"WHAT did you say?"
Nakagat ni Alex ang ibabang labi dahil narinig pala ni James ang komento niya. Napansin niya ang bahagyang pandidilat nito sa kaniya. Iyong tipong kapag hindi siya nakasagot agad ay malalagot siya. "W-wala, hon. Ang sabi ko, bakit ka pa mag-ga-gatas? Eh, ipinagtimpla nga kita ng kape."
Lalong sumama ang timpla ng mukha nito. "Hindi ganiyan ang pagkarinig ko. May sinabi kang 'baby'."
"Tinawag kasi kitang 'baby'!" mabilis na palusot ni Alex. Buti na lang at mabilis gumana ang isip niya. "Right, hon. Gano'n na nga."
Tumaas ang dalawang kilay ni James. "Tinawag mo ako na 'baby'?"
Awtomatikong nailapat ni Alex ang mga labi niya. Bakit gano'n? Parang may nababasa siyang panunudyo sa mga mata ng fiance niya? Mali ba na tinawag niya itong 'baby'?
Mali talaga! Dahil 'honey' ang endearment n'yo, remember?
"I'm asking you," untag nito sa kaniya nang hindi pa siya sumasagot. "Bakit mo ako tinawag na 'baby'?"
Muntik na namang malulon ni Alex ang dila niya sa pangalawang pagkakataon. Pati ang tasa na may brewed coffee na hawak-hawak pa rin pala niya ay muntik nang dumulas sa kamay niya.
Pero hindi siya puwedeng mahalata ni James. Dahil kung hindi, yari siya. "Hon, naman... Hindi ba kita puwedeng tawagin na 'baby'? You're my fiance, right? I can call you whatever endearment I want," she replied sweetly. "Gano'n kita ka-mahal." Napalunok siya pagkatapos.
Ang totoo kasi, muntik na rin magkabuhol-buhol ang dila niya. Hindi dahil sa pag-straight English niya kundi sa kaba na baka hindi pumasa ang alibi niya.
He just stared at her for a while. Hindi niya alam kung binabasa ba nito ang mga mata niya para malaman kung nagsasabi siya nang totoo o hindi. O dahil na-i-in love ito sa kaniya?
Correction.
Na-i-in love pala kay Charlotte.
He smirked. "Yes of course, you can call me whatever you want. Pero simula ngayon, mas gusto ko nang tawagin mo akong 'baby' kaysa sa 'honey'."
Kulang na lang ay pigilan ni Alex ang kaniyang hininga nang humakbang si James palapit sa kaniya. Kinabahan siya sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya kahit hindi naman niya kayang basahin ang emosyong nakapaloob sa mga mata nito. Basta ang alam lang niya, kumabog nang husto ang puso niya. Literal siyang napaatras nang sa tingin niya ay isang hakbang na lang ang layo nito sa kaniya.
Pero malas lang niya dahil bumangga na ang likod niya sa malaking refrigerator.
"J-James..." kinakabahan na sambit ni Alex nang sa wakas ay huminto ito sa kaniyang harapan.
Napakalapit na nito na halos amoy na amoy na niya ang ginamit nitong panlalaking perfume.
"What's the matter, 'baby'?" he asked again. Napaigtad siya nang hawakan nito ang kaniyang baba at bahagyang itinaas para magtama ang kanilang mga mata. "I'm your fiance, right? Pero bakit parang natatakot ka? Akala ko ba mahal na mahal mo ako?"
Pakiramdam ni Alex ay tinakasan siya ng lakas sa mga sandaling iyon. Napaka-eratiko ng t***k ng puso niya. Ano ba kasi ang pumasok sa isip niya at ang pagtawag na baby pa talaga ang naging palusot niya?
Narinig niya ang paghinga nito nang malalim nang hindi pa rin siya sumasagot. "Let me taste it."
Hindi na niya napiligan ang panlakihan ng mga mata nang mapansin niyang titig na titig si James sa mga labi niya. "T-titikman mo ang lips ko?"
Bumuka ang bibig ni James. Parang gustong pumikit ng mga mata niya dahil tumama ang mainit pero mabangong hininga nito sa kaniyang mukha. Lalo lang pinako sa kinatatayuan niya si Alex nang dahan-dahan nitong inilapit ang mukha sa mukha niya.
Parang gusto niyang mag-collapse sa sobrang kaba. Hahalikan ba talaga siya nito?
At wala ring mali sa bagay na iyon, Alex. Normal lang sa mag-jowa ang maghalikan. 'Wag kang hangal! dagdag pa ng isip niya na lalo lang nagpadagdag sa nerbiyos na nararamdaman niya sa mga oras na ito.
Pero kahit nangako na si Alex sa kaniyang sarili bago pumunta rito at nilinaw din niya kay Mrs. Guanzon na hindi kasama sa pagpapanggap niya ang intimate moment with James, hindi pa rin niya napigilan ang sarili na mapapikit.
Hinihintay na niya na lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya nang marinig niya ang husky voice ni James nang sa halip ay sa tainga niya lumapat ang mga labi nito. "There's a right time and a right place for that, baby."
Mabilis na nagmulat ng kaniyang mga mata si Alex nang maramdaman niyang kinuha ni James ang tasa na hawak niya. Lalo siyang pinamulahan ng mukha nang mahuli niya ang pagngisi nito habang titig na titig sa naging reaksiyon niya.
Bumukas-sara ang bibig niya pero hindi naman siya nakapagsalita. Mas uminit pa ang buong mukha ni Alex nang makita niya si Manang Lily na tila kanina pa nakikinig at nakatingin sa kanila. Pero agad din naman itong tumalikod nang mahuli niya.
"A-ano ang lasa, hon? Nagustuhan mo ba?" Sa wakas ay nabawi rin ni Alex ang sariling boses nang mapatingin siya uli kay James at nakita niya ang pagsimsim nito sa tasa.
Buti na lang at kape lang naman pala ang gusto nitong tikman!
"Lasang kape," mabilis na sagot nito at saka tumalikod sa kaniya. Muntik na niya itong habulin ng hampas sa likod dahil sa pamimilisopo nito kung hindi lang niya narinig ang sinabi nito kay Manang Lily nagpahinto kay Alex. "Kayo na ho ang uminom niyang gatas, Manang Lily."
Sa halip ay napangiti na lang si Alex. Simpleng ngiti na unti-unting lumawak nang makita niya ang muling pagsimsim ni James sa tasa habang pabalik na ito sa dining area.
Napangisi siya sa isipan habang sinusundan ng tingin ang fiance. Sabi ko naman sa'yo, eh. Wala pang hindi nagagayuma sa brewed coffee ng isang Alexandra!
Nanatili pa rin siya sa kinatatayuan nang balingan siya ni James. "Babe... what are you still doing there? Paghihintayin mo na naman ba ako at ang pagkain natin?"
Hindi alam ni Alex ang eksaktong nararamdaman nang tumalima siya. Tinawag nga siya nitong 'babe' pero bumalik naman ang tigas sa boses nito.
Paano kaya nakakatiis ang kakambal niya sa ganitong lalaking ipinaglihi yata sa sama ng loob?
Hindi kaya alam ni James na hindi siya ang totoong fiancee nitong si Charlotte kaya galit sa kaniya?