking lihim na pinakatago-tago sa kanya.
"S-so... iyon ba iyong best friend na sinabi mong itinakwil ka... dahil p-pinagsamantalahan mo?" halatang nag-aalangan sa pagbanggit sa katang "pinagsamantalahan", marahil ay nagdalawang isip na mali ang nasa isip niya dahil lalaki nga si Prime.
At doon ko na naramdaman ang matinding kalampag sa aking dibdib. "Eh... h-hindi ah!" ang maiksi kong sagot, inirapan pa siya.
"So ang ibig sabihin, hindi lang siya ang best friend mo?"
"D-dalawa s-sila. Isang lalaki at isang babae. I-iyong b-babae ang pinagsamantalahan ko at n-nagtakwil sa akin."
"Ah, I see..." ang patango-tango pa niyang sagot. "Paano mo naging best friend si Prime?"
"S-sa high school. Simula first year hanggang fourth year close na kami niyan. Lagi kasi kaming classmates sa lahat ng levels at halos lahat ng gusto at hindi gusto at pareho kami."
"Ah... bakit hindi na kayo nagsasama lagi ngayon?"
"I-iba na kaya ang course niya. At may iba na rin siyang mga barkada."
Tumango uli siya. "Ah..."
Tahimik.
"At iyong babae mong best friend nasaan na siya ngayon?"
"E... ah... n-nag-transfer na ng ibang school" ang sagot ko na lang. "A-ano ba pala ang kakantahin natin mamaya? Hindi pa ako handa?" ang paglihis ko sa usapan upang mahinto na ang kanyang pagtatanong. Puro na lang kasi kasinungalingan ang pinagsasabi ko. Baka mamaya kapag nalaman niyang hindi lang ako bakla, sinungaling pa, lalo siyang ma-turn off sa akin. Panibagong problema na naman.
Ngunit pinilit pa rin niyang isingit ang mga tanong. "Mamaya na iyong tungkol sa kakantahin natin. Iyong sa best friend mo munang babae. Maganda ba iyon?"
Kaya nagreact na lang ako. "Arrrgggghhhh! Ayaw ko na ngang pag-usapan iyon! Gusto ko nang makalimutan eh! Pinaalala pa!" ang pagdadabog ko, sabay irap sa kanya.
Tiningnan niya ako na parang may malalim na katanungan ang kanyang mga mata. "Talaga?" Ang maiksi niyang sambit. Ewan... nakakaloko pati ang kanyang ngiti. Nang-aasar ba o hindi naniniwala sa aking mga sinasabi.
"Syempre ah! Kulit mo!" sagot ko.
At marahil ay napansin niyang nairita na ako, inilihis na niya ang topic. "Ah, iyong kanta ba kamo ang tinanong mo kanina partner?" ang bigla namang pagbaba ng kanyang tono na parang nanunuyo. "Ikaw, anong gusto mong kantahin natin mamaya? Ah..." nag-isip kunyari siya, "mamaya na lang kaya tayo maghanap sa resto kapag nand'yan na ang banda."
Ngunit nakasimangot na ako at hindi na sumagot.
At napansin niya ito. "O... ba't ganyan ang hitsura ng partner ko? May nang-aaway ba sa iyo? Masakit ba ang tyan mo? Natatae ka ba?" Biro niya pagpatawa.
Ngunit dedma na ako, kumbaga halos masasabitan ng balde ang aking nguso sa sobrang tulis nito.
"Alam mo, may pamahiin kami na kapag daw nakasimangot ka sa harap ng taong mahal mo, dapat ay tampalin mo ang puwet niya upang hindi masingitan ng malas..."
"Anong sabi mo???" ang malakas kong tanong, halata pa rin ang pagkairita.
"Kapag nakasimangot ka na kasama ang taong mahal mo, dapat ay tampalin mo ang puwet niya upang hindi masingitan ng malas!" ang pasigaw niyang sabi pagklaro sa una niyang sinabi.
Napaisip naman ako, inanalyze ko talaga ang ibig sabihin. "Nakasimangot ako at kasama ang mahal ko, tampalin ang puwet niya... Sandali, kapag tinampal ko ang puwet niya, iisipin niyang mahal ko siya??? Ayoko nga! E di mabuking ako na may pagtingin ako sa kanya!" sa isip ko lang. Kaya hindi ako kumilos, patuloy lang sa paglalakad. "Tapos?" ang sambit ko na lang pa-inosente effect baga. "Anong kinalaman niyan sa pagsimangot ko?" dugtong ko.
"Wala kuwento lang. Baka mamaya may trumampal sa puwet ko, malay natin..."
Pakiwari ko ay gusto kong tumawa na hindi mawari sa sinabi niya. Ayoko kayang pumasok sa kanyang bitag. "Pwes, ako ang kasama mo at kahit gaano katindi ang pagsimangot ng aking mukha, wala akong tatampaling puwet. Period."
"A ganoon. May period pa talaga..." ang sambit niya. At laking gulat ko na lang noong biglang pinalo niya ang aking puwet sabay karipas nang takbo.
"Arekopppp!!!" napahaplos tuloy ako sa umbok ng aking puwet. "Para saan iyon? Bakit mo pinalo ang puwet ko?" tanong kong nagulantang sa kanyang ginawa.
Bumalik siya at humarap sa akin. "Nakasimangot ako o... tingnan mo" at ipinakita ang kanyang mukhang pilit na ginaya ang isang mukhang nakasimangot "Hayan... nakita mo? Nakasimangot ako, di ba? Di ba???" at itinodo pa talaga ang pagpuwersang isimangot ang mukha niya.
Sino ba ang hindi matawa. Bigla akong napahalakhak. Anlakas kaya ng tawa ko sa pagkakita sa mukha niya.
"Bakit ka tumatawa?" sambit niya. "Nakasimangot na nga ako di ba? Tingnan mo ang mukha ko, nakasimangot! Nakasimangot ako partner! Mainit ang ulo koooo!!!" ang biro pa rin niya.
Ewan... hindi ako mahinto sa pagtatawa, hindi lang dahil sa ayos niyang pilit na ipinasimngot ang mukha kundi sa effort niya na patawahin ako. At... syempre, sa sinabi rin niyang kapag kasama ang mahal at nakasimangot, tampalin ang puwet ng mahal. E, ako lang naman ang kasama niya. At siya ang nagbirong nakasimangot. Hindi ko tuloy maiwasang kiligin na naman. Ibig bang sabihin na kaya niya ginawa iyon ay dahil hindi ko tinamapal ang puwet niya? Na naghintay siyang tampali ko ay noong ayaw ko, kung kaya siya na lang?" ang tanong ng isip ko. Pero syempre, ayokong magpahalata. Baka mamaya isipin niya na masyado akong assuming. Baka paraan lamang niya iyon upang tumawa ako at iyon lang, walang ibang kahulugan.
Pero... syetness talaga mga ate at kuya. Grabe. Kiligness to-the-bones ang lola ninyo. Hindi lang ako napatawa, napa pre-c*m pa sa sobrang kilig. "Haissst! Sana ay may laman ang biro niya" Sa isip ko lang.
Kinagabihan, kumanta kami sa bar. As usual, sobrang say. Kasi, simula pa lang ng alas 6 ng gabi, nandoon na ang tatlong bakla at dalawang straight na mga estudyanteng stand-up comedians na nag-okrayan at nagharutan sa loob ng resto-bar. Nandoon na rin kami, namili ng kanta at nagpractice habang nakinig sa mga okrayan nila. Masarap kasing pakinggan ang mga okrayan na may audience participation pa. Parang "Magandang Gabi Vice" lang ang format na harutan, basagan ng trip, guluhan kasama ang audience. Pero hindi naman iyong sobrang pang-aasar. At may nakapaskil din namang warning na ang nakasaad ay kung ayaw ng customers na maisali sa gulo at harutan ay maaaring sa isang section ng resto sila pumuwesto at kumain kung saan ay sound-proof ito at may salamin na puwede silang sumilip sa dagat at ganda ng kapaligirang kalikasan. Kung nature trip at katahimikan lamang ang hanap nila habang kumakain. O baka kaya ay may meeting.
At sa alas 9 ng gabi, kami namang banda ang bumirit. Minsan ay pinapasali rin namin ang stand-up comedians upang manggulo.
Happy ako. Kasi, unti-unti ko nang nalilimutan si Prime. At lalo na kapag kumakanta kami, naipapalabas ko ang aking saloobin, lalo na kapag love songs at may kuwentong iwanan ng magsyota, o masakit na karanasan. Syempre, hindi pa naman kami ganyan ka close ni Marco upang magunload sa kanya ng aking mga saloobin. Hindi ko pa naibunyag sa kanya ang lahat ng aking mga problema; ang aking pagiging ako. Marahil ay masasabi ko lamang na ganyan na kami ka close ni Marco kapag nalaman na niya ang aking pagkatao at tanggap niya ito. Iyan naman kasi ang basehan ng tunay na pagkakaibigan. Kapag kilalang-kilala ka na niya inside-out, alam niya ang mga imperfections at weaknesses mo, ngunit nandyan pa rin siya, tanggap ang lahat sa iyo, masasabi mo, siya na ang tunay na kaibigan mo. Kumbaga, solid. Dahil kung siya ay isang tunay na kaibigan, nasasabi mo ang lahat, pati ang mga baho mong itinatago. Maaring magalit siya o masaktan sa katigasan ng ulo mo ngunit sa kabila nito, tatanggapin ka pa rin niya ng buo, yayakapin, ramdamin ang saloobin mo, at sasabayan ka niyang umiyak sa iyong mga pighati bagamat hihinto rin siya dahil patatawahin ka niya, iaabot ang kanyang kamay sa iyo upang tulungan kang tumayo sa iyong kinasasadlakan; maliwanagan iyong isip at ipakita sa iyo kung gaano kaganda ang buhay sa mundo sa kabila ng mga pagsubok dahil nand'yan siya, hindi bibitiw sa iyo...
Kaya dahil wala akong masabihan sa aking saloobin, nahirapan din akong kalimutan si Prime. Isang bahagi sa aking pagkatao ang hindi niya kayang tanggapin. Ito ang nag-iisang hadlang na sana ay masasabi kong isa siyang tunay na kaibigan.
Kung sa bagay, naisip ko rin na kasalanan ko rin naman talaga; lumampas ako sa boundary ng respeto at pang-aabuso. May nagawa akong kasalanan at para sa kanya ay napakalaking kasalanan ito. Kung kaya ay hindi niya ako maaaring patawarin. "Ok lang... at least dahil doon, nalaman kong hindi pala siya tunay na kaibigan."
Kaya sa pagkanta ko na lamang ipinapalabas ang lahat. Pakiwari ko ay naiibsan ang aking mga dinadalang bagahe sa pag-ibig dahil sa pagkanta. Sa mga liriko nito ko naibahagi sa mga tao ang aking hinaing; ang aking pagkabigo; ang aking hinagpis. Sa pagbigkas ko sa mensahe ng kanta ko naa-unload ang aking saloobin.
Kaya kahit papaano, nakakatulong ang aking pagkanta sa resto-bar. At dagdagan pa sa kulitan ang kilig moments ko kay Marco, kuntento na ako...
Sa panig naman ni Marco, minsan nalilito rin ako. Kasi nga, dahil sa mga ipinapakita niyang mga pambobola na nakapagbibigay sa akin ng ibayong kilig, naitatanong ko tuloy sa aking sarili kung alam ba niya ang aking itinatagong pagkatao. Kasi nga, minsan sa kanyang pagbibiro, may halo itong panunukso. Kung kaya minsan ay napatulala na lang ako kapag naaalala ang mga kilig moments namin at iniisip kung gusto ba niya akong makarelasyon o gusto lang niyang biruin at tuksuhin. Kaso nga rin, may takot akong baka bibigay ako at kapag nangyari iyon, pagtatawanan naman niya, o ba itakwil. Nagka-phobia na ako sa ganoon. Mahirap na. Hindi pa tuluyang naghilom ang sugat na gawa ng pagtakwil sa akin ni Prime. Hindi ko kayang magdurugo muli ang aking puso.
Kaya, ini-enjoy ko na lang ang aming samahan, na nagkunyari ako tungkol sa aking naramdaman. Ang buhay ko ay school lang, banda, at kapag Linggo, day off, magma-malling kami ni Marko o di kaya ay manood ng sine o magbi-beach kasama ang tropa ng banda at stand-up comedians.
Iyon ang naging regular na routin ko. Aral, resto, at bonding. Sobrang saya rin naman kapag kaming grupo ang nagsasama. Puro harutan, kantyawan, basagan ng trip, tawanan.
Sa paglipas pa ng ilang linggo, napansin kong hindi na magkasama palagi sina Prime at ang kanyang girlfriend. Ang iba sa kanyang mga kaibigan din ay tila hindi na sumasama sa kanya. May mga pagkakataon ngang nag-iisa lang siya. Malungkutin. Minsan kapag nagkasalubong kami, tinitingnan niya ako na para bang gusto niyang batiin ako ngunit hindi ito natutuloy dahil biglang ibaling ko ang paningin sa ibang lugar o bagay. Para kasi sa akin, isa na lang siya sa mga taong nasa paligid ko ngunit hindi kami magkakilala.
Isang araw habang nag-iisa akong nakaupo, nagbasa ng libro sa sementong eclosure sa lilim ng isang malaking puno ng kamagong sa likod ng main building ng eskuwelahan, nagulat na lang ako noong may tumapik sa aking likod. "Tol..."
Nilingon ko siya. Si Prime na mistulang napako sa kanyang kinatatayuan at nakatingin lang sa akin. "B-bakit?" tanong ko.
"P-wede ba tayong mag-usap?"
"Tungkol saan?"
"Marami... ang pagkakaibigan natin, ang mga ginawa ko sa iyo..."
Nag-alangan man, "S-sige..." pa rin ang sagot ko.
Naupo siya sa aking tabi. Inilaglag niya ang kanyang gamit sa buhanginang lupa sa harap namin. "S-sorry tol sa mga nagawa ko at ng grupo ko sa iyo."
Tahimik. Hindi ako kumibo. Ang ginawa ko ay sinandok ko sa aking kamay ang buhangin sa ibaba ng aking kinauupuan. Pinuno ko ang aking kamay, sapat na magkalaglagan sa aking palad ang ibang bahagi nito. Ibinigay ko ito sa kanya at tinanggap naman niya ito. Sa kanyang palad ay patuloy na nagkalaglagan ang iba pang mga butil ng buhangin.
Yumuko na lang siya habang nanatiling nakataas lang ang kanyang kamay at ang mga butil ng buhangin ay patuloy na nagkalaglagan. Naramdaman ko, umiiyak siya. Alam niya ang ibig kong sabihin sa pagbigay ko sa kanya ng buhangin. Ito rin ang ginawa niya noong huli kaming nag-usap; noong nanghingi ako sa kanya ng sorry at hindi niya ako pinatawad. Habang nakaupo kaming pareho noon, dumukot siya ng buhangin sa aming kinauupuan at iniabot niya ito sa aking palad. Tinanggap ko ito. Habang hawak-hawak ko sa aking kamay ang buhangin, nagkalaglagan ang mga butil nito, ang iba ay lumusot sa guwang ng aking mga daliri. Hindi ko alam ang ibig niyang ipahiwatig. Nagsalita siya, "Ganyan ang tiwalang ibinigay ko sa iyo. Tingnan mo, hinayaan mong magkalaglagan ito sa iyong kamay. Kagaya rin nito ang ginawa mo. Hinayaan mong masira ang tiwalang ibinigay ko sa iyo. Ngayon, kung maibalik mo sa akin – isa-isa, walang labis, walang kulang – ang mga maliliit na butil ng buhanging nagkalaglagan, maibibigay ko rin sa iyo ang patawad at maibalik ko pa ang aking nasirang pagtitiwala sa iyo." At tumayo siya, umalis na hindi man lang nagpaalam at hindi ako nilingon.
Napako ako sa aking kinauupuan. Napahagulgol habang hinayaang nakataas ang aking kamay at hawak-hawak nito ang natitirang kaunting butil. Alam ko, imposibleng mangyari ang sinabi niya. Hindi niya ako kayang patawarin.
Ngunit sa pagkakataong iyon, na tila bumaligtad ang sitwasyon, hindi ako nagwalk-out sa kanya. Hinintay kong may sasabihin siya.
At nakita ko na lang na hinugot niya ang kanyang panyo at inilipat dito ang mga buhangin. Tinali niya at pinulot pa ang isang plastic na nakakalat sa tabi at ibinalot pa dito. "H-hindi ko man maibalik sa iyo ang mga butil ng buhanging nalaglag na sa lupa... ipangako ko sa iyo, na sa natirang tiwala mong ito, hindi ko hahayaang maubos pa ito." At isinilid niya ito sa kanyang knapsack. "Ilalagay ko ito sa isang garapon upang doon ay hindi siya maubos at ito ay palaging magpaalala sa akin tungkol sa tiwala mo at sa nagawa kong pagkakamali sa iyo."
Nagulat ako sa kanyang ginawa. Hindi ko ito inaasahan. Naramdaman kong totoo ang kanyang paghingi ng sorry.
Ngunit hindi pa rin lumambot ang aking puso. Sariwa pa ang sugat na dulot ng pagpapahirap niya sa akin, ang pangungutya, ang pagmamaliit sa aking pagkatao. "Ang sakit ng ginawa mo sa akin... sana ay kung may galit ka man d'yan sa puso mo akin, ikaw na lang sana ang nagbigay sa akin ng parusa. Sana ay hindi sa harap ng maraming tao, at kasama pa ang iyong girlfriend at mga barkada. Ang sakit noong habang nadapa ako sa putikan, imbes na tulungan mo ako, pinagtatawanan niyo pa, pinalakpakan, kinunan ng litrato, tinawag na bakla, inilagy sa f*******: ang mga kuhang litrato, kinukutya sa harap ng buong mundo... Naaawa ako sa aking sarili, alam mo ba iyon? Walang kumampi sa akin, kahit ni isang tao. At imbes na ang nag-iisa kong 'best friend' na siya sanang nand'yan para sumagip sa akin at protektahan ako laban sa mga nang-aapi at upang kahit papaano ay maibsan ang aking takot at hinanakit, magbigay sa akin ng lakas at ipakita ang kanyang pakikiramay at suporta... ay siya pa itong parang nagtulak sa akin sa putikan, upang pagtawanan, upang kutyain. Ansakit na makita mong imbes ang best friend ko ay alalayan akong iahon sa putikang iyon ay siya pang pumalakpak at sumigaw ng 'bakla!!!' Tama ba iyon?"
"H-hindi ako ang sumigaw ng bakla tol... at ni minsan, hindi ko sinabi kahit kanino na bakla ka. Girfriend ko ang nagpakalat noon dahil may nasabi ako sa kanya tugnkol sa pagiging close natin. At noong nasabi ko sa kanyang ang huli nating pagsama kung saan ay lasing ako at nakatulog sa inyo at may ikinagalit ako sa isang bagay na ginawa mo kung kaya nagalit ako, doon na siya nagduda na iyon nga ang ginawa mo sa akin. Kasi... nangungulit siyang sabihin ko ngunit hinid ko sinabi kung ano."
"Kung girlfriend mo nga ang nagpa-ikot niyon, bakit wala kang ginawa? Bakit hinayaan mong pati ang mg barkada mo ay ipangalandrakan sa buong mundo na bakla ako? Bakit nagpost pa kayo sa f*******: ng mga litrato ko at kinutya miyo pa ako?!!!" ang pasigaw ko nang boses.
"Ipinabura ko na tol... at h-hiniwalayan ko na rin siya... P-pati ang mga barkada ko, hindi na rin ako sumasama sa kanila. Narealize ko, hindi sila ang klase ng mga taong dapat kong kaibiganin."
Hindi ako nakasagot agad. Ngunit masama pa rin ang loob ko. Kasi, kung talagang kaibigan ang turing niya sa akin, bakit pa niya paaabutin ng ganoon ang lahat bago siya gumawa ng aksyon at lalapit sa akin? Sa aktong nadapa ako sa putikan pa lamang, kung kaibigan talaga ang pagtingin niya sa akin, kahit naghihiyawan pa ang kanyang mga barkada ay lalapitan niya ako at tulungan, alalayang makaahon. Bakit hinid niya nagawa iyon? "Hindi ka na sumasama sa kanila dahil natatakot kang baka aatakehin ka na naman at hindi ka nila matutulungan dahil ako lang naman ang nakakaalam kung paano ka sagipin? Ganoon ba? Noong nakita mong pinaligiran ka lang nila na parang nanonood lang sila ng palabas habang naghihingalo ka, at ako na pinagtulungan ninyong apihin ang siyang pang tumakbo upang sagipin ka, doon mo narealize na ako pala talaga ang kaibigan mo?!!! Wow naman! Ikaw na rin!"
Yumuko siya. "Oo tol... aaminin kong sa lahat ng tao sa mundo, ikaw lamang ang nakakaalam kung paano ako sasagipin kapay inaatake ako. Kahit ang mga magulang ko ay hindi alam ang sakit ko. At kahit sa mga personal na bagay tungkol sa akin, ikaw lamang ang nakaalam tol... lahat-lahat. Kung naalala mo, isang beses ay nasabi ko pa sa iyo pagkatapos kong atakehin, kung paano na lang ako kapag wala ka at aatakehin ako. At sinagot mo ako na hindi mo ako pababayan... na kahit nasa malayo ka kung kaya mong puntahan ako upang sagipin ay gagawin mo; na kahit mag-away man tayo at matindi ang galit mo sa akin basta nakita mo akong inatake ay tulungan mo pa rin ako. At pinatunayan mo iyan sa akin noong inatake ako na kasama ang aking mga barakada. Doon naantig ang aking puso tol... sa pagpakumbaba mo, sa pagdamay mo pa rin sa akin, kabaligtaran sa nangyari sa iyo sa putikan na hindi man lang kita ipinaglaban at denepensahan." At nakita ko na lang siyang nagpahid ng kanyang luha.
Naalimpungatan ko na ring pumatak ang aking maga luha.
"Isa kang tunay na kaibigan tol... At napagtanto ko na walang kahulugan kung mawala man ang tiwala ko sa iyo basta manatili ang tunay nating pagiging magkaibigan. Para sa akin ngayon, mas importante ang pagiging magbest-freind natin tol, kaysa tiwalang nasira. Wala rin akong pakialam kung nasira na ang tiwala mo sa akin, basta best friend pa rin kita. Iyan ang mensaheng ipinarating mo sa akin noong inatake ako at sinagip mo. Kahit nagpupuyos sa galit ang kalooban mo, kahit hindi mo na halos nakayanan ang bigat ng sobrang sama ng loob mo sa akin, kinalimutan mo iyon, dahil alam mo, sa kaibuturan ng puso mo... best friend mo pa rin ako. Dapat, iyon din ang ginawa ko." At humagulgol na siya. "Napakabait mong tao tol. Napakaswerte ko na nagkaroon ng kaibigan na katulad mo. Hindi ko naisip na walang ni kahit na ano man katinding pagkakamali ang dapat sumira sa pagmamahal ng isang tunay at tapat na kaibigan. Nagsisi ako na hindi ko naisip iyon... At ngayong nabuksan na ang aking isip, ipangako ko sa iyo tol, na ipaglaban ko ang pagiging best friend ko sa iyo."
Napayuko na lang ako, patuloy na nagpahid sa aking luha, nanatiling tahimik, pinakinggan ang kanyang mga sinasabi. Naantig ang puso ko sa kanyang sinabi. May katotohanan naman kasi; nakapagbitiw ako ng salita noong may isang beses na inatake siya at nang nahimasmasan, naawa akong tiningnan siya. Noong tinanong niyang, "Paano na lang ako kung wala ang best friend ko kapag inatake ako?" Doon ko ipinangako na kahit anong mangyari, kahit darating ang araw na magkagalit kami at magpupuyos ako sa sama ng loob sa kanya, sasagipin ko pa rin siya.
Nagpatuloy siya. "Alam mo, hindi na mahalaga sa akin kung atakehin man ako at tuluyang mamatay. Hindi iyan ang dahilan kung bakit ako lumapit sa iyo. Kasi kung mamamatay man ako, kahit anong oras pa iyan, nand'yan ka o wala kapag oras ko na, doon pa rin ang patutunguhan ko. Wala akong magagawa. Wala kang magaawa. Nilapitan kita ngayon dahil gusto kong sana ay mapatawad mo ako... at maibalik natin ang ating magandang samahan, at dati nating pagiging malapit, ang pagiging mag-best friends natin. Iyan lang ang nais ko. Wala nang iba. Ngunit kung hindi mo man ako mapatawad, wala akong magawa. Tatanggapin ko nang maluwag sa aking kalooban. Patuloy pa rin kitang ituturing na best friend at ipangako ko sa iyo na lagi akong nandyan para sa iyo tol... kahit galit ka sa akin, kahit ayaw mo na sa akin, tutulungan at susuportahan pa rin kita... gaya ng ginawa mo sa akin. Wala na akong pakialam kung patawarin mo ako o kung naibsan man ang tiwala mo sa akin. Ang importante, best friend pa rin kita." Napahinto siya, iniangat ang buhanging nakabalot, "At itong natirang tiwala mo, iingatan ko ito..."
Tahimik. Hindi na ako nakaimik. Patuloy pa rin ang pagpahid ko ng aking luha. Hindi ko kasi alam ang aking gagawin. Dahil sa mga binitiwan niyang salita, pakiwari ko ay lumambot ang aking puso. May isang bahagi ng utak ko ang sumigaw na patawarin na siya; na narito pa sa puso ang pagmamahal sa kanya. Ngunit may isang bahagi rin ng aking utak ang nakaalala pa rin sa sakit na dulot ng kanyang ginawa. Ramdam pa rin ito ng aking puso.
Habang nasa ganoon akong pag-iiyak, naramdaman ko ang paghawak ng kanyang kamay.
Hindi ako umimik. Hinyaan ko lang ito.
Naramdaman kong hinigpitan niya ang pagpisil sa aking palad. Ngunit hindi ko ito sinuklian ng pagpisil, bagamat hinayaan ko lang itong hawakan at pisilin niya.
"P-patawarin mo na ako tol... please?" ang mahina niyang pagsasalita.
"H-hindi pa ako handa..." ang sagot ko. "Ramdam ko pa ang sakit na dulot ng iyong ginawa sa akin"
"S-sige, maghintay ako. Pero p-pwede bang palagi na tayong magsama sa mga lakad? Sa iyo na ako sasama, kagaya ng dati?"
"H-hindi rin."
"Bakit?"
Hinid ako umimik. Sa loob-loob ko, gusto ko nang burahin ang pagmamahal ko sa kanya at hindi ko magagawa iyon kapag nagsasama kami palagi.
"D-dahil ba kay M-marco?" pagfollow up niya.
At ewan kung bakit, ngunit napatango ako sa tanong niyang iyon. Ang gusto ko lang naman kasi ay makahanap ng paraan upang hindi na siya lumalapit-lapit pa sa akin. O marahil ay nangibabaw pa rin talaga ang galit ko o kagustuhang makaganti sa ginawa niya sa akin. At dinugtungan ko pa ang pagtango kong iyon ng, "B-boyfriend ko siya..."
Natahimik siya nang sandali. Binitiwan ang isang malalim na buntong-hininga. "Hindi ako maniniwalang mag-boyfriend kayo... M-maniniwala lang ako kung may makita akong ebidensya."
"At anong ebidensya naman ang gusto mong makita?"
"Halik. Gusto kong makitang halikan mo siya..."
Iyon ang pinakahuling pag-uusap namin ni Prime. Kahit papaano, med'yo naibsan ang aking sama ng loob sa kanya. Ngunit hindi pa talaga ako handang patawarin siya. At lalo nang hindi pa ako handang ibalik ang dati naming pagiging malapit sa isa't-isa, lalo na walang kaalam-alam si Marco tungkol sa aking lihim at tungkol sa kanya, na siya pala ang aking best friend na tinukoy kong pinagsamantalahan at tumakwil sa akin. Ayokong magduda si Marco. Ayokong masira ang aming magandang samahan.
Isang gabi sa habang tumugtog ang aming banda sa TBS resto ng tita ni Marco, napansin ko sa isang sulok si Prime, nag-iisa lang siyang nag-iinum at bakas sa mukha ang ibayong lungkot. Noong nakita ko siya, doon bigla kong naisip ang isang kanta. Sinabi ko ito sa banda na iyon ang kakantahin ko.
"Akala ko ba ay nagpraktis tayo para sa ating kakantahin ngayon, bakit iyan, di mo naman prinaktis iyan?" ang tanong ni Marco na nagtaka kung bakit biglang iniba ko ang aknig kanta.
"Hayaan mo na lang ako partner. Trip ko lang. Parang ginanahan akong kantahin iyan eh." Ang sagot ko na lang.
Pumayag naman ang banda. Pamilyar kasi sa kanila ang kantang iyon at natugtog na raw din nila ito.
Bago ako kumanta ay may dedication ako, "Ang kantang ito ay inihahandog ko para sa isang tao. Para sa iyo ito, kaibigan, noong iniwanan mo ako sa ere, sa gitna ng ulan, at sa panahong Just when i needed you most...." At kumanta na ako.
You packed in the morning, I stared out the window
And I struggled for something to say
You left in the rain without closing the door
I didn't stand in your way.
But I miss you more than I missed you before
And now where I'll find comfort, God knows
'Cause you left me just when I needed you most
Left me just when I needed you most.
Now most every morning, I stare out the window
And I think about where you might be
I've written you letters that I'd like to send
If you would just send one to me.
'Cause I need you more than I needed before
And now where I'll find comfort, God knows
'Cause you left me just when I needed you most
Left me just when I needed you most.
You packed in the morning, I stared out the window
And I struggled for something to say
You left in the rain without closing the door
I didn't stand in your way.
Now I love you more than I loved you before
And now where I'll find comfort, God knows
'Cause you left me just when I needed you most
Oh yeah, you left me just when I needed you most
You left me just when I needed you most.
Malapit na akong matapos sa aking kanta noong nakita ko namang tumayo si Prime, tinumbok ang banda, at kinausap ang isa sa mga kasama namin.
Nakita kong tumango-tango ang kausap niyang myembro namin.
Noong natapos na ako sa aking kanta, napansin kong nanatili lang si Prime sa gilid ng platform. Pumagitna sa platform si Marco at nagsalita, "The next song is an audience participation... please welcome Mr. Prime Costales!"
Nagpalakpakan ang mga tao. Pumalakpak na rin ako bagamat kinabahan. Magaling din kasing kumanta si Prime. Isa ito sa gustong-gusto kong parehong hilig namin. At magaling. May sariling estilo, at kahit matataas na tono ay kuhang-kuha rin niya. Kung tutuusin, puwede rin siya sa banda dahil sa angking gaing din niya sa pagkanta. Ang lahat na ginagawa ni Marco na mga blending at tinitirang klaseng kanta ay kayang-kaya rin niyang gawin. Dati noong magbest friends pa kami, may mga pagkakataong idinadaan namin sa kanta ang aming mga kantyawan o mga pasaring. Kagaya nang may type siyang babae at nasa malapit lang, kakanta ito ng "Tukso" at magtatawanan kami. O kaya kung nabusted sa panliligaw o na two-time ng babae, kakanta ng "I Started A Joke" o kung hindi makapagsalita kapag nand'yan ang babaeng crush, kakanta siyan ng "Words".
Kinabahan ako noong nasa platform na siya at handa nang kumanta. Alam ko, may mensahe ang kakantahin niya.
At hindi nga ako nagkamali noong kinanta niya ito –
Sayang ang mga sandaling pinalipas ko
Na'ron ka na bakit pa humanap ng iba
Ngayon, ikaw ang pinapangarap
Pinanghihinayangan ko ang lahat
Bakit ba ang pagsisisi laging nasa huli
Ang mga lumipas di na maaaring balikan
CHORUS
Sayang, bakit ako nag-alinlangan pa
Tuloy ngayo'y lumuluha at nanghihinayang
Kung maibabalik ko lang
Ang dati mong pagmamahal
Paka-iingatan ko at aalagaan
Kung maibabalik ko lang
ang dating ikot ng mundo
Ang gusto ko ako'y
lagi na lang sa piling mo
REPEAT CHORUS
Kung maibabalik ko lang
ang dating ikot ng mundo
Ang gusto ko ako'y
laging nasa piling mo
At doon naantig na naman ang aking damdamin. Makahulugan ang kanyang kanta at damang-dama ko ang kanyang saloobin. Syempre, hindi naman nawala ang aking pagmamahal sa kanya kung kaya narmdaman ko pa rin sa puso ko ang awa bagamat masakit pa rin ang aking kalooban sa mga ginawa niya.
(Itutuloy)