CHAPTER 5 - Her Skills

1414 Words
"Ang sarap kaya ng buhay namin dito sa bago nating bahay insan. Buti na lang mayaman 'yang bumili sa'yo, kundi baka hanggang ngayon nagtiyatiyaga pa rin kami doon sa dati nating barungbarong. Alam mo ba si tiyang Amparo, sinaniban yata bigla ng santo. Simula nang lumipat kami rito at patayuan mo siya ng tindahan sa tapat ng bahay ayon, naging santa bigla. Hindi na nagsusungit, naninigaw at lalong hindi na nananakit. Nakakaloka kamu, tinutulungan niya pa ako sa pag-aayos ng mga damit na gagamitin ko sa trabaho. Oh di'ba, unbelievable? Thanks to you talaga insan!" Kausap ko ngayon ang pinsan kong si Odessa at oo, iyon lang naman ang kabayaran sa pagpayag ko sa gusto ni Lexy. Binilhan niya ng bahay sina tiyang, pinatayuan ng munting negosyo at tinulungan pa ang pinsan ko na makapasok sa isang modeling agency. Kasama rin nila sa bahay si Mammy. Ito ang namimili ng mga paninda tuwing linggo. Ang sabi ko na lang sa mga ito ay isang mayamang matanda ang bumili sa'kin kaya ako nagkaroon ng ganoon kalaking pera. Siyempre, kapalit noon ay sa kaniya ako titira kaya nakahiwalay ako sa kanila. Naniwala naman ang mga gaga dahil totoo namang maraming mamayang matanda ang nag-aalok kay Mammy noong nasa kabaret pa ako na bibilhin nila ako kapalit ng malaking halaga. Hindi lang talaga ako pumayag. Kunwari napilitan na lang ako dahil sa pagkakakulong namin noon. Pagkatapos ng sampung buwang usapan namin ng kapatid ko ay babalik rin ako at sasabihin sa kanilang nagsawa na ang matanda sa akin kaya ako pinauwi. Gan'on kadali. "Hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa kuwento mo o hindi. Hindi ko lubos maisip na babait pa si tiyang Amparo matapos ng ilang taong pang-aalila niya sa'tin." Nasa kalagitnaan ako ng pakikipagdaldalan nang bumukas ang pinto ng silid at iniluwa noon ang guwapong si Treece. "By the way, it's nice to see yo---I mean talk to you. Bye!" Mabilis kong pinutol ang tawag at ibinaba ang telepono. "Ahm, welcome home....sweety." Nginitian ko pa ito na kalauna'y nauwi sa ngiwi dahil sa paraan nito ng pagkakatitig sa'kin. "Sweety?" may panunuya sa uri ng pagtatanong nito. Ano ba dapat? "Honey? Love? Sweetheart? Honeybunch? Boboobear?" Lahat na yata binanggit ko na. Tumawa lang ito ng pagak at iiling-iling na pumasok sa walk in closet. Mag-iisang linggo na ako dito sa mansyong ito ngunit maski isa ay wala naman akong makausap na matino sa kanila. Ultimo nga itong asawa ko kuno naaalibadbaran yata kapag sinusubukan kong kausapin. Siya at ang pamilya niya maliban kay daddy Cedrick, daddy ni Treece, kung hindi nakasigaw ay galit na mga titig ang ibinibigay sa'kin. Iyong mga katulong naman at pati sekyu parang napapaso kapag nilalapitan ko. Buong maghapon tuloy, kung hindi sa hardin ay dito ako sa kuwarto nagkukulong. Minsan ay katelebabad ko sa telepono si Odessa, minsan naman ay nagbabasa ako ng mga libro dito sa kuwarto. Ano ba'ng problema nilang lahat? Wala naman akong nakakahawang sakit ah? "You'll have your statement tomorrow in front of the key personnels of the company involving your controversy. Deny the allegation and tell them that you don't know anything about Devaughn." Kamuntik pa akong mapalundag sa pagkakaupo sa sofa nang bigla na lamang itong magsalita. Kaya naman pala akong kausapin eh. "N-Nasabi na nga ni Georgia kanina sa telepono. Pero paano kapag nagtanong sila tungkol doon sa mga larawan?" Kinabahan tuloy ako bigla. Imagine, ang executive vice president and CFO, vice president for entertainment tv, first vice president for news and public affairs at head of entertainment production lang naman ng W&W network ang kakaharapin ko bukas. Kahit pa ba napagpraktisan na namin ni Georgia ang mga sasabihin ay iba pa rin siyempre kapag nasa mismong sitwasyon ka na. Sana pala hindi na lang gumaling itong paso ko. Kung hindi lang ako natatakot sa nanay at mga kapitid niya, susunugin ko talaga ulit ang kusina para may rason ulit ako sa hindi pagpasok sa kompanya. Noon kasing aksidente kong masunog itong bahay nila ay sinabon ako ng masasakit na salita ni Mrs. Hughes, Valerie at Venus. Inakusahan pa akong mamatay tao. Kesyo sinadya ko raw ang nangyari at may plano raw akong sunugin sila ng buhay kung hindi lang ako nakita ni Teresa. Siya iyong kasambahay na unang nakakita sa'kin at sa nasusunog na kusina. Sa taranta ko noong mga oras na iyon kahit pa pinigilan ako ni Teresa ay sinugod ko ang naglalagablab na apoy at sinubukan ko itong apulahin. Ang kaso, inabot ng apoy ang braso ko bago pa tuluyang mawala ang sunog dahil sa sprinkler ng bahay. Kung alam ko lang na mayroong gan'on dito hindi na sana ako nag-aksaya pang mag-igib ng tubig sa banyo at ibuhos iyon doon. "Tell them that it's edited, tampered and faked," simpleng sagot nito. Tumango tango naman ako. "Though we all know the fact that it's real," may talim ang boses nito. Nag-aakusa. Ayos na sana kanina eh! Napipilan na lang ako. Malay ko ba kung ano'ng isasagot! Hanggang ngayon kasi hindi ko makontak ang magaling kong kakambal. Lumabas ito ng kuwarto at iniwan akong nakasimangot. Totoo man o hindi ang pagtataksil ng kapatid ko, kailangan kong gumawa ng paraan. Kapag nagpatuloy ang ganito baka nga mauwi kami sa hiwalayan habang hindi pa nakakabalik si Lexy. Bumaba na lamang ako ng bahay at tila nakakita ng multo sa gulat ang mga kasambahay sa kusina nang tumungo ako roon. "Pasensya na ho kayo maam Lexy. Katatapos lang ho kasi namin ni Teresa na magplantsa kaya ngayon pa lang ho kami magluluto ng hapunan. Gutom na ho na ba kayo? Heto't magluluto na ho kami," aligagang sabi ni Maria. Kasama nito si Leonora at Teresa sa kusina. Naghahanda na sa pagluluto. "Naku hindi Maria. Maaga pa naman para sa hapunan. Ang totoo niyan...nagpunta ako dito para sana tumulong. Ipagluluto ko sana ang asawa k---ang ibig kong sabihin, si sir Treece niyo." Hindi pa rin talaga ako kumportableng ariin siya bilang katipan ko. Parang ang sagwa kasi. Natulala ang mga ito at saglit na hindi nakapagsalita. Alinlangan namang tumango si Maria. Sinang-ayunan na rin siya ng dalawa. "Huwag kayong mag-alala, mag-iingat na ako para walang masunog." Baka kasi iyon ang ipinagdadal'wang-isip nila. Maingat nila akong inalalayan sa pagluluto. Tulong-tulong kami sa paghahanda ng mga sangkap at rekadong gagamitin. Ako ang mismong nagtimpla ng mga putahi. Lahat iyon ay bago sa'kin. Puro pang mamayaman kasi ang recipe. Mabuti na lang at mahaba ang pasensya nila sa pagtuturo sa'kin. "Hindi naman po pala kayo mahirap turuan maam Lexy. Ang bilis niyo nga pong matuto eh. Parang sanay na sanay ho kayo sa kusina," puna ni Leonora. "Aba, oo naman! Ako kaya ang taga luto sa'min. Dati nga naglako ako ng mga luto kong ulam sa barangay namin. Wala pang isang oras ubos agad. Ganoon ako kasarap magluto," taas noo at may pagmamalaki sa boses kong sabi. Biglang nawala ang ngiti ko nang makita ang reaksyon sa mukha nila. Literal kasi silang nakanganga. Ay putik! Hindi nga pala ako si Rexy! "A-Ang ibig kong sabihin--" "Is that a script to your series? Poor you. Para kang sina ate Val at kuya Treece. Hanggang dito dinadala ang trabaho." Hindi ko natapos ang pagsasalita nang pumasok sa kusina si Velvet. "Ha? Ah, oo! Tama! Script nga iyon...paano mo nalaman Velvet?" Kunwa'y pagsang-ayon ko rito. Inirapan lang ako nito at nagtuloy sa pridyeder. Pagkakuha niya ng fresh juice ay umalis din ito. Save by the bell! Muntik na ako roon. "The food today is much delicious," saad ni daddy Cedrick matapos kumain. "I agree. Everything is so tasty," sang-ayon ni Mommy Victoria---nakagat ko yata bigla ang dila ko nang tawagin ko siyang mommy sa isip ko. "I enjoyed the food. It's nice," komento rin ni Ate Valerie. Ganoon din halos ang sinabi ni Venus at Velvet. "Thanks for the food, Maria, Leonora and Teresa. Keep up the good work," papuri ni Treece sa tatlong kasambahay na nakatoka sa pagluluto. Kasalukuyan silang nagsasalin ng inumin ngayon sa aming mga baso. "Naku sir, huwag po kami ang pasalamatan niyo. Tumulong lang ho kami sa paghahanda pero hindi po talaga kami ang nagluto ng mga iyan," nakangiting saad ni Maria. "Then, who did all the cooking?" usisa pa ni Treece. "Si maam Lexy po, sir," dali-daling sagot ni Teresa. Agad akong nasamid ng banggitin nito ang pangalan ko. Patay!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD