NANG matiyak kong luto na ang chicken tinola ay pinatay ko na ang kalan. Electric stove ang ginagamit kong lutuan sa condo ni Sir David. May alam naman ako kahit kaunti sa mga ganito, pero sinamantala ko na rin kanina na magpaturo sa assistant ni Sir David na si Sir Bert sa kung paano gamitin ang mga appliances sa condo lalo na sa kusina.
Mag-aalas siete pa lang ng gabi sa orasan. Kwento ni Sir Bert, madalas ay pauwi pa lang ng ganoong oras si Sir David. Inalam ko naman kung sino ang nagluluto ng pagkain ng boss niya at sinabi ng assistant na si Sir David din mismo ang madalas na nagluluto ng sariling pagkain at kapag walang oras para roon ay nagpapabili na lang ito at pinapa-deliver sa condo.
Dahil nakikitira naman ako rito, naisip kong akuin na ang pagluluto. Walang sinasabi si Sir David, pero mabuting magkusa na ako bilang gamot sa ‘guilt’ na mayroon ako. Kaninang umaga nga paggising ko ay may nadatnan na akong nakahandang breakfast sa mesa at pakiramdam ko tuloy, nadagdagan pa ang kasalanan ko sa tao. Sobrang maasikaso nito at paniwalang-paniwala na sa pamamagitan ko ay nakakabawi na rin siya utang na loob kay Tatay Emman.
Nakakahiya at nakaka-guilty, pero nandito na ito. Wala na akong pagpipilian kundi ang tapusin ang bahagi ko sa usapan namin ni Tito Zaldy. Bilang pambawi kay Sir David ay gagawin ko na lang kung anong pwede kong maitulong sa bahay niya at isa na nga roon ang pagluluto. Sana lang ay pumasa sa lalake ang aking red chicken tinola. Grade six pa lang naman ako ay kabisado ko na ang lutong iyon dahil tinuruan ako ni Tatay Emman. Masasabi kong na-perfect ko na iyon at talagang masarap ang version ko ng sikat na Pinoy dish. H’wag lang sanang maselan si Sir David. Baka kasi hindi ito kumakain ng luto ng iba kaya nag-e-effort sa sariling pagkain.
Pinakiramdaman ko muna ang sarili ko. Hindi pa naman ako gutom. Mahihintay ko pa si Sir David. At nakakahiya naman kung mauuna pa akong kumain sa kaniya kahit ako pa ang nagluto kaya nilinis ko na lang muna ang kusina at nagpasyang mamaya na kumain.
Saktong nagri-ring ang telepono sa living room nang lumabas ako ng kitchen. Kaninang umaga ay nag-ring din iyon at nag-atubili pa ako noong una sa pagsagot. Sa front desk pala sa ibaba ang tumatawag at ipinaalam lang sa akin na paakyat sa unit ang assistant ni Mr. Fuentabella at ang mga kasama. Sa oras na iyon, hindi ko alam ang kung sino ang tumatawag at hindi ko malalaman kung hindi ko pa iyon sasagutin kaya naman lumapit na ako sa telepono at inangat ang receiver.
“Hello?”
“Hello, Onic, si David ‘to.”
Hindi ako nakapagsalita. Wari ko kasi ay may mga dagang biglang nagtakbuhan sa loob ng dibdib ko nang marinig ko ang boses ni Sir David. Hindi naman ganito ang naramdaman ko nang una ko siyang makita at makausap kagabi. May kaba man, alam kong dahil iyon sa aking pagpapanggap bilang Jackelyn. Aware lang ako na nagkaroon agad ng physical attraction para sa lalake, pero mas nanaig sa akin ang takot at pag-aalala na baka mahalata niyang hindi talaga ako anak ni Tatay Emman. Gano’n ang pakiramdam ko habang kaharap ko si Sir David kagabi, pero ngayon, nasa kabilang linya lang siya at boses pa lang niya iyon, subalit mas matinding kaba pa ang nadama ko.
“Onic, you still there?”
Mariin akong napalunok bago sapilitang sumagot. “Y-yes, Sir, nakikinig ako. Bakit pala kayo tumawag? Pauwi na ba kayo?” I tried my best to sound casual, pero hindi ako sigurado kung ganoon nga ang dating sa kaniya.
“Hindi pa," sagot ni Sir David. "I-inform lang kita na male-late ako ng uwi ngayong gabi. Anyway, have you ordered something for dinner? If not then I'll ask my assistant para siya na ulit ang bumili ng pagkain mo at ipa-deliver na lang ulit sa'yo.”
“Hindi na kailangan-" I paused instantly, "I mean, nagluto na po ako ng panghapunan kaya hindi na kailangang bumili pa.” Nakagat ko ang labi ko. As much as I’ve tried na gumamit ng 'po at opo' bilang paggalang ay nalilimutan ko lagi. Ganito kasi ako makipag-usap kahit sa elders doon sa amin. Madalang na madalang na gumamit ako ng 'po at opo'. Nakakapag-English naman ako dahil iyon ang language na mas naiintindihan ni Jackson.
“Really? Okay, that's good. Kumain ka na at h’wag mo na’kong hintayin. Pwede ka na ring magpahinga pagkatapos. Ako na ang bahala pag-uwi ko at may susi naman ako.”
“Sige, Sir David. Mag-ingat kayo pag-uwi.”
“Thanks.”
Ibinaba ko na ang telepono. Hindi ko alam kung madidismaya ba ako o ano. Nagluto ako at gusto ko sanang malaman kung papasa ba sa panlasa ng CEO ang tinola ko, pero mukhang ako lang ang kakain ng aking pinagpaguran. Anyway, ano bang magagawa ko? Nabanggit din naman ni Sir Bert na may pagkakataong sobrang busy ni Sir David at hindi basta maiwan ang trabaho kaya halos sa opisina na natutulog.
Anyway, mabuti na rin na hindi kami magkakaharap ngayon sa dinner. Dalawa na ang rason ng kaba ko. Una, worried akong mabuking niyang peke ako at pangalawa, alam ko sa sariling kong crush ko siya. I know it sounded flirty. Ang pangit ding isipin na ‘yong taong niloloko ko ay crush ko, pero ano bang magagawa ko? Alangang sarili ko naman ang lolokohin ko gayong obvious na obvious na maraming babae ang nagkakagusto kay Sir David. Tao lang naman ako. Babae. Straight. Normal na magkaroon ako ng pagtingin sa opposite s*x.
Pumasok ako sa study room na pansamantalang tulugan ko at saka hinalughog ang aking maleta. Hindi pa talaga ako nakakapag-unpack. Kagabi ay humugot lang ako ng maisusuot na pantulog, at kanina naman ay hindi rin ako nakapaghalikwat dahil may dumating na mga tao sa condo at dala ang pinabiling drawers at storage cabinet ni Sir David. Naglinis naman ako pag-alis nina Sir Bert. Inayos ko na rin ang mga pinamili niyang grocery at ilang pang supplies kaya nakaligtaan ko muli ang pag-aalwas ng mga damit. Sunod noon ay naghanda ako ng mailuluto at ngayon naman ay maghahanap ako ng maisusuot dahil hindi pa rin ako nakakapaligo.
“Bakit ganito?” bulong ko na nagtataka. Halos nahalikwat ko na ang buong maleta, pero puro summer dress ang nahuhugot ko. Kagaya na lang ng suot ko sa oras na iyon. Nakakapagtaka na wala sa maleta ko ang ilang mga kamiseta at leggings. Bukod sa house dress ay dalawang sando ko lang ang naroon at wala ni isang de-manggas na pang-itaas. Ang mga pang-ibaba naman ay puro shorts.
Hindi ko ba naisama sa bagahe ko ang mga panlakad kong damit? O baka naman nang maghalikwat ako ng maleta ay naisanib ko sa ibang mga gamit ni Tito Zaldy at naisama niya sa bagahe niya? Medyo wala rin kasi ako sa sarili kahapon nang bumiyahe kami dahil iniisip ko si Jackson at iniisip ko rin ang gagawin naming pagpapakilala kay Sir David. Baka nga hindi ko napansin sa sobrang pagkalutang. Tuloy ngayon, puro pambahay ang nasa maleta ko at ang tanging makapal-kapal na kasuotang meron ako na pwedeng proteksiyon sa lamig ay ang jacket na suot ko pa kagabi sa pagbiyahe namin pa-Maynila. Binawasan ko nga kanina ang lamig ng aircon dahil habang papagabi ay nagiging maginaw na at sleeveless pa naman ang suot ko. Pagkatapos ngayon ay house dress pala ulit ang ipapamalit ko pagkapaligo.
"Hay, Onic!" dismayadong sambit ko. Wala akong pagpipilian kaya kinuha ko na lang ang mahaba-habang house dress na mayroon ako at kumuha na rin ng mga under garments na dadalhin ko sa pagligo, pero bago lumabas ng kwarto ay naisip kong tawagan si Tito Zaldy. Baka nga kasi may mga gamit akong naligaw sa bag niya at kung meron ay baka magagawan niya ng paraan na maipadala sa condo.
Out of reach. Ang sabi ng recorded voice. Hindi na ako nagtaka dahil madalas na wala o kaya ay mahina ang signal sa aming lugar namin. Susubukan ko na lang ulit tumawag kay Tito Zaldy mamaya.
Pagkapaligo at pagkabihis ay kumain na nga ako. Mainit pa ang sabaw kaya naman saktong-sakto sa lamig na nararamdaman ko. Naparami pa ang kain ko. Siguro ay dahil nagutom ako mula pa kahapon at ngayon lang talaga nagkaroon ng appetite. Pagkakain ay naghugas naman ako ng mga ginamit na kasangkapan at nang matiyak na malinis na ang kusina ay pumasok na ako ng kwarto.
"Wala pa siya rito," sagot ko kay Migs nang tawagan niya ako bandang alas ocho at kumustahin ang kalagayan ko sa bahay ni Sir David. Sa buong isang araw, tatlong beses niya akong tinawagan dahil nag-aalala siya para sa akin. Kahit naman nawala na si Tatay Emman ay may isang taong alam kong nagmamalakasakit kaya nagpapasalamat talaga ako.
"Mas mabuti nga 'yon, 'Nic. At kung pupwede nga lang, h'wag na kayong magkita ng taong 'yan hanggang sa matapos ang isang buwan."
Napaismid ako. "Pwede ba naman 'yon? Nasa iisang bubong kaming dalawa."
Hindi na niya pinansin ang sagot ko. "Ayos ka lang ba talaga? Hindi ka ba nalulungkot diyan?"
"Nalulungkot siyempre, pero kaya ko naman. It's just a matter of time. After a month, magkikita na rin kami ni Jackson. Pati tayo."
"Hindi ako makakahintay ng isang buwan, 'Nic. Nagpaalam na ako sa boss ko na magbabakasyon muna. Pinapatapos lang niya ang ilang projects ko at kapag nangyari 'yon, baka sa susunod na linggo ay luluwas ako ng Maynila."
Bahagya akong nagpanic sa ibinalita niya. "Migs, hindi mo ako pwedeng puntahan dito. Baka diyan pa ako mabubuking ni Sir David."
"Hindi ko gagawin 'yan, Onic. Ipapahamak ba kita? Gusto ko lang na nandiyan ako malapit sa'yo. Ano't anuman ang mangyari, madali na kitang mapupuntahan."
Napangiti naman ako sa sinabi ni Miguel. "Salamat, Migs. You really are a true friend."
Nahiga na rin ako agad pagkatapos naming mag-usap ni Miguel. Hindi ko pa na-contact si Tito Zaldy kaya mukhang hanggang bukas ay magtitiis ako sa mga daster na pambahay. Nakatulugan ko ang pag-iisip sa mga bagay-bagay. Nagising nga lang ako pasado alas onse ng gabi dahil kinailangang magbanyo.
Lumabas ako ng study room upang umihi at pagkagaling sa CR ay saka ko naisip si Sir David kung nakauwi na ba ito. Napatingin ako sa pinto ng kwarto niya. Maghahatinggabi na. Malamang naman na nakauwi na ito at kahit hindi pa, hindi siguro kailangang silipin ko pa siya para alamin iyon. Bahay niya ito. Uuwi siya sa oras na gusto niya at bilang nakikitira na nga lang doon, dapat na irespeto ko ang privacy at personal space ng may-ari.
Pagbalik sa study room ay hindi naman ako nakabalik agad sa tulog. Parang nawala pa nga yata ang antok ko kaya nagbukas na lang ako ng laptop na ipinahiram sa akin ni Miguel at nag-browse sa iilang social media sites gaya ng parati kong ginagawa kapag naiisip kong tuntunin ang pinagmulan ko. Good thing na ibinigay sa akin ni Sir Bert kanina ang password ng wifi sa condo kaya naka-connect ako. Tiniyak naman ng assistant na alam ni Sir David ang tungkol doon.
Ang totoo, hindi ko alam kung paano ko hahanapin ang posibleng mga kamag-anak ko dahil ni apelyido ko ay hindi ko alam. Ang tanging naiwan sa memorya ko noong apat na taon ako ay ang aking pangalan na sa palagay ko ay hindi pa ang siyang full name ko kundi palayaw lang. Onic. Sabi ni Miguel, baka Veronica ang totoong pangalan ko. Si Tito Zaldy naman, ang hula ay Monica. Pero si Tatay Emman, pinanatiling Onic lang ang first name ko. Ikinabit na lamang nito ang apelyido sa akin noong bago ako mag-enrol sa school. Hindi dumaan sa proseso ang paggamit ko sa pangalang Onic Cendoza. Sa tulong ng kakilala ni Tatay Emman ay nagawan ng paraan na magka-birth certificate ako. Tinanggap ako sa eskwelahan at mula noon ay ako na si Onic Cendoza.
Inabot ako ng lampas hatinggabi sa paghahanap kaya naisip kong lumabas muna upang magtimpla ng maiinom. Tahimik akong naglakad sa gitna ng madilim na salas. Binuhay ko naman ang ilaw sa kusina at saka maingat na kumuha ng kutsara at isang malaking mug. Paborito ko ang hot chocolate na nilalagyan ng gatas at kapag ganoon ang iniinom ko, kahit isang garapon pa ay kaya kong ubusin sa isang upuan. Trese anyos pa lang ako nang natutunan kong uminom noon dahil ang s'abi sa school ay nakakatulong daw sa paglaki ng tao, pero hanggang umedad ako ng magdi-dies y nueve ay parang hindi naman ako lumaki. Nadagdagan lang ng two inches ang height ko, pero ang built ko ay parang sa kinse anyos pa rin. Kaya rin siguro malakas ang loob ni Tito Zaldy na ipakilala akong si Jackelyn dahil kung buhay si Jackelyn, dies y seis ito ngayon at sa katawan na meron ako, baka parang magkasing-edad lang kaming dalawa.
Hawak ko na sa magkabilang kamay ang kahon ng fresh milk at garapon ng chocolate powder. Nakatunghay pa ako sa loob ng ref at nag-iisip ng pwedeng kainin mula sa mga laman niyaon nang maramdaman ko ang pagtayo ng isang nilalang sa bukana ng kusina
"Gising ka pa pala?"
Nakilala ko agad ang boses ni Sir David, pero dahil na rin marahil sa gulat at hiya na naabutan niya akong nagbubungkal sa kusina ay bigla kong naisarado ang pinto ng ref.
"S-Sir David...? Kararating n'yo lang?" I asked a silly question. Napansin ko rin kasi agad na nakasuot pa siya ng puting long sleeves na suot niya kanina bago umalis at tangan naman sa isang kamay ang itim na coat.
"Yes, Onic. Ikaw, bakit gising ka pa?" kunot-noong tanong niya at tiningnan ang mga dala ko. "Oh. Midnight cravings. That's okay. Kainin mo lang kahit anong gusto mo na meron dito sa kitchen. Kapag may gusto kang iba, magsabi ka lang para maipabili ko kay Bert."
Tipid akong napangiti. Ang tingin siguro sa akin ng lalake ay isang bata na kapag nahihiligang kumain ay kakain kahit wala sa oras.
"Thank you, Sir, pero okay na ako sa kung anong meron dito. Halos kumpleto nga kayo ng stock at talo pa ang grocery-" wika ko habang humahakbang patungo sa counter, subalit tila may lumuwag sa bandang balikat ko at para bang may humatak sa akin mula sa likod kaya ako napahinto.
Then everything happened in just a snap. Nakita kong nakaipit pala sa pinto ng ref ang isang dulo ng strap ng house dress ko dahilan para makalag ang buhol nito, malaglag ang tali at dumulas ang malambot na telang tumatakip sa aking harapan na ang resulta ay ang pagdungaw ng kaliwang umbok sa aking dibdib.
Namutla ako at agad napatingin kay Sir David na tanging buhay na saksi sa pagkakadisgrasya ng aking suot. Hindi ako nagba-bra kapag natutulog kaya alam kong nakita niya ang pagsilip ng kaliwa kong s*so. Wala naman sa hinagap ko ang mangyayari kaya huli na rin para makilos ako at takpan ang kahubaran. Ipinagkrus ko ang mga braso ko sa harapan. Hawak ko pa sa magkabilang kamay ang garapon ng chocolate at ang carton ng gatas na hindi ko alam kung paano bibitiwan.