Dahil sa ipinangako nito sa kanya bago umuwi ay araw-araw na hinintay ni Saraya ang pagbabalik ng Ninong Dwight niya. Excited siya parati na gumising sa umaga para tanungin ang Mama niya kung darating ba ang Ninong niya. Kapag sinasabi ng Mama niya na hindi darating ang Ninong niya ay parang gusto na niya kaagad na gumabi kahit na kagigising lang niya. Katulad ngayong araw ay maaga na naman siyang gumising para mag-abang sa pagbabalik ng Ninong niya. Mag-iisang linggo na simula noong bumisita ang Ninong niya sa bahay nila. Wala naman siyang cellphone. Kahit gusto niya itong tawagan o i-text para magtanong kung kailan ito babalik ay hindi niya magawa. Isa pa ay wala naman siyang numero nito. Kung meron lang sana ay baka nakigamit na siya ng cellphone kina Holy at Mary para lang makausap