“IHAHATID ko lang sana itong juice mo,” sagot ni Alex kay James nang salubungin niya ang mga mata nito. Pero kaagad din siyang nagbaba ng mukha nang hindi na niya makayanan ang matiim na titig nito sa kaniya.
Napansin niya ang pagkunot ng noo nito. “Bakit ikaw ang gumawa niyan? Si Manang Lily ang inutusan ko na magtimpla at magdala rito ng juice ko.”
“Nag-insist ako. Hinahanap din kasi kita, eh,” malambing na sabi pa ng dalaga.
Halatang lalong nagtaka ang binata sa sagot niya. “At bakit mo naman ako hinahanap?”
“Nakatulog kasi pala ako sa kama mo. Wala ka na nang magising ako.”
James chuckled. “Ang sarap nga ng tulog mo, eh. At home na at home ka sa room ko.”
May naramdaman siyang pang-uuyam sa boses nito. Pero ngayon na alam na niya ang dahilan kung bakit ito nagsusungit sa kaniya, hindi na niya ito papatulan. Sisikapin niyang maging mabait dito, makabawi man lang sa kalokohang ginawa ng kapatid niya at sa… panloloko niya rito. Saka para na rin sa panibagong misyon na ibinigay sa kaniya ni Mrs. Guanzon.
At iyon ay ang ibalik ang dating buong pagmamahal ni James kay Charlotte.
“Kung hindi ka talaga komportable na kasama ako sa room mo, babalik na lang ako sa dating silid ko.” Kinagat ni Alex ang labi nang maramdaman niya ang biglang pag-init ng kaniyang mukha dahil nahuli niya si James na nakatitig sa mapuputing hita niya. “S-sorry kung naistorbo kita kanina.”
Natawa lang uli ito nang pagak bago umiling at tumingin sa kaniya. “Bakit ka ba kasi nandito?” inis na tanong nito sa kaniya kapagkuwan. “Ano ba talaga ang kailangan mo?”
Si Alex naman ang napakunot-noo. Bigla ang kaba na bumundol sa dibdib niya. Para kaya talaga sa kaniya ang tanong na iyon dahil alam na nito kung sino talaga siya? O para iyon kay Charlotte at nagtataka si James kung bakit binalikan pa ito ng nobya matapos makipagtanan sa iba?
“I’m here because I’m your fiancée. At gusto kong matuloy ang kasal natin,” seryosong sagot niya sa binata. Tila hindi naman nito nagustuhan ang naging sagot niya dahil nagngingitnit ang mga panga nito at mas tumalim pa ang mga mata.
“Are you sure? Hindi ba dahil sa pera?” Mapaklang tawa ang lumabas sa bibig ni James. “Dahil mukha kang pera?”
Umawang ang bibig ni Alex. Kahit alam naman niyang para talaga sa kakambal niya ang mga salitang iyon ay hindi pa rin niya maiwasan na hindi makaramdam ng hiya at panliliit sa sarili. Dahil totoo naman talaga na kaya siya nandito ay dahil sa pera.
Nang dahil sa pera kaya nanloloko siya ng tao!
Nagpakawala ng malalim na hininga ang dalaga. “I’m really here because I want to be with you and marry you.” Matamis siyang ngumiti rito sa kabila ng pagkapahiyang nadarama. “Sinabi ko naman sa’yo na mahal kita.”
Alam naman ni Alex na kailangan lang niyang sabihin ang magic words na ‘I love you’ dahil sa mas effective na pagpapanggap. Kahit pa nga labag iyon sa kalooban niya dahil inilaan lang sana niya iyon para sa lalaking unang ititibok ng puso niya.
Pero bakit ganoon?
Bakit parang may parte ng puso niya ang nagsasabing bukal talaga sa loob niya tuwing sinasabi niya iyon?
“Really?” puno ng sarkasmong sabi nito.
Mabilis na tumango si Alex. “Mahal kita, James. Noon pa man… ikaw lang talaga ang lalaking hinangaan ko at pinangarap na maging boyfriend. Kung alam mo lang kung gaano karami ang mga manliligaw na ini-snob at binasted ko dahil wala akong interes sa lalaki maliban sa’yo. Hindi mo alam kung gaano ko hinintay ang araw na ito na makasama kita at mapansin mo—” Maagap na natutop ng palad ni Alex ang sariling bibig nang sa wakas ay marinig niya ang mga katagang lumabas sa bibig niya.
Ano na naman ba itong kapalpakan na ginawa mo, Alexandra? Ikaw mismo ang nagpapahamak sa sarili mo, eh.
“That’s a nice joke.” Sarkastikong tumawa si James. Mukhang hindi nito sineryoso ang mga narinig mula sa kaniya. Dapat ba niya iyong ipagpasalamat? “Sabagay, malaking pera nga naman ang makukuha mo kapag natuloy ang kasal. Kaya handa kang gawin o sabihin ang kahit ano, makumbinse mo lang ako na totoo ka…”
Hindi na nakasagot si Alex. Nahihirapan na siyang magsinungaling dahil tinatamaan siya ng mga sinasabi ni James kahit hindi naman iyon direkta para sa kaniya. Ngayon lang niya na-realize na magkakambal nga sila ni Charlotte. Dahil pareho nilang ginagamit si James para sa sariling interes.
Bahagyang lumamlam ang mga mata niya nang tumingin siya sa binata. I’m sorry, James. Kailangan lang talaga, eh. Pero promise, kapag natapos na ang lahat ng ito, magso-sorry talaga ako sa’yo. At hindi ako titigil hangga’t hindi mo ako pinapatawad.
Napansin ni Alex ang pagtitig nito sa kaniya. “Magkano ba talaga ang kailangan mo at ng pamilya mo? I’ll triple it. Basta umalis ka lang dito. Ayaw ko nang makita ka pa.”
Napalitan ng gulat ang kanina’y lamlam sa mga mata niya nang salubungin niya ang mga mata ni James. Bakit parang kinakabahan siya sa itinatakbo ng pag-uusap nila? “B-bakit mo pa ako pinasundo kay Mang Jopoy kung ayaw mo naman pala akong makita?”
He did not answer. He just inhaled sharply.
Nararamdaman ni Alex na ano mang oras ay hihilingin na ni James na umalis na siya. Hindi lang sa harapan o sa bahay na iyon kundi sa buong buhay nito. At hindi iyon maaari!
“Babe, please…” Gamit ang isang kamay ay sinapo niya ang guwapong mukha nito. Desperada na kung desperada! “Hindi ka ba talaga naniniwalang mahal kita? Mahal na mahal kita, James.”
Nakita ni Alex ang biglaang pagbabago ng anyo na naman ng kaharap nang sabihin niya kung gaano niya ito kamahal. Tila hindi ito nasiyahan dahil inalis nito ang kamay niya na nakahawak sa pisngi nito.
“Stop lying, okay?” Matalim itong tumingin sa kaniya. “Dahil sinasaktan mo lang ako sa tuwing sinasabi mo sa akin na mahal mo ako. Dahil hindi naman talaga ako ang mahal mo!” sigaw ni James na ikinagulat niya lalo.
Tama ba ang pagkakaintindi niya na nagseselos ito? Pero kanino? Sa kaibigan kaya ni Charlotte na sinamahan nitong magtanan?
Naiintindihan ni Alex ang pinaghuhugutan nito. And she hated herself so much. Kung may magagawa lang sana siya para pagaanin nang totoo ang nararamdaman ni James…
“I’m sorry…” mahinahon niyang sinabi at saka muling lumapit dito. “Puwede naman tayong magsimula uli, ‘di ba?”
“Umalis ka na.” Saglit lang siyang tinitigan ni James hanggang sa tumalikod ito at naglakad pabalik sa swimming pool.
“Ayoko,” pagmamatigas niya, sabay sunod dito. “Hindi ako aalis hangga’t hindi mo tinatanggap ang sorry ko.”
Hindi naman ito nagsalita. Sa halip ay tuloy-tuloy lang itong naglakad. Hindi rin siya tumigil sa pagsunod dito. Pero natigilan si Alex nang mapansin niya na ilang hakbang na lang ang layo nila sa swimming pool. Tila biglang nanigas ang mga paa niya nang mapatitig siya tubig na asul na asul.
“Huwag nang matigas ang ulo. Bumalik ka na sa loob.” Narinig niya ang marahas na pagbuntong-hininga ng binata. “Hindi mo magugustuhan dito.”
Bahagya lang niyang narinig ang mga sinabi ni James. Para kasing nanigas na ang buong katawan niya at ramdam niyang namumutla na ang mga labi niya habang nakatingin pa rin sa tubig. At isang hindi magandang karanasan sa swimming pool noong bata pa siya ang muling sumagi sa isip ni Alex, dahilan para tuluyan na siyang panginigan ng katawan. Hindi na niya makontrol ang mga kamay kaya bumagsak ang tray na hawak-hawak pa rin niya. Nabasag tuloy ang dalawang baso na may lamang juice.
“F*ck!” Napatiim-bagang si James nang makita nito ang mga bubog na kumalat sa tiles. Pero kitang-kita niya ang pagkataranta nito nang makita ang mukha ni Alex na nagmistulang papel na dahil sa pamumutla. “Sinabi ko naman sa’yo na bumalik ka na sa loob at hindi mo magugustuhan dito,” sermon nito sa kaniya pero mabilis naman siya nitong inalalayan.
Naramdaman ni Alex ang mahigpit na pagkakahapit ni James sa baywang niya para suportahan siya. Ngunit hindi na niya gaanong naiintindihan ang mga nangyayari at iba pang sinasabi nito dahil unti-unti na siyang nawalan ng malay.
“D*mn!” Malakas na boses ng kaniyang fiancé ang huling naulinigan ni Alex bago niya naramdaman ang tuluyang pagbagsak ng kaniyang katawan sa mga bisig nito.
TUWANG-TUWA ang pitong taong gulang na si Alex nang makarating sila ng kaniyang mga magulang sa isang pool resort. Iyon ang unang beses na maliligo siya sa swimming pool. Palibhasa malapit lang sila sa tabing-dagat at magagandang beach resort kaya hindi na nila kailangan pang dumayo sa ibang resort para maligo.
Pero inimbita sila ng kaklase at kaibigan niya na magse-celebrate ng seventh birthday sa resort na iyon. Dahil malaki ang buong lugar at hindi naman kayang i-rent ang buong resort kaya marami pa rin silang kasabay na naliligo.
Pagkatapos ng party ay kaniya-kaniya na sila ng ligo sa swimming pool. Ang mga matatanda ay pumunta na sa mas malalim na pool. Samantalang sina Alex at mga kaibigan niya ay sa kiddie pool naman naligo. Sinabihan na siya ng nanay at tatay niya na huwag lumayo. Pero niyaya siya ng birthday celebrant na pumunta sa mas malalim na pool at sumama naman siya. Maghahabulan lang naman daw sila at hindi maliligo.
Ngunit pagdating sa gilid ng pool ay bigla nilang nakasalubong ang iba pang mga bata na naghahabulan din. Hindi sinasadyang naitulak siya ng isa sa mga ito kaya nahulog si Alex sa malalim na tubig. Marunong naman siyang lumangoy pero hindi pa niya kaya ang ganoon kalalim.
Akala ng batang Alex ay katapusan na niya nang makalunok siya ng maraming tubig at hindi siya makaahon kahit anong langoy ang gawin niya, nang biglang may tumalon sa tubig at niyakap siya habang inaahon sa tubig. Hanggang sa namalayan na lang ni Alex na nakahiga na siya sa gilid ng pool at ginagawaran ng mouth to mouth resuscitation.
Napadilat si Alex nang mapaubo siya at nailabas niya ang mga tubig na nalunok niya kanina. Saka lang niya nakita ang mukha ng savior niya. Isang binatilyo na sa tantiya niya ay nasa fourteen to fifteen years old. Puno ng mga natutuyo nang bulutong ang mukha nito. Gayon man ay hindi maikailang napakaganda ng mga mata nito. Itim na itim na tila nanlulunod.
Pero nang makita nito ang pagtitig na ginawa niya sa mukha nito ay dali-dali itong tumayo at umalis sa tabi niya. Eksakto naman na dumating na ang life guard ng resort, kasunod ang mga magulang niya.
DAHAN-DAHANG nagmulat ng kaniyang mga mata si Alex nang maramdaman niyang tila may maiinit na tingin ang humahagod sa mukha niya. Ang nag-aalala pero guwapong mukha pa rin ni James ang agad na bumungad sa kaniya.
“Thanks, God, you’re awake!” Hinawakan siya nito sa kamay. “Alam mo ba ang kaba na ibinigay mo sa’kin nang mawalan ka ng malay? Ang tigas kasi ng ulo mo, eh! Sinabi ko na nga sa’yo na huwag ka nang sumunod pero ginawa mo pa rin…”
Lihim na napangiti si Alex. Hindi niya mapigilan ang kilig kahit hindi naman talaga para sa kaniya ang pag-aalalang iyon ni James kundi para sa kakambal niya. Kay Charlotte.
Pero ang hindi niya maintindihan, paano nalaman ni James na hindi niya gustong napapalapit sa swimming pool? Nagka-trauma na kasi siya simula nang mangyari iyon sa pool noong pitong gulang lang siya. Iyon na ang una at huling beses na naligo siya sa pool. Palagi na siyang nanginginig sa takot kapag napapalapit siya sa ganoong klase ng paliguan.
Mayamaya ay nalunod sa malalim na pag-iisip si Alex nang maalala niya ang binatilyong nagligtas sa kaniya noon. Ilang taon din na laman ng mga panaginip niya ang lalaking iyon. Pero nagbago lang simula nang mapanood niya sa television si James at ito na ang napapanaginipan niya palagi.
Gayon man ay may panghihinayang pa rin sa puso niya hanggang ngayon na hindi man lang niya nakilala ang savior niyang iyon.
Sino kaya siya? At nasaan na siya ngayon?
Parang wala sa loob na napahawak si Alex sa mga labi niya nang maalala rin ang mouth to mouth resuscitation na ginawa nito sa kaniya. Para na rin siyang hinalikan ng binatilyo sa lagay na iyon.
Ibig sabihin, siya talaga ang first kiss ko?
“Huwag ka nang bumalik sa pool area, ha?” may pag-alala pa rin na untag sa kaniya ni James habang hawak pa rin ang kamay niya. Mas malambot na ang anyo nito kumpara kanina nang pagtabuyan siya. “Or mas okay kung ipasara ko na muna iyon habang nandito ka.”
Parang may mainit na kamay ang humaplos sa puso ni Alex dahil sa sinseridad na nadarama niya sa concern na ipinapakita sa kaniya ng fiancé. Hindi sinasadyang napatitig siya sa mga mata nito. Bumilis bigla ang t***k ng puso niya dahil ngayon lang niya napansin ang pamilyaridad ng mga iyon.
Bakit parang iisa sila ng mga mata ng binatilyong nagligtas sa akin noon?