13

4788 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com ------------------------------------ "I-iyan lang po kasi ang kaya niyang bilhin e..." ang paliwanang ko. Naisip ko kasi na baka napangiti siya dahil mumurahin lang iyon. Naniwala na nga akong mahal ka ni Prime. Hindi mumurahin ang singsing na ito Ian. "White gold ito. At hindi mumurahin ang white gold. Hanga ako sa pagmamahal niya sa iyo. Kung binili niya ito, sigurado pinag-iipunan niya itong maigi." At doon na naman ako napaiyak. Ang buong akala ko kasi ay mumurahin lang ang binili niya para sa akin. Naalala ko ay isang beses nagbiro sa akin si Prime. Sabi niya, "Alam mo tol... may pinag-ipunan ako. Matutuwa ka nito." Hindi ko naman iyon sineryoso. At noong sumali siya sa isang singing contest at nanalo pa, biniro ko pa siyang, "Ang yaman mo na!" na sinagot naman niya ng, "Idagdag ko kaya ito sa aking pinag-ipunang bilhin, para sa isang mahal..." Ngunit hindi ko na ito binigyang pansin pa. Iyon pala iyon... singsing para sa akin. Tiningnan ko muli ang singsing sa aking kamay. "Kaya pala ang ganda..." sa isip ko lang. Hindi na ako nakasagot pa. "Huwag kang mag-alala Ian. Kapag nasa Amerika na kami at gumaling na si Prime, papuntahin kita roon. Sigurado akong sa pagmulat ng kanyang mga mata, ikaw ang isa sa mga taong gusto niyang makita. Binitiwan ko na lang ang isang pilit na ngiti. Syempre, natuwa ako. Nag-uumapaw ang pasasalamat ko sa aking kaloob-looban ngunit hindi ko alam kung paano ito sasabihin. "Alam mo, noong bata pa ako, kagaya mo, kagaya ninyo ni Prime. Umiibig din ako. Ngunit hindi ko pinanindigan ito. Kagaya ni Prime, itinatanggi ko sa sariling hindi ako bakla at ayokong ma-in love sa kapwa lalaki. Ngunit noong nakatuluyan ng lalaking iyon ang isang kaibigan ko pa man din at nagpunta sila sa Amerika at doon nagpakasal, doon na ako nag-iiyak, laking panghinayang ko. Kaya kung ganyang nagmamahalan kayo ni Prime, gusto kong kapag tuluyan na siyang gumaling at nasa Amerika ka na na rin, gagawin ko ang lahat upang makasal kayo doon. Gusto kong lumigaya ang aking anak. At gusto kong ikaw ang magiging katuwang niya sa buhay..." "S-salamat po, tito Ed... Ambait niyo po pala." Ang nasambit ko na lang. "Huwag ka munang magpasalamat. Saka na kapag natupad na ang lahat. Ngunit pangako ko iyan sa iyo at gagawin ko ang lahat nang aking makakaya upang matupad iyan... Kaya huwag kang mag-alala." sabay yakap sa akin at haplos sa aking likod. Araw ng pag-alis ni Prime patungong America, kinausap ko na naman siya. "Tol... aalis ka na. Hindi na talaga mapigilan ang oras ngunit masaya ako kasi nga, magagamot ka na sa Amerika. At alam mo tol, nag-usap kami ng papa Edgar mo. Ang yaman pala nila tol... at ang bait. At kapag magaling ka na raw, papuntahin nya ako roon upang kapag naimulat mo na ang iyong mga mata, ako ang isa sa mga taong makikita mo. Kaya lumaban ka tol at magpagaling kasi kapag gumaling ka, makapunta rin ako ng Amerika. Excited na ako tol... At may sorpresa pa siya para sa atin tol kapag gumaling ka... Siguradong matutuwa ka, matutuwa tayong dalawa." Ang sambit ko. Hindi ko na lang sinabi kung ano ang sorpresang iyon. At noong ililipat na nila siya sa naghintay na ambulansya, humabol pa ako ng halik sabay bulong sa kanya ng, "Paalam tol. Aalis ka na eh. Mahal na mahal kita tol. Magpagaling ka. Bye..." At doon ko na naman nakita ang isang malaking butil ng luhang pumatak sa kanyang pisngi. Wala na akong nagawa. Habang pinahid ko ang sariling mga luha, pinaagmasdan ko na lang ang pagkarga nila sa kanyang stretcher patungo sa loob ng ambulansya. Iyon ang huli kong pagkakita kay Prime... Ang lungkot-lungkot ng buhay ko noong wala na si Ian. Hindi ko alam kung ano ang gagawin upang matulungan siya; upang kahit papaano ay maibsan ang kanyang paghihirap. Sa parte ko naman, nasaktan na nga ako sa ginawa sa akin ng boyfriend ko, tapos ganoon pa ang nangyari sa best friend ko. Masaklap talaga kapag minsan ay nagbibiro ang tadhana. Kung kailan nalaman kong mahal rin pala ako ni Prime atsaka naman nangyari sa kanya ang aksidente. Kung kailan ko minahal si Marco atsaka naman pinaglaruan niya ang puso ko. Para akong isang bibingkang niluluto; may apoy sa itaas, may apoy sa ilalim. "Pero, kaya ko iyan..." sa isip ko lang. Nilakasan ko na lang ang loob ko. Wala rin naman akong choice bagamat umaasa rin akong gagaling si Prime at babalik siya sa akin. At kapag nangyari iyon, sana... sana... matupad ang lahat nang sinabi ng kanyang papa, na ikasal kami. Pero ayaw kong umasa. Syempre, ayokong mabigo na katulad nang sa kay Marco. Ang mahalaga para sa akin ay ang gumaling siya. Iyan ang naka-focus sa aking isip. Sana nga lang ay hindi kumplikado ang kalagayan niya. Natakot kasi akong may iba pa siyang sakit. Kapag inatake kasi siya ay nahihirapan siyang huminga. Iniisip kong baka may sakit siya sa puso. Ganoon kasi ang simptomas sa sakit ng puso, ang nahihirapang huminga. May problema na nga ang bungo at utak niya, magkakaroon pa siya ng isang sakit na nakamamamtay. Nakakatakot isipin... Lumipas ang isang araw simula nang umalis si Prime. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa kanya. Walang balita sa kanya. Sa panig ni Marco naman, wala rin akong narinig. Ansakit. At lalo na kapag nakikita ko ang laminated na litratong nakabitin sa dingding ng aking kuwarto; ang litrato kung saan kaming tatlo ay nakaangkas sa motor. Ang ganda ng aming mga ngiti, isang larawan ng masayang samahan. Pareho kaming nakatingin sa camera. Nakayakap ako kay Marco na nasa harap ko samantalang si Prime naman na nasa aking likod ay yumayakap sa akin. Ang saya-saya naming tingnan. Naalala ko pa ang pagpili namin sa litrato na iyon. "Iyan tol, iyang pangalawa!" sambit niy Prime. "O iyan na bang pangalawa? Waahhh! Pareho tayo ng gusto! Iyan din ang gusto ko eh! Ang ganda kasi ng pagkakuha! At ang gagaling pa ng ating mga ngiti diyan!" sambit din ni Marco. Sobrang saya namin sa panahong iyon. Hindi ko maiwasan ang hindi mapabuntong hininga. "Noon iyon... Ngayon, kabaligtaran naman ang nangyari..." bulong ko sa sarili. Tumayo ako at kinuha ang litrato. Para akong isang baliw na niyayakap iyon at tinitig-titigan. Sa litratong iyon ay nagkaisa kami, nagyakapan na parang magkasudlong ang aming mga buhay. Kung titingnan ko si Marco na natural na natural ang ngiti at hinayaan akong yakapin siya habang hinahawakan naman niya ang manibela ng motor, parang ang dating nito sa akin ay isa siyang hero, ang hero ng buhay ko. Isa siyang tagapagtanggol at tagapagligtas. Parang siya rin ang aking lakas; iyong taong nand'yan lang sa aking tabi kapag kailangan ko, iyong taong iintindi sa mga bagay-bagay na mahirap intindihin ng iba tungkol sa akin; iyong taong sa gitna ng lungkot ay sasabay sa aking pag-iyak o kaya ay yayakap sa akin at sa pamamagitan nito, maibsan na agad ang paghihirap ng aking kalooban. Ngunit wala palang kahulugan ito. Ang pagyakap kong iyon sa kanya ay isang normal lang na pangyayari na nakunan ng litrato. Parang kagaya lang sa isang napakagandang tanawing napuntahan na kinunan ng shot upang magsibing alaala. Ganyan lang din pala ang kahulugan ng aming litrato; isang buhay na memento ng nakaraan... At si Prime, habang yakap-yakap ako, ay parang sa akin din siya humuhugot ng lakas, habang pinoprotektahan niya ako upang hindi malaglag, hindi mapahamak... Ngunit kabaligtaran ang nangyari sa simbolismong inihahalintulad ko. Si Marco na nagsilbing tagapagligtas ko ay itinakwil ako. Si Prime, na nagsilbeng proteksyon ko ay nasa bingit ng kamatayan. Walang humpay ang pagdaloy ng aking luha. Pero pilit kong nilakasan ang aking kalooban. Pilit kong nilabanan ang lahat. Ganyan naman talaga. Gaano man katindi ang sakit o hirap, kailangang ituloy ang pag-inog ng mundo. Sa buhay kasi, walang atras; walang u-turn. Parang one-way lane lang ito. Either dumeretso ka at harapin ang mga pagsubok, o tumalon ka sa bangin at wakasan ang iyong buhay. Pero kung tatalon man ako sa bangin, paano naman ang mga taong nagmahal sa akin; kagaya ng mga magulang ko na umaasang sa pagdating ng kanilang dapit-hapon at pagtanda, ako ang kanilang masasandalan; ang mga taong tumitingala sa aking kakayahan at umaasa na isang araw ay marating ko ang rurok ng aking pangarap at matulungan silang makaahon sa kanilang kahirapan...? Lumipas pa ang isang araw, dalawang araw, tatlo, apat, limang araw... hanggang isang linggo. Wala pa rin akong balita tungkol kina Prime at Marco. Para akong mababaliw sa kaiisip kung ano na ang nangyari sa kanila. Habang nag-alala ako sa kalagayn ni Prime ay wala akong mahanapan ng source ng balita; habang nagtatanong ang aking isip kung bakit ako nilayuan ni Marco, walang kahit sino man ang nakapagbigay sa akin ng paliwanag. Sobrang sakit kaya na ang taong mahal mo ay bigla ka na lang ibasura at pagsabihan pa na hindi sa isang kagaya ko lang ang nararapat na kanyang mahalin. Pagkatpos ng lahat, ganoon-ganoon na lang. Hindi kapani-paniwala. Ngunit kung nagbago man ang kanyang pananaw tungkol sa aming relasyon, hindi naman siguro dapat ganoon ang dapat niyang sabihin. May pinagsamahan kaya kami; may mga bagay na sadyang kami lang ang nakakaalam; mga sikretong tanging ang bawat isa sa amin lamang ang nakakaintindi. Nalala ko pa isang beses na nag-usap kami, sa lilim ng malaking kahoy sa seawall na iyon. Lampas hatinggabi na iyon. Imbes na matulog na kami pagkatapos na aming kantahan sa restobar, naisipan naming magpahangin, magmuni-muni. Napakaganda ng ambiance. Maaliwalas ang dagat at malamig at presko ang simoy ng hangin na nanggaling sa dagat. At habang nakaakbay siya sa akin, bigla niyang akong sinabihn na, "Alam mo burj, kung legal lamang sa Pilipinas ang same-s*x na kasalan, pakakasalan na kita... bago ako mag-celebrate sa ika labing-siyam kong kaarawan." Napangiti ako sa sinabi niya. Syempre, touched ako. "Pero bakit kailangang sa pang labing-siyam na kaarawan?" ang tanong ko naman. "May kasunduan kasi kami ng papa ko... dapat daw bago ako maglabing siyam na taong gulang, magpakasal na ako." "May ganoon talaga kayong kasunduan?" tanong ko. "Oo..." "Nineteen pa talaga ang edad na napili?" "Iyon ang gusto niya eh." "Ah..." sagot ko. Napahinto ako nang sandali. "Pero babae naman ang ibig niyang sabihin, di ba? Paano kung malaman niyang lalaki pala ang pakakasalan mo, kung sakaling naging legal ang same-s*x na kasalan?" "Iyan din ang puntong gusto kong iparating sa kanya. Gusto kong patunayang hindi kailangang kapag lalaki ka, sa babae ka lang dapat magmahal dahil ang pagmamahal ay nararamdaman, hindi natuturuan. Hindi nito kilala ang rules na kapag lalaki ka, sa babae ka lang, o kapag babae ka, sa lalaki ka lang. Sa pagpintig pa lang nito, nararamdaman mong nagmahal ka na. Iyon na iyon, wala nang maraming tanong. Kasi kung idadaan mo sa tanong at paliwanang, parang nasa utak lang ang pagmamahal mo, wala sa puso. Kapag tumibok ang puso, wala itong dahilan. Basta tumibok lang siya... Period." "Ang sweet naman..." ang nasambit ko. "At handa kong patunayan at ipaglaban ang pagmamahal ko sa iyo; at ipakita sa sarili kong ama kung gaano kita kamahal...." Dugtong niya. Pakiramdam ko ay nangilid ang aking mga luha sa kanyang sinabi. Kung sa una niyang sinabi ay touched ako, sa pagkarinig ko noon ay parang may isang sibat na tumama sa aking puso. Iyong feeling na sobrang naappreciate ko ang kanyang thoughtfulness ngunit may lungkot din dahil hanggang sa panaginip lamang ito matutupad. Tiningnan ko ang mukha niya. Seryoso siyang tinitigan ang mukha ko atsaka hinaplos ito sa kanyang mga palad. "P-paano kung magalit siya? Kung itakwil ka niya?" "Ano kung itakwil niya ako? Nandyan ka naman. Hindi mo naman siguro ako itatakwil di ba?" Hindi na ako nakasagot pa. Niyakap ko na lamang siya. Siniil naman niya ng halik ang aking mga labi, hindi alintana ang iilang mga magpartner din na nagdi-date sa di kalayuan ng kinaroroonan namin. Iyon ang aking natandaan sa sinabi niya. Masakit. Kasi, kabaligtaran ito sa huli niyang sinabi sa akin bago niya ako iniwan. Nakarehistro sa utak ko ang masakit na mga salitang iyon, "Hindi sa isang kagaya mo lamang ang karapat-dapat kong mahalin..." Upang makalimot ako kay Marco, binasag ko ang dating routine na pupunta ng restobar gabi-gabi upang kumanta. Habang nakikita ko kasi ang lugar kung saan nagsimula ang lahat, parang paulit-ulit na sinasaksak ang akign puso. Kung maaari nga din lamang sana ay hindi na rin ako papasok sa eskuwelahan. Naalala ko roon si Marco, naalala ko rin doon si Prime. "Friend... puntahan natin ang restobar mamaya kasi hinahanap ka ng tita ni Marco!" sambit ni Marcie isang araw na pinuntahan niya ako sa bahay. Semestral break kasi iyon at hindi na kami nagkikita ni Marcie. At dahil iniiwasan ko na ang magtambay sa mga lugar na palagi naming tinatambayan ni Marco kung kaya wala siyang choice kundi sa bahay ako puntahan. "B-bakit daw Mars? Alam mo naman ang dahilan kung bakit ayaw ko nang magpunta doon, di ba? At kung maaari ay ayaw ko nang makita pa ang lugar." "Importanteng-importante daw, friend. At kung maaari ay dalian mo." Syempre, nagulat ako sa sinabing iyon ni Marcie. "T-tungkol ba raw sa ano iyon Mars? Bakit parang napaka-urgent yata?" "Iyan ang hindi ko rin alam. Ayaw sabihin eh. Dapat daw na puntahan mo siya! Kaya go na!" Nagdadalawang isip man, pinuntahan ko na rin ang restobar. Sinamahan ako ni Marcie. "Ian... kailangang puntahan mo si Marco sa kanila. Importanteng-importante." Ang sambit ng tita ni Marco. "B-bakit po?" ang tanong kong naguluhan. "Basta Ian. Importanteng importante at kailangang sa lalong madaling panahon. Baka hindi mo na siya maabutan pa!" "Hah? B-bakit? Pupunta ba siya sa ibang bansa? At bakit kailangan ko siyang puntahan? Di ba siya maaaring pumunta sa ibang lugar na hindi ako magpapakita sa kanya?" Gusto ko pa sanang idagdag na "Pagkatapos niyang saktan ang damdamin ko?" Natigilan ang tita ni Marco. Nag-isip. "Gusto kong sabihin sa iyo ang lahat ngunit pinagbawalan ako, Ian. Iyan lang ang puwede kong sabihin. Kung may kahit kaunting bahagi pa siya sa iyong puso, kung may kahit katiting na halaga pa ang naging samahan at pag-iibigan ninyo, puntahan mo siya. At ngayon na. Dalian mo. Kailangan ka niya." Parang may isang bombang sumabog sa aking harapan sa pagkarinig ko sa sinabi niyang "pag-iibigan". All those times, ang buong akala ko ay kami lang ni Marco ang official na nakakaalam sa aming relasyon, maliban kay Prime at Marcie. All those times, ang buong akala ko ay talagang ayaw ni Marco na ibunyag kahit kanino ang aming relasyon at lalo na sa pamilya nito. Ang buong akala ko ay ikinahiya niya ako. "A-alam po ninyo ang tungkol sa amin, Tita?" ang nasambit ko na lang. "Oo... alam ko. Alam ng pamilya ni Marco. Si Marco mismo ang nagsabi nito sa amin. Sige na, puntahan mo na siya. At dalian mo." At may dinukot siya sa kaha ng pera at nagmamadaling iniabot ito sa akin. "Heto, walong daan iyan, pamasahe mo, ninyo ni Marcie. Puntahan niyo na siya ngayon na." At baling kay Marcie, "Samahan mo siya Marcie." Bagamat nagulat din at nag-aalangan, wala nang nagawa pa si Marcie. Para akong natulala sa matinding pagkalito. Parang ang bilis naman ng mga pangyayari. Nakakabigla. Nabigla na nga ako sa nalamang alam pala ng pamilya nila ang aming relasyon, hayun, papuntahin pa ako sa kanya, samantalang may asawa naman siya. Syempre, kung alam ng asawa niya ang tungkol sa amin, hindi kaya ako gi-gyerahin noon kapag pumunta pa ako at magpakita sa kanya? Kahit nasa kamay ko na ang pera, nagtatanong pa rin ang aking isip kung tutuloy ba ako o hindi. Tiningnan ko si Marcie. Iyong tingin na nagtatanong. "Sige na... puntahan na lang natin" ang pang-engganyo naman ni Marcie. At dahil ayaw talagang magsalita ang tita ni Marco kung bakit kailangan kong puntahan si Marco, nagdadalwang-isip pa rin akong tumalima. Habang naglalakbay ang aming sinakyan patungo sa probinsya ni Marco, naglalaro naman sa aking isip ang maraming katanungan. "Pinaalam ni Marco ang tungkol sa aming relasyon sa pamilya niya, pati sa kanyang papa ngunit taliwas naman ito sa sinabi niyang paninindigan niya ang pagmamahal niya sa akin... May kinalaman kaya ito sa sinabi niyang kasal sa edad na 19? Ito rin kaya ang dahilan kung kaya nagpakasal siya sa isang babae sa mismong birthday niya gaya ng sinabi niya sa akin na gusto ng kanyang ama? At pinilit siya kung kaya ay itinakwil niya ako? Ngunit bakit kailangan pa akong pumunta sa kanya ngayon? Ano ang sasabihin niya o gagawin niya sa akin kapag nagkita na kaming muli? Ano ang gagawin namin?" Isang simpleng bungalow type ang bahay nina Marco. Asul ang kulay nito at ang atip ay coloroof na pula. May mga orchids sa isang bahagi ng lawn niya sa harap at ang kabilang bahagi naman ay ang lawn na ang lupa ay mistulang naka-carpetan ng bermuda grass. Sa gitna naman nito ay may mga puting silyang yero na nakapa-ikot sa isang puting yerong mesa samantalang ang gate naman ay parang mga sibat na nakatayong inihilera, kitang-kita galing sa labas ang loob ng compound, ang kanilang lawn, at mga orchids na pananim. Nakakabingi ang kabog sa aking dibdib habang nakatayo kami sa harap ng mismong gate ng bahay nina Marco. Syempre, ang umalipin sa aking isip ay ang eksenang makita si Marco na kasama ang kanyang asawa. Ang sakit kaya noon. Iniisip ko pa lang ito, mistulang tinatadtad na ang aking puso. "Tao po!" ang sigaw ni Marcie. Maya-maya lang ay may lumabas galing sa loob ng bahay. At lalo pang lumakas ang kabog ng aking dibdib noong nakita ko kung sino ang lumabas dito at naglakad patungo sa gate kung saan kami nakatayo. Ito ang babaeng nakita ko sa f*******: kung saan ay may litrato siyang naka-post, nakadamit pangkasal siya, kinarga ni Marco at ang caption ay tungkol sa kasal nila. Noong nasa harap na namin siya, may napansin kaagad ako. Buntis siya. "Ambilis naman!" sa isip ko lang. "Sabagay, baka buntis na siya bago pa man sila ikinasal" ako na rin ang sumagot sa aking tanong. Parang may naghalong inggit at sakit sa kalooban akong nadarama. "Sabagay, tama nga ang sinabi niya '...babae ang gusto kong makasama sa buhay; isang babaeng magbibigay sa akin ng anak, ng isang pamilyang buo; at bubuo sa aking pagkatao. Hindi isang katulad mo lang'. Iyan ang eksaktong linya na sinabi niya sa huli naming pag-uusap. At mukhang matutupad na ang kanyang sinabing iyon." Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. Pakiwari ko ay gusto ko na lang tumalikod at bumalik sa terminal ng bus pauwi. "S-sino po sila?" ang sambit ng babae, hawak-hawak ang pintuan ng nakasara pang gate. "Ako po si Marcie," sambit ni Marcie at turo naman niya sa akin, "Ito naman ay si Ian! Pinapunta po kami rito ng tita ni Marco, iyong may-ari sa The Black Stallion Resto?" "Ay ikaw si Ian???" ang sambit ng babae na tila na-excite sa pagkakita sa akin. Agad niyang binuksan ang gate. "Pasok! Pasok kayo! Hinintay talaga namin kayo..." Pumasok kami at habang nilalakad namin ang pathwalk patungo sa maindor ng bahay nila, sumigaw ang babae, "Hon! Hon! Nandito na si Ian!" Syempre, sobrang pagtataka ko sa inasal niya. Iyon bang naguguluhan, nagtatanong ang isip na kung talagang alam nga ng babaeng iyon ang tungkol sa sa amin ng asawa niya, gaya ng sinabi ng tita ni Marco, bakit hindi man lang siya nagpakita ng emosyon? Iyon bang titingnan ako mula ulo hanggang paa at kilatisin, ismiran, sisimangutan, o pagdadabugan. Parang natuwa pa siyang nakita ako. Hindi pa kami nakaabot sa main door, sumilip na ang tinawag niyang "Hon". "Si Marco nga ito!!!" sigaw ng utak ko. Pakiramdam ko ay sasabog na ang puso ko sa aking nakita. Kahit nakita ko siya at tiningnan niya ako, hindi ako nagpahalatang napansin ko siya. At lalo nang hindi ako nagpahalatang affected. Pinilit ko ang sariling hindi sumimangot, hindi iiyak, o hindi magalit. Pinilit ko ang sariling isiping isa lang siya sa mga taong hindi ko kilala. Inakbayan ako ni Marcie na parang alam niya ang aking saloobin at gusto niyang iparating ang mensaheng maging "cool" lang ako. Noong nakarating na kami sa mismong main door ng bahay, binuksan ito ni Marco. Minuwestrahan niya kaming pumasok. Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman sa eksenang nakita siya na nakatayo sa gilid ng pintuan. Hindi ko ipagkaila ang naramdaman kong pilit ko ring tiniis at pinigilan; ang pananabik ko sa kanya. Nandoon pa rin ang angkin niyang kakisigan, ang ganda ng kanyang ngiti. Ang pamatay niyang porma at hunk na anyo. Pati ang pabango niya ay nalalanghap ko rin. Mistulang tinadtad ang aking puso sa eksenang iyon. At hindi ko naiwasang hindi makaramdam ng matinding galit. Yumuko na lang ako, kinimkim ang sama ng loob, pinigilan ang sariling huwag magpaapekto. At bagamat nakangiti pa ito at tiningnan talaga niya ang mukha ko, dedma lang ako. Nagkunyari akong hindi siya napansin at hinayaan kong si Marcie ang maunang pumasok. "Ang kapal naman ng mukha niya! Pinapunta lang ba niya ako rito upang ipamukha sa akin na kasal na talaga siya? O pinapunta niya ako upang ipakita sa akin kung gaano kaganda ang napangasawa niya? O ba asawa niya ang mag-explain kung bakit pinalitan niya ako?" Sa loob-loob ko lang. Pakiwari ko'y gusto ko na talagang magwala o di man ay mag-walk out. Ang sakit! Grabe! Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga at masikip na masikip ang aking dibdib... "May sulat siya sa iyo" ang sambit ni Marco na lumapit sa akin at iniabot ang isang sobre. "S-sino?" ang tanong kong biglang naguluhan. Syempre, wala naman akong kakilala sa pamilya niya maliban sa tita niyang may-ari ng restobar. "Basahin mo lang." sagot niya. Ramdam ko pa ang panginginig ng aking mga kamay noong binuksan ko ang sobre. Noong tuluyan na itong nabuksan, hinugot ko mula sa loob ang isang nakatupi na sulat. At nanlaki ang aking mga mata noong nakita sa porma pa lang ng pagkasulat. "Sulat-kamay ni Marco!" sigaw ng isip ko. Dali-dali ko itong binasa. "Dear Burj, pasensya ka na. Tila hindi na tayo magpang-abot pa... Sobrang tindi ang lungkot na nadarama ng puso ko habang ginagawa ko ang sulat na ito. Hindi ko alam kung ano ang kahinatnan ko sa kalagayan ko ngayon. Kaya gumawa na lang ako ng sulat upang kung sakaling hindi man papalaring madagdagan pa ang aking buhay, ay masasabi ko sa iyo ang lahat, at mapatawad na rin. May taning na ang buhay ko burj... Napakasakit na malayo sa iyo; napakasakit na mawalay sa iyo; napakasakit na habang nandito ako, nagdusa sa aking kalagayan ay hindi kita nakikita. Ngunit wala akong ibang paraan upang huwag mo akong alalahanin. Ayokong makita mo akong nagdusa. Ayokong makita mo akong nahihirapan. Kaya wala akong ibang naisip kundi saktan ang iyong damdami, papaniwalaing hindi na kita mahal. Nagdurugo ang aking puso, ngunit kailangan kong gawin iyon. Gusto kong manghingi ng tawad sa lahat ng mga inililihim ko at mga kasinungalingang nagawa kosa iyo. Mahal na mahal kasi kita kaya gagawin ko ang lahat upang hindi ka maging malungkot; upang hindi ka umiyak. Ayokong sa aking paglisan ay makita kang umiiyak. May sakit ako burj... at delikado ang aking kalagayan. Kung napansin mo ay palagi na akong nag-aabsent at hindi ito ipinaalam sa iyo, ito ang tunay na dahilan. Pinayuhan ako ng duktor na kung maari ay huwag na munang mag-aral at magpahinga na lang sa bahay. Ngunit hindi kita matiis. Nasasabik ako sa iyo. Kaya sinuway ko ang duktor ko hanggang sa lumala nga ang aking karamdaman." Nahinto ako sa pagbabasa. Pakiwari ko ay hinataw ang ulo ko ng isang matigas na bagay. At hindi ko napansing dumaloy na pala ang mga luha sa aking pisngi. Pinahid ko ang mga ito at ipinagpatuloy ang pagbasa. "Noong birthday ko, hindi ko na kaya ang aking katawan. Naka-confine na ako sa ospital kung kaya ay pinakiusapan ko ang aking kambal, si Marlou, na pumunta sa restobar at magpanggap... na ako. Sinabi ko sa kanya ang lahat-lahat na maaari mong sabihin at itanong sa kanya, pati ang nalaman ko tungkol sa kuwento ninyo ni Prime; iyong ginawa mo sa kanya at ang ginawa ng dating mga barkada niya sa iyo. Nabasa ko iyon sa f*******:. At nagtagumpay si Marlou, kakontsaba ang tita ko na pinakiusapan ko ring huwag magsalita tungkol sa aking kalagayan. Sa pangalawang pagpunta ni Marlou sa restobar, inutusan ko siyang kausapin ka at pilit pagsabihan ng masasakit na salita. Ito ay upang isiksik mo sa iyong isip na huwag na akong hanapin; na ibaling mo na kay Prime ang iyong pagmamahal. Alam ko namang mahal mo si Prime. Alam kong mahal ka rin niya. Ayokong isipin mo na nagagalit ako o nagseselos kay Prime. Aaminin ko, nasasaktan ako. Noong nagtabi tayo sa higaan at sinabihan ko si Prime na halikan ka, at ginawa naman niya, parang dinurog ang puso ko sa sobrang sakit. At doon ko rin nakitang mahal mo talaga siya burj... Tiniis ko dahil alam ko, liligaya ka kay Prime... tiniis ko dahil alam kong isang araw ay iiwan din kita. Alam ko, sa bandang huli, kayo pa rin ang nararapat para sa isa't-isa, dahil sa kalagayan ko." Patuloy pa rin ang pagdaloy ng aking luha habang nagbabasa. Inabot sa akin ng asawa ni Marlou ang tissue habang hinaplos-haplos naman ni Marcie ang aking likod. "Ok ka lang friend?" tanong niya. Tumango lang ako habang ipinahid ko ng tisue ang aking mga luha. Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa. "Alam ko, may kaunting tampo ka kung bakit ko sinabi sa iyong ilihim lang natin ang ating relasyon. Iyan ay dahil may kasunduan kami ng papa ko at ayaw naming malaman niya ito. Hindi kasal ang mama at papa ko burj... Noong maliliit pa lang kami ng aking kambal, lumisan siya, iniwanan kami at ang mama namin, dahil sa sobrang hirap na wala siyang trabaho at wala ring trabaho ang mama namin. Nagpunta siya ng Amerika sa tulong ng kanyang kapatid at doon nakahanap siya ng trabaho. Doon na rin siya nakapag-asawa; sa isang mayamang Filipina na American citizen. Ngunit hindi sila pinalad na magkaanak. Dahil nabubuhay lamang kami sa sustento niya, sunod-sunuran kami sa kung ano man ang gusto ng papa namin. Nitong 15 years old pa lang kami, binigyan niya kami ng isang kundisyon na upang hindi niya ihinto ang sustento niya sa amin, at bibigyan pa kami ng mana, dapat ay makapag-asawa ako bago ako mag celebrate sa aking ika-19 nabirthday. Ako kasi ang masasabing panganay sa aming kambal kung kaya ako ang gusto niynag makapag-asawa ng maaga. Atat na atat na raw siyang magkaapo, at dahil nga wala siyang anak sa asawa niya, ang magiging anak ko ay aampunin nila. Ito ang dahilan kung kaya gusto kong itago ang ating relasyon burj; upang huwag siyang magalit at upang huwag niyang ihinto ang sustento sa amin kapag nalamang lalaki pala ang aking ka-relasyon. Ayaw naming mangyari iyon. May karamdaman ang aming ina na kailangan ng regular na maintenance na gamot araw-araw. High blood siya, may diabetis, mataas ang cholesterol. At napakamahal pa ng mga gamot na kanyang minimaintain. Ang plano namin ay kausapin na lang ang papa ko na si Marlou na ang magpakasal imbes na ako. Kasi nga, ayaw ko, dahil... paano ba ako magpapakasal sa iba kung may nagmamay-ari na ng aking puso ko? Ikaw iyon. Pumayag naman si papa. At OK lang din kay Marlou ito kasi, may girlfriend siya. Ang buong akala ko ay nakalibre na ako sa iyo. Ngunit hindi pala. Mukhang tatalunin ako sa aking sakit. Sorry burj... sorry talaga. Nitong bago lang noong nalaman na ng papa ko ang aking karamdaman, umuwi siya ng Pilipinas at nagkita kami sa wakas. Awang-awa siya sa akin. At dahil sa sobrang delikado na ng aking kalagayan kung kaya ay napagdesisyonan nilang sa Amerika ako ipadala at ipagamot. Nasasabik ako sa iyo burj... ngunit pinigilan ko ang aking sarili dahil ayokong makitang umiyak ka; ayokong makitang nasasaktan ka. Kung natandan mo, may binitiwan akong salita na kapag nagkasakit ako, hindi ko papayagang magdusa ang aking mahal sa pag-alala at pag-alaga sa akin. Ayaw ko ng ganoon. Ngunit huwag kang mag-alala... pipilitin kong lumaban para sa iyo. Ngunit kung hindi ako papalarin, sana ay napatawad mo na ako. Palagi mong tandaan, mahal na mahal kita.... PS. Naglakas-loob akong sabihin sa papa ko ang tungkol sa atin. At alam mo ang sagot niya? 'No big deal' lalo na't sinalo na ni Marlou ang responsibilidad na magpakasal. Kung iyan daw ang gusto ko, ibibigay niya. Wala nang hadlang ang pagmamahalan natin burj. Maliban na lang sa... kamatayan. –Marco–" (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD