Chapter 3.5

1316 Words
Pagdating nila ay bumaba rin si Peter upang ihatid ang pinsan hanggang sa loob ng bahay. Gaya ng inaasahan ay nakaupo na naman si Ryan, ang tatay ni Avaluan, sa terrace nila. May bote ng alak sa kaniyang harapan at ilang mga walang laman na nagkalat sa lapag. Nang makita sina Peter at Avaluan na paparating ay mabilis itong tumayo habang pasuray-suray. “Saan ka na naman nanggaling na bata ka? Kanina pa kita hinahanap!” bulalas ni Ryan. Hindi sumagot si Avaluan kaya si Peter ang gumawa. “Bakit mo siya hinahanap? Wala ka na namang pambili ng alak mo, ‘no?” “Peter,” pabulong na saway ni Avaluan sa pinsan. “Aba’t—! Ano bang pakialam mo, bata? Hindi ikaw ang kinakausap ko, at wala kang pakialam kung humingi ako sa kaniya ng pambili. Pinapatira ko siya sa bahay ko kaya dapat lang na gawin niya ang parte niya!” Halos umusok naman ang ilong ni Peter dahil sa narinig. Kung hindi dahil kay Avaluan ay baka nasapak na naman niya ito. “Salamat sa paghatid, Peter. Ako na ang bahala rito.” “Pero, Ava—” “Please, Peter. Mas lalo lang siyang magwawala. Ako na ang bahala rito.” Ilang segundo pa niyang tinitigan ang pinsan bago bumuntonghininga. Tumalikod siya at umalis nang hindi nagpapaalam. Ilang beses muna niyang binomba ang kaniyang sasakyan bago pinaharurot ‘yon, dahilan para mas lalo mapamura sa inis si Ryan. “Ang yabang talaga ng batang ‘yon! Porke may sarili ng sasakyan, bomba na nang bomba. Perwisyo sa mga kapitbahay!” Matapos sumigaw ay naglakad siya pabalik sa inuupuan niya kanina. “Ano pang tinutunganga mo riyan? Bumili ka na. Bilis!” Bumuntonghininga si Avaluan bago tumalikod. Ngunit bago pa siya makaalis ay muli niyang narinig ang boses ng ama. “Aba, teka! Ano ‘yong narinig ko?” Tumayo ito at lumapit kay Avaluan. “Sininghalan mo ba ‘ko? Umaangal ka na ngayon?” “Hindi po ako umaangal. Pagod lang po ako kaya—” Hindi na niya naituloy pa ang sinasabi dahil isang malakas na sampal na ang natamo niya mula sa kaniya. Napasinghap siya at napahawak sa namamanhid na labi. “Wala ka talagang utang na loob, ‘no? Hoy! Pinapatira kita rito sa bahay ko. Sa bahay ko! Anong karapatan mong singhalan ako? Bakit? May napatunayan ka na ba? Kaya mo na bang buhayin ang sarili mo? Eh ‘di umalis ka na! Kaya mo na palang mabuhay mag-isa, eh.” “Hindi po,” halos pabulong na sagot nito. “Hindi naman pala. Ano ‘yang pagsinghal-singhal mo? Ha!” Yumuko na lang si Avaluan at tinanggap ang mga sinasabi nito. Hindi siya nagsalita at sumang-ayon lang sa kaniya hanggang sa kumalma ito. Nang bumalik na si Ryan sa inuupuan niya ay saka lang umalis si Avaluan. Imbis na bumili ng alak gaya ng sinabi niya ay nagtungo siya sa bukid na pag-aari ng pamilya ni Kise, isa sa mga pinsan niya. Natanaw niya mula sa malayo ang mga trabahador na nakababad sa ilalim ng tirik na tirik na araw. Dederetso na sana siya sa bahay nina Kise nang matanaw niya ang pamilyar nitong bulto na kasama ang mga trabahador nila. Alam niyang tumutulong ito madalas sa bukirin nila, pero hindi niya inaasahang magtatrabaho ito katanghaliang tapat. Bago niya tawagin ang pangalan ng pinsan ay tinuro na siya ng isa sa mga trabahador. Napalingon sa kaniya ang pinsan kaya kumaway na lang si Avaluan. Imbis na kumaway pabalik ay mabilis na iniwan ni Kise ang ginagawa upang lapitan siya. Napanguso si Avaluan at dumeretso sa bahay nina Kise. “Pumasok si Paulle?” pagtukoy ni Avaluan sa kapatid ni Kise. “Hinatid ko kanina pa. Teka at kukuha lang ako ng juice.” Sumunod siya sa loob upang tulungan itong kumuha ng pitsel at mga baso. “Ikaw? Wala kang pasok?” “Monday to Thursday lang ang pasok ko. Ikaw?” Nang makalabas, tinawag nila ang mga trabahador na uminom din ng tinimpla nilang juice. “Wala rin akong pasok ngayon.” Nang maiwan silang dalawa sa terrace ay roon na nagsimulang magtanong si Kise. “‘Yong tatay mo na naman ba?” Bahagyang napaawang ang bibig ni Avaluan nang makita may hawak na itong first aid. “May sugat ka ba?” “Hindi ako.” Nagsimula si Kise na gamutin ang sugat ni Avaluan sa labi. Doon niya lang napansin na may sugat siya nang humapdi ‘yon. Hindi na lang siya sumagot at hinayaan itong gamutin ang labi niya. Nang matapos sila ay napansin ni Avaluan na wala ito sa mood. “Okay ka lang?” tanong niya kay Kise. Bumuntonghininga ito. “Hindi ako okay.” “May nangyari ba sa inyo ni Keisha?” Napatingin si Kise sa kaniya. “Hindi ‘to tungkol sa ‘min ni Keisha. Tungkol ‘to sa ‘yo.” Tumaas ang boses niya. “Ilang taon na ang nakakalipas, ate Ava. Bakit nagtitiis ka pa rin sa lalaking ‘yon?” Bumuga ng hangin si Kise bago nagpatuloy. “Alam kong magagalit ka na naman dahil hindi ko nirerespeto si Ryan. Pero alam mong hindi ko siya kayang respetuhin dahil sa ginagawa niya sa ‘yo at kay tita. Magmula noong pumanaw si tito Patrick at pinakilala ni tita ‘yang lalaking ‘yan, wala ng magandang bagay ang nangyari sa inyo.” “Pero siya ang nagbibigay ng masisilungan sa ‘min.” “Kaya ka rin namin bigyan ng masisilungan, ate, nang walang hinihinging kapalit. Ganoon ang pamilya. Pero parang hindi pamilya ang tingin niya sa inyo. Sinasaktan niya kayo!” Huminga ulit nang malalim si Kise para pakalmahin ang sarili. “Pero hindi namin siya kayang iwan.” Napakagat sa ibabang labi si Avaluan upang pigilan ang sarili na maiyak. “Kami na lang ang meron siya at mahal siya ni mama.” “Mahal…” Mahinang natawa si Kise. “Minsan hindi ko talaga maintindihan ‘yang pagmamahal ni tita sa lalaking ‘yon.” Natahimik sila matapos ‘yon. Nakatanaw lang sila sa malawak na kabukiran nina Kise. Sa maghapon na ‘yon, hindi siya iniwan ni Kise. Kahit na hindi nag-uusap ay naroon lang sila. Hindi na rin bumalik si Kise sa pagtulong sa bukid para may kasama siya. Gusto na sana niyang umuwi dahil sa tingin niya ay nakakasagabal na siya sa pinsan. Pero si Kise na rin mismo ang pumigil sa kaniya. “Huwag ka munang umuwi at baka gising pa ‘yon. Hayaan mo muna siyang makatulog para hindi ka na niya ulit saktan. Doon ka muna sa loob at gawin kung anong gusto mo. Susunduin ko lang sina Paulle at Keisha.” Tumango lang si Avaluan bago pumasok sa loob. Naupo lang siya sa sala at binuksan ang telebisyon habang hinihintay sila. Ngunit wala roon ang kaniyang atensyon. Naisip niya kung gaano siya kaswerte at kamalas sa pamilya. Ang malas nila dahil maagang nawala ang kaniyang ama. Ang malas nila dahil ang bagong pag-ibig na nahanap ng kaniyang ina ay iyong sinasaktan pa sila. Ngunit ang swerte rin nila kahit papaano dahil malaki ang pamilya nila sa father side at sobrang close pa nilang lahat ng magpi-pinsan. Napabuntonghininga si Avaluan. Sa kabila ng mga nangyari at inaalala niya, natatawa na lang siya sa sarili dahil may oras pa siya para isipin ang babaeng nakilala niya sa bar. Hindi naman na bago sa kaniya ang nararamdaman. Attracted talaga siya sa mga babae noon pa lang. Hindi niya ‘yon pinapansin noon pero lately, sa tuwing nakikita niya ang dalaga sa bar ay bumibilis ang t***k ng puso niya. Nae-excite siya sa isiping makikita niya ulit ang dalaga. Ngunit grabe naman ang sakit na dulot ng atraksyon na ‘yon noong mga oras na i-reject siya nito noong gusto niya ng makakausap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD