“Chubs!” tawag ni Tobby sa batang babaeng may hila-hilang bag palabas sa gate ng bahay ng mga ito.
Huminto naman ito at tiningnan siya ng masama nito. Ngingisi-ngisi naman siya habang tumatakbong palapit dito. Nang makalapit ay saka niya kinuha ang bag nito, upang siya na ang maghila para rito.
“Bakit ba Chubs ang tawag mo sa akin? Cherry Joy ang pangalan ko. Kung nahahabaan ka CJ na lang,” nakairap na saad nito sa kaniya.
“Eh gusto ko ng Chubs para ako lang ang tatawag sa iyo ng gano’n,” nakangising sagot naman niya rito.
“Eh bakit nga kasi Chubs?” nayayamot na tanong nito sa kaniya.
“Chubs, short for Chubilita!” tatawa-tawang sabi niya rito saka siya tumakbo palayo kay Cherry.
“Ikaw talaga Tobby, kapag naabutan kita lagot ka talaga sa akin!” sabi naman nito habang hirap na hirap itong tumatakbo upang habulin siya.
Huminto naman siya upang hintayin ang kaniyang kababata. Agad niya itong inabutan ng tubig nang huminto ito sa kaniyang harapan. Hingal na hingal namang inabot iyon ni Cherry saka uminom.
“Ikaw talaga kahit kailan ka talaga! Palagi mo na lang akong inaasar!” hinihingal na saad pa nito sa kaniya matapos itong uminom ng tubig.
Nakangisi naman niyang tinignan ito. “Dapat nga nagpapasalamat ka pa sa akin eh,” aniya rito.
Dinukot niya ang kaniyang panyo sa suot niyang pantalon at saka pinunasan ang pawis nito sa noo at ilong. Inagaw naman ni Cherry ang panyo mula sa kamay niya at ipinagpatuloy ang pagpupunas ng pawis..
“Eh bakit naman ako magpapasalamat sa iyo aber? Eh pinapagod mo lang naman ako palagi kakahabol sa iyo!” nakasimangot na saad nito sa kaniya saka tinabig ang kaniyang kamay.
“Oh, ‘di ba nae-exercise ka kapag hinahabol mo ako?” pilyong ngiti niya rito saka ito inakbayan.
“Ewan ko sa iyo Tobby! Bilisan na nga natin baka ma-late pa tayo dahil sa kaharutan mo!” masungit na saad nito sa kaniya.
Ganoon palagi ang kanilang eksena sa tuwing papasok sila sa kanilang paaralan. Pareho kasi sila ng paaralang pinapasukan, at magkatapat lang din ang kanilang mga bahay. Malapit lang ang kanilang eskwelahan sa kanilang mga tahanan. Isang kanto lang at matatanaw na ang kanilang paaralan. Pareho rin silang nasa ikalimang baitang ng elementarya.
“Chubs, sabay tayong umuwi mamaya ha? Hintayin mo ako, kapag nauna kayong mag-uwian,” bilin pa niya rito pagkahatid niya rito sa classroom nito. Magkaiba kasi sila ng section. Nasa section one siya samantalang si Cherry, ay nasa section two naman.
“Eh bakit? Kaya ko namang umuwi mag-isa eh. Saka baka mamaya asarin na naman ako ng mga classmates mong babae,” masungit na sagot naman nito sa kaniya.
“Basta sabay tayo. Kapag hindi mo ako hinintay, lagot iyang pisngi mo sa akin!” pagbabanta pa niya rito. Tinalikuran na siya nito kaya umalis na rin siya at nagtungo sa kaniyang classroom.
Pagsapit nang uwian ay matiyagang hinintay ni Tobby si Cherry sa labas ng classroom ng mga ito. Nauna kasi silang i-dismiss kaya siya ngayon ang naghihintay sa kaniyang kababata. Nang mag-umpisa ng maglabasan ang mga kaklase ni Cherry ay agad naman siyang tumayo upang lumapit sa classrom nito.
“Chubs!” tawag pa niya rito mula sa bintana ng classroom nito.
Nilingon naman siya ng kababata saka sumagot. “Cleaner pa ako, mauna ka na kung gusto mo!” nakasimangot na saad nito nang lumapit ito sa bintana.
Agad naman siyang pumasok sa classroom ng mga ito at inilapag ang kaniyang bag sa bakanteng upuan. Kinuha nito ang walis mula sa kamay nito at saka nag-umpisang magwalis.
“Chubs, kilos na para makauwi na tayo agad,” untag pa niya rito nang tila na-estatwa na ito sa isang tabi.
Agad namang kumilos ito at tumulong nang maglinis. Pagkatapos nilang maglinis ay nagpaalam na sila sa kanilang guro. Kinuha niya ang de hilang bag nito saka nag-umpisang maglakad.
“Tobby, ako nang maghihila ng bag ko!” Hinawakan pa nito ang bag at pilit kinukuha sa kaniya.
“Ako na para hindi ka na mahirapan.” Pinitik pa niya ang mga kamay nitong nakahawak sa bag nito, upang bumitiw ito sa pagkakahawak doon.
“Kaya ko naman na hilahin iyan. Mabigat din iyang bag mo eh.” Pagpupumilit pa rin nito.
Huminto siya saglit at hinarap si Cherry. “Kapag kinuha mo ang bag mo, pati ang bag ko ay bibitbitin mo rin,” sabi niya rito nang tuluyan nang nakaharap sa kababata.
Nginisihan pa niya ito sabay taas baba ng kaniyang mga kilay. Naaaliw siyang pagmasdan ito habang nakabusangot ito sa kaniyang harapan.
“Bag ko lang naman ang kinukuha ko bakit kasama pati ang bag mo?” nakataas ang isang kilay na tanong nito sa kaniya.
“Package kaya iyon. ‘Di ba ako, paghila ko ang bag mo, bitbit ko rin ang bag ko? Kaya ganoon din kapag kinuha mo ang bag mo, kasama rin dapat itong bag ko,” nakangising saad pa niya rito.
“Ewan ko sa iyo! Sige na ikaw na magbitbit niyan. Enjoy!” Saka ipinagpatuloy na nila ang paglalakad.
Napangiti na lang siya, nang sumuko na ito sa pakikipag-agawan ng bag nito sa kaniya. Nang makarating sila sa bahay nila Cherry, ay agad naman silang sinalubong ng ina nito. Nagmano siya rito bago dumiretso sa pool side. Feel at home na siya sa bahay ng mga ito, at ganoon din naman si Cherry sa kanila.
“Tita, makiki-miryenda na po ako ha? Ang bigat po kasi ng bag ni Chubs eh. Saka inalipin niya ako kanina kaya nagutom ako.” Sabay upo sa upuang nandoon at nag-inat pa.
Agad naman siyang nilapitan si Cherry at pinamewangan. “Huyyy, ikaw kaya ang nagboluntaryo riyan na bitbitin iyong bag ko, at tulungan akong maglinis ng classroom namin!” pagpro-protesta naman nito sa kaniya.
Nginisihan lang niya ito habang prenteng nakasandal sa upuang naroon. Pinanlakihan naman siya ng mga mata ni Cherry saka ito naupo sa kalapit niyang upuan. Natatawa namang napapailing ang mommy ni Cherry sa kanila.
“Sige Tobby. Teka at ilalabas ko na lang dito ‘yong miryenda niyo. ‘Wag na kayong mag-away riyan.” Tumalikod na ito at pumasok sa loob ng bahay ng mga ito.
“Ikaw talagang lalake ka, bakit sinabi mo iyon kay mommy? Sa susunod ‘wag mo na akong tutulungan kung magre-reklamo ka after!” Hinampas pa siya nito sa kaniyang braso.
Tumawa lang naman siya habang sinasalag ang hampas nito. Imbes na masaktan ay nag-e-enjoy pa siya sa ginagawang paghampas ni Cherry sa kaniya.
“Aray Chubs! Tama na! binibiro lang naman kita eh. Masakit na, tama na!” tatawa-tawa pa rin niyang sabi rito.
“Oh, tama na iyan. Halina kayo at magmiryenda na muna kayo.” Natigil naman ito sa paghampas sa kaniya nang dumating ang mommy nito.
“Oh, ayaw ko na ha? Nakarami ka na nang palo sa akin,” sabi pa niya rito, saka tumayo at nagtungo sa lamesa kung nasaan ang miryendang dala ng tita Lucille niya.
Sinalinan niya ng juice ang mga baso nila, saka iniabot kay Cherry ang isa. Pagkatapos nilang magmiryenda, ay nagpaalam na rin siya sa mommy nito at kay Cherry na busy na sa pagbabasa.
“Chubs, aalis na ako. See you tomorrow!” Kinindatan pa niya ito saka naglakad palabas ng bahay ng mga Vergara.
Ngingiti-ngiti pa siya habang naglalakad patungo sa kanilang bahay. Tawid kalsada lang naman ang bahay nila, kaya mabilis lang siyang nakauwi. Buo na naman ang araw niya dahil muli niyang nakasama ang kaniyang kababata. Kuntento na siyang nakakasama ito at naaasar araw-araw. Ito lang naman kasi ang way niya para maiparamdam dito na gusto niya ito. Kaso may pagkamanhid yata si Cherry. Dahil kahit anong gawin niya, hindi pa rin nito napapansin ang mga kalokohang pinaggagagawa niya.