TAHIMIK pa rin si Angelica hanggang sa bumalik siya sa silid na tinutuluyan. Hindi na siya nabigla ng ihatid siya ni Kiel hanggang sa loob ng hotel room niya. Gustuhin niya mang kiligin sa ginagawa nito pero hindi niya magawa. Si Jenyfer kasi ang inaalala niya.
“Makakaalis ka na,” taboy niya rito dahil sa inis. Kung hindi kasi dahil dito hindi siya maiiwan ng flight niya. Bukas na bukas din ay uuwi siya ng Manila. Hindi na pwede pang magpaliban siya.
“Ihahatid nga kita sa Manila,” pilit pa ni Kiel. “I’m serious.”
Nagulat pa siya ng bigla nitong kinuha ang isang maleta niya sa gilid ng kama niya.
“Ano bang problema mo?” naguguluhan niya ng tanong sa lalaki.
“Dalhin mo na lang ang ibang gamit mo,” dagdag pa nito na ikinagulat niya.
Paanong ihahatid siya nito samantalang naiwan na siya ng eroplano? Isa pa alas onse na ng gabi.
Gusto niya sanang tutulan ito sa ginagawa pero hindi na siya nakapagsalita dahil nauna na itong maglakad at nakabuntot lang siya lalo na at dala na nito ang kanyang maleta. Sumakay siya sa sasakyan nito papunta sa kung saan man. Naging sunod-sunuran na lamang siya.
“Saan mo ako dadalhin?” kinakabahan niyang tanong. Kung kailan nasa loob na siya ng sasakyan nito saka palang siya magtanong. Bigla ay kinabahan siya dahil hindi na ito nagsalita.
Ang tanga-tanga niya paano na lang kung rapist pala ito? Ganitong mga mayayaman ay may kakaibang trip. Natakot siya sa naisip.
“Magtiwala ka lang sa akin,” nakangiti nitong sagot.
“Paano ako magtitiwala sayo eh ngayon palang tayo nagkakilala?” tanong niya pa.
“Ito ang paraan ko para makilala mo ako,” sagot nitong nakangiti. Kaya ang takot na naramdaman ay nawala at napalitan iyon ng kilig dahil sa ngiti nito na kay sarap pagmasdan.
Huminto sila sa isang malawak na lugar at ang mas umagaw sa atensiyon niya ay ng may makita siyang isang helicopter sa gitna ng malawak na lugar na pinagdalhan nito sa kanya. Kung hindi pa nito binuksan ang pintuan ng kotse ay hindi siya kikilos. Kinuha nito ang dala niyang bag at inakay siyang pumasok sa loob ng private helicopter na naroon. Hindi pa rin siya makapagsalita sa nakikita niya. Natulala siya. Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa dahil sa ginagawa ng lalaking estranghero pa rin sa buhay niya. Nalulula na siya sa sayang nararamdaman.
Nawiwindang na siya.
Silang dalawa lang ang nasa loob ng private helicopter kaya napatingin siya sa lalaki.
“Kanino ito at nasaan ang pilotong magpapalipad nito?” usisa niya pagkatapos siya nitong pasakayin. Bumangon ang kaba sa dibdib niya ng bahagyang umandar ang iyon.
Hinawakan ni Kiel ang nanlalamig niyang kamay.
“Akin ang private helocpter na ito at dahil akin ito ay ako ang nagpapalipad nito,” sagot ni Kiel na nakangiti sa kanya. Lumakas ang t***k ng puso niya ng masilayan ang mapuputi nitong ngipin.
“Naku Kiel ha, ‘wag kang magbiro ng ganyan. Gusto ko pang mabuhay at isa pa hindi ko kayang iwan ang kapatid ko. Napakabata niya pa,” kinakabahan niyang sagot sa lalaki.
“Just relax, darling,” sagot nitong nagpatibok ng todo sa puso niya. Napakalambing ng boses nito sa huling binigkas na salita kaya pinamulahan siya ng mukha. Tinalo pa nila ang may relasyon.
Paano kaya siya magrerelax kung kinakabahan siya at kinikilig? Hindi niya siya mapalagay.
Napasigaw siya ng magsimulang lumipad sila sa ere. Daig niya pa ang first time sumakay sa helicopter kung makasigaw dala ng takot. Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kamay niya upang pawiin ang nerbiyos niya.
“Hindi ko hahayaan na may mangyari sa atin lalo pa at nagsisimula pa lang tayo,” wika nitong bahagyang nagpagulo sa isip niya. Kung hindi niya pa binawi ang kamay mula rito ay hindi matatahimik ang puso niya sa malakas ang pagtibok.
Bigla ay nahiling ni Angelica na sana hindi na matapos ang mga oras na iyon. At sana hindi siya nananaginip na may isang Kiel na nagpapakilig ngayon sa kanya. Sa lakas ng karisma nito ay walang babaeng hindi ito pangangarapin.
Hindi niya alam kung saang lugar sila naglanding dahil pagbaba nila ng helicopter ay may sasakyan nang naghihintay sa kanilang dalawa.
“Magtataxi na lang ako pauwi. Masyadong gabi na para maabala ka,” wika niya pa kay Kiel.
“Hindi ba kasalanan ko naman kung bakit ka na ginabi? Ako na ang maghahatid sayo pauwi. Gusto ko rin naman malaman kung saan ka nakatira,” nakangiti pang wika ni Kiel sa kanya.
“Ganyan ka ba talaga?”
“What do you mean?” kunot ang noo nito sa kanya.
“Kapag may nagugustuhan ka ay hindi ka titigil na hindi matapos ang isang araw na hindi malaman kung saan siya nakatira?” tanong niya pa.
“Paano mo nalaman?” tanong pa ni Kiel sa kanya kaya natawa na lamang siya. “Depende kung interesado ako sa babae. Ganun naman hindi ba? Kapag gusto mo ay hindi ka titigil hanggat hindi mo nakukuha ang gusto mo lalo na kung may paraan naman,” ani pa ni Kiel sa kanya.
Napailing na lamang si Angelica sa mga sinasabi ni Kiel. Wala rin siyang nagawa nang magpumilit itong ihatid siya sa bahay.
NAPANGITI na lamang si Angelica ng maalala ang una nilang pagtatagpo ni Kiel. Doon nagsimula ang magandang pagkakaibigan nilang dalawa. Simula noon ay hindi na siya tinigilan ni Kiel. Palagi siya nitong pinupuntahan sa trabaho niya at hindi naman siya tumatanggi .Ang totoo nga nagkamali siya ng sabihin niya rito minsan na hindi siya magkakagusto rito dahil ang totoo ay gustong-gusto niya na ang lalaki. Kulang ang araw niya kapag hindi ito nagpaparamdam kahit man lang sa text o tawag. Hindi rin lingid sa kanya ang pagtatangi nito sa kanya at kahit sinabi niya ritong hindi pa siya handang pumasok sa isang relasyon ay patuloy pa rin ito sa pagsuyo sa kanya at patuloy na umaasang makakamit nito ang matamis niyang oo balang-araw.
Matagal ng handa ang puso niya para sa lalaki pero pilit niya iyong pinipigilan dahil kay Jenyfer. Hindi niya kasi alam ang magiging reaksiyon nito kapag nalaman na may nobyo na siya. Baka masaktan ito. Baka hindi nito matanggap. Nasanay kasi itong ang oras niya ay para lamang dito at wala itong kaagaw kaya ngayon ay nahihirapan siya dahil sa kanyang nararamdaman. Hindi niya alam kung paano aamin sa kapatid na nagmamahal na siya.