“WHAT are you doing?” Literal na nabitiwan ni Alex ang panlalaking underwear na hawak-hawak niya kanina nang makita niya si James na nasa likuran niya. Saan ba galing ang lalaking iyon at bigla-bigla na lang sumusulpot? Anak ba ‘to ng kabute? “Is everything okay, Charlotte?” tanong uli nito sa buo at malamig na boses nang mapansin siguro ang pamumutla niya.
Napalunok siya.
Natakot ang dalaga na baka makita ni James ang underwear na nahulog sa sahig kaya pasimple niya itong inapakan para itago. “W-wala naman,” sagot ni Alex, pilit magsalita nang tuwid. “H-hindi ko lang mahanap ang mga damit ko na ipinalagay ko rito kay Luningning kanina. Puwede mo ba akong tulungan?”
Sa halip na sumagot ay isang malamig na tingin lang ang ibinigay nito kay Alex. Pero naglakad ito palapit sa kaniya kaya ang akala niya, tutulungan nga siya nito.
“Ayoko.” Tumigil si James sa harap niya na may halos isang hakbang lang ang pagitan. Napalunok na naman siya nang masamyo niya ang mabangong male scent nito kaya lalo siyang pinanghinaan ng mga tuhod. “Pumasok ka na nga dito sa room ko at naglipat ng mga gamit mo nang hindi nagpapaalam sa’kin. Tapos uutusan mo pa ako? Are you okay?” Tinaasan siya nito ng dalawang kilay na parang nang-uuyam.
Ano ba ang problema nito sa kakambal ni Alex? Sinasabi ng mga tao sa paligid na mahal na mahal daw ni James sa Charlotte. Pero bakit hindi naman iyon ang nakikita niya?
At saka, pinatikim ko na siya ng mahiwagang brewed coffee ko, ‘di ba? Bakit hindi siya nagayuma? usal ng dalaga sa kaniyang sarili.
“Nakalimutan mo na ba na ikaw talaga ang may gusto na dito ako mag-stay sa room mo kapag nandito ako sa bahay mo?” Napansin ni Alex na nagsalubong lalo ang mga kilay ng fiancé niya. Eh, sinabi lang naman niya ang nalaman niya mula sa mga kasambahay.
“Nagbago na ang isip ko. Kaya hanapin mo na ang mga gamit mo at lumabas na dito. Gusto ko nang magpahinga.”
Muntik na siyang mapanganga sa inasta ni James.
Pakitang-tao lang ba ang kabaitan at pagmamahal na ipinapakita nito kay Charlotte? Dahil kahit NBSB si Alex, No Boyfriend Since Birth, alam niya na hindi magagawa ng isang matino at mapagmahal na nobyo ang magtaboy ng girlfriend niya na parang aso.
Unless, may alam na talaga ito sa sikreto niya.
Gusto niyang magalit kay James. Dahil naaawa siya sa kakambal niya kahit hindi pa naman niya ito nakikita at nakikilala.
Relax ka lang, Alex. Relax. Baka naman kasi kulang lang sa lambing ang lalaking ito kaya tampurorot? “Hon, naman… Ngayon pa talaga nagbago ang isip mo kung kailan gusto ko nang maligo, magbihis, at magpahinga na rin? Pagod ako sa biyahe, remember?” malambing niyang sagot.
“Sigurado ka ba talaga na gusto mo akong makasama rito sa room ko? You know…” Bago nagpatuloy sa pagsasalita si James ay seryoso pa siyang tiningnan sa mukha. “Sanay akong mag-isa. Gagawin ko ang lahat ng gusto ko nang walang pakialam sa paligid. Tulad na lang nito…”
Bago pa man maiproseso ng utak ni Alex ang sinasabi ng binata ay mabilis na nitong hinubad ang jacket na suot at basta na lang inihagis sa couch. Napatanga siya sa mukha nito nang sunod nitong hinubad ang puting T-shirt. Ngunit bago pa man tumambad sa paningin niya ang katawan nito ay mabilis na niyang itinakip ang kamay sa kaniyang mga mata.
“James!” malakas na tili ng dalaga, sabay talikod dito. Ramdam niyang pinamulahan siya ng mukha. “Huwag mong gawin ‘yan kung ayaw mong mag-away tayong dalawa!” galit na sigaw niya kay James.
Malapit sa tabing-dagat ang bahay nila sa Siargao, kung saan ay maraming turista ang naliligo. Lalo pa at halos tabi-tabi lang doon ang magagandang resort. Gayon man ay hindi pa rin sanay si Alex na tumingin sa mga lalaking nakahubad.
Tapos si James pa na dream boyfriend niya? At mas mali na makita niya itong nakahubad dahil fiancé ito ng kapatid niya.
“Kung ayaw mong makitang naghuhubad ako, lumabas ka na dito. Unless, may binabalak ka sa’kin kaya lumipat ka dito, baby.”
Napaharap din uli si Alex sa fiancé niya nang marinig niya ang sinabi nito. Parang tinambol ang dibdib niya sa mariing pagtawag nito sa kaniya na ‘baby’.
“Ako pa talaga ang may binabalak sa’yo, ha?” palaban na sagot niya pagkatapos niyang malabanan ang malakas na t***k ng puso niya. Nginitian pa niya ito nang nang-aakit. “As if naman hindi ko alam na patay na patay ka sa’kin at gusto mo na akong ikulong dito sa mansiyon mo… forever.” Hallelujah! Mabuti na lang talaga at nasabi iyon ng mga kasambahay kanina.
Kahit papaano ay may panlaban siya lalaking ito na ipinaglihi sa regla!
Sa halip na sumagot ay ngumiti lang nang nakakaloko si James. “Walang problema sa’kin kung gusto mo talagang maga-stay dito sa room ko. Malawak naman ito. Puwede kang magtago kapag hindi mo nagustuhan ang mga bagay na ginagawa ko,” nakangising wika nito at dahan-dahan na inilapit ang mukha sa kaniya. “Iyon nga lang… what if may gagawin ako sa’yo na tulad nito? Paano mo kaya iiwasan?”
Saglit na nakalimutan ni Alex ang sitwasyon niya ngayon dahil sa kaba na biglang lumukob sa dibdib niya dahil tumama sa mukha niya ang mainit na hininga ng binata.
Pilit niya itong itinulak at natataranta na lumayo siya rito nang ilang hakbang. Na-gets na agad niya ang gusto nitong gawin. At kahit alam naman niyang normal na sa mag-nobyo ang maghalikan, hindi pa rin niya kaya.
Hindi niya kayang pagtaksilan ang kakambal kahit para naman sa kapakanan nito ang ginagawa niya.
At mas lalong hindi kayang pakawalan ni Alex ang first kiss niya para lang sa pagpapanggap. Pangarap niya itong ibigay sa magiging first boyfriend niya.
Pero si James ang dream boyfriend mo, ‘di ba? pa-epal na singit naman ng kaniyang isipan.
Humugot siya ng malalim na hininga para payapain ang sarili. Lalo siyang pagdududahan ni James kung sa simpleng panglalandi lang nito sa kaniya ay nawiwindang na siya. “A-and why would I do that? I mean, bakit naman kita iiwasan? You’re may fiancé, remember?” Diretso niyang tiningnan sa mukha si James kahit hindi pa siya gaanong kalmado, para ipakita rito ang dapat na maging reaksiyon ng nobya kapag nilandi ng nobyo. “Hindi ako lilipat dito sa room mo kung hindi pa ako handa, hon,” pagdidiin niya sa huling salita.
Ano na naman bang kahangalan itong pumasok sa kukote mo, Alex? Wish mo lang na hindi ka papatulan ng boyfriend mo. Kung hindi, katapusan mo na!
“Really? Then, let’s see!”
Nagulat ang dalaga nang bigla na lang tinawid ni James ang espasyo sa pagitan nilang dalawa. At bago pa man siya makahuma ay mabilis na iniyakap nito ang mga kamay sa katawan niya. Sa isang iglap ay naisandal na siya nito sa pinakamalapit na cabinet at inilapit ang mukha sa kaniya. “Hon—”
“Sshhh…” Inilapat nito ang hintuturo sa mga labi ni Alex na lalong nagpakabog sa dibdib niya. “Didn’t I tell you to stop calling me ‘honey’? Sinabi ko na rin sa’yo na gusto kong ‘baby’ na ang itawag mo sa’kin. At sundin mo ako kung ayaw mong hahalikan kita sa tuwing tinatawag mo ako na ‘honey’. I’m not…” Kusang ibinitin ni James sa ere ang iba pang sasabihin. Na para bang natauhan bigla.
“O-okay, bab—” Tumikhim muna ang dalaga habang pilit na nilalabanan ang puso niyang bumibilis sa pagtibok nang hindi niya alam kung bakit. “Baby…”
Biglang pumormal ang mukha ni James mula sa nakakalokong anyo. Pero hindi ito nagsalita. Mas lalo lang tuloy kinabahan si Alex dahil wala itong ibang ginawa kundi ang titigan siya nang matiim. Parang hindi man lang ito naiilang sa sobrang lapit ng mukha nila sa isa’t isa. Kulang na lang ay maghalo ang kanilang mga hininga.
“P-puwede bang lumayo ka nang kaunti? Nahihirapan kasi akong huminga.” Nakaisip siya ng alibi para makawala sa nakakapanghina ng tuhod na sandaling iyon. Lihim siyang nagpasalamat nang unti-unti itong lumayo sa wakas.
Isinuksok ni James ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon pero nakatuon pa rin ang mga mata sa kaniya. “Last question…” he said without smiling. “Are you sure you want to stay here in my room… with me?”
Kagat ang labi na saglit munang nag-isip si Alex. Mahirap na kapag nagkamali na naman siya ng desisyon. Chance na niya ito na bumalik sa silid na para sa kaniya at makaiwas kay James. Pero kapag ginawa niya iyon, mas pagdududahan lang siya nito.
“Y-yes.” Pagkasabi niyon ay tinalikuran niya agad ang binata bago pa man siya muling makulong sa matitipunong bisig nito.
Nawala na sa isip niya ang underwear na nasa sahig at inapakan niya. Dali-dali siyang bumalik sa kama. Kailangan niyang umupo sandali para bigyan ng suporta ang mga tuhod niyang animo’y nagmistulang lugaw dahil sa naging engkuwentro nila ni James kanina.
Mula sa gilid ng mga mata ni Alex ay nakita niya na hinubad na nito ang pang-itaas na damit. Para siyang nagka-stiff neck bigla na hindi maigalaw ang leeg sa takot na baka mapatingin siya sa direksiyon nito at makita niya ang hindi dapat makita. Para siyang tinulos sa kinauupuan at nakapako lang ang mga mata niya sa pader. Ni hindi siya gumalaw kahit narinig niyang tinatawag siya ng fiancé niya.
“Charlotte! Ano ang ginawa mo rito sa brief ko?!”
Nang um-echo ang boses ni James sa buong silid ay saka lang lumipad ang tingin ni Alex papunta rito. Awtomatikong nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita niyang hawak na nito sa ere ang kulay-gray na underwear na nahulog niya sa sahig kanina. At inapakan pa! Bakas pa sa tela niyon ang suwelas ng doll shoes niya na hindi pa pala niya nahuhubad hanggang ngayon.
“Pinakialaman mo ba ang mga gamit ko?”
Napatayo si Alex nang makitang nagmamadali na lumapit sa kaniya ang binata habang madilim ang mukha. “Let me explain—”
Hindi na niya natuloy ang pagpapaliwanag nang bigla na lang siyang itinulak ni James pahiga sa kama. At isang kisap-mata lang ay nakakubabaw na ito sa kaniya.