HINDI namalayan ni Alex na nakatulog pala siya pagkatapos ng engkuwentro niya kay James kanina. Wala naman itong ginawang masama sa kaniya nang pumatong ito sa ibabaw niya. Mukhang tinakot lang talaga siya ng binata para umalis sa silid nito.
Pero never niyang gagawin iyon hangga’t hindi niya nalalaman ang dahilan kung bakit ito nagagalit sa kaniya. Ay… kay Charlotte pala.
Nagising ang dalaga nang marinig niya ang tila langitngit ng pinto. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata at tumingin sa pintuan. Wala namang tao roon at nakasara naman. Baka guni-guni lang niya iyon o kaya ay panaginip dahil bukod sa namamahay pa siya, ito ang unang beses na nakitulog si Alex sa ibang silid. Tapos sa kuwarto pa ng lalaki. Kahit kasi kubo lang ang bahay nila sa Siargao, may sariling silid naman siya.
Hindi muna siya tumayo agad at nagmuni-muni pa habang nakatingala sa kisame. Parang gusto pa rin niyang tanungin ang sarili kung tama ba talaga itong pinasok niya.
Kailan pa ba naging mali ang iligtas ang buhay ng ina mo, Alex? kumbinse niya sa kaniyang sarili.
Nang sa tingin niya ay medyo nahimasmasan na siya, umunat muna sandali ang dalaga at sinuklay ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri. Napabuntong-hininga siya nang mapansin niyang nakatulog lang pala siya na hindi nakakapagpalit ng damit. Ngunit kumunot ang kaniyang noo nang makita niya ang kaniyang mga paa na hindi na suot ang doll shoes niya.
Mabilis siyang bumangon at luminga sa paligid. Lalong napuno ng pagtataka ang kaniyang magandang mukha nang makita niya ang sapatos sa isang sulok na maayos nang nakatabi. Sa pagkakatanda kasi ni Alex, suot-suot pa niya iyon kanina nang humiga siya sa kama.
Hinubad kaya ni James?
Hindi niya napigilan ang mapangiti. Mukhang gentleman naman pala.
O baka naman dahil ayaw lang ng binata na madumihan ang bedsheet. Para kasing maselan ang taong iyon pagdating sa kalinisan. Kaya nga galit na galit nang makitang nasa sahig ang brief nito at inaapakan pa niya. Lalong ayaw din daw ni James na pinapakialaman ang mga gamit nito.
Bumaba ng kama si Alex. Susubukan niya uling hanapin ang pinaglagyan ni Luningning ng mga gamit niya. Laking pasalamat niya nang malamang wala na rito sa silid si James at hindi na naman niya alam kung saan pumunta.
Dahil nga ayaw ng fiancé niya na pinapakialaman ang mga gamit nito kaya binuksan lang ni Alex ang mga wardrobe at sinilip. Hanggang sa tumama rin siya sa wakas. Napangiti siya nang makita ang mga damit pambabae na sigurado siyang pag-aari ng kakambal niyang si Charlotte. Hindi siya mahihirapang suotin ang mga iyon dahil bukod sa iisa sila ng katawan, iisa rin sila ng fashion style. Simple lang pero hindi naman old-fashioned. Magkakaiba lang sa kalidad at presyo.
Isang maong na shorts na medyo maiksi at T-shirt na pink ang kinuha ni Alex at dinala sa shower room. Kailangan makaligo na siya bago pa man makabalik ang fiancé niya.
WALA pa rin si James nang matapos maligo si Alex. At sinamantala niya ang pagkakataong iyon para tawagan si Mrs. Guanzon. Kailangan niyang malaman kung bakit ganoon ang pakikitungo ni James kay Charlotte. Kinakabahan siyang humarap muli sa fiancé niya at magmukha na namang tanga.
“Sa tingin ko, alam na ni James ang pakikipagtanan ni Charlotte sa kaibigan nito. Akala niya lang siguro, bumalik ka dahil sa aming mag-asawa,” sabi ni Mrs. Guanzon pagkatapos siya nitong kumustahin sa kabilang linya at nag-report naman si Alex sa mga nangyari. Mukhang natuwa naman ang ginang sa resulta ng first day niya. Ang hindi lang nito nagustuhan ay ang pagsusumbong niya tungkol sa coldness na ipinapakita sa kaniya ngayon ni James. “Alam kasi niya na napipilitan lang si Charlotte na magpakasal sa kaniya alang-alang sa amin. But still, hindi pa rin niya kayang pakawalan ang kapatid mo. Gano’n niya kamahal ang kapatid mo. Kaya siguro nasasaktan siya nang sobra ngayon after niyang malaman ang ginawa ng kakambal mo.”
Ganoon ka-martir si James para tanggapin pa rin si Charlotte pagkatapos ng mga nalaman nito?
At bakit parang mas nakuha ng binata ang simpatiya ni Alex kaysa sariling kapatid sa pagkakataong ito? Parang gusto niyang mainis kay Charlotte dahil wala na nga itong paninindigan, niloloko pa nito ang lalaking sobrang nagmamadal dito.
Bakit ganoon?
Binabasura lang ng kapatid niya ang lalaking pinapangarap niya.
“I don’t care sa totoong dahilan ng malamig na pakikitungo ni James sa’yo, Alex. Pero kailangan mong gawin ang lahat para maibalik sa dati ang buong pagmamahal niya sa kapatid mo. Or else, walang kasalang magaganap. At kapag nangyari iyon, hinding-hindi namin mapapatawad ang kakambal mo.”
Napakuyom si Alex. Bakit parang ang dali lang kay Mrs. Guanzon na kamuhian ang kapatid niya nang dahil lang sa pera kung totoong anak ang turing nito kay Charlotte?
“Pero paano ho kung ang totoong dahilan pala ng galit sa akin ni James ngayon ay dahil alam na niya na hindi ako si Charlotte?” tanong ng dalaga.
“Mas lalong hindi iyon puwedeng mangyari, Alex,” may diin na sabi ni Mrs. Guanzon. “Pareho tayong malilintikan kapag nagkataon. Higit sa lahat, hindi mo maipapagamot ang nanay mo. Dahil kahit piso ay wala kang makukuha sa’kin kapag nabisto ka ni James. Kaya galingan mo sa pag-arte habang hinahanap pa namin ang walang utang na loob mong kakambal.”
Hindi naman niya masisisi sa bagay na iyon si Mrs. Guanzon dahil iyon naman talaga ang napagkasunduan nila. Naiinis lang siya sa pagturing nito kay Charlotte.
PAGKATAPOS nilang mag-usap ni Mrs. Guanzon, lumabas na ng silid si Alex. Gusto niyang maglibot-libot sa buong mansiyon para makabisado niya ito. Baka kasi hindi na niya magawa iyon kapag may klase na. One-week na lang at matatapos na ang semestral break. Panibagong hamon na naman ang haharapin niya sa school na pinapasukan ni Charlotte.
“Manang Lily, si James ho? Nakita n’yo po ba?” tanong niya sa mayordoma na siyang nadatnan niya sa kusina habang nagtitimpla ng juice.
“Ay, Ma’am Charlotte, kayo ho pala.” Ngumiti ito sa kaniya. “Nasa pool area si Sir James. Naliligo yata. Gusto ka nga sanang yayain kanina. Kaso tulog ka na raw nang bumalik siya sa silid n’yo.”
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Alex. Iyon ba ang naulinigan niya kanina na parang may bumukas ng pinto? Si James kaya iyon? Ang binata rin kaya talaga ang naghubad ng doll shoes niya?
Gumanti siya ng ngiti sa mayordoma. “Maraming salamat ho, Manang Lily. Sundan ko na lang sa pool area si James.”
“Sabayan ko na ho kayo, Ma’am Charlotte. Ihahatid ko rin kasi itong juice na ipinatimpla niya sa’kin.” Tumingin siya sa akin. “Gusto mo bang ipagtimpla rin kita?”
Wala sa loob na napahawak si Alex sa lalamunan niya. Parang nauuhaw nga siya. “Sige ho. Pero ako na ang magdadala niyan para hindi na ho kayo maabala pa.”
“Naku, ako na ho!” maagap niyang sagot habang nagmamadali na nagtimpla uli ng isang basong juice pa. “Trabaho ko na pagsilbihan ang mga amo ko.”
“Si Manang Lily talaga parang others.” Inakbayan niya ito habang nakangiti. “Parang pangalawang ina na ho ang turing ko sa inyo at hindi mayordoma lang ni James.” Totoo sa puso ni Alex ang sinabi niya sa matanda. Kahit ngayon lang sila nagkakilala nito, malapit na agad ito sa puso niya.
Napangiti lang si Manang Lily. Kitang-kita sa mga mata nito ang saya. “Oo nga ho pala, Ma’am Charlotte…” Kapagkuwan ay untag nito sa kaniya habang inilalagay sa tray ang dalawang baso. “Okay lang ho ba kayo sa silid ni Sir James? Sigurado na po ba kayo sa desisyon n’yong doon na mananatili habang nandito kayo sa mansiyon?”
Parang hindi siya makapaniwala. Siguro dahil nga hindi niya akalain na ang conservative na tulad ni Charlotte ay nakikituloy na ngayon sa kuwarto ng nobyo.
Paano kaya kapag nalaman din ni Manang Lily na nakipagtanan pala ang kakambal niya at niloloko nito si James? Siguradong magagalit din ito kay Charlotte. At hindi maiwasan ni Alex na malungkot sa bagay na iyon para sa kapatid. Ramdam kasi niya ang totoong pagmamahal ng mayordoma kay Charlotte.
“Don’t worry po, Manang Lily.” Nakangiti na tinapik niya ito sa balikat. “Gentleman naman ho si James. Wala naman siyang gagawin na hindi ko magugustuhan.” Napansin ni Alex na parang hindi pa rin kumbinsido ang mayordoma pero hindi na lang siya umimik. “Sige ho. Dadalhin ko na ito sa pool area…” Bago dinala ni Alex ang tray, uminom muna siya ng juice sa baso niya.
Wala na ring nagawa si Manang Lily kundi ang hayaan siya.
PASIMPLENG lumilinga sa paligid si Alex habang papunta siya sa pool area. Lihim siyang nalulula sa lawak ng paligid. Paano nakayanan ni James ang tumira dito nang mag-isa, maliban sa mga katiwala?
Ayon sa kuwento ni Mrs. Guanzon at sa pagkakakilala na rin niya sa binata, taga-Bacolod talaga ito. Ipinanganak daw itong may gintong kutsara sa mga labi. May-ari ng malaking hacienda ang pamilyang Monreal. Kilala rin na bilyonaryo ang ama at mga kapatid ni James. Hindi lang ang pamilya nito kundi ang buong angkan. Maging ang malalapit na kaibigan. Pero kay Mrs. Guanzon na nalaman ni Alex na may triplets pala si James, bukod sa may mga kapatid pa itong kambal.
Guwapo rin kaya ang dalawang ka-triplets niya?
Dahil abala ang isip ni Alex kaya huli na niya napagtanto na nakarating na pala siya sa pool area. Narinig na lang niya na parang may malakas na bumagsak sa tubig. Agad na dumiretso ang tingin niya sa swimming pool, para lang mapahinto nang makita niya ang pag-ahon ni James mula sa tubig. Feeling niya ay biglang nag-slow motion ang buong paligid nang humagod ang mga kamay nito sa basang-basa na buhok.
Literal na napanganga si Alex as she looked at him dripping wet just a few meters away from her. Dahil nakatingala ito sa langit habang nakapikit kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na pagmasdan si James. He’s such a babe magnet for she could not take her eyes off him. Hindi niya napigil ang mapalunok habang pinagmamasdan ang napakagandang katawan. Para lang siyang nananaginip nang dahan-dahan na umakyat ang tingin niya sa mukha nito.
Hays. Bakit ba napakuguwapo mo? Paano nagawang lokohin at ipagpalit ng kapatid ko ang isang gaya mo? Ang kisig mo na, ang yaman-yaman mo pa! Na sa’yo na ang lahat… Tapos mahal na mahal mo pa siya.
Awang pa rin ang bibig na napailing si Alex. Naaawa at nanghihinayang talaga siya kay James. Naiintindihan na niya ngayon kung bakit ito galit sa kaniya.
Dahil hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa binata, agad niyang nakita ang pag-ahon nito sa tubig. Bigla siyang nataranta at parang gusto niyang kumaripas ng takbo nang mapatingin siya sa ibabang katawan ni James at nalaman niyang naka-trunks lang ito. Ngunit huli na dahil napalingon na ito sa kaniya.
Halatang nagulat din si James nang makita nito si Alex. Napabagal tuloy ang pag-ahon nito sa swimming pool. Hindi niya alam. Pero parang sinadya pa nito na ibalandara sa mga mata niya ang katawan nito dahil humarap ito sa gawi niya at saka naglakad.
Daig pa niya ang nakalunok ng bato nang hindi sinasadyang bumaba ang kaniyang tingin sa harapan ng fiance. Daks!
Uminit ang buong mukha ni Alex nang mapatingin siya kay James at nahuli nito ang pagtitig na ginawa niya sa umbok nitong kay laki! Lalong hindi na siya nakagalaw sa kinatatayuan. Hanggang sa napansin na lang niyang palapit na ito sa kaniya.
“What are you staring at?” kunot ang noo na tanong nito sa kaniya.