12

4876 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com ------------------------------------ "Tollll! Tollll!" ang taranta kong pagsisigaw hanggang sa narating ko ang kanyang kinaroroonan. Nakatihaya siya, nakabuka ang dalawang paa, ang isang kamay ay napilipit at naipit sa kanyang katawan. Maraming dugo ang dumaloy mula sa kanyang ulo. Ito yata ang parteng napuruhan. "Tol! Tol!" ang sigaw ko habang inalog ko ang kanyang katawan. Hindi siya sumagot, nanatiling nakapikit ang mga mata. Idinampi ko ang tainga ko sa kanyang dibdib. Laking tuwa ko naman na may naramdaman pa akong t***k ng kanyang puso. Tiningnan ko ang kanyang ulo, inusisa ang pinagmulan ng dugong patuloy pa rin sa pag-agos. Ngunit hindi ko matumbok kung saan. Tinanggal ko na lang ang aking t-shirt at gianwa itong bendahe sa kanyang ulo. Samantala, habang ginawa ko iyon, nandoon na rin pala ang kanyang mama. Narinig kasi ang aking pagsigaw kung kaya ay mabilis siyang tumakbo patungo sa kinaroroonan ko. Naging hysterical sya. Nagsisigaw. Nag-iiyak, nataranta, hindi alam ang kanyang gagawin. "Prime!!!! Anak!!!! Primeeeeeeeee!!!" Habang nasa ganoon kaming pagkataranta, napansin ko naman ang kotseng bumundol kay Prime. Bumangga din pala ito sa isang malaking puno sa di kalayuan. Marahil ay sa pagka-rattle niya sa biglaang pagsalpok ng sasakyan niya kay Prime kung kaya hindi rin niya nakontrol ang manibela. At sa tantiya ko sa sira ng kanyang sasakyan, ay siguradong may pinsala rin kung sino man ang nagdrive nito. Ngunit ang kalagayan ni Prime ang unang nasa isip namin ng mama niya. "Ian, tumawag ka ng ambulansya!" sigaw ng mama ni Prime sa akin. Dali-dali naman akong tumalima. Tinumbok ko ang bahay nila at tinungo ang landline na telepono at binuklat ang yellow pages. Noong nakontak ko na ang ambulansya, ibinigay ko ang aming lokasyon. Pinayuhan ako na maghintay ng ilang minuto at darating na ang ambulansya. Tumakbo ako muli sa labas. Nagsisigaw ang ina ni Prime at nag-iiyak. Gusto na lang sana niya itong dalhin sa ospital, isakay sa isang taxi na huminto at naki-usyoso. Ngunit may nagmungkahi na baka makasama pa kay Prime kung galawin namin siya. Kung kaya ay hinintay na lang namin ang ambulansya. Marami na ring mga taong pumaligid sa kotseng nabangga. Pinuntahan ko ito, inalam ang plate number at ang kotse mismo para may record kami kung sakali. "Huwag niyo po siyang galawin! Huwag niyo pong galawin! Kakilala ko po siya!" Ang sambit ko upang hindi siya galawin ng mga tao. Hindi kasi maiwasan na sa ganoong pagkakataon ay may magsamantala. Imbes na makatulong, lalao pa itong makagulo sa sitwasyon. Nakasubsob ang ulo ng driver sa manibela, wala siyang malay. Binuksan ko ang pinto ng sasakyan at ipinasandal ang kanyang katawan sa kanyang upuan. Nasa mahigit kwarenta na siya, mestisuhin. Duguan ang kanyang mukha, nakapikit ang kanyang mga mata. Gustuhin ko mang magalit, nangingibabaw pa rin ang awa ko. Alam ko, hindi niya kagustuhang banggain si Prime. Hinawakan ko ang kanyang kamay at kinapa ang pulso. May naramdaman pa akong pintig nito. "Buhay pa siya!" sa isip ko. Dumating ang ambulansyang tinawag ko. Nakita kong nilagyan nila ng braces si Prime sa leeg at pagkatapos, ipinasok na sa ambulansya. Nilagyan din nila siya ng dextrose at oxygen. Dali-dali akong tumakbo kay Prime at sumakay rin sa ambulansya sinamahan ang mama ni Prime. Napansin kong may isa pang ambulansyang dumating at pumara sa tapat ng kotseng nakabangga kay Prime. Iyon ang huli kong nakita. Habang mabilis na humaharurot ang ambulansya patungo sa ospital, matinding takot naman ang aking naramdaman at pagkahabag sa kalagayan ni Prime. Awang-awa ako sa kanya, at sa kanyang ina. Noong nakarating na kami sa ospital, ipinasok si Prime sa emergency room. Naghintay kami ng may mahigit isang oras. Pagkatapos noon, inilabas si Prime at idineretso sa ICU. 50-50 daw ang kanyang kalagayan. Oobserbahan pa raw siya ng 24 hours at kapag malampasan ito ni Prime, malamang na may tsansa pa siyang mabuhay. Ang isang problema lang ay kulang ang kakayahan ng ospital na iyon sa mga ganoong klaseng katindikng pinsala sa ulo. Wala silang mga equipment, wala rin silang espesyalistang mga duktor para sa ganoong klaseng injury. Walang humpay ang pag-iyak ng mama ni Prime. Hindi mapakali, hindi alam ang gagawin. Ako man ay awang-awa sa kanya. Hindi ko rin kasi alam kung paano sila matutulungan. "Ian... hindi ko alam ang gagawin. Diyos ko, paano ba ito! Wala akong pera, hindi ko alam kung sino ang lalapitan..." ang sabit sa akin ng mama ni Prime. "Tita... m-may numero ka ba sa kumare ninyo? Maari natin siyang tawagan upang may makatulong sa inyo sa paghahagilap ng tulog..." Naisip ko kasi na baka may alam ang kumare niya na malapitan o makapagbigay ng payo. Kahit papaano, may isang taong medyo kalmante ang pag-iisip at makapagbigay ng magandang payo sa kanya. "S-sige Ian. Wala lang talaga akong malapitan eh. Wala akong kamag-anak dito. Si Prime na lang sana ang nag-iisa kong pamilaya at heto, ganito pa ang nangyari sa kanya! Diyos ko po!" Wala pa rin siyang tigil sa pag-iiyak. Mistulang tinadtad ang aking puso sa narinig. Sila nga lang dalawa ni Prime ang matatawag na pamilya. Iniwanan na nga siya ng asawa, wala rin siyang mga kapatid at kamag-anak. At alam ko, mahal na mahal ni Prime ang mama niya. Isang bagay lang ang alam kong hindi nila pinagkasunduan simula noong nalaman niya ang sikreto ng kanyang ina; ito ang tungkol sa kanyang biological na ama, dahil ayaw itong sabihin ng kanyang ina kay Prime kung sino at nasaan ito. May isang beses pa nga, sinabi ni Prime sa akin na ang mama niya ang buhay niya. Kahit anong mangyari, hindi raw niya ito iiwan dahil alam niya kung gaano katindi ang hirap na dinanas ng mama niya sa pagpapalaki at pagpapaaral sa kanya. "Minsan ang gabi ay ginagawa niyang araw, nag-oovertime pa siya upang matustusan lamang ang pag-aaral ko, ang mga kailangan ko sa eskuwelahan, ang mga pangangailangan namin sa bahay... Lahat ay gagawin niya para lamang sa akin, upang makapag-aral ako, maranasang matikman ang mga bagay na kagaya ng natatamo ng mga normal na bata." ang bulalas niya sa akin isang beses. At ang hindi ko pa malimutang sabi niya noong nakaraang mother's day, "Kung may pera nga lang ako tol... dadalhin ko iyan sa isang engrandeng bakasyon – tour kahit sa Hong Kong lang upang kahit papaano, kahit panandalian lamang ay maranasan din niya ang makapagrelax, ang ginhawa... Pero mas maganda kung sa Amerika o sa Canada." Sabay tawa. At ang kinahantungan ng lahat, dinala rin niya ang mama niya sa isang videoke bar at doon nag-bonding silang mag-ina, at kinantahan niya ito ng mga paboritong kanta ng mama niya. At ang plano naman niya para sa darating sana na mother's day ay ganoon uli. Ang kaibahan lamang ay sa resto bar nina Marco na niya ito dadalhin at kaming banda na ang kakanta sa kanya. Subalit mahirap na mangyari pa ito. Nasa delikadong kalagayan siya. At alam ko, mas mahirap ito para sa kanyang ina. Mistulang nalimutan ko ang sariling sakit na naramdaman at ang nakasentro sa aking isip ay ang pag-alala at sakit na naramdaman ng ina ni Prime. Pati ang pagtawag sa telepono sa kaibigan niya ay ako rin ang gumawa. Tila nawalan siya ng lakas. Pansin ko ang panginginig niya, ang kanyang pamumutla, ang kanyang pagkataranta. Nakausap ko naman ang kumare at best friend niya. Noong dumating ito, nag-iyakan ang dalawa. Nagyakapan. Ikinuwento ng mama ni Prime ang lahat, at pati na rin ang kalagayan ni Prime na kailangang malampasan ang 24 oras. "Mare... pagkakataon na itong tawagan natin si Nolan. Manghingi tayo ng tulong sa kanya. Anak niya ito at kailangang-kailangan siya ngayon ng anak niya." Ang narinig kong pag-uusap nila habang nakaupo lang ako sa isang tabi. "Naguguluhan ako mare. Hindi ko alam ang gagawin. Baka hindi siya maniwalang may anak siya sa akin. Baka itakwil niya si Prime at akusahan pa akong gumagawa ng kuwento dahil kailangan ko ng tulong." "Hindi mare ako ang makikipag-usap sa kanya." "A-ayoko mare. Parang h-hindi pa ako handa." "Diyos ko naman mare. Kailan ka magiging handa? Kung wala na si Prime! Kailangan mo nang kumilos ngayon!" "P-pwede ba, mare... punta muna tayo sa chapel. G-gusto kong magdasal. Gusto kong humingi ng sign sa kanya kung ano ang aking gagawin." "O sya... sige, doon tayo sa chapel" "Ian... ikaw muna ang bahala dito ha?" ang sambit sa akin ng mama ni Prime." Tumango naman ako. Habang nakaupo ako sa isang tabi at pinagmasdan siya, hindi ko maiwasang hindi pumatak ang aking mga luha. Kalunos-lunos ang kanyang kalagayan at wala man lang akong magawa upang matulungan ang best friend ko. Muling nanariwa sa aking ala-ala ang mga sinabi niya tungkol sa buhay, "Sabi ng kaibigan kong pari... hindi raw mahalaga kung alam natin o hindi ang dahilan kung bakit tayo may karamdaman o nasa isang mahirap na kalagayan. Kasi, napakalaki ng kaalaman ng taong gumawa ng buhay upang maintindihan natin ang kanyang mga plano sa mundo. Ang mahalaga lang daw ay ginawa natin ang lahat upang ma-enjoy ang ibinigay na buhay at gamitin ito upang makatulong sa kapawa, dahil ang buhay daw ay parang eskuwela. Kapag natapos mo na ito, may marka ka. May pasado, may c*m laude, may magna c*m laude, may summa c*m laude. Ngunit... may bagsak din. Hindi raw natin maintindihan ang katuturan ng buhay hanggang sa maranasan natin ang bagsik ng pagsubok at malampasan ito. Hindi natin malaman ang halaga ng buhay hanggang sa at least may isang buhay tayong napasaya, natulungan, o naisalba. Iyong iba pa nga, kailangan pa talaga nilang isakripisyo ang sariling buhay upang sagipin ang buhay ng iba..." Napakarami niyang sinasabi tungkol sa buhay. Para bang isa siyang taong napakalalim na ng kaalaman at handang-handa nang pumanaw. Naiiinis ng ako sa kanya kapag nagsasalita na ng mga ganyang kuwento. Inilapit ko ang aking upuan sa kanyang kama. Kinausap ko siya. "Tol... lumaban ka. Nag-iisa na lang ako tol. Iniwan na ako ni Marco at ngayon, heto ganyan ka. Hayaan mo ba akong mag-isa? Sabi mo, ipagtanggol mo ako at hindi mo pababayan. Paano mo ako ipagtanggol niyan? Kaya lumaban ka tol. Di ba ikaw rin ang nagsabi na dapat malampasan ang pagsubok upang malaman ang halaga ng buhay? Pwes lumaban ka tol. Para sa akin. Para sa mama mo. Nag-iisa na lang din siya. Wala siyang kasama. Hahayan mo bang sa pagtanda niya ay wala ka sa piling niya? Hahayaan mo bang mawalan ng katuwang ang iyong ina sa araw-araw niyang pakikipagbuno sa mga pagsubok sa buhay? Lumaban ka tol... para sa akin; para sa mahal mong ina." May mahigit dalawang oras at bumalik na ang mama ni Prime at ang kanyang kumara galing sa chapel. Hindi pa rin matapos-tapos ang pag-uusap nila tungkol sa paghinign ng tulong sa biological na ama ni Prime. At sa palagay ko ay hindi pa rin siya pumayag na manghingi ng tulong sa biological na ama ni Prime. "Tanggalin mo na kasi ang pride mong iyan mare..." ang banat pa ng kumara niya. Dahil limitado lang ang taong dapat na naroon sa loob ng kuwarto ni Prime dahil sa kanyang kalagayan, lumabas na lang muna ako at nagpaalam. Naisip kong maghanap na lang ng computer shop at mag-online upang ipaalam sa aming mga kakilala, kaibigan, at ka-klase ang nangyari kay Prime. "S-sige Ian... at nagpaalam ka na ba sa mga magulang mo? Baka nag-alala naman sila sa iyo?" "Nagtext na po ako Tita. At ok lang daw na dito muna ako sa iyo. Baka raw kailangan mo ng tulong. Bibisita rin daw sila bukas..." sagot ko. Pagkalabas na pagkalabas ko pa lang sa pinto ay may lumapit namang taong nakabendahe ang ulo, tulak-tulak ng isang Amerikanong lalaking kasing-edad din niya at sa gilid niya ay ang isang nurse. Natandaan ko ang mukha na iyon. Siya iyong nakabangga kay Prime. Ligtas na pala siya. At doon din pala sa ospital nay ion siya dinala. At sa tingin ko sa porma niya, wala siyang seryosong pinsala sa katawan. Parang gusto ko siyang bulyawan, murahin at sisihin. Pakiramdam ko ay biglang kumulo ang dugo ko. "M-may tao ba sa loob?" ang tanong niya sa akin, turo sa kuwarto ni Prime. Iyon marahil ang itinuro ng nurse sa kanya. Hindi ko siya sinagot. Nagmamaktol akong binuksan ang pinto. "Tita! May naghanap po sa inyo. Nandito po ang taong nakasagasa kay Prime." Sambit ko. Dali-daling lumabas ang mama ni Prime. Ngunit imbes na bulyawan niya ang taong iyon, naglupasay pa ito na parang isang batang inagawan ng kendi. "Edgar!!!" ang tagal na kitang hinanap! Anak mo ang nasagasaan mo!!!" at nag-iiyak na siya. "Kristina, patawarin mo ako. Alam mo naman ang dahilan kung bakit ako umalis di ba? Balak ko pa ring suportahan ka ngunit sa kagustuhang marating ko ang Amerika, nag TNT ako. Nitong bago lang ako nabigyan ng amnesty sa gobyerno ng Amerika. Noong isang araw, dinalaw kita sa dating apartment natin upang makita man lang sana ang aking anak na na si Prime. Na-miss na rin kita. At excited akong makita ang aking adopted na anak. Ngunit nakalipat na raw kayo ng tirahan..." ang paliwanag ng legal na ama ni Prime. Dahil kasi sa pagpakasal niya sa mama ni Prime kung kaya naging legal na tatay na rin siya ni Prime. "Ang saklap naman... at ako pa ang nakabundol sa kanya..." dugtong pa niya, kitang-kita sa kanyang mga mata ang matinding pagsisisi. "At bakit mo ba siya binundol?" "Hindi ko sinadyang bundulin siya! BIgla siyang sumulpot sa highway at napansin ko na lang na nasa harap na pala siya ng sasakyan ko! P-patawarin mo ako Kristina." At tuluyan na siyang umiyak. "Sinumpong po siya kung kaya hindi na siya nakatakbo at nanatili na lang sa gitna na ng higway." Ang pagsingit ko naman. Napatingin sa akin ang mama ni Prime. Iyong tingin na nabigla sa narinig na salita. "Sumpong? Sumpong ng ano...?" "Hindi ko po alam Tita. Basta po kapag sinusumpong siya, nahihirapan po siyang huminga." At bumakas na naman sa mukha niya ang lalo pang pagkadismaya. "Bakit naman hindi mo sinabi sa akin iyan, Ian?" "Sabi po kasi niya Tita... allergey lang daw po." "Diyos ko po! Ilang beses na ba siyang nakaranans ng ganyang sumpong?" "S-siguro po... may anim na beses na. Ewan ko lang kapag siya lang mag-isa..." Nagkatinginan sila ng papa ni Prime. "Ipasusuri na rin natin siya..." ang sambit ng papa ni Prime. "Wala akong pambayad sa mga gastusin, Edgar. At ngayon nandito pa pala ang isang problema niya. At kailangan niyang mailipat sa mas advanced na ospital at mga duktor at surgeons na espesyalista sa kanyang kalagayan ang wala sa ospital na ito. "Huwag kang mag-alala. Sa Amerika natin siya ipapagamot... Isasama kita doon." At baling sa kasama niya, "We will bring Prime to the US to have his treatment there." "Yeah, we will do that." Ang sagot naman ng partner ng papa ni Prime. Sa tingin ko sa kanila, magsyota sila kung hindi man mag-asawa. At nakita ko na lang na niyakap ni tita Kristina ang legal na ama ni Prime. "Salamat..." Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman sa narinig na tulong ng ama ni Prime. May tuwa akong naramdaman na kahit papaano, naibsan ang paghihirap ng mama ni Prime ay na may pag-asa na darating para sa iakbubuti ng kalagayan niya. Ngunit masakit din ang mapalayo sa akin ang best friend ko. Siya lang kasi ang naiwang taong nakakaintindi sa aking kalagayan. "Tita... m-may bibilhin lang muna ako sa labas" ang nasambit ko na lang. Parang gusto ko kasing magmuni-muni at mag-iiyak. Nagpunta ako sa chapel ng ospital at doon, hinayaan kong dumaloy nang dumaloy ang aking mga luha. Nakaupo lang ako sa isang gilid at parang masisiraan ng utak, nagsasalita sa sarili. "Sobra naman itong nangyari sa akin... Sinabi ko lang naman noon na sana ay maramdaman niya ang naramdaman kong sakit. Pero hindi naman ganito kalala ang ibig kong sabihin na halos mamatay na siya. Hindi ganito kalala ang hiniling ko. Sana pala ako na lang ang nabundol. Kasi... mas kailangan si Prime ng mama niya. Sana ako na lang ang naging nasa kalagayan niya. Kasi... sobrang hirap na rin ng aking kalooban... Parang ang hirap namang intindihin ng mga plano mo para sa amin. Parang ayoko na sa buhay kong ito. Parang pinaglaruan lang ba?" ang nasambit ko. Sinisi ko pa talaga ang nasa itaas. Ngunit iyon ay dahil sa sobrang hirap na rin ng aking kalooban. Maya-maya, lumabas ako, sumakay ng tricycle at nagpunta ng palengke. Ewan ko, hindi ko alam ang gagawin. Parang may gusto lang akong bilhin para kay Prime. Habang nasa ganoon akong pagdadalawang isip kung ano ba talaga ang bibilhin, nanumbalik sa aking isip ang eksena kung saan nagpunta kami ni Prime sa beach. Wala si Marco noon gawa nang sa panahon na iyon, madalas na siyang nag-aabsent sa klase at madalas na rin siyang umuuwi sa lugar niya. Kung kaya kaming dalawa na lang ang nagsamang namasyal. Nagharutan kami noon at nagbatuhan pa ng buhangin. Dahil sa nagkaroon na ng buhangin ang aming mga damit, naghubad kami, brief lang ang natira sa aming katawan. Wala kasi kaming dalang extrang damit. Naligo kami sa dagat, naghabulan. Hanggang sa tumakbo ako sa dalamapasigan at doon naabutan niya ako. Nagpambuno kami, nagpagulong-gulong sa buhanginan na. At noong na-pindown niya ako at dinaganan habang nakatihaya, nagkatitigan kami. "Give up ka na?" sambit niya. "Hindi pa!" at pinilit kong makawala. Ngunit sadyang mas malakas siya kung kaya ay hindi ako nakawala sa kanyang pagdagan sa akin. "Pakawalan kita kapag sinagot mo ang tanong ko." "Ano?" "Mahal mo ba ako?" Bahagya akong natigilan. Narinig ko na kasi ang usapan nila ni Marco kung saan tinanong siya kung mahal niya ako at ang sagot niya ay 'oo'. Para akong nabilaukan sa kanyang tanong na iyon. May naramdaman pa kasi ako sa kanya at ang udyok sa aking isip ay huwag magsinungaling. Ngunit ayaw ko ring umasa siya dahil boyfriend ko si Marco. Nahirapan akong sagutin ang tanong na iyon. Nanatili lang akong nakatitig sa kanya. "Ano?" "P-wede bang huwag ko munang sagutin iyan?" "Hindi kita pakawalan kapag hindi mo ako sinagot." Kaya sinagot ko na. At ang lumabas na sagot sa aking bibiga ay, "Hindi..." At bigla niya akong pinakawalan. Walang pasabing dumeretso siya sa aming cottage, halatang nasaktan sa aking sinabi, ni hindi man lang ako nilingon. Sinundan ko siya. "Saan ka pupunta tol! Hoy!" ang sigaw ko. Ngunit hindi siya sumagot sa tawag ko. Hanggang sa nakarating siya sa cottage. Dinampot niya ang kanyang pantalon at may hinugot. Noong nahugot na niya ito, nakita ko ang isang singsing. Alam ko, stainless lang iyon at wala pa sigurong 100 pesos ang halaga noon. Ngunit maganda ang desenyo nito. At napakakinis, napakagandang tingnan. Gustong-gusto ko. "Para kanino iyan?" Tanong ko. "Para sa taong mahal ko... sa iyo sana. Ngunit dahil hindi mo naman ako mahal, itatago ko na lang siya sa ilalim ng puno. Kapag darating ang araw na ako na ang laman ng iyong puso, saka ko siya huhukayin at isukbit sa iyong daliri..." sagot niya sabay balot noon sa isang papel atsaka tinumbok ang puno ng talisay na nasa gilid lang ng cottage. Hindi ako nakaimik. Parang binusalan ang akig bibig. Parang gusto kong maiyak, parang gusto kong maawa sa kanya at sabihing mahal ko rin siya... "Kaya kong maghintay. Kahit sa dulo pa ng walang hanggan, hihintayin kita." Dugtong niya. Wala na akong nagawa kundi ang pagmasdan siya habang isiniksik niya sa butas ang kanyang singsing at pagkatapos ay tinabunan ito ng buhangin. "Tara na! Uwi na tayo" ang sambit niyang noong natapos na niyang tabunan ng buhangin ang kanyang ginawang hukay. Kung gaano kami kasaya sa aming harutan sa pagdating doon ay siya ring lungkot ng kanyang mukha sa aming pag-alis. Walang kibo akong tumalima. Ang eksenang iyon ang sumagi sa aking isip. Noong bumalik na ako sa ospital, nagdala ako ng tinapay para sa mama ni Prime at mga kasama niya. Iyon lang kasi ang nakayanan ng pera ko. Kumain naman sila. Alam ko, gutom na gutom na ang mama ni Prime at ang kanyang kumare. Nandoon pa rin ang papa ni Prime at ang Amerikanong partner nito. Noong nakita nilang tila nagutom ang mama ni Prime, dinala nila siya kasama ang kanyang kumara sa labas. "Ian, dito ka muna ha? Kakain lang kami sa labas. Magtake-out na lang kami para sa iyo ha? Bantayan mo muna si Prime" ang sambit ng papa ni Prime. Tumango lang ako. Noong nakaalis na sila, tinungo ko si Prime. Kinausap muli. "Tol... kumusta ka na. Sana, narinig mo ako. Dadalhin ka na pala ng papa mo sa Amerika tol. Alam mo, ang guwapo naman pala ng papa mo eh. Sana nakita mo siya. Mabait naman sa tingin ko. Baka bukas na o sa makalawa, makakasakay ka na ng eroplano. Hinihintay na lang ang mga papeles. Masakit lang sa akin kasi... heto mapalayo ka sa akin. Wala na nga si Marco, heto ngayon, aalis ka rin pala. Pero masaya naman ako kasi kahit papaano, gagamutin ka nila doon. At mga magagaling ang duktor sa Amerika. Di ba pangarap mo rin namang makapunta ng Amerika? Kaya magpakagaling ka tol para makikita mo na ang hitsura ng Amerika. At syempre, magpost ka sa f*******: ng litrato para Makita ko rin. At magaling ka namang mag English eh. Magagamit mo na ang pinag-aralan natkin sa English natin. Huwag kang bumitaw tol ha? Lumaban ka. Panindigan mo ang buhay, ang mga ipinaglaban mo, ang mama mo, ako... Kasi ako, hihintayin ko ang pagbalik mo. Sana lang ay hindi siya matagal. Sana lang ay hindi siya malungkot. Pero basta, hihintayin kita. Kahit matagal basata hihintayin kita. Pangako iyan tol..." Sambit ko habang pinapahid ko ang aking mga luha. "A-alam mo tol... may aaminin ako iyo..." at ipinatugtog ko ang kantang exchange of heart mula sa aking cp. At habang tumutugtog ang kanta, nagpatuloy ako, "Kinanta mo rin sa akin ang kantang iyan, di ba? Ang totoo, para sa iyo iyan, noong pinagsamantalahan kita. Nasaktan ako kasi... nagawa ko lang naman sa iyo iyon dahil mahal kita. Mahal na mahal. Pero nagalit ka. Nilayuan mo ako. Parang tinadtad sa sakit ang aking puso. Noong narinig ko ang kantang iyan, nanalangin ako na sana ay magkapalit ang ating kalagayan at maranasan mo rin ang sakit na naranasan ko. Hanggang sa dumating si Marco sa buhay ko. Naging kami. Pinasaya niya ako, ipinaramdam niya sa akin kung paano mahalin ang isang katulad ko. At ikaw... ay siya namang naghahabol sa akin na patawarin kita; nagmamakaawa na ibalik ko ang pagtitiwala sa iyo. Parang nagkatotoo nga mga sinasabi sa kanta, na maranasan mo rin ang aking naranasan. Parang nagkapalit ang nga ang ating kalagayan, ang naramdaman ng ating puso. Ngunit alam mo... ang totoo, nagsisi ako kung bakit ko pa ipinalangin iyon. Kasi... hindi ko akalain mas matindi pala ang ibibigay sa iyo. Alam kong matindi ang pagdurusa mo kaysa sa akin. Hindi ko kasi alam na nagdusa ka na bago pa man ako. Nagdusa ka dahil simula noong pagkabata, hindi mo pa nakita ang papa mo. At ngayong bago pa lang, nalaman mo naman na hindi mo rin pala tunay na ama mo an giyong legal na ama. Iba pa pala siya, at hindi mo pa alam... At ngayon, ganito pa ang nangyari sa iyo. Parang sobra-sobra na ang iyong paghihirap. Patawarin mo ako tol... hindi ko alam kung paano kita matutulungan." Nahinto ako nang sandali, "May isa pa akong aaminin tol... hindi naman talaga nawala ang pagmamahal ko sa iyo eh. Kahit sa panahong itinakwil mo ako hanggang sa naging kami ni Marco, nanatili ang pagmamahal ko sa iyo. Ayoko lang sabihin ito sa iyo dahil ayaw kong magtaksil kay Marco. Ayokong dagdagan pa ng mga pagkakamali sa buhay ko. Ngunit ngayong nag-asawa na siya... siguro naman ay malaya na ang puso ko. Kung narinig mo ako ngayon tol... gusto kong malaman mo na upang patunayan sa iyo na mahal kita, hinukay ko na ang singsing na itinago mo sa ilalim ng puno ng talisay at isinuot ko na ito sa aking daliri. At upang may ala-ala rin ako sa iyo kung sakaling nasa Amerika ka na. At heto, binilhan din kita ng singsing, upang kahit papaano, maramdaman mong kasama mo ang pagmamahal ko, kahit saan ka man mapadpad. Iyan lang ang nakayanan ko tol... pasensya ka na. Ngunit galing sa puso ko iyan. Basta tol... lagi mong tandaan, huwag kang bumitaw, lumaban ka dahil hihintayin kita..." at hinawakan ko ang kanyang kamay upang isukbit sa kanyang daliri ang singsing. Dahil nasa kaliwang bahagi ako ng kama niya, madali kong nahawakan ang kanyang kamay. Habang isinukbit ko ang singsing, binigkas ko ang mga katagang, "Pangako tol... mamahalin kita habang pumipintig pa ang aking puso. Hihintayin kita, kahit sa dulo ng walang hanggan" ang salitang binanggit din niya sa akin sa aplaya. Hahalikan ko na sana ang kanyang pisngi noong nagulat naman ako sa aking nakita. Isang malaking butil ng luha ang nakita kong bumagsak at dumaloy sa kanyang pisngi! Hindi ko maiwasang hindi mapahagulgol sa nakita luha niya. Alam ko, naririnig niya ako. Pinahid ko ang luhang iyon atsaka hinalikan ko ang kanyang pisngi. "I love you tol... Huwag kang mag-alala. Gagaling ka. Gagaling ka tol..." Kinabukasan kaagad ang pag-alis ni Prime patugong Amerika. Dahil iyon na ang huling araw namin ni Prime, naisip kong iyon na lang ang natirang pagkakataong sabihin ko ang naramdaman ko para kay Prime. At sa papa niya ko ito sasabihin. Alam ko kasing maiintindihan niya ang aking kalagayan dahil sa kanyang pagkatao, dahil katulad naming ni Prime, nagmahal din siya ng isang lalaki. Nanghingi ako ng oras para makausap ko siya. At pinagbigyan naman ako. "S-sir..." sambit ko. "Tito Ed na lang Prime... napag-alaman ko kung gaano ka ka-close at ka-loyal sa aking anak" pagsingit niya. "T-tito Ed... sasabihin ko po sa inyo ang lahat. M-mahal ko po si Prime" ang deretsahan kong sabi. Nilakasan ko na talaga ang loob ko, naisip na baka iyon na lang ang huling pagkakataong manindigan ako para kay Prime. "Alam kong mahal mo si Prime, Ian. Ang isang tunay na kaibigan ay hindi nawawala sa tabi ng kanyang mahal na kaibigan sa oras ng pangangailangan." "H-higit pa po sa kaibigan ang pagmamahal ko sa kanya, t-tito. A-at ganoon din po siya sa akin..." Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagkagulat. "Y-you and Prime are g-gay?" "H-hindi ko po alam. Ngunit mahal ko po siya at mahal din niya ako." "Oh, I see..." At sinabi ko sa kanya ang insidente kung saan pinagsamantalahan ko si Prime; ang galit at pagtatkwil niya sa akin pagkatapos non at ang pagmamakaawa naman niyang makipagbalikan sa akin pagkatapos ng lahat ng sama ng loob ko sa kanya. "At alam niyo po ba kung bakit siya galit na galit sa akin at itinakwil pa niya ako sa ginawa kong pagsamantala sa kanya?" "B-bakit?" "Dahil sa iyo. Dahil gusto niyang huwag matulad sa iyo na isang bakla; isang ama ngunit pinabayaan siya at ang kanyang ina. Galit na galit siya sa iyo dahil hinahanap ka niya ngunit wala ka sa piling niya. Naghahanap siya ng pagmamahal ng isang papa ngunit hindi niya naranasan ito. Naiinggit siya sa mga bata at mga taong may mga ama na kumakalinga, na nand'yan sa oras ng pangangailangan; na magpi-pin ng bulaklak sa araw ng kanilang graduation, o nand'yan magbigay suporta sa bawat activity nila sa eskuwelahan. Kayo po ang hinahanap niya, ang tinitingala niyang ama. Ngunit hindi niya kayo naramdaman..." Umiyak na ako sa aking pagsasalita. Nakita kong nagpahid din siya ng luha. "Malaki ang pagsisisi ko sa aking ginawa Ian. Ang totoo, parang special arrangement na lang namin ng mama niya ang magpakasal. Gusto niyang makalimot sa kanyang pag-ibig, sa taong tunay na ama ni Prime. At ako naman, excited na magkakaroon ng legal na anak. Pumunta ako ng Amerika sa isang pangarap na kapag naroon na ako, madadala ko ang mama ni Prime, at si Prime na rin doon. Ngunit hindi ako pinalad. Dahil TNT ako, hindi ako nakapagcommunicate sa kanila dahil sa hirap ng aking kalagayan sa Amerika. Ni hindi ako makapagsulat dahil palipat-lipat ako ng tirahan. Kahit sa sarili kong mga magulang at kamag-anak ay wala akong contact. Ang buong akala nga nila ay patay na ako. Hanggang sa nabigyan ako ng legal na staus doon, sa tulong ng aking lover na si Dave... Ngunit sa akin gpagbalik, hindi ko akalain na ako pa pala itong magiging sanhi sa matinding kalagayan ni Prime. Sobrang sakit na makita siyang ganyan..." ang paliwanag ng ama ni Prime habang patuloy rin ang kanyang pag-iyak. "K-kaya kahit ano ay gagawin ko para kay Prime, Ian..." Tahimik. "Gaano mo kamahal si Prime?" tanong niya. "Mahal na mahal po. Kahit buhay ko po, ibibigay ko sa kanya kung kailangan" ang sagot ko. "At si Prime. Mahal ka rin ba niya?" "Opo... Noong itinakwil niya ako, siya rin po ang lumapit sa akin at nagmamakaawang ibalik namin ang dati. At niligawan niya ako. Heto po, singsing niya po ito, bigay sa akin..." at ipinakita ko sa kanya ang singsing ni Prime na hinukay ko sa aplaya. Hinwawakan niya ang aking kamay at tiningnang maigi ang singsing. Napangiti siya. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD