Alyas Kanto Boy
Ai_Tenshi
Part 6
Labis akong nabigla sa inasal ni Raul habang itinatanong ko sa kanya kung ano ang problema. Hindi ko akalain na may kinalaman pala ang aking dating kasintahan sa isyu kung bakit ito nag aalburutong parang isang nag babagang bulkan sa inis. Kaya naman hinayaan ko na nalang muna itong naka upo sa waiting shed habang humihitit ng sigarilyo. Mahirap nang makisabay sa init ng kanyang ulo dahil may pag ka abnormal nga. Baka maya maya ay saniban pa ito ng kaluluwa ng mga ninuno niyang sunog baga dito sa compound edi napahamak pa ako.
At dahil may ilaw sa kanyang kinalalagyan ay mas madali kong nasisilayan ang kanyang mukha na iritang irita at mistulang nilamukos na papel habang naka tanaw sa di kalayuan. Matagal tagal din ito sa ganoong pag tambay at nakakadalawang stick na ito ng sigarilyo ngunit tila hindi pa rin ito kumakalma at habang lumilipas ang oras ay lalo pa itong nag aasar. "mukhang nag mamatigas ito at hindi aalis doon hanggang hindi siya pinupuntahan inshort BAKA nag papa amo lang." ang bulong ko sa aking sarili habang pinag mamasdan ito mula sa bintana.
Noong mga sandaling iyon, alam kong hirap na hirap na ito dahil maraming lamok doon ngunit sadyang ma tigas ang mokong at ayaw umalis sa kanyang kinalalagyan. Kaya naman tumayo ako at nag pasya na itong lapitan, habang palabas akong silid ay bigla na lamang itong sumigaw na aking kinagulat. "HOY!! Pupuntahan mo ba ko O hindi?! Ganyan ka ba katigas?! Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako nandito kaya amuin mo ako!" ang galit na sigaw nito habang tinatapakan ang upod na sigarilyo sa lupa.
"Abat ang kapal ng mukha nito, siya kaya itong nag walkout, tapos ngayon ay mag dedemand siyang sunduin ko siya. May sayad lang?"ang sigaw ko sa aking isip. "Oh nandyan na ko Robles! Huwag ka na nga mag sisigaw diyan dahil baka magalit ang mga tao at buhusan ka pang ng arinolang may ihi!" ang sigaw ko naman sa kanya.
"Hoy mga putang ina niyo! Gabe na! Mag patulog kayo! Hayuupppp!!" ang sigaw ng isang galit na lalaki sa di kalayuan.
"Hayup ka din! Asawahin mo ang nanay mong baklaaaaa! Bumaba ka dito at ipapakain ko sayo ang tae mo!!" ang sigaw naman ni Raul at laking gulat ko ng biglang nag paputok ng baril ang lalaki sa loob ng tarangkahan at muling sumigaw ito. "Tang ina mo nasaan kaaaa?! Papatayin kitaaaa!"
BANG!!
Kaya naman natakot ako at agad kong hinatak si Raul papasok ng silid. Grabe pala ang mga tao dito sa compound na ito. Mga hot na hot at bayolente ang tradisyon, patay kung patay. "Narinig mo iyon Mr. Robles? Halika ka na dito at pag usapan natin yang iniinarte mo!! Sira ka talaga!" ang mahina kong tugon habang isinasara ang pintuan ng silid. "Muntik pa tayong mapa away dahil sa katapangan mo. So ngayon Mr. Robles sabihin mo sa akin kung bakit ka nag iinarte ng ganyan?"
"Nasabi ko na diba? Ayoko ng ikinukumpara ako kung kani kanino!" ang asar na sagot nito sabay irap sa akin.
"Binibiro lang naman kita. Masyado ka namang maramdamin. Para iyon lang nag aalburuto ka na!"
"Kaya nga wag mo akong ikinukumpara sa EX mo dahil mag kaiba kami. Saka pwede ba patahimikin mo yung tao. Pagod na pagod na ang kaluluwa nun kakatakbo dyan sa isip mo. OO, aaminin ko mas gwapo siya, mas matalino, mas disente, edukado at mataas ang antas sa lipunan. Malayong malayo sa akin na isang "sunog baga" at hamak na tambay lang doon sa kanto. Pero kahit na sa ganoon, hindi pa rin ako nawawalan ng pag asa na isang araw ay mababago ang takbo ng buhay ko." ang malungkot na salita nito sabay higa patalikod sa akin na tila isang maamong tupa na inaapi ng mga lobo sa kagubatan.
Wala naman akong naisagot, parang binusalan ako sa bibig noong mga sandaling iyon. Biro lang naman ang sinabi ko eh, masyado lamang siyang sensitibo kaya nag iinarte ng sobra sobra. "Oh sige na, ako na may kasalanan. Sorry naman Mr. Robles. Hayaan mo hindi na po mauulit kaya itigil mo na PO ang kaartehan mong iyan dahil walang nag bebest actor sa over acting. Humarap kana dito sa akin at ipakita mo ang iyong maamong mukha na tila inaping bata." pang aasar ko habang niyayakap ito. Eto naman talaga gusto niya eh, yung amuin ko siya at lambingin. Feelingero kasi!!
Humarap nga ito sa akin at ipinakita sa akin ang kanyang mukha na hindi kayang ipinta ni Leonardo Da Vinci. Lukot ang mukha nito na parang binagsakan ng bomba ni voltes 5 at voltron kaya naman sa halip na maaawa ay natawa pa ako. "Oh bakit ka tumatawa diyan?" asar na tanong nito. "Wala hehe, bati na tayo ha. Peace na.."ang sagot ko naman sabay yakap sa kanyang katawan. "Arte arte kase!" bulong ko sa aking sarili.
"Hindi ako maarte, nag seselos lang ako kapag binabanggit mo yung Ex mong cast na ng walking dead." ang wika nito habang niyayapos ang aking likod
Aba't naririnig din niya ang iniisip ko? hehe. "Bakit ka naman mag seselos?" pang uusisa ko naman. "Wala.. Basta lang.. Kasi ako ang nandito kaya gusto ko ay sa akin lang ang atensyon mo. Ayokong may ibang lalaki kang iisipin maliban sa akin. Pasalamat ka dahil deadbols na yung ex mo kung hindi ay baka binalian ko na iyon ng buto dahil sa matinding pag kainis. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito, yung parang sasabog ang dibdib ko kapag binabanggit mo siya. Pero ganoon siguro talaga, mahirap makalimutan ang nakaraan... lalo na kung mahalaga ito. Ngayon tol, kung itatanong mo pa rin sa akin kung bakit ako nag seselos.. marahil ay hindi ko masasagot iyan sa ngayon dahil maging ako ay hindi ko rin alam kung bakit. Basta! basta! iyon ang nararadaman ko." ang paliwanag niya habang kinukulong ako sa kanyang matipunong bisig. "Kung sa bagay bakit nga ba mag tatanong pa ako eh hindi mo rin naman alam ang isasagot." tugon ko naman.
Ilang minuto rin akong naka kulong sa kanyang braso bago ako tuluyang dapuan ng matinding antok. Noong mga sandaling iyon ay tila naka tagpo ako ng isang taong magsisilbing lakas ko sa mga sandaling pinahihina ako ng nakaraan. Isang taong pag bibigay kasiyahan sa kabila ng aking masakit at masalimuot na karanasam. Sa ngayon masasabi kong si Raul ang nag sisilbing sandalan ko at siya ang nag babalik ng ngiti sa aking mga labi. Hindi ko alam kung hanggang saan aabutin ang samahang naming ito ngunit masaya ako dahil kahit paano ay hindi na ako nakakaramdam ng pag iisa.
Kinabukasan, bumalik na muli sa normal ang takbo ng pamumuhay namin ni Raul. Ako ay pumapasok sa paaralan, siya naman ay sumaside line at rumaraket sa kanilang compound upang may mapag kakitaan man lang. Tuwing hapon kapag may extrang oras ay dumadaan ako sa kanyang flat upang mag dala ng pag kain o kaya ay miryenda at agad din akong umuuwi pag sapit ng gabi. Medyo iniiwas iwasan na rin kasi ang makatabi ito sa pag tulog dahil baka makasanayan ko nga. Ayos na sa akin yung nag kikita kami kahit sa hapon lamang pag katapos ng aking klase. Mabilis ko lang naman nahahanap itong si Raul dahil kadalasan ay nakatambay lamang ito sa kanto ng kanilang compound o kaya ay doon sa eskinita malapit sa kanyang flat.
Isang araw habang papasok ako, nakita kong nag lalakad ang batang si Gary sa gilid ng kalsada kaya naman ipinahinto ko ang taxi upang isakay ito. "Wow kuya Greg ngayon lang ulit kita nakita ahhh." ang tuwang tuwang bati ni Gary habang sumasakay ito ng taxi. "Oh kumusta ka naman?" tanong ko naman habang naka ngiti sa kanya. "Um, okay naman po kuya. Mapayapa na ang buhay ko ngayon dahil hindi na ako hinaharang nung tambay na si Raul doon sa kanto. Nakapagtataka lang dahil biglang bumait ito, nakaka kilabot talaga iyon pag sumasagi sa isip ko kuya. Siguro ay mag eend of the world na dahil bumabait na ang mga dating bwisit. Biruin mo binili pa niya ako ng ice cream kahapon at sinabi niya sa akin na "nag bago na raw siya dahil binago siya ng taong mahal niya." ang kwento ni Gary.
"Taong mahal? Eh sino naman daw ang mahal na taong iyon?" pang uusisa ko naman. "Eh hindi ko po alam kuya. Basta masaya siya at laging naka ngiti nitong mga nakakaraang araw habang naka upo doon sa waiting shed sa tapat ng bago niyang tinutuluyan. Mukha ngang eng eng eh. Siguro ay nasosobrahan na sa katol o kaya sa sigarilyo kaya't panay ang ngiti kahit walang kasama." sagot naman ng bata.
"Hahaha, baka nga. Pero natutuwa akong marinig na may pag babago sa kanya. Atleast hindi kana nya hinaharang pa diba?" ang kaswal kong tugon bagamat hindi ko maitago ang tuwa dahil sa unti unting pag babago nitong si Raul. Kaya naman nabuo ang isang ideya sa aking utak na bisitahin ito sa kanyang flat mamaya. Halos madalang ko na rin kasi itong nabibista dahil bukod sa aking pag iwas sa kanya ay busy pa ako sa mga gawain na peace maker club. Sa isang linggo na kasi ang pag bisita ni Vice Governor sa aming campus kaya't kinakailangan ng ibayong seguridad para sa mga mag aaral.
Pag dating sa campus, agad akong dumiretso sa silid ng aming club upang kausapin ang lahat ng miyembro patungkol sa nalalapit na pag dating ng bise governador sa aming paaralan. Ang lahat ay inassign ko sa bawat sulok ng campus upang masigurado ang seguridad ng bawat pag mag aaral. "Teka boss Greg, mga estudyante lang ba ang babantayan natin? Paano si Vice Gov? Sino ang mag babantay sa kanya?" ang tanong ng isang miyembro. "Magandang tanong yan kapatid, kagabi ay naka usap ko ang isa sa mga security guard ng bise gobernador. Ang sabi niya sa akin ay sila raw ang bahala sa kanilang amo. Mayroon 22 ng pulis at sundalo ang iikot sa buong paaralan upang bantayan ang kanilang amo. Kaya't ang tanging tungkulin lamang natin ay bantayan ang ating kapwa mag aaral. Huwag hayaang mag karoon ng rayot o kaguluhan. At siyempre saklaw rin ng ating gawain ang kaayusan bago at pag katapos ng programa. Huwag kayong mag alala dahil malaki ng credits ng ating gagawing pag babantay. Ayon sa ating mga guro ay mag bibigay sila ng exemption sa midterm examination para sa lahat ng miyembro ng peace maker club mula sa 1st year hanggang 4th year. At hindi lang iyon dahil mayroon din tayong nakuhang pondo at donations para sa ating tshirts at pagkain sa araw na iyon." ang paliwanag ko habang pinepresent ang powerpoint ng aming strategic planning para sa event.
"Yes! Ayos! Yahooooo!!" ang sigaw ng bawat miyembro noong marinig nila ang benipisyo ng aming gagawing pag babantay para sa seguridad ng event. Alam ko naman na matutuwa sila sa mga positive reinforcement na aking inihanda para buong team. At dahil dito alam kong mas magiging prodaktibo ang aming gagawing trabaho sa isang linggo. "Iyon lang muna sa ngayon. Maaari na kayong bumalik sa inyong mga klase. Maraming salamat sa pag dalo." ang wika ko at isa isa nang nag alisan ang mga miyembro sa loob ng silid. Habang ako naman ay tingin na tingin sa aking cellphone, baka kasi mag chat si Raul o naka online ito. Hehehe. Ewan ko ba, parang naging hobby ko na ang pag tingin sa aking telepono bagamat alam kong hindi naman ako ittxt o tatawagan nito dahil wala siyang cellphone. BASAG!!
Habang naka tayo ako sa harapan ng bintana ng silid, narinig kong nag uusap ang dalawang bagong miyembro ng club na sina Julian at Dante. Ewan, ngunit sa lakas ng bibig nilang dalawa ay naririnig ko na ang pinag uusapan nilang dalawa. "Naku frend ha. Napaka kire mo talaga. Karengkeng ka. Daig mo pa ang matrona at bakla kung sumuporta ha. Biruin mo, matapos mong bilhan ng sangkatutak na grocery niyang si Shan Dave, ibinili mo pa ng cellphone? Matake?! Juskooo pondohan ba yung hari ng angas na iyon!" ang malakas na salita ni Dante habang tinitingnan ang resibo ng bill ni Julian sa credit card.
"Tado! Sira! Hindi ako bakla o matrona no. Naaawa lang ako sa tao dahil wala siyang gamit. Saka alam mo naman yung estado ng tao na iyon sa buhay, salat ito at walang kahit ano, kaya't ako na ang nag pasyang tumulong sa kanya. Wala namang masama doon." ang katwiran naman ni Julian.
"Tulong? Ang sabihin mo ay gusto mo lang makausap ng madalas iyong si Shan Dave kaya ibinili mo ng cellphone bago siya umalis at mag punta doon sa liga ng basketball sa kabilang bayan. Nakuu bruha kaaa! Denial ka paaa." ang pang aasar naman ni Dante habang inihitak ang kaibigan sa labas ng silid.
Noong marinig ko ang usapan ng dalawa ay dito na pumasok ang ideya na bilhan din ng cellphone itong si Raul. Pero hindi ako kasing yaman ni Julian kaya't mumurahin lamang ang aking bibilhin. (wahaha at umabot na talaga ako sa ganitong lebel!) Anyway wala namang ibang kahulugan ang gagawin ko, nais ko lamang talaga siyang makausap o makatext man lang. Basta mahirap ipaliwanag dahil para sa isang pusong sawi at nag hahanap ng kalingan, lahat ay gagawin nito upang mawala ang kanyang sakit pag durusa. Marahil ito lamang ang tanging paraan upang unti- unti akong makalimot sa sakit na dulot ng nakaraan.
Itutuloy...