NAKAHINGA nang maluwag si Alex nang matapos silang kumain ni James na hindi ito nakahalata sa totoong pagkatao niya. Malaking bagay din pala na cold ang pakikitungo nito sa kaniya dahil hindi niya kailangang magsinungaling palagi.
Ang sabi nga, ‘less talk, less mistake’.
“Manang Lily, nasaan ho pala si James?” tanong ni Alex kay Manang Lily nang madatnan niya ito sa kusina na kumakain, kasama ang dalawa pang katulong na kilala na rin niya.
Nauna kasing natapos kumain si James. Hindi niya namalayan na wala na pala ito sa lamesa. Palibhasa ngayon lang nakatikim ng ganoon kasasarap na pagkain kaya siguro halos maubos ni Alex ang mga pagkaing nakahain. Sobrang busog tuloy niya ngayon. Muntik na nga siyang nahirapang huminga kanina. May hyperacidity pa naman siya.
“Kain po kayo, Ma’am Charlotte,” sabay-sabay at nakangiti na wika ng tatlong kasambahay nang makita siya. Base sa pakikitungo ng mga ito sa kaniya, mukhang mabait ang kakambal niya kaya ganoon na lang kung kagigiliwan ng mga ito.
“Sige po. Thank you. Pero…” Nakangiti rin na hinimas-himas ni Alex ang tiyan na bahagyang lumaki dahil sa kabusugan. “Busog na busog na ako, eh.” Luminga siya sa paligid. “I’m just looking for James…”
“Hindi ho ba nagpaalam sa inyo? Umalis ho kasi kasama si Mang Jopoy.” Kinunutan siya ng noo ni Manang Lily.
“Gano’n ho ba?” Tipid siyang ngumiti. Pero sa isip niya, nagngingitngit ang kalooban niya. Walang modo pala talaga ang James na ‘yon! Pinapunta lang ako dito para iwanan ng walang palaam? “B-busy ho kasi ako kanina sa pagkain kaya hindi ko narinig ang sinabi niya,” palusot niya na lang.
“Baka po ayaw lang talaga niyang istorbohin ang pagkain n’yo, Ma’am Charlotte,” sabat ng isang kasambahay na Luningning ang pangalan. “Hindi ho matitiis ni Sir James na umalis na hindi nagpapaalam sa inyo. Pero mas hindi po niya kayang tiisin na nagugutuman kayo. Mahal na mahal po kayo no’n, eh,” kinikilig na pagpapatuloy nito.
“Oo nga po, Ma’am Charlotte!” halatang kinikilig na pagsang-ayon din ng isa pang kasambahay na si Aisa. “Patay na patay po kaya sa inyo si Sir James. Kulang na nga lang po, dito na kayo patirahin forever, eh. Palagi kayong bukambibig no’n kapag wala kayo, Ma’am Charlotte.”
“Tama na ‘yan,” saway ni Manang Lily sa dalawang kasamahan. “Mamaya niyan marinig pa kayo ni Sir James at masabihan kayong marites.”
Ngingiti-ngiti lang si Alex na nakikinig sa mga ito. Pero sa loob niya, natutuwa siya para sa kakambal niya. Kung totoo man ang mga sinabi ng mga katulong, ibig sabihin ay talaga nga namang napakasuwerte ni Charlotte kay James.
Pero bakit hindi gano’n ang ipinaramdam nito sa kaniya kanina? Tama nga kaya ang hinala niya na alam na nitong isa siyang impostor?
No! Hindi puwede!
Hindi papayag ang dalaga na sa unang araw pa lang ay babagsak na siya. Hindi siya uuwi ng Siargao na luhaan para sa nanay niya.
By hook or by crook, aalisin niya ang pagdududa ni James na hindi siya si Charlotte. Gagawin ni Alex ang lahat para magampanan ang pagiging fiancée niya rito.
“Baka po gusto n’yo nang magpahinga, Ma’am Charlotte. Nalinis na at naayos na ni Aisa ang kuwarto n’yo,” untag sa akin ni Manang Lily.
“Kuwarto ho namin ni James?” mabilis na sagot ko.
“Ay, hindi po!” sabay na sagot ng tatlo habang nagtatakang umiling. Nagkatinginan pa sila. “Iyong guest room ho na ginagamit n’yo, Ma’am Charlotte,” si Luningning.
Kung gano’n, magkahiwalay pala ng silid ang kakambal ko at fiancé niya.
Isang ideya ang naisip ni Alex para mas maging convincing sa paningin ni James ang pagpapanggap niya.
“Puwede po bang pakilipat na lang ng mga gamit ko sa room ni James? From now on, doon na ako mag-i-stay kapag nandito ako.”
“Sigurado ho kayo?” hindi makapaniwala na bulalas uli ng tatlo.
Isang makahulugang ngiti lang ang sumilay sa mga labi ng dalaga bago siya marahang tumango.
PAGKATAPOS kumain ng mga kasambahay, inutusan ni Manang Lily si Luningning na sundin ang gusto ni Alex. Inilabas nito sa guest room ang mga gamit ng kakambal niya at saka inilipat sa silid ni James. Mukhang malakas nga talaga si Charlotte sa nobyo nito dahil wala nang paa-paalam sa amo na inutos iyon ng mayordoma.
Hinayaan lang muna ni Alex na matapos sa paglilipat si Luningning at saka siya nito binalikan sa sala.
“Okay na po, Ma’am Charlotte. Nailipat ko na po sa kuwarto ni Sir James ang mga gamit n’yo.”
“Thank you.” Isang ngiti ang ibinigay niya kay Luningning bago tiningala ang hagdan. Bagaman at alam naman na niya kung saan ang kuwarto ng fiancé, kinakabahan pa rin si Alex na baka maligaw siya kapag umakyat siya na walang kasama. “Puwede bang samahan mo muna ako sa itaas? Baka kasi may ipapagawa pa ako sa’yo, eh,” malumanay na palusot niya.
Nakangiti na tumango si Luningning. “Sige ho.”
Hinihintay ni Alex na maunang maglakad ang katulong nang mapansin niya na parang kakaiba ang tingin ni Manang Lily sa kaniya. Nag-alala siya na baka maghinala na rin ito sa kaniya kaya nauna na siyang naglakad patungo sa hagdan.
Tahimik naman na sumunod sa kaniya si Luningning.
Habang naglalakad sa stairway, pasimpleng pinag-aralan ni Alex ang bawat madadaanan. Napag-alaman niya na may limang kuwarto pala sa second-floor ng mansiyon na iyon. At base sa kada pinto na nadaanan nila, mukhang malalawak ang bawat silid. Pero hindi hamak na mas maganda at mas malapad ang pinto kung saan sila tumigil ni Luningning.
Siguradong ito na ang kuwarto ni James.
Napalunok ang dalaga nang buksan ni Luningning ang pinto at agad na sumalubong sa mga mata niya ang malaki at malapad na kama. Tama ba talaga ang naging desiyon niya na lumipat dito? Hindi kaya parang siya na rin ang nagpain sa sarili niya sa mga bagay na hindi dapat mangyari?
Pero ang mas masama…
Baka ihagis siya palabas ni James kapag nadatnan siya nito mamaya?
“Halika na po, Ma’am Charlotte,” yakag sa kaniya ng kasambahay nang lingunin siya nito.
Wala pa ring kibo na sumunod siya rito hanggang sa loob. Abala ang mga mata niya sa paglilibot sa buong silid. Very masculine ang theme. Halos black, gray, at blue lang ang shades na nakikita ng mga mata ni Alex. Pero luxurious at cozy ang dating.
Napigil ni Alex ang hininga nang huminto ang mga mata niya sa isang picture frame na nakapatong sa ibabaw ng bed side table. Larawan iyon ng napakaguwapong dream boyfriend niya na ngayon ay fiancé na niya... Patikular na tumitig siya sa mga mata nito.
Bakit parang may kakaiba sa mga mata nito sa larawang iyon? Mas puno ng emosyon kaysa sa nakita niya kanina nang magkaharap sila na parang walang buhay.
“Ano po ang ipapagawa n’yo, Ma’am Charlotte?”
Napatingin ang dalaga kay Luningning nang magsalita ito. “A-actually, wala. I’m just worried na baka hindi magustuhan ni James ang paglipat ko rito nang walang paalam.”
Nginitian siya ng kasambahay. “Naku, hindi po! Nakalimutan n’yo na po ba na mas gusto nga ni Sir James na dito na kayo tumuloy sa master’s bedroom kapag nandito kayo? Pero ayaw n’yo lang po…”
Bakit kaya? Dahil ba conservative ang kakambal niya? Gaya niya?
Ngumiti lang ang dalaga at hindi na nag-komento pa. Baka magkamali lang siya ng isasagot. “Sige na, magpahinga ka na. Tatawagin na lang kita kapag may gusto pa akong ipagawa sa’yo. Salamat uli, ‘Ning.”
Tumango ito. “May intercom rin po dito sa silid ni Sir James. Iyo na lang po ang gamitin n’yo kapag may kailangan kayo sa’min, Ma’am Charlotte,” magalang nitong sabi bago nagpaalam na lalabas na.
Hinatid niya ito ng tingin hanggang sa muling nagsara ang pinto. Saka lang pinakawalan ni Alex ang malalim na hiningang kanina pa niya pinipigilan. Saglit siyang napako sa kinatatayuan habang namroroblema kung saan ba dinala ni Luningning ang mga gamit niya. Partikular na ang mga damit niya. Gusto niya kasi sanang mag-shower at magpalit ng damit. Nanlalagkit na kasi ang pakiramdam niya.
Inilibot pa niya ang paningin sa kabuuan ng kuwarto. Saan ba dito ang mga Orocan o Zooey na cabinet?
Kapagkuwan ay natapik ni Alex ang sariling noo. Nakalimutan niyang nandito nga pala siya sa bahay ng bilyonaryong fiancé niya at wala sa bahay nila na puro plastic cabinet ang damitan.
Sa muling paglilibot ng mga mata ni Alex, humantong ang tingin niya sa isang kakaibang lagayan ng mga gamit. Kung hindi siya nagkakamali, walk-in closet ang tawag doon ni Mrs. Guanzon. Sa ganoon nga pala nakalagay ang wardrobe ng mga mayayaman.
Naglakad ang dalaga papunta roon. Nalula na naman siya sa lawak niyon. Pakiramdam niya ay nahilo siya sa dami ng mga cabinet na nakapalibot sa kaniya. Nangahas siya na buksan ang ilan sa mga iyon. Puro panlalaki ang laman ng mga iyon. Ang babango at mukhang mamahalin pa.
Amoy-guwapo! hindi napigilang komento ng isip ni Alex nang hawakan niya ang dulo ng manggas ng isa sa mga long-sleeve na nakita niya.
Nang mapagtanto ang pangingialam na ginawa, dali-daling isinara niya ang wardrobe. Pero hindi sinasadyang nakita niya ang laman ng drawer na nakabukas. Nakagat niya ang labi nang makitang mga panlalaking underwear ang laman niyon.
Hindi alam ni Alex kung ano ang pumasok sa kukote niya at kumuha siya ng isa tapos inamoy-amoy niya. Kasalukuyang nakadikit iyon sa ilong niya nang biglang may baritonong boses ang sumulpot sa likuran niya.
“What are you doing?”