Napakurap-kurap ako nang tuluyan nakapag-adjust ang mga mata ko sa liwanag ng sikat ng araw na tumatama sa bintana ng taxi.
Napangiti ako nang makita ang malaking arko na gawa sa bato at nakasulat doon ang bayan ng Pagsanjan. Ilang minuto na lang pala ay mararating ko na ulit ang bayan namin.
Bigla akong nakaramdam ng sobrang excitement. Parang nakalimutan ko pa yata bigla ang naging argumento namin ni Daddy.
Sa totoo lang ay nalulungkot ako sa nangyari. Ang sakit sa loob ko na galit sa akin si Daddy at ang pag-aaway namin pero siguro ay dapat lang na dumistansya muna ako sa kanya.
All my life, siya ang nasusunod hanggang sa pagpili ng taong makakasama ko habambuhay pero hindi pa man natutuloy ang kasal ay naiiwan na ako mag-isa.
Pero mabuti na rin iyon na hanggang maaga pa ay napatunayan ko na hindi ako para sa taong itinatakda niya para sa akin.
Kaya this time, kailangan kong patunayan sa kanya na kaya kong hanapin ang sarili kong kaligayahan lalo na ang tumayo sa sarili kong mga paa.
Ayoko sanang iwan si Daddy pero wala naman akong magagawa kung gusto niyang buruhin ang buhay niya sa paghihintay kay Mommy.
At isa pa ay nasasakal na ako sa pagmamando niya sa buhay ko at ayokong dumating pa kami sa pangatlong pagkakataon na ipagkakasundo na naman niya ako sa kung sinong matipuhan na naman niyang mapapangasawa ko.
Tama na ‘yong dalawang beses. Sa ngayon, ako na ang magsasabi at magtatakda kung sino ang gusto kong pakasalan.
Wala sa sariling napangiti ako nang unang pumasok sa isip ko ang nakangiting mukha ng lalaking nagpabilis ng t***k ng puso ko sa pangalawang pagkakataon sa unang kita ko pa lang.
Ang dahilan kung bakit madali kong natanggap at pumayag nang hilingin ni Ethan na huwag ituloy ang kasal namin.
Ang lalaking ubod ng gwapo pero ubod din ng sungit.
Si Calvin.
Calvin Fuentabella.
Pinahinto ko ang taxi na ni-rentahan ko mula sa airport hanggang dito sa mismong bahay namin sa Laguna pagtapat sa malaking gate na kulay pula.
Hindi kasi ako sanay mag-commute lalo na sa Manila dahil madalas ay may sarili kaming sasakyan kapag may lakad ako lalo na kapag lumuluwas sa Manila noong dito pa ako nakatira.
Pagkatapos kong magbayad ay tinulungan ako ng driver na ilabas ang mga maletang dala-dala ko.
Ipinalapag ko na lang ang mga iyon sa harap ng nakasaradong gate saka nag-doorbell. Ilang sandali lang ako naghintay at narinig ko na ang boses na pamilyar pa rin sa akin.
“Nanay Ida!” tili ko nang pagbuksan ako ng isang matandang babae na walang iba kung hindi ang babaeng nag-alaga sa akin mula nang ipinanganak ako.
Nanlalaki ang mga matang tinitigan niya ako saka naluluhang yumakap sa akin. “Tiffany? Ikaw na ba ‘yan, iha?”
“Yes, Nanay. May iba ka pa bang magandang anak bukod sa ‘kin?” birong tanong ko habang ibinaling-baling ko pa ang mukha ko sa harap niya.
Matandang dalaga kasi ito at ayon sa kwentong madalas niyang sabihin sa akin noon ay pinili na lang niya ang mag-isa nang magpakasal sa iba ang nobyo nito. Ayaw na raw nitong maranasan ulit ang masaktan.
Hindi nawawala ang ngiti ko habang pinagmamasdan siya. Bakas ang tuwa sa mga mata nito ngunit unti-unting napakunot ang medyo nangungulubot na nitong noo na tila ba nagtataka nang mapatingin sa mga maletang dala ko.
“Halika, pumasok ka muna at masyadong mainit dito sa labas. Wala naman ang amo ko at hindi naman niya ako pinagbabawalan na tumanggap ng bisita.”
Napaawang ang bibig ko at napakunot ang noong tiningnan siya habang hinihila nito ang isa sa mga maleta ko. ‘Amo?’ napailing na lang ako. Nagkamali lang siguro ako nang rinig sa sinabi nito.
Masaya kaming nagkumustahan habang naglalakad papasok sa malaking bahay. Nakakawit ang braso ko sa kanya habang ang isang kamay ko ay hila-hila ang maleta. Sobrang na-miss ko siya at ang lugar na ito.
Pagpasok sa bahay ay inilinga ko agad ang mga mata sa loob. Halos walang ipinagbago iyon bukod sa mga kagamitan na mukhang bago. Ganoon pa rin ang ayos at pwesto mula sa sofa, at iba’t ibang furnitures na mukhang pinalitan lang ng bago pero kapareho pa rin ang mga disenyo at kulay tulad ng mga iniwan ko noon.
Ang mataas na ceiling ay may malaking chandelier na nakasabit sa pinaka-gitna ng living room at ang malaking hagdan na kahoy ay mukhang bagong pintura at barnis sa sobrang kintab nito.
“Nanay, kelan pa nagpabili si Daddy ng mga gamit? Mukhang bagong bago pa lahat ng mga furnitures dito, ah!” nakangiting tanong ko habang hinahawakan ang mga bulaklak sa flower vase na nakapatong sa isang divider sa sulok ng sala.
Hindi ko mapigilan ang mapangiti. Kahit papaano ay nababawasan ang sama ng loob ko kay Daddy. Siguro ay minadali niya ang pagpapaayos ng bahay pagkatapos kong magdesisyon na bumalik na rito.
Nilingon ko si Nanang nang hindi ito sumagot. Nakatingin lang siya sa akin at parang hindi mapakali o nag-aatubili ito sa isasagot sa akin.
Ngumiti ako at humarap sa kanya. “Nay? Tanong ko po kung kelan niyo nakausap si Daddy?”
“Noong nakaraang buwan kami huling nagkausap.”
Napatigil ako. Last week lang kami nagkasagutan ni Daddy pero last month pa pala sila nagkausap. Meaning, hindi pala dahil sa pag-uwi ko ang make-over ng bahay namin?
Nagkibit ako ng balikat. Anyway, para sa akin na rin ito tutal ay dito na ulit ako titira.
“Nay, iaakyat ko na muna ang mga gamit ko. Gusto ko munang magpahinga, medyo napagod ako sa byahe—”
“Tifanny, anak…”
Napatigil ako sa paghakbang patungo sa hagdan at nilingon kong muli ito. “Yes, Nanay? May gusto po ba kayong sabihin?” nakangiting tanong ko.
“H..hindi ba nasabi sa ‘yo ng Daddy mo na… na ibinenta na niya ang bahay na ‘to?”
Napaawang ang labi ko at tuluyang humarap sa kanya. Kunot na kunot ang noo ko at hindi makapaniwalang lumapit pa rito. “Ano pong sabi niyo? Ibinenta na ni Daddy ang bahay na ‘to? Ang bahay namin?”
Hindi ko alam kung nabingi lang ako dahil ba sa pagod at sobrang haba ng byahe kaya naisip ko na mali-mali na ang naririnig ko at pagkakaintindi ko.
Dahan-dahan itong tumango na lalong ikinaawang ng labi ko.
“Oo, iha. Naibenta na niya ang bahay na ito bago pa ang huli niyang tawag dito noong nakaraang buwan. Nagulat din ako dahil wala naman siyang nabanggit noong una na may balak pala siyang ibenta ito. Nag-alala rin ako dahil napamahal na ako sa bahay na ito at alam mo naman na wala na akong ibang mapupuntahan. Wala na akong kahit isang kamag-anak. Pero mabuti na lang at hindi ako pinaalis ng bagong may-ari. Ako pa rin ang kinuha nilang katiwala.”
Napakagat ako ng labi at napailing na lang. Kulang ang salitang galit at sama ng loob sa nararamdaman ko ngayon. Paanong basta na lang ibinenta ito ni Daddy na hindi man lang ako kinukonsulta?
Ancestral house ito ng mga magulang niya, ng Lolo at Lola ko. Alam niya kung gaano kahalaga kina Lola ang bahay na ito tapos ibebenta lang niya ng gano’n gano’n lang na parang walang halaga sa kanya?
Kung pera ang pag-uusapan ay hindi naman niya kailangan iyon dahil napakarami niya no’n. Milyong dolyar ang pera niya kaya’t anong dahilan niya para ibenta ito? Kung tutuusin ay barya lang ang halaga nito sa kayamanang meron siya.
Mariin akong pumikit saka huminga nang malalim. Pakiramdam ko ay sasabog ang dibdib ko sa sobrang galit.
Sa akin ibinigay ni Lola ang bahay na ‘to. At bago siya namatay ay inihabilin niya sa akin na alagaan kong mabuti ito dahil punong puno ng masasayang alaala nila ito ni Lolo.
Bumuga ako ng hangin saka nagpaalam kay Nanang. Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa bakuran saka mabilis na kinuha ang cell phone at tinawagan si Daddy.
Sadya yatang hinihintay nito ang tawag ko sa bilis nang pagsagot nito sa unang pag-ring pa lang.
“Are you going back here?”
Napatiim ako ng bagang at pinigilan ang sariling ilabas ang galit. He is my father after all.
“Why did you sell this house, Dad? Bahay ito ni Lola—”
“I have all the right to sell what is mine, Tiffany.”
“Sa akin ipinamana ito ni Lola. Gusto niyang manatili sa atin ang bahay na ‘to, Dad.”
“Is that the only reason of your call?”
“Dad, give me back this house,” halos mangiyak-ngiyak na sambit ko. “Alam mong uuwi ako rito.”
“I know kaya nga ibinenta ko ‘yan.”
“What?!”
“Wala kang pamilya diyan, Tiffany. Narito kami ng Mommy mo kaya dapat lang na nandito ka rin. Paano babalik sa atin ang Mommy mo kung wala ka? Lalo siyang magdadalawang isip na bumalik sa akin kapag nalaman niya na bumalik ka riyan. Alam mong ayaw na ayaw niyang tumira diyan.”
Napapikit ako at mariing pinaglapat ang mga labi ko. Si Mommy. Dahil na naman kay Mommy.
“Nakapagdesisyon na ako, Dad. Dito ako titira at hindi na ako babalik diyan. Wake up, Dad! Ayaw sa atin ni Mom—”
“Shut up, Tiffany!” galit ang boses na sigaw nito. “Wala ka ng uuwian diyan. Bumalik ka na rito bago pa ‘ko mapuno sa ‘yo!”
Nagngingitngit na inilayo ko sa tenga ang telepono nang bigla na lang nitong pinutol ang linya.
Wala akong nagawa kundi tingnan ang screen ng cell phone na agad nagdilim.
“I hate you, Dad! I hate you!”