CHAPTER 2
“Anong sasabihin ko sa dati kong amo anak? Okey lang ba sa’yong manilbihan sa kanila?” tanong ni Mama sa akin habang sinusuklay ko ang mahaba kong buhok at nakasuot na ako ng aking uniform.
“Ano ba naman ‘yan, Ma? First year college na ako. Gusto ninyo mangangatulong lang ako?”
“Ano nga anak? Ayaw mo ba? Kanina pa kasi ako nagtatanong, hindi ka nasagot. Hamak namang mas malaki ang sahod mo dito. Stay in ka pa.”
“Yun na nga po yung ayaw ko diyan sa inaalok ninyo, Ma. Gusto kong mag-aral habang nagta-trabaho. Kung wala akong mahanap, titigil na lang ako pero kung tanggapin ko ‘yan e di lalo nang wala akong pag-asa mag-aral? Paano ako makakapag-aral kung stay in ako sa kanila. Pagtatapos na lang sa pag-aaral ang tanging alam kong paraan para makaahon tayo sa hirap.”
“Malay mo? Papag-aralin ka naman nila. Mabait naman sina Sir at Ma’am. Kung hindi ka magiging yaya nung kaisa-isa nilang anak, mabait din naman din yung anak nila. Labandera at kusinera lang kasi ako kaya nakita ko na mabait naman din naman na bata iyon kaya wala kang magiging problema.”
Naglagay lang ako ng powder sa aking mukha at hindi ko na itinali ang aking mahabang buhok. Pati ang face poweder ko ay kailangan kong tipirin. Hindi na uso sa akin ang pagkikilay o paglalagay ng kung anu-anong kolorete sa mukha. Mas bumabagay sa makinis, may kaputian at maganda kong mukha ang buhok na nakalugay lamang. Tinitigan ko ang mapupungay kong mga mata, matangos na ilong at sinikap kong ngumiti pa rin sa salamin para pampa-good vibes. Lumabas ang aking malalim na dimples. Ako man ay nagagandahan din naman sa sarili ko, iyon nga lang, gandang pinagkaitan naman ng matiwasay na buhay.
“Ayon anak, sumagot na si Ma’am.” Nagulat ako sa lakas ng boses ni Mama.
“Sumagot po tungkol saan?” nagtatakong tanong.
“Bibigyan ka raw ng sahod na above minimum at pag-aaralin ka raw sa pinapasukan ng anak nila na university. Maging parang yaya ka lang daw sa anak nila. Mag-aayos ng gamit niya pagpasok sa paaralan. Magdadala ng kanyang mga kailangan. Tutulong sa paggawa ng kanyang mga school requirements. Magsasabi sa kanila sa mga ginagawa ng anak nila sa school. Magre-report ba lalo na kung may mga mali itong ginagawa. Sige na anak. Subukan mo.”
Kumunot ang noo ko. Para kasing imposible.
“Ano magre-reply ako na pwede ka?”
“Saan ba ‘yan.”
“Ibibigay ko ang address pero ano ba? Ibigay mo muna ang sagot mo.”
“Basta papag-aralin ako ah?”
“Oo nga raw kasi sa school ng anak nila ikaw mag-aaral.”
“Saang university ba nag-aaral yung bata?”
“Sa Santo Tomas University.”
“Eh, doon ako nag-aaral eh? Sige na Ma, push na ‘yan. Agad-agad.”
“Sige anak. Hay salamat naman. Hayaan mo kapag okey na uli ako, ako na lang ang magta-trabaho para sa inyo ng mga kapatid mo.”
Pinulot ko ang binder ko at lumang itim na bag na na nakakalat sa lumang mesa. Lumapit ako kay Mama at muling sinuri kung lahat ng kailangan niya ay naiayos ko na bago aalis ng bahay.
"Ma, gogora na ho ako. Akin na ho ang address. Dadaanan ko ho iyan pagkatapos ng finals naming.”
Inabot ni Mama sa akin ang papel na pinagsulatan niya ng address. Tinignan ko ang address. “Mayamang pamilya nga at sa exclusive subdivision pa ito.”
“Sabi sa’yo eh. Naku anak. Maipagpapatuloy mo ang pag-aaral mo at yung para sa tuition mo, ibibigay na lang din daw sa’yo as cash.”
“Tao ba sila, ‘Ma?”
“Oo naman. Bakit mo nasabi?”
“Sobra kasing bait. Parang hindi na totoo. Yaya c*m alalay lang ba ang trabaho ko? Baka naman pagbebentahin akong droga kaya ganoon kaganda ang benefits.”
“Naku anak! Umalis ka na nga at baka ma-late ka pa. Andami-dami mong sinasabi.”
Lumabas ako sa aming sira-sira at lumang barung-barong. Sanay na ako sa ingay ng aming mga kapitbahay. Umagang-umaga pa nga lang may nagsisimula nang mag-inuman. Mga batang walang damit na nagtatakbuhan. Mga nagtitsismisang Marites at Marieta na di pa yata nakakapagmumog. May mga ilang mga tambay na di pa yata nagtatanggal ng mga muta eh, nag-aabang na sa aking pagdaan.
Inihanda ko na ang aking sarili sa pakikipagbardugulan. Umaatikabo na naman itong murahan at bastusan. Mapapalaban na naman ako sa mga tambay. Sanayan na lang. Hindi pwede sa lugar namin ang ugaling pa-virgin o kaya’y pakolehiyala. Ang dapat sa mga tambay na mga ito ay patibayan ng sikmura at patigasan ng mukha. Yung dapat lumalaban ka.
Huminga muna ako nang malalim at naglakad sa madumi, magulo at masikip na eskinita.
"Kim, patiktok naman diyan! Yung umiindayog ang puwit ng ganito oh!"
"Di ka nga marunong mag-f*******:, t****k pa kaya. Wala ka ngang cellphone e. Magtrabaho ka muna nang may pambili kang cellphone saka tayo magtiktok!" nakangiti kong sagot.
"Kim, asan nang kiss ko!"
“Kiskisin mo mukha mo, ang bantot mo kaya?”
Kinasanayan ko na ang mga panghaharot ng mga tambay kong mga kapitbahay. Ganoon lang sila sa akin pero harmless naman sila at nasanay na kasi silang nakipagbarubalan talaga ako.
"E, yung yakapsul ko? Kahapon pa ako may lagnat e. Kung di mo ako yayakapin baka matuluyan na ako pag-uwi mo mamayang hapon" panlalandi ng isa pa.
"Tuloy mo na ‘yan kuya. Baka mauna pang manigas ka kaysa sa makakuha ka sa akin ng yakap.!"
" Kimmy, bigyan mo akong anak, please!"
"Magmilyonaryo ka muna o magtrabaho para pag-iisipan ko kuya! Hindi ba kayo nahihiya sa mga asawa ninyo? Umagang umaga ako ang pinagti-tripan ninyo! Ang kakapal ninyo. Naririnig kayo oh?" Singhal kong nakangiti. “Ano mga Marites, mga Marietta? Hindi na ninyo susuwayin ang malalandi ninyong mga mister?”
“Naku, alam naman naming di papasa sa kagandahan mo ang mga dugyot na ‘yan?” nagtawanan ang mga tsismosa kong mga kapitbahay. Kumaway ako sa kanila bago ako nakadaan.
"Sa akin, binatang-binata ako, puwede ba?" singit ng isang binatilyo.
“Hindi ka pa nga tuli, ang tapang mo na? Hoy tawag ka ng Mama mo, yung gatas mo raw inumin mo muna, baliw!”
Nagtawanan ang mga kababaihang nagchi-chismisan sa kanto.
"Magsipasok na nga kaya kayo sa trabaho ninyo. Kaya kayo laging nasisante kasi late kayo araw-araw. Ako ang nale-late sa inyo eh!"
Hanggang sa nakasakay din ako ng jeep. Ilan ay sumunod pa talaga hanggang sa makasakay ako na akala mo naghahatid ng bisita na galing sa malayong lugar. Magulo lang sa amin, masikip at mabaho ngunit masaya kaming magkakapitbahay.
Alam kong late na ako nang makarating ako sa school. Agad kong hinanap ang ID ko habang nagmamadali ako sa paghakbang papasok sa aming paaralan.
Nang biglang may bumangga sa akin. Sabog ang laman ng bag ko at bumagsak pa ako.
“Ano ba? Hindi kasi tumitingin sa dinadaanan eh!” singhal ko.
“You deserve it. Next time, don’t ever ever get on my way!”
Pamilyar na boses. Tinignan ko. Ang mayaman, saksakan ng gwapo ngunit bully kong kaklase sa ilang kong mga minor subjects. Si Xavier. Hindi ko alam kung kikiligin ako o maiinis dahil iyon ang unang pagkakataong kinausap niya ako.