Araw ng Prom…
Kagaya nga ng sabi niya kay Cherry, siya ang date nito. Kaya naman nagpa-pogi talaga siya ng husto para rito. Gusto kasi niyang makita siya ni Cherry bilang makisig na binata, hindi bilang kaibigan nito.
“Wow, ang pogi naman ng anak ko mana sa akin!” Narinig niyang sabi ng kaniyang daddy.
“Syempre naman dad.” Kinindatan pa niya ang ama nang humarap siya rito.
“Sino ba ang date mo at todo ang pagpapa-pogi mo?” tanong pa nito habang inaayos ang bow tie niya.
“Sino pa nga ba daddy? Eh ‘di ‘yung ultimate crush ko dad,” nakangising saad niya rito. Alam ng mga magulang niyang gusto niya si Cherry at wala namang tutol ang mga ito roon.
“Ay sus, binata na talaga ang anak namin. Bakit hindi mo pa ligawan? Ikaw rin baka maunahan ka pa ng iba.” Tinapik pa siya nito sa balikat.
“Saka na dad, mga bata pa naman kami eh. Saka walang liligaw roon, guwardyado ko yata si Chubs!” nakangising sagot naman niya sa ama.
“Sino ang binata na?” Sabay silang napalingon sa mommy niya, na nakatayo na ngayon sa pintuan ng kaniyang kwarto.
“Syempre mommy ako. May iba ka pa bang anak na lalake? Alam ko kasi ako lang ang anak mong lalake,” pabirong tanong niya sa kaniyang ina. Tumawa naman ang kaniyang ama sa kaniyang sinabi.
“Naku manang-mana ka nga talaga sa pinagmanahan mo!” Lumapit ito sa kaniya saka humawak sa kaniyang ulo.
“Mommy naman eh, ‘wag ang buhok ko! Matagal kong inayos iyan eh!” Pagrereklamo niya sa ina na ikinatawa naman ng mga magulang niya.
“Okay fine! Mag-iingat kayo ha, saka ‘wag kayong iinom ng alak. Tobby Ryan behave ha?” paalala pa ng kaniyang ina.
“Opo mommy, don’t worry po hindi ako iinom at uuwi kami ng safe ni Chubs.” Humalik na siya sa mga magulang saka lumabas ng bahay. Agad din siyang bumalik ng may maalala.
“Dad, nasaan nga pala ‘yung susi ng sasakyan?” tanong niya sa ama.
“Oo nga pala. Here!” Sabay abot sa kaniya ng susi ng kanilang sasakyan.
“Thanks dad!” nakangiting sabi niya rito saka kumaway sa mga magulang.
Agad siyang nagtungo sa bahay ng mga Vergara upang sunduin si Cherry. Eksakto namang pababa na ito ng hagdan ng bahay ng mga ito nang makapasok siya sa sala. Napanganga pa siya nang makita itong naglalakd pababa ng hagdan. Napakaganda nito sa baby pink na gown nito. Nakataas ang buhok nito kaya kitang kita ang maputing leeg nito na nakalantad sa tube style na gown nito. Tumikhim siya ng makarating na sa huling baitang ng hagdan si Cherry.
“Ang ganda mo naman Chubs.” Titig na titig pa rin siya sa mukha ng dalaga.
“Ang pangit mo naman Tobby,” ganting saad nito saka humagikgik pa ito. Agad namang nagsalubong ang mga kilay niya sa sinabi nito.
“Huyyy, tabaching-ching maka-pangit ka riyan! Isa yata ito sa tinaguriang heartthrob ng school natin!” Pagmamalaki pa niya rito.
“Oo na! Hindi ka na mabiro. Pogi ka na, kaya tara na!” nakangiting saad pa nito sa kaniya saka umabrisyete na sa kaniyang braso. Kinilig naman siya ng sabihan siya ni Cherry na pogi.
“Mommy, aalis na po kami.” Paalam pa nito sa ina nito.
“Tobby, mag-iingat sa pagmamaneho ha? Huwag magmadali at diyan lang naman ang school niyo.” Bilin pa ng mommy ni Cherry sa kaniya.
“Opo tita. Don’t worry po maingat naman po akong magmaneho. ‘Wag lang pong magpapasaway si Cherry,” nakangising saad pa niya rito.
“Mabait ako baka ikaw riyan ang magpasaway!” Dahil nakaabrisyete ito sa kaniya ay agad siyang nakurot nito.
“Aray! Kita mo na tita?” Sabay huli sa kamay ni Cherry nang muling tangkain nitong kurutin siya.
“Hay naku kayong dalawa talaga. Sige na at baka ma-late pa kayo. Kasama ka pa naman yata hijo sa cotillion,” wika pa ng ina ng dalaga.
Doon naman para siyang natauhan. Kasama nga pala siya sa cotillion, at kailangan niyang maagang makarating doon para sa assembly. Nagpaaalam na sila sa ina ni Cherry saka naglakad na palabas ng bahay ng mga ito.
“Akin na ang kamay mo Chubs, isuot mo itong corsage.” Inabot niya ang kaliwang kamay nito at isinuot iyon sa kamay ng dalaga.
“Bakit parang iba ito sa ipinakita ni Jenny sa akin?” nagtatakang tanong nito sa kaniya.
“Syempre espesyal ka eh, special child. Kaya iba iyang sa iyo!” Nginisihan pa niya ito bago pinaandar ang sasakyan. Hinampas naman siya nito.
“Huwag ka ng magulo riyan baka mabangga tayo! Basta, special ka kasi kaya dapat mas maganda ‘yung isusuot mo kaysa sa kanila.” Kinindatan pa niya ito saka itinutok na niya ang mga mata sa daanan.
Nakita pa niya sa gilid ng mga mata, ang tila naguguluhang itsura ni Cherry. Napangiti na lang siya habang nagmamaneho. Wala talagang idea ang dalaga sa kaniyang tunay na nararamdaman para rito. Nang makarating sila sa kanilang school, ipinark niya malapit sa gate ang kanilang sasakyan. Ipinagbukas din niya ito ng pinto saka inalalayang makalabas doon.
“Mukhang kailangan ng palitan ni daddy itong sasakyan namin ah,” komento pa niya habang inaalalayan niyang makababa si Cherry sa sasakyan.
“Bakit naman?” nagtatakang tanong nito sa kaniya.
“Para mas komportable kang makaka-upo. Saka mas mabilis kang makakababa ng sasakyan,” todo ngisi pa niyang sagot sa dalaga. Nakatikim tuloy uli siya ng pinong kurot mula rito.
“Nagbibiro lang naman ako Chubs. Ang sakit mo mangurot ha.” Hinimas pa niya ang nasaktang baso.
Inirapan lang naman siya ni Cherry saka nagpatiunang maglakad patungo sa entrance ng kanilang school. Siniguro muna niyang nakasara ang sasakyan, bago mabilis na sinundan si Cherry.
“Chubs, wait lang! Hindi ka na mabiro!” Agad niyang pinagsalikop ang kanilang mga kamay nang maabutan niya ito.
Pilit namang tinatanggal ni Cherry ang magkasalikop nilang kamay. Ngunit lalo lang niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ng kababata.
“Huwag ka ng mag-effort tanggalin ‘yan. Baka masaktan lang ang mga kamay mo. Let’s just stay this way. Ang lambot kasi ng mga kamay mo eh, masarap hawakan.” Tiningala naman siya ni Cherry, kaya kinindatan at nginitian niya ito saka ipinagpatuloy ang kanilang paglalakad.
“Ewan ko sa iyo Tobby. Bahala ka nga riyan!” sabi na lang nito sa kaniya. Maya-maya’y naramdaman na lang din niyang, komportable nang nakahawak ang kamay nito sa kaniyang kamay.
‘Awww! Ang sarap talagang hawakan ng mga kamay niya. Parang marshmallow sa lambot,’ nakangiting bulong pa niya sa sarili.
Nagpa-register na sila sa entrance ng gate, saka iginiya niya ito sa kanilang table. Kasama nila sina Jenny at Althea sa table, kaya panatag niyang iiwan ito roon. Pagkahatid niya rito sa table nila ay nagpaalam na rin siya agad sa mga dalaga, dahil kailangan na siya sa assembly station nila for cotillion.
Nginitian naman siya nito saka tumango. Masaya na siyang nagtungo sa gilid ng stage, kung saan ang kanilang assembly station. Mula roon ay tanaw pa rin naman niya si Cherry, kaya panatag siyang walang mangyayaring hindi maganda rito.
Cherry POV…
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa lahat ng pinaggagagawa at ipinapakita ni Tobby sa akin. Dapat ba akong matuwa sa mga ipinapakita nito sa akin? Alam kong magkaibigan kami. Pero bakit pakiramdam ko ay may mas malalim pa itong nararamdaman para sa akin?
Madalas ko siyang mahuling nakatitig lang sa akin. At minsan hindi ko rin maintindihan ang pagiging clingy nito. Natatakot naman akong komprontahin ito dahil baka mapahiya lang ako. Pero nitong mga nakaraang mga araw, parang may kakaiba na rin akong nararamdaman para sa kaniya.
Gusto ko na si Tobby, kaso baka naman hanggang pagkakaibigan lang ang tingin niya sa akin. Baka natutuwa lang siya sa akin, kaya siya palaging nasa tabi ko. Hayyy Tobby, Tobby, Tobby… bakit ba naman kasi napakabait mo sa akin?
Sa ngayon, hahayaan ko na lang muna kung ano man itong nararamdaman ko para sa iyo. I-e-enjoy ko na lang muna ang makasama ka ng wala pang nagbabawal sa iyo. Makokontento na muna ako sa anong meron sa pagitan natin.