DAVID
“SIXTEEN years old?" bulalas ni Gremorie. "Naku, bro, delikado ka d‘yan! Paalisin mo na agad 'yan!”
Nagusot ang noo ko sa naging reaksiyon ng kaibigan kong si Gremorie. Nasa opisina ko siya sa umagang iyon. It was the morning after I met with Zaldy and Onic, at dahil nabanggit ko kay Gremorie ang tungkol sa ginawang pagsagip sa akin noon ni Mang Emman, minabuti kong sabihin din sa kaniya ang tungkol sa pansamantalang pagtira sa akin ng anak nito.
"Bakit ka naman pumayag na maiwan sa'yo ang bagets ni Mang Emman? Hindi mo ba naisip na baka trouble 'yan?"
“What do you mean?” tanong ko bagaman alam ko kung anong ikinaliligalig niya. Gremorie is not just a friend. Parang kapatid ko na rin ito. Naging magkaibigan kami nang sabay kaming pumasok sa kompaniya ni Papa. We both started from the bottom. Ten years later, si Gremorie na ang Vice-President for Operations. Habang nakuha ko naman ang titulong CEO ilang buwan pagkamatay ni Papa, and that was three years ago.
Nagbuga ako ng hangin. "Grem, listen. Ito na ang hinihintay kong pagkakataon para makaganti sa kabutihan sa akin ni Mang Emman. Wala na ang taong pinagkakautangan ko ng buhay ko. Mabuti nga at naisip ni Zaldy na puntahan ako at magpakilala sa akin."
"Oo nga, pero bakit ka pumayag na sa'yo tumira ang pamangkin niya? Pwede namang hanapan mo na lang si Onic ng isang exclusive dormitory. Baka mas ma-enjoy pa ng bata kung may iba siyang makakasalamuha na kaedaran niya."
"I actually suggested that, pero mukhang na-offend ko pa si Zaldy. Wala nga naman kasing ibang kakilala ang pamangkin niya rito sa NCR at hindi rin masyadong pamilyar sa lugar."
"Okay," aniya at mataman akong tiningnan. "So tell me. Saan natulog si Onic sa condo mo kagabi? Eh, isang kwarto lang meron sa unit mo."
"May sleeping area sa study room. Doon ko siya pinatuloy. Pupunta na rin ngayon doon si Bert dahil inutusan ko 'tong bumili ng cabinet at drawer para sa mga damit at gamit niya."
"At paano ka magtatrabaho sa bahay mo kung nasa study ang tulugan ni Onic?"
"Binilinan ko na rin si Bert na ipalabas sa mga tauhan ng furniture store ang table ko at iba pang equipment. Masaya ka na ba?"
"I don't know. I really don't know!" Iiling-iling siya.
"Bakit ba? Ano bang iniisip mo na mangyayari sa pagtira sa akin ng anak ni Mang Emman?"
Napailing-iling ulit si Gremorie. Nagsalubong na ang mga kilay ko. Kaunti na lang ay mapipikon na ako sa kaniya.
"Ano bang problema mo, Grem? Are you thinking na may gagawin ako sa batang 'yon? 'Yon ba? Well, I can't believe you!"
"Well, you can't blame me," katwiran niya. "First cousin mo pa naman ang v*rgin collector na si Kyle Fuentabella. And remember what happened to him? Muntik na siyang makasuhan ng statutory r*pe dahil nagkama ng isang menor de edad. Ayaw ko lang mangyari sa’yo ang nangyari sa pinsan mo."
“Anong pinagsasabi mo? Ano bang akala mo sa’kin kagaya ni Kyle na pumapatol sa bata? Sexually active ako, pero hindi ako kasing abnormal ni Kyle. Isa pa, anak si Onic ng taong pinagkakautangan ko ng buhay. And you know me, Grem. I take control on all things.”
“Kahit ang libido mo?”
“Ganiyan ba talaga ang tingin mo sa’kin?”
“I’m just worried.”
“Then don't be. Malinaw pa ang isip ko, okay?"
Umiling-iling ulit si Gremorie. Minabuti kong hindi na lang sumagot. Itinuon ko na ulit ang atensyon ko sa trabaho.
“Bro…”
I exhaled before I lifted my eyes at him. “Ano na naman? Won’t you even stop?” I almost snapped.
“Huling paalala lang ng isang nagmamalasakit na kaibigan. Be careful. Hilaw pa ang bunga ng saging. Bawal pang kainin, pero…”
Ginusot ko ang noo ko. “What?”
“Pero pwede naman sigurong tibain para pahinugin.”
Natigilan ako at manghang napatitig sa nagtatawang si Gremorie. Hindi ko napigilang ibato rito ang hawak kong lapis. “Siraulo! Bumalik ka na nga sa office mo!”
Nakapag-focus na ako sa trabaho pagkaalis ni Gremorie. After an hour, naalala kong wala pang update sa akin si Bert sa pinagagawa ko kaya ako na mismo ang tumawag dito. He picked up after a few rings.
"Sir Dave?"
"Ano nang balita d'yan sa condo?"
"Ayos na, Sir. Nagawa ko na lahat ng mga pinagagawa n'yo."
"How about my visitor? Hindi ba siya natakot no'ng dumating kayo?"
"Hindi naman, Sir. As a matter of fact, mabait na kausap si Onic. Lagi siyang nakatanong kung okay ba kami at kung hindi kami naaabala. Friendly rin, may sense of humor bukod sa maganda."
Parang may pumintig sa sentido ko nang marinig ang sinabi ng aking assistant. I closed my eyes and took a deep breath. "Maganda?" ulit ko.
"Yes, Sir. Hindi n'yo ba napansin?"
Humigit ako ng paghinga. "How old are you again, Bert?" I ignored his question.
"Twenty-eight, Sir. Bakit n'yo naitanong?"
"Beinte ocho ka. Sixteen lang si Onic. H'wag na h'wag kong malalman na pinopormahan mo 'yan kung ayaw mong mawalan ng trabaho." Sinamahan ko ng pagbabanta ang tono ko.
"Sir naman! Porma agad? Sinabi ko lang naman na maganda ang alaga n'yo. Hindi ako napatol sa bata, Sir."
Hindi ko na sinundan ang paliwanag niya. "Tapos na ba kayo? You better leave my place, at baka hindi na komportable ang bisita ko."
"Yes, Sir, patapos na kami. Inuubos na lang namin ang inihandang meryenda ni Onic."
"Then hurry up! I need you here in the office within thirty!" At pinatay ko na agad ang tawag.
Kalahating oras nga lang ang hinintay ko at dumating na si Bert. Hindi naman iyon imposible dahil malapit lang ang condo sa building ng office ko.
"Wala na bang problema sa study room? Nabili mo ang lahat ng kailangan?" tanong ko.
"Yes, Sir. Nakapag-grocery na rin ako bago kami pumunta sa condo n'yo. Kumpleto na sa stocks at kumpleto na rin sa toiletries niya si Onic."
"Miss Onic."
Natigilan saglit si Bert. "Sir?"
"You should address my visitor the proper way. It'll be more comfortable for her kung may boundaries sa pagitan niya at ng mga empleyado ko. Understood?"
"Ah, yes, Sir!"
"Bumalik ka na sa table mo."
Pasado alas singko nang tumayo ako sa desk ko at dinampot ang susi ng aking kotse at ang cellphone. Binilinan ko si Bert na umuwi na rin pagdaan ko sa mesa nito. Palabas na ako ng elevator at pinag-iisipan pa kung anong pwedeng bilhing pasalubong para kay Onic nang tumunog ang cellphone ko sa tawag ni Mama. I picked up her call.
"Yes, Madame?"
"Votre temps est écoulé! Dumaan ka rito sa bahay at mag-uusap tayo."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "What about?"
"Hihintayin kita, David Xavier Solomon!"
Nawala sa kabilang linya si Mama. Naguguluhan man, minabuti kong sundin na lang ang utos niya. Pagsakay ng kotse ay nagmaneho ako papunta sa exclusive village kung saan nakatayo ang mansion ni Irina Godefroy Fuentabella.
Sinalubong agad ako nito pagkapasok na pagkapasok ko. The elegant Irina Fuentabella. Maraming nagsasabi na kamukha ko si Papa, pero ang kutis ko ay minana ko kay Mama. Maputing-maputi na tila walang ugat na dinadaluyan ng dugo.
"Bonjour mon cher!" My mother greeted me in French.
Purong Pranses ang namayapang lolo ko sa mother side na nakapag-asawa ng isang half-Filipino half-American na taga-Cebu. Nag-iisang anak ng mga ito si Mama at nag-iisang anak naman ako nila ni Papa. Wala akong kapatid, pero may dalawang pinsan ako sa father side.
Pagkatapos niya akong halikan sa magkabilang pisngi ay hinila na ako ni Mama paupo sa sofa. Pinagtatakhan ko pa rin kung anong pag-uusapan namin at kung gaano ba iyon kahalaga.
I looked at my mom and exhaled gently. "And what is this all about? What do you mean my time is up? Do we have a pending task here that is nearing the deadline?"
"Oh, yes, we do! Sinasabi ko na nga ba at kinalimutan mo na."
Nagusot nang tuluyang ang noo ko. "Ano ba 'yon, 'Ma?"
"Hindi ba, Hijo, pinag-usapan natin last wedding anniversary ng Tito Donald at Tita Felicia ang tungkol sa pag-aasawa mo? We gave you a deadline and we agreed that within three months ay kailangang may maipakilala ka sa amin na fiancee."
"What?"
"What, what? Don't give me that reaction, David Xavier Solomon! Kaharap ka namin noon. Well, anyway, may oras ka pa naman talaga, pero ipinapaalala ko sa'yo na isang linggo na lang ang natitira sa panahong pinag-usapan."
"For Pete's sake, 'Ma, sineryoso mo ang biruan na 'yon?" hindi makapaniwalang bulalas ko.
"Hindi iyon biruan, at alam mo 'yan. Seryoso ang usapang iyon na hindi lang sa pagitan natin kundi pati na ng mga kapatid ng Papa mo at ang mga pinsan mo. So you better be serious as well dahil kung lumampas sa oras at wala ka pa ring ihaharap na mapapangasawa, you know what's next. Marami akong kakilala na papasang maging bagong bride ng pamilya. And do you know who's first on my list? Ang inaanak ng Papa mo."
"Oh, come on! You won't do that, will you?"
"Oh, I'm sorry, but I'm serious as hell, my dear!" nakangiting sagot ni Mama. "At kilala mo ang mga Fuentabella. Hindi rin papayag ang mga tito mo na wala silang gagawin. Your wedding will be arranged and there's nothing you may do to stop it."
------------------------------------------------------------
ONIC
“OKAY naman ako rito, Migs. H’wag kang mag-alala,” wika ko kay Miguel- kababata ko at matalik na kaibigan sa probinsiya namin sa Marinduque. Isa siya sa mga batang palaboy na sinamahan ko matapos akong mawala noong apat na taong gulang pa lang. Hindi ko talaga inakala na natandaan pala niya ako at hinanap pagkaraan ng tatlong taon mula nang kunin at kupkupin ako ni Tatay Emman.
“Sigurado ka ba? ‘Yong totoo, Onic.”
Hindi lang basta kaibigan, kundi parang kuya ko na rin si Miguel lalo at lamang ang edad niya akin. Sampung taon siya noong mapasali ako sa grupo nila at trese anyos naman nang muli kaming magkita. Sa panahong iyon, binubuhay na ni Miguel ang sarili sa iba’t ibang klase ng trabaho at wala nang kinabibilangang grupo ng mga namamalimos bagaman halos sa lansangan pa rin nakatira.
“Okay lang talaga ako, promise,” paninigurado ko. “Komportable ang pagkilos ko rito. Mukhang safe din itong building na tinitirhan ni Sir David. Hindi rin naman ako lumalabas kaya imposibleng mawala ako. Saka kahit paano naman, marunong akong bumasa ng direksiyon kaya makakauwi pa rin ako kung sakaling kailanganin kong lumabas ng condo.”
“Eh, ‘yang si Mr. Fuentabella? Maayos ba ang pakikitungo niya sa’yo?”
“Unang araw ko pa lang talaga ngayon dito, Migs, pero sa nakita ko kagabi noong ipinakilala ako ni Tito Zaldy, masasabi kong mabait naman si Sir David. Matipid siyang magsalita, pero ramdam ko naman na welcome ako dito sa bahay niya. Sinabi rin niya sa akin na h’wag daw akong mahihiyang magsabi kung may kailangan ako. Maghapon siya ngayon sa opisina, pero kanina nandito ‘yong assistant niya at nagdala ng grocery at ilang supplies na pambabae para may magamit ako. Pinabilhan din ako ni Sir David ng cabinet at organizer na malalagyan ko ng mga damit.”
“Mabuti naman kung gano'n. Pero Onic, kahit pa mabait ang taong ‘yan, mag-iingat ka pa rin, okay? Lalake si Mr. Fuentabella. Kapag may kakaiba na siyang kinikilos, itawag mo agad sa’kin.”
“Anong kakaibang ikinikilos?”
“Basta. Kapag hindi ka na komportable, magsabi ka lang. Kung ako ang masusunod, hindi kita papayagang gawin ang utos sa’yo ng Tito mo, eh."
Marahan akong natawa sa sinabi niya. "Paano ka namang hindi papayag? Makikinig ba sa'yo si Tito Zaldy?"
"Kaya nga ang sabi ko kung ako ang masusunod," depensa niya. "Kung bakit naman kasi hindi na lang diretsahin ng tito mo 'yang si David Fuentabella? Sabihin lang niyang kailangan n'ya ng pera?"
"At sa tingin mo magagawa 'yon ni Tito Zaldy?" tanong ko.
Hindi nakasagot si Miguel. Bilang matalik na kaibigan, alam ni Miguel ang tungkol sa 'usapan' namin ni Tito Zaldy. Alam din niya na labag sa kalooban ko ang gustong mangyari ni Tito, pero wala akong choice.
"Nakakainis!" sambit ni Miguel mula sa kabilang linya. "Wala akong magawa para tulungan ka. Pakiramdam ko, hinayaan kong ibenta ka na ng tiyuhin mo sa taong 'yan?"
"Ano bang sinasabi mong ibinenta? Migs, malinaw ang plano ni Tito Zaldy. Ipapakilala niya ako kay Sir David at kunwaring iiwan muna para maisip ni Sir David na sa akin ibigay ang reward na dapat daw ay tinanggap ni Tatay Emman. Iyon lang."
"At pagkatapos? Paghahatian n'yo ng tito mo ang perang ibibigay ni Fuentabella?"
"Hindi, Migs. At kahit sabihin niyang bibigyan niya ako, hindi ko iyon tatanggapin. Sa kaniya na lahat 'yon kung gusto niya. Basta tuparin lang niya ang usapan namin na ibabalik niya sa akin si Jackson. Alam mo naman na miss na miss ko na ang kapatid ko. Kahit hindi ko talaga siya kadugo, mahal na mahal ko ang batang 'yon. Bukod sa inihabilin pa siya sa akin ni Tatay Emman bago ito nawala."
"Eh, kung ibabalik sa'yo ng tiyuhin mo si Jackson, paano mo naman siya aalagaan? May special needs pa naman ang kapatid mo. Kakayanin mo ba?"
"Oo, Migs. Kakayanin ko. Nakatapos na rin naman ako kahit paano ng vocational course. Lampas dies y ocho na pati ako kaya makakahanap na ako ng maganda at permanenteng trabaho."
"Ibig bang sabihin, Onic, oras na ibigay sa'yo ni David Fuentabella ang reward money ng Tatay Emman mo, aalis ka na rin? Babalik ka na rito?"
"Gano'n nga, Migs. Isang buwan akong makikitira rito, pero kung mas mapapaaga ang resulta, mapapaaga rin ang pag-alis ko."
"Malabo yata, ah? Paano kung hindi ka bigyan ng kahit ano ni Fuentabella at umabot ka riyan ng isang buwan?"
"Imposible raw 'yon, s'abi ni Tito Zaldy," sagot ko na ayon na rin sa aking tiyuhin. "Malaki raw talaga ang utang na loob ni Sir David kay Tatay Emman kaya sigurado raw si Tito na may ibibigay itong pera sa'kin."
"Eh, kung gano'n, sana ibigay na ni Fuentabella sa'yo habang maaga pa. Gusto kong makauwi ka na. Wala talaga akong tiwala sa taong 'yan."
"Bakit ka ganiyan magsalita?" tanong ko kay Miguel. "Hindi mo pa nga nakikilala nang personal si Sir David. Sa tingin ko, mabuting tao siya." At sukat sa sinabi ko ay pumasok sa aking gunita ang mukha ni Mr. David Fuentabella. Bibihira akong makakita nang kasinggwapo niya, pero masasabi kong ibang-iba ang kaniyang karisma. Sobrang tangkad pa ni Sir David at mahahalatang may dugong banyaga sa abuhin nitong mga mata at perpekto sa tangos na ilong. Maputi at makinis ang mukha ng lalake. Itim na itim ang makapal na buhok at maganda ang hayod ng makapal na mga kilay. At kahit sinong babae siguro ay maiinggit dahil natural ang mapulang mga labi ni Sir David.
Speaking of girls, may girlfriend na kaya ito? Ang sigurado ay wala pa itong asawa dahil kung mayroon ay siguradong nakilala ko rin, pero mag-isa nga lang na nakatira sa condo niya ang CEO.
"H'wag kang basta magtitiwala kahit kanino, Onic," payo sa akin ni Miguel. "At h'wag ka ring mahihiyang magsabi sa akin kapag gusto mo nang umalis d'yan. Pupuntahan kita at susunduin kahit pa magalit sa'kin ang tiyuhin mo."
"Alam kong gagawin mo 'yan, pero sa totoo lang, Migs, mas dapat akong mahiya dahil sa ginagawa ko sa kapwa ko. Biruin mo, nagpapanggap ako bilang si Jackelyn. Kahit hindi ko ideya ito... niloloko ko na rin si Sir David."
"Isa pa nga 'yan sa dahilan kaya ako nag-alaala!" naiiritang wika niya na halos ma-imagine ko ang hitsura. "Hindi natin alam kung anong pwedeng gawin ng taong 'yan kapag nalaman niyang hindi ka talaga anak ni Mang Emman at kapag nabuko niya na inampon ka lang at matagal nang namatay ang totoong Jackelyn?"
Muling umahon ang dating takot sa dibdib ko, pero pinigilan kong h'wag ipahalata iyon sa aking boses. "Bahala na, Migs. Mag-iingat na lang ako nang husto. Isa pa at gaya ng sabi ko, sa tingin ko ay mabuting tao si Sir David. Kung halimbawang malaman niya na peke ako, ang worst na pwede niyang gawin ay palayasin ako at h'wag nang kausapin ni isa sa mga kamag-anak ni Tatay Emman."