“MALAKAS ang kutob ko, type ka ng lalaking iyon” si Pauline na hindi itinago ang kilig habang naglalakad sila papunta ng parking lot. “Pero you have to be careful also, dahil ang balita, may pagkababaero si Louis. Tapos for him bawat girl na nakakarelasyon niya ay good for two months lang!”
“Type? Eh mula nga ng makilala ko yun eh wala ng ibang ginawa kundi ang asarin ako, asan ang type dun? Saka ang yabang naman niya! Anong akala niya sa mga babae pagkain? Gamot? May expiration date?”
“Hello, hindi mo ba alam? Style ng ibang guy ang ganyan. Inunahan mo kasi siya ng katarayan mo kaya idinaan ka naman niya sa pang-aasar para mapansin mo siya!” si Pauline.
“Correct! Pero sa totoo lang parang mas nakakakilig pa nga iyong style ni Louis. And in fairness ang haba ng hair mo! Alam mo bang former Mr. University si Louis? At bukod sa pagiging matalino ay galing sa isang napaka-yamang pamilya! Take note, solong anak siya kaya kahit hindi kana kumayod siguradong mabubuhay parin kayo ng bongga!” salo naman ni Rhea.
Napairap siya dahil sa mga narinig. “Mayamang pamilya,” ulit niya. “for sure sakit lang ng ulo iyan.”
“Ows? Paano mo naman nasabing sakit ng ulo?” tanong ni Pauline.
Nagbuka siya ng bibig para magsalita pero napigil ang lahat ng iyon nang mamataan niya si Louis sa malawak na parking space. Nakaupo ang binata sa mismong hood ng kulay itim nitong kotse.
Noong isang araw Strada, tapos ngayon BMW naman? Mayabang talaga!
“And speaking of the devil! Mukhang hinihintay kana niya para sa inyong first date! Talaga naman, ngiti palang katakam-takam na! Bulag ka nalang kapag tinanggihan mo pa iyan Jade!” maharot na litanya ni Pauline kaya siya napangiti.
Hay naku Pau, kung alam mo lang ang totoo.
Nakangiti silang sinalubong ni Louis. Manganingani niyang sabunutan ang dalawa nang makita ang lantarang pagpapa-cute ng mga ito sa binata.
“So you came” salubong nito sa kaniya.
“Obvious naman di ba?” pagtataray niya .“pero I only came para kunin sayo yung History book ko! Saka, wala sa intensyon ko ang sumabay sayo at umangkas sa napakagara at mamahalin mong sasakyan!”
Mabilis na naglaho ang magandang ngiti ni Louis sa sinabi niyang iyon. “What? Akala ko ba napag-usapan na natin ang tungkol dito?”
Pagak siyang natawa saka tinapunan ng warning look sina Rhea at Pauline na basta nalang siya iniwan.
Ang totoo nagawang idevelop ng mga pang-aasar nito ang simpleng paghangang mayroon siya noon pa mang una niya itong makita. At kung sakaling hindi siya tigilan ng binata, baka ang simpleng crush na mayroon siya ay mauwi sa love! Naalala tuloy niya ang madalas niyang isagot sa tanong na ‘What is crush?’ sa slum note ng mga kaibigan niya noong high school. Ang crush is paghanga sometimes nawawala, pag hindi nawala pag-ibig na nga! At ayaw niya iyong mangyari sa kanya.
“Pwede ba huwag kang ambisyoso! Wala tayong pinag-usapan at hindi ako pumayag! Saka akala ko ba hindi mo ako type? Bakit ngayon eh parang pinagsisiksikan mo ang sarili mo sa akin?” aniyang binigyang diin ang mga salitang ‘ambisyoso’ at ‘pinagsisiksikan’ .
Noon naihilamos ni Louis ang sariling kamay sa mukha nito. Pagkatapos ay walang sabi-sabing inagaw sa kanya ang kipkip niyang mga libro saka ito tumalikod at tinungo ang naka-park nitong kotse.
Taka siyang mabilis na sumunod. Pagkatapos ay nanlaki ang mga mata niya nang makitang inihagis ng binata sa loob ng BMW nito ang mga gamit niya.
“Hoy! Ano bang ginagawa mo?” sita niya sa binatang noon ay inilock naman ang pinto ng kotse.
“Halika, kumain muna tayo” sa halip ay iyon ang naging sagot nito saka siya hinawakan sa siko.
“Huwag mo ngang ibahin ang usapan! Akin na 'yung mga gamit ko para makauwi nako!” galit niyang turan.
“Mamaya na iyan okay? Lika na, mamaya nagugutom kana nahihiya ka lang magsabi” mabait pang hinimig ng binata.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Jade sa narinig. Pero sa kabila ng pagtutol ay nakapagtatakang kusang sumunod ang mga hakbang niya. At nang akbayan siya ni Louis possessively ay nanatili siyang walang imik.
Nasa mata ng bawat babaing nasa canteen ang matinding panibugho nang pumasok sila. Nanunuksong tingin naman ang ipinukol sa kaniya nina Pauline at Rhea nang lapitan nila ang mga ito.
“Girls pwedeng maki-share ng table?” nakangiting tanong ni Louis sa mga ito.
“Actually patapos na kami ni Rhea” sagot ni Pauline.
Nagkibit lang ng balikat si Louis sa narinig saka siya inalalayan sa pag-upo.
“Oorder lang ako ng pagkain natin” pagkasabi niyon ay tumalikod na ang binata.
Noon niya tinitigan ng masama sina Pauline at Rhea. “Bakit ninyo ako iniwan?”
“Ayaw namin makaabala sa LQ ninyo ng boyfriend mo kaya binigyan namin kayo ng privacy!” sagot ni Rhea.
“Pwede ba, baka isipin ng mga nakakarinig totoo!” saway niya sa mas mahinang tinig.
Tumawa si Pauline. “You look good together, alam mo sa totoo lang gusto ko si Louis para sa akin!” anito. “but since wala akong beauty na kasing taray ng sayo wish ko sana ligawan ka niya!”
Naiiling siyang nangalumbaba, ilang sandali pa ay bumalik na si Louis dala ang isang tray ng pagkain. Noon naman saktong tumayo ang dalawa.
“At saan kayo pupunta?”
“Uuwi, kanina pa nandiyan ang mga sundo namin eh” sagot ni Rhea saka nginitian si Louis.
“Alagaan mo iyang kaibigan namin ha, Louis” si Pauline naman iyon.
Tumango lang si Louis saka nag-thumbs up kay Pauline.
“Oh kumain kana” anitong inilagay sa kaniyang harapan ang isang plato ng umuusok pang pansit.
Gusto niyang magprotesta at awayin ang binata pero pakiramdam niya parang napapagod narin siya sa ganoong set-up kaya minabuti niyang huwag nalang magsalita.
Nakasimangot niyang pinigaan ng kalamansi ang kaniyang pansit saka iyon hinalo at sinimulang kainin. Naiinis siya at hindi makakilos ng maayos dahil sa ginagawang panonood sa kaniya ni Louis. Masarap ang pansit kaya bigla siyang ginutom pero hindi niya magawang lakihan ang kaniyang subo dahil nahihiya siya.
“Napakaganda mo talaga alam mo ba?” nang marinig ang sinabi ng kaharap ay napilitan siyang salubungin ang mga titig nito.
“Huh?”
Mahinang tawa ang naglandas sa lalamunan ni Louis. “Gutom na gutom ka pala, hindi ka ba nag-lunch?” concerned nitong tanong kaya muli niya itong sinulyapan.
Tipid siyang ngumiti saka inabot ang baso ng iced tea. “Kumain, pero konti lang. Nag-iipon pa kasi ako ng pambayad dun sa nasirang libro.”
Narinig niya ang isang malalim na buntong hiningang pinakawalan ng binata. “I’m sorry, kasalanan ko naman talaga kung bakit nasira iyon” pag-amin nito saka sinimulan narin kainin ang sandwich nito.
Hindi niya maintindihan pero bigla parang gusto niyang pagalitan ang sarili kaya nasabi iyon ni Louis.
Ano bang nangyayari sayo Jade?
“Hayaan mo na, mapag-iipunan ko rin iyon bago mag-one month” aniya.
Nginitian lang siya ng binata. Pagkuwan ay nakita niyang kumilos ang isang kamay nito saka maingat na hinawakan ang kaniyang mukha.
Para siyang tinamaan nang kidlat sa nangyari dahil hindi siya nakakilos. Bigla ang naging pagsikdo ng matinding kaba sa kaniyang dibdib lalo na nang maramdaman niya ang banayad na paghaplos ng hinlalaki nito malapit sa kaniyang labi.
“May hibla ng pansit, inalis ko lang” pabulong nitong sabi sa kaniya para hindi marinig ng iba.
Namumula ang mukha siyang nagyuko ng ulo.
“I’m sorry about the book, I mean it. Kasalanan ko kung bakit nasira iyon, hayaan mo ako nalang ang magbabayad para hindi na masakripisyo ang lunch mo” determinado nitong sabi.
“Naku nakakahiya naman sayo” awkward pero iyon talaga ang naramdaman niya.
“Pagkatapos ng lahat ng salitang ibinato mo sa akin ngayon ka pa nahiya, imagine tinawag mo akong Aragog!” pabirong sabi ni Louis.
Inirapan niya ito pero nakangiti. “Ikaw din naman ah, tinawag mo akong Hungarian Horntail, alam ko para akong dragon pag galit pero hindi naman ako kasing pangit nun.”
Natawa ng malakas doon si Louis kaya mabilis niya itong sinuway nang makitang nagtinginan sa gawi nila ang ibang estudyante sa loob ng canteen.
“Sa maniwala ka man o hindi for me, you’re the most beautiful girl in the world.”
Mabilis na nag-init ang magkabila niyang pisngi sa sinabing iyon ng binata. Hindi naman kailangang patunayan ni Louis ang sinabi nito dahil ramdam niya ang sincerity ng binata.
“So paano, bati na tayo? Sa totoo lang, kaya ko kinuha iyong libro mo kasi gusto ko talagang siputin mo ako. Sorry pero iyon nalang talaga ang nakita kong option. I really want us to be friends.”
Natawa siya sa pag-aming iyon ni Louis. Pagkatapos ay nagkibit siya ng balikat saka tumango. Sino ba naman siya para tanggihan ang pakikipag-bati nito dahil kung tutuusin marami din naman siyang nasabing pangit sa binata.
“Yes! So let’s eat for that!” anitong inilapit sa bibig niya ang maliit na hiwa ng chocolate cake.
Nagdalawang isip siya kung tatanggapin iyon lalo’t napuna niya ang ilang matang nanonood sa kanila. “N-Nakakahiya, ang daming nakakakita.”
“Huwag mo silang pansinin, isipin mo tayong dalawa lang dito, gaya ng madalas kong maramdaman kapag kasama kita.”
Shocks, Louis napaka-romantic mo naman pala!
“Saka, di ba sabi ni Pauline alagaan kita? Sige na.”
Dahil doon ay natatawa niyang tinanggap ang cake. Parang eksena sa teleserye na nanatiling magkahinang ang kanilang mga mata habang matamis na nakangiti.
“That’s my girl!”
Ang huling sinabing iyon ng binata ay tila pakpak ng ibon na humaplos sa kaniyang puso.
Kung ganito ka ng ganito, hindi malayong mainlove ako...