"Senyorita! Senyorita!"
Sunod-sunod na katok sa pinto ng silid ko ang narinig ko ngunit hindi ko ito pinag-aksayang buksan. Ayokong lumabas dahil makikita ako ng kabit ni Daddy at mga anak nito.
Pinanindigan na talaga nila ang relasyon nilang dalawa kahit hindi pa nakaka-forty days si Mommy.
Nagtakip ako ng kumot upang hindi ko marinig ang katok sa pinto. Ilang sandali pa at nawala ang ingay sa pinto ko kaya bumangon ako para gawin ang daily routine ko. Kahit nagugutom na ako ay hindi ako lumalabas ng kuwarto. Ayoko silang makita dahil baka hindi na naman ako makapagpigil sa kanila.
"Laura! Laura!"
Muli namang may kumatok sa pinto, sa pagkakataon na iyon ay boses na ni Daddy ang narinig ko.
Nakasimangot ako nang buksan ko ang pinto. "Bakit?"
Salubong ang kilay niyang tumingin sa akin na halos gusto na niya akong saktan.
"Kanina pa kumakatok ang mga katulong bakit hindi mo binubuksan?"
"Nasa banyo ako," alibi ko.
"Lumabas ka na at sumabay sa amin sa pagkain ng tanghalian. May mahalaga akong sasabihin." Tumalikod siya at saka umalis.
Labag sa loob ko ang gusto ni Daddy pero wala akong magawa kung hindi ang sundin siya.
Natatanaw ko pa lang si Conchita at ang mga anak nito ay nakataas na agad ang kilay ko. Hindi ko talaga maiwasan ang hindi magalit sa kanila.
"Laura, halika at sumabay ka sa amin nagluto ako ng masarap na pagkain natin." Nakangiti pa si Conchita nang lumapit sa akin. Inalalayan niya ako para umupo sa tabi ni Daddy.
"Laura, mula ngayon ay makakasabay mo na silang kumain dahil parte na sila ng pamilya natin," wika ni Daddy.
Kuyom ako ang kamao ko habang nasa ilalim ito ng lamesa. Gusto kong mag-reklamo sinasabi niya kaya lang baka magalit si Daddy.
"Laura, ito nga pala ang panganay kong anak na si Amelia at ito naman si Atasha ang bunso kong anak. Mga anak, batiin n'yo ang kapatid n'yo."
"Hi! Sis!" Nakangiting sabi ni Atasha sa akin.
Tumango lang sa akin si Amelia bilang tugon sa Mommy niya.
"Laura, i-welcome mo naman ang stepsisters mo," wika ni Daddy.
Hindi ko sinunod ang sinabi ni Daddy sa halip ay nagpatuloy ako sa pagkain.
"Laura!" sigaw ni Daddy.
Napilitan akong ngumiti. "Hi!" Sabay iwas ko ng tingin sa kanila.
"Gusto kong malaman n'yo na magpapakasal na kami ng dalawa ni Conchita."
Nabitawan ko ang baso na iniinom ko sa sinabi ni Daddy. Hindi ko talaga matiis ang pinaggagawa ni Daddy.
"Laura!" galit niyang sigaw sa akin.
Sinalubong kong matalim na tingin si Daddy. "Bakit kailangan n'yong magpakasal? Hindi pa ba kayo masaya na pinatira mo siya sa pamamahay ni Mommy? Bakit kailangan mong magpakasal!"
"Iyon ang gusto at wala ka ng magagawa kung hindi ang sumunod. Magiging stepmother mo si Conchita at stepsisters mo ang mga anak niya sa ayaw at gusto mo!"
Tumayo ako para umalis.
"Bumalik ka rito, Laura!" sigaw ni Daddy.
Hindi ako sumuno sa kanya naglalakad ako papunta sa kuwarto ko para kunin ang susi ng sasakyan ko.
"Laura!"
Huminto ako nang marinig ko ang boses ni Ferdinand.
"Baby." Lumapit ako sa kanya at niyakap ko siya ng mahigpit.
"What happened? Bakit ka umiiyak?"
"Laura!" sigaw ni Daddy na sinundan ako.
Kumalas sa pagkakayakap sa akin si Ferdinand at tumingin kay Daddy. "Magandang hapon po, Tito."
Biglang kumalma si Daddy nang makita si Ferdinand.
"Ikaw pala, Ferdinand. Pagsabihan mo ang girlfriend mo, ayaw sumabay sa amin sa pagkain,"wika ni Daddy.
"Laura, sinabi ko sa iyo na 'wag kang magpapalipas ng gutom."
"Hindi naman kasi 'yon ang dahilan kung bakit ako umalis."
"Ferdinand, sumabay ka na sa amin sa pagkain." Sabay talikod ni Daddy.
"Laura, halika ka sasabayan kita sa pagkain para naman ganahan ka." Binigyan pa niya ako ng halik sa labi pagkatapos ay inalalayan niya ako papunta sa kusina.
"Ferdinand, ito nga pala si Conchita at ito naman ang mga anak niyang si Amelia at Atasha."
Mas lalong nadagdagan ang inis ko nang ipakilala ni Daddysi Ferdinand sa kanila. Hindi rin nakaligtas sa mga mata ko ang malagkit na tingin ni Amelia kay Ferdinand.
"Magpapakasal na ako para magkaroon ng bagong Mommy si Laura, panimula ni Daddy."
"Maganda po ang naisip n'yo para hindi malungkot si Laura."
Gulat na gulat ako sa naging sagot ni Ferdinand. Hindi ko inaasahan na maririnig ko mula sa kanya iyon. Ang buong akala ko ay naiintindihan niya ako, hindi pala.
"Magiging Kuya na pala kita," nakangiting sabi ni Atasha.
Halos hindi ko magalaw ang pagkain ko dahil sa labis na inis, samantalang si Ferdinand ay nag-e-enjoy na makipag-usap sa kanila. Nagmukha tuloy akong others.
Tumayo ako. "Busog na ako."
"Baby, halos hindi mo pa nagagalaw ang kinain mo."
"Busog na nga ako!" sigaw ko, pagkatapos ay tuluyan akong umalis. Hindi na ako tinawag ni Daddy para pigilan kaya dumiretso ako sa kuwarto para magkulong. Hindi ko na talaga matatagal silang kasama.
Nang sumapit ng alas-otso ng gabi ay kumatok ang katulong namin para magdala ng pagkain. Pinapasok ko siya sa loob dahil gutom na ako.
"Manang, anong oras umalis si Ferdinand?" tanong ko habang kumakain.
"Hindi pa siya umuuwi."
"Ano?"
Ang buong akala ko ay kanina pa siya nakauwi. Hindi naman siya tumagal sa mansyon kung wala ako.
"Hindi pa siya umaalis nakikipag-inuman pa siya sa mga anak ni Conchita."
Umakyat ang dugo ko sa sinabi ng katulong namin. Tinawagan ko siya ngunit hindi niya sinasagot ang tawag ko. Hindi ko pa nauubos ang pagkain ay lumabas ako ng kuwarto upang puntahan si Ferdinand.
"Ferdinand!" sigaw ko sa kanya.
Nakangiti siya nang makita ako. "Baby!" Lumapit siya sa akin upang halikan ako pero pinigilan ko siya.
"Ano ba, Ferdinand!"
"Ang ganda mo talaga!"
Tinulak ko siya. "Bakit hanggang ngayon nandito ka pa?" Tinapunan ko ng matalim na tingin si Amelia na nakatingin sa amin.
"Hindi ako makatanggi sa mga stepsister mo."
"Hindi ko sila stepsister!"
Hinaplos niya ang mukha ko. Namumula ang mukha ni Ferdinand. Halatang lasing na ito.
"Baby, magpapakasal na ang Daddy mo kaya magiging stepsister mo na sila."
"Ihahatid na kita lasing ka na."
"Hindi mo siya ihahatid dahil kailangan natin mag-usap," wika ni Daddy.
Tumayo si Amelia. "Sis, kami na ni Atasha ang maghahatid sa boyfriend mo. Huwag kang mag-alala sisiguraduhin namin na ligtas siyang makakauwi." Lumapit si Amelia sa akin at nakipagbeso-beso.
"Sumunod ka sa akin, Laura."
Gustong tutulan ang sinabi ni Daddy. Dapat kong ako ang maghahatid kay Ferdinand ngunit hindi pumayag si Daddy. Malaki ang tiwala ko sa boyfriend ko. Wala lang akong tiwala dalawang magkapatid.
Sinundan ko si Daddy hanggang sa visitors room. Umupo siya sa dating inuupuan ni Mommy tuwing may tinatanggap silang bisita.
"Anong kailangan n'yo sa akin?" Walang kagana-gana kong sagot sa kanya.
"Naintindihan mo naman siguro na wala na ang Mommy mo, at kahit kailan hindi na siya babalik."
"Bakit kailangan mong maghanap agad?"
"Tulad ng sinabi ko sa iyo hindi ko na mahal ang Mommy mo."
Tumulo ang luha ko dahil sa awa kay Mommy.
"Anyway, hindi 'yan ang pag-uusapan natin."
"Ano po ang kailangan n'yo sa akin?"
"Bukas darating si Attorney. Vegas, para basahin ang huling testamento ng Mommy mo bago siya nawala."
Tumango ako. "Iyon lang po ba ang gusto n'yong sabihin sa akin?"
"Gusto ko rin sabihin sa iyo na maging mabait kay Conchita. Ginagawa niya ang lahat para magustuhan mo siya."
Sinalubong ko nang matalim na tingin si Daddy. "Nag-iisa lang ang Mommy ko at hindi ko siya ipagpapalit kahit kanino. Hindi ko matatanggap ang kabit mo, siya ang dahilan para maging malungkot si Mommy."
"Ang tigas talaga ng ulo mo talagang nagmana ka sa Mommy mo."
"Kung wala ka ng ibang sasabihin ay aalis na ako." Tumalikod ako para umalis.
"Alas-dos ng hapon darating ang abogado ng Mommy, 'wag mong kakalimutan." Pahabol niya.
Tumango saka tuluyang lumabas ng silid. Tinapos ko ang kinakain ko pagkatapos ay tinawagan ko si Ferdinand ngunit hindi niya ito sinasagot.
"Nakatulog na siguro siya sa sobrang kalasingan."
MAAGA akong umalis para puntahan si Ferdinand sa condo niya. Dahil madalas akong pumupunta sa condo niya ay alam ko ang code ng pinto niya. Nakapasok ako sa loob ng hindi niya alam.
"Baby! Baby!" tawag ko.
Binuksan ko ang silid niya ngunit walang bakas na naroon siya. Malinis ang silid niya at hindi nagusot ang kobre kama niya.
"Nasaan kaya siya?" Tinawagan ko siya upang malaman ko kung nasaan siya.
"Hello!"
Sa boses niya ay parang kagigising lang nito.
"Nasan ka? Nandito ako sa condo mo?"
"Nandito ako sa bahay namin. Umuwi ako kagabi dahil gusto akong makausap ni Mommy."
"Paano ka nakauwi sa inyo lasing ka kagabi?"
"Sinundo ako ng driver namin. Teka? Bakit bigla yatang ang dami mong tanong ngayon?"
Bumuntong-hininga ako. "Baka kasi kung saan-saan ka dinala nila Amelia."
Narinig ko ang malakas na tawa ni Ferdinand.
"Hmm.. Are you jealous of your stepsister?"
"I'm not jealous of them. I know that I'm the only one you love. I just don't trust them because they might be like their mother."
Sumingot ako nang banggitin ko ang kabit ni Daddy. Kahit kailan ay hindi na kami magiging okay ng kabit ni Daddy.
"Huwag mo naman silang i-judge dahil sa galit ka sa Mommy nila. Subukan mong maging mabait sa kanila.
"Ayoko ng pag-usapan sila nasisira lang ang araw ko. Hintayin mo ako diyan dahil pupuntahan kita sa bahay n'yo."
"No. Ako ang pupunta diyan sa condo. Mas maganda na diyan tayo para nakakapagsolo tayo. Bye!"
Habang hinihintay ko si Ferdinand ay naglinis ako ng condo niya. Dalawang oras pa ang lumipas bago siya dumating. May dala-dala siyang pagkain. Halatang kagigising lang niya dahil basa pa ang buhok niya.
"Hi! Baby!" Niyakap niya ako at hinalikan sa labi.
"Bakit ganyan ang amoy ng pabango?"
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at inilagay niya sa table ang mga binili niyang pagkain.
"Bagong pabango ni Mommy, pinasubok niya sa akin. Nakakainis nga bigla na lang niyang winisik sa akin bago ako umalis. Magpapalit sana ako ng damit kaya lang baka mainip ka sa kahihintay sa akin.
"Nagbago na pala ng pabango ang Mommy mo?" tanong ko.
Sa pagkakaalam ko kasi ay isang pabango lang ang gusto nito. Alam ko iyon dahil madalas pabango ang regalo ko sa kanya.
"Sinubukan lang niya sa akin pero hindi niya ginamit sa katawan niya."
Tumawa ako. "Ikaw naman ang napagtripan niya."
"Kumain na tayo," wika ni Ferdinand.
Tumango ako sa kanya at sumabay ako sa pagkain sa kanya. Habang kumakain kami ay napansin kong tunog nang tunog ang phone niya kaya hindi siya makapag-focus sa pagkain.
"Sino ba 'yan ka-text mo?" Hindi ko napigilan itanong sa kanya.
"Si Daddy, kinukulit akong pumasok sa kumpanya. Ayokong tanggapin kung hindi naman ako ang CEO."
"Kailangan mong magsimula sa mabababang posisyon para alam mo ang takbo ng kumpanya n'yo," sagot ko.
Gano'n kasi ang ginawa sa akin ni Mommy nang magsimula akong mag-aral sa college. Pinasok niya ako sa kumpanya namin bilang isang production operator. Tuwing ikatlong buwan ay nagpapalit ako ng posisyon kaya nalaman ko ang pasikot-sikot sa kumpanya.
"Hindi ko na kailangan magpakahirap dahil kaya ko naman ipagawa sa mga tauhan ko ang hindi ko alam. Bakit ka nga pala nandito?"
"Samahan mo ako mamaya sa bahay. Darating ang abogado ni Mommy para basahin ang huling testamento niya."
"Sigurado naman sa Daddy mo lahat maiiwan ang lahat ng kayamanan n'yo."
"Hindi ko lang alam basta samahan mo ako mamaya."
Tumango siya saka muli naming pinagpatuloy ang pagkain.
Nang dumating kami ni Ferdinand ay naroon din ang kabit ni Daddy at mga anak. Gusto kong mag-reklamo pero kapag ginawa ko 'yon ay siguradong si Daddy ang kalaban ko.
Nandiyan na si Attorney Vegas," wika ni Daddy.
Nagulat si Attorney Vegas nang makita si Conchita. "Excuse me ladies and Mr. Hindi ko babasahin ang huling testamento kung nandito kayong lahat. Ang kailangan ko lang ay si Alfredo Flores at Laura Flores."
Nakangiti ako nang makita ko silang lumalabas.
Akala siguro n'yo ay uubra kayo kay Attorney. Vegas?
"Attorney Vegas, 'wag natin patagalin pa ito ano ang nakalagay sa huling testamento ni Divina?" tanong ni Daddy.
"Ayos sa huling testamento ni Divina Flores na nilagdaan niya noong Hulyo 22, 2021. Ang lahat ng kanyang kayaman maging ang lupa at bahay na tinitirahan n'yo at mapupunta sa kaisa-isa niyang anak na babae na si Laura Flores. Maililipat ang lahat ng lahat ng kayaman niya sa kanyan anak sa edad na bente uno."
"Ano ang magiging parte ko sa kayaman niya? Ako ang naghirap para palaguin ang kumpanya niya!" sigaw ni Daddy.
Lihim akong nagdiwang sa huling testamento ni Mommy.
"Ikinalulungkot ko Alfredo. Ang tanging pinama lang sa iyo ni Divina ay ang maliit na kumpanya at mga sasakyan mo na binili niya.
"Anong nangyari sa kayaman niyang naiwan sa Laguna? Sino ang may-ari?"
"Marahil ibang tao ang may hawak ng testamento sa lugar na iyon."
"Hayop na Divina kahit patay na sakit pa rin siya ng ulo! Hayop!" Nagwawala si Daddy nang lumabas ito ng silid.
"Laura, ingatan mo ang kayaman na naiwan ng Mommy, dapat alam mo kung sino ang pagkakatiwalaan mo."
"Anong nangyari sa mga ari-arian ni Mommy sa Laguna? Sa pagkakaalam ko ay kayaman iyon na naiwan ng magulang ni Mommy?"
"Ang totoo ay nasa akin ang testamento sa kayaman ni Divina sa Laguna. Sinadya niyang paghiwalayin ito."
"Ano po ang nakalagay?"
"Sinasabi sa testamento ni Divina. Makukuha mo lang ang magiging mana mo kung magpapakasal ka sa anak ng kaibigan niya."
"Anong pangalan ng kaibigan ni Mommy?"
"Si Lourdes Del Monte. Kailangan mong pakasalan ang anak niya."
Umiling ako. "Mahal ko po ang boyfriend ko at hindi ko siya ipagpapalit sa kahit anumang kayamanan."
"Kung gan'n, balikan mo na lang ako kung sakaling magbago ang isip mo."
Tumango ako. "Maraming salamat, Attorney Vegas."