Chapter 2
“Nang nasa second period na ako ay pasimple kong binunot sa bulsa ko ang ibinigay sa akin ni Eldrin na sulat. Binasa ko muna iyon habang may activity na ginagawa ang aking klase.
Sir,
Pasensiya ka na kung nakukulitan ka na sa akin. Pasensiya na kung tingin mo sa akin walang respeto at hindi ako pinalaki ng maayos ng mga magulang ko. Ito na yung dating ako noon sir bago ka dumating. Ito na ang tingin sa akin ng lahat. Magbago man ako, ito na yung nakatatak sa utak nila. Ito na ang huling taon ko dito sa school natin ngunit ngayon lang ako nakarinig ng mga patamang hindi ko masikmura. Galing pa sa inyo mismo. Idol kita e. Kung sana makilala mo yung tunay na ako sir. Yung malaman sana malaman mo ang totoong nasa puso at isip ko.
Sinulat ko itong letter na ito sir para makahingi ng tawad sa inyo. Nirerespeto kita sir, hindi ko lang alam kung paano ko ipapakita sa inyo dahil nga nasanay na akong ganito ako sa school. Kung baga may impression na sa akin at ng lahat sa school mula sa mga janitor hanggang sa ating Principal kaya kailangan ko na lang panindigan.
Kikitain kita mamaya sir. May aaminin rin ako sa’yo.
Drin
Bumunot ako nang malalim na hininga. Ano naman kaya ang aaminin ng batang ito sa akin? Muli kong tinupi ang sulat niya sa akin at ibinalik kong muli sa aking bulsa.
Natapos ang klase ko pero lalo pang lumakas ang ulan at hangin. Wala pa ring cancellation of classes mula sa aming Mayor samantalang ang ibang mga mayors ay nagkasenla na kahapon pa. Ano kayang tingin ni Mayor sa mga nasasakupan niya? Mga waterproof robots?
Naghahanda na akong umuwi nang dumating si Salvador. Nakita ko ang ilang pag-irap ng dati niyang mga guro sa kanya pagpasok pa lamang niya. Ang ilan ay di sumagot sa pagbati niya ng ”Good afternoon teachers”. Gusto ko man intindihin ang mga kapwa ko guro ngunit bakit kailangan patulan ang bata? Bakit kailangan nilang magtanim ng sama ng loob sa minsan ay nagpamukha sa kanila ng kanilang kakulangan bilang guro? Responsibilidad ng mga kagaya kong guro na ayusin ang ugali ng aming mga istudiyante at kung sakaling napahiya man sila sa mga tanong noon ni Eldrin na hindi nila masagot, kailangan bang magtanim ng sama ng loob sa mas matalino pa kaysa sa kanilang mag-aaral? Hindi ba dapat kahit papaano ay magiging wake up call na iyon na kailangan pag-ibayuhin pa nila ang kanilang galing sa pagtuturo? Batid kong lahat sila halos ay may hindi magandang karanasan kay Salvador pero mali naman yata na simangutan o deadmahin mo ang bata dahil lang kanyang kaangasan at kayabangan noong hawak mo pa ito. Ako bilang teacher-adviser niya sa huling taon niya sa Junior High ang nasasaktan sa ipinaparamdam nila sa anak ko. Maaring medyo huli na para putulin ang kanyang sungay ngunit nagbabakasakali ako na kaya pa, na pwede pa.
“Naku, baha na sa labas. Ang hirap na naman ne’tong uuwi,” reklamo ni Miss Reyes pagpasok na pagpasok niya sa Faculty Room. Ang co-teacher kong alam ng lahat na may gusto sa akin.
“Oo nga e. Dapat kasi inagahan na lang ng Principal natin ang magpauwi.”
“Naku wala naman siyang magagawa, hindi naman yun lagi nakagagawa ng sarili niyang desisyon, dapat kamo, yung Daddy niyan” inginuso niya si Salvador na noon ay nakaupo na sa harap ko, “Si Mayor na lang dapat ang nag-declare na suspendehin ang klase. Paano uuwi yung mga bata kapag tumaas bigla ang tubig?”
“Iyon na nga e,” sagot ko.
“Hindi ka pa ba uuwi?” tanog niya sa akin. Alam kong may balak sumabay na naman sa akin. Kahit maganda siya at seksi ay wala talaga ako maramdaman sa kanya. Lalaki ang gusto ko noon, lalaki pa rin ang gusto ko ngayon. Iyon ang katotohanang ayaw tanggapin ni Papa. Naisip ko na naman ang problema ko sa pamilya ko. Nakaka-stress. Minabuti kong ibaling sa kausap ko ang aking isip.
“Mamaya na. Baka titila pa ang ulan. Ang hirap mag-drive kapag zero visibility e. Kausapin ko muna ‘to.”
“O, e di ikaw na lang ang mag-lock dito sa Faculty Room?”
“Oo, ako na lang, Ma’am.”
“Sige, maiwan ko na kayo. Makikisabay sana ako sa’yo e.”
“Mauna ka na, Ma’am. Mahirap kasi kung gabihin ka. Ngayon an siguradong may mga jeep pa sa labas at di pa gaano ang pagbaha”
“Sige na nga. Bye, Sir.”
Ngumiti ako at tumango.
“Ano, baka nandiyan na ang sundo mo, umuwi ka na lang kaya. Bukas na lang tayo mag-usap.”
“Umalis na sila sir, nagsabi na ako.”
“E di ba nasa sa’yo naman ang contact number ko? Sana sinabi mo na lang sa akin na nandiyan na ang sundo mo. Sige na, tawagan mo na lang uli sila para bumalik.”
“Lowbat na ako sir. Patay na ang cellphone ko.”
“Sandali,” binunot ko ang cellphone sa bulsa ko. “Ito, gamitin mo na lang muna ito.” Tinignan ko ang cellphone ko, isang bar na rin lang pala. Hindi ko pa naman dala ang charger ko sa pagmamadali ko kaninang umaga.
“Huwag na muna, Sir. Sasabay na lang ako sa inyo pauwi.”
“Ang kulit naman, hindi nga pwede dahil bahain ang dadaanan mo. Bahain ang inuuwian natin. Ako okey lang na ma-stranded, e ikaw?”
“E, yung dadaanan mo sir, dadaanan ko rin naman. Sabay na lang ako.”
“Sige na nga, kung hindi pa mataas ang tubig, maihahatid kita pero kung baha na, ikaw na lang ang magpasundo.”
“Sige po.”
Ini-lock ko na ang aking drawer. Tinignan ko kung kumpleto na ang mga iuuwi kong mga trabaho sa bahay.
“Oh, bakit natahimik ka diyan?” binasag ko ang katahimikan sa pagitan namin.
Tumingin din siya sa akin. Kung titignan mo talaga siya, para siyang maamong tupa. Napakabait kasi ang gwapo at ang amo ng kanyang mukha.
“Ano nga?”
Hindi siya sumagot pero nakipagtagalan siya pagtitig sa akin. Ako pa ang unang nagbaba ng aking tingin.
“Alam mo ba kung bakit kita gustong kausapin?”
“May bago pa ba? Dahil sa inaasal ko? Yun naman lagi ang nakikita ninyo, hindi ba?”
“Oo at hindi lang naman ako ang nagrereklamo. Pati mga ibang subject teachers mo.”
“Sir, hindi ba sapat na pumapasok ako? Alam na nilang ako ‘to. Grade 7 pa lang ako, kilala na nilang ganito ako pero sir never naman ako naging sakit ng ulo talaga ng school natin. In fact, nagdadala pa nga ako ng karangalan dahil sa madalas kong pagkapanalo sa debate and journalism.”
“Hindi dahil matagal ka nang ganyan, kailangan na lang tanggapin kahit mali. Hindi rin dahil nagdadala ka ng pagkilala sa school mabuti ka ng istudiyante. Gano’n talaga ang buhay. Gumawa ka man ng gumawa ng kabutihan, kahit paulit ulit kang magbigay ng kabutihan, nakikita at nakikita pa rin nila kung anong mali at doon sila lalong magfo-focus. Kung posible naman na magbago ka para mabawasan ang masabi nila sa’yo, bakit hindi mo gawin, baka pwede pa. Baka naman kaya pa. Ayaw mo bang sa huling taon mo rito maipakita mo na nag-mature ka at hindi na ikaw yung dating Grade 7, Grade 8 at Grade 9 na teacher’s enemy?”
“Hindi ako perfect sir, I don’t mind what other’s think of me. Hindi ba sapat na sumasagot ako ng tama, mataas ang mga grado ko, oo, makulit ako, aminado naman ako doon. Isa pa, madalas rin akong makipag-asaran sa mga katabi ko pero sir, gumagawa ako ng lahat ng pinapagawa ninyo sa akin. Masunurin rin naman ako. Nagrereklamo, kumokontra pero in the end gumagawa ako at wala akong incomplete.”
“Wala naman talaga tayong problema roon. Oo, alam ng lahat na matalino ka. Pero yung attitude mo ang humihila sa’yo pababa.”
“Attitude? Anong mali sa attitude ko sir.”
“Yan, yung ganyang palasagot ka. Yung ganyan na parang wala kang respeto. Lahat ng sasabihin sa’yo may dahilan at pangontra. Ang hilig mong makipag-debate. Ang hilig mong ipakita sa lahat na ikaw ang tama at ang teacher mo ang mali.”
Tumawa siya at umiling. Bumunot ng malalim na hininga.
“May nakakatawa, Mr. Salvador?” tumaas ang boses ko. Nakita ko na naman kasi ang kinaiinisan kong gawi niya.
Mukhang mahirapan na nga talaga akong ituwid pa ang takbo ng pag-iisip niya ngunit kailangan kong alamin kung ano rin ang sinasabi niya sa sulat niya na ipagtatapat sa akin.