Episode 3

2334 Words
Chapter 3 OLIVIA EUNICE Parang pasan ko ang mundo nang makarating ako sa bahay namin ni Alexander. Ginabihan na nga ako ng uwi dahil natagalan ako sa port. Hindi ko kasi alam kung uuwi ako rito o umiyak nang umiyak na lang sa port. Pumasok ako sa loob ng bahay subalit nagulat ako nang makita ang isang babae na nakaupo sa sofa habang may alak sa harapan niya. Siya ang babae ang nakita ko na kasama ni Alexander, noong araw ng kasal namin. “Anong ginagawa mo rito?’’ tanong ko sa babae. Halos nandidilim ang paningin ko subalit pinipigilan ko pa rin ang sarili ko na huwag mag-eskandalo. Parang hindi man lang ito natinag sa pagdating ko. Kampante lang siyang nakaupo sa sofa habang umiinom ng juice. “Tinatanong kita, ano ang ginagawa mo rito?’’ nagtitimpi na tanong kong muli sa kaniya, saka ko binitiwan ang maleta ko. “Obvious ba na nakaupo ako rito at umiinom ng juice habang kaharap ang alak ng asawa mo? Huwag ka ngang umakto riyan na para kang mahal ng asawa mo! Ang totoo inagaw mo lang naman siya sa akin, eh! Kung hindi mo sana siya nilandi hindi ikaw dapat niyang pakasalan!’’ nanggagalaiti nitong sabi sa akin. Siya pa talaga itong matapang? Ilang sandali pa lumabas si Alexander mula sa kusina at may dala itong pagkain na para sa kanilang dalawa. Medyo nagulat pa ito nang makita ako. “Bakit ka nandito?’’ malamig niyang tanong sa akin at inilapag sa lamesa ang bitbit niyang tray. “Huwag mo sabihin hindi ka natuloy sa pag-uwi sa inyo?’’ tanong niya nang bumaling ito sa akin. “Sino ang babaeng iyan?’’ tanong ko at hindi sinagot ang tanong niya. Nagbuntong-hininga siya ng malalim. Tumayo ang babae at lumapit sa akin na para bang dudurugin niya ako sa klase ng tingin niya. “Girlfriend lang naman ako ng asawa mo. Nabuntis ka lang niya, kaya ikaw ang pinakasalan niya subalit ako ang mahal niya. Ang masakit pa nagpakasal siya sa’yo, samantalang dinadala ko na ang magiging anak namin? Alam mo ba kung gaano kasakit ‘yon? Inagawan mo ako ng boyfriend pati ba naman ang anak ko inagawan mo rin ng ama? Ang landi mo kasi! Ang kati-kati mo! Mang-aagaw ka!’’ garalgal niyang panunumbat sa akin. Ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya. Nakaawang ang mga labi ko panunumbat niyang iyon. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Buntis siya at si Alexander ang ama? Sadya bang napakalupit sa akin ng tadhana? Nagtatanong ang mga mata ko na tumingin kay Alexander. Naghihintay sa mga sasabihin niya kung totoo ang sinasabi ng babae. “Oo, Eunice. Girlfriend ko si Bianca at buntis din siya sa magiging anak namin. Huli ko na nalaman na buntis noong pagkatapos ng kasal natin. Kung alam ko lang na buntis siya hindi ko na sana tinuloy ang kasal natin.” Seryoso ang mga mata ni Alexander na sinasabi iyon sa akin. Pakiramdam ko may mga bakal na nakadagan sa dibdib ko sa sobrang bigat ng dibdib ko. Ang sakit na marinig iyon bilang isang ina ng anak mo. Natawa ako ng pagak at napatangu-tango sa sinabi ni Alexander. Ang sakit na magkakaroon ng karibal ang magiging anak namin at sa babaeng mahal niya pa. Alam kong masakit din sa panig ng girlfriend niya ang nangyari. Kung hindi lang sana ako naging pabaya ng gabing iyon hindi sana ako hahantong sa ganitong sitwasyon. Kinagat-kagat ko na lang ang labi ko upang maibsan ang sakit na nararamdaman ng puso ko. “Maiintindihan ko kung dito mo siya patitirahin. Maghahanap na lang ako ng maupahan at trabaho para walang masabi ang ibang tao kapag dito nakatira ang girlfriend mo,’’ wika ko at pilit binubuo ang boses ko upang hindi ako mapiyok. Ang sakit kasi ng dibdib ko. “Hindi ako titira dito. Hindi ko sisirain ang pangalan ni Alexander. Kahit ang totoo para sana sa amin ang bahay na ito. Gusto kong isumbat sa’yo ang paglalandi mo sa boyfriend ko! Alam mo kung ano ang masakit? Ako dapat diyan sa lugar mo! Ako dapat ang pinakasalan ni Alexander at hindi ikaw. Ako dapat ang asawa niya!’’ Tuluyan nang napahagulgol ang babae pagkatapos niyang isumbat iyon sa akin. Tumulo lang ang mga luha ko dahil lumalabas talaga na isa akong mang-aagaw. Subalit ama rin ng lalaking mahal niya ang ipinagbubuntis ko. Kung masakit para sa kaniya mas masakit rin para sa akin dahil ako ang asawa pero hindi naman para sa akin ang puso ni Alexander. “Sweetheart, tama na. Baka makakasama sa inyo ng baby natin ang ma stress ka,’’ pag-aalo ni Alexander sa girlfriend niya. Inalalayan niya ito na sa sofa. Binigyan pa niya ito ng tubig, samantalang ako hinayaan niya lang na nakatayo. Anak niya rin naman itong dinadala ko. Dapat iniisip niya rin na hindi rin ako dapat ma-stress. Wala na akong mukha pa upang humarap sa kanilang dalawa. Ako ang asawa subalit ako ang lumalabas na kabit, kapag tinitingnan kaming tatlo. Umalis ako sa bahay dala ng aking maleta. Tinalikuran ko sila at hindi lumingon. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Naglalakad lang ako sa kalye ng Secret Village nang maisipan kong tawagan si Aliyah; ang matalik kong kaibigan. Ayaw ko rin pumunta kina Ate Rosaly at baka masugud niya pa ang mga magulang ni Alexander. Iyon ang iniiwasan ko na madamay ang ibang tao sa problema ko. “Bakla, napatawag ka?’’ agad na tanong ni Aliyah sa kabilang linya nang sagutin nito ang tawag ko. Huminto muna ako sa paglalakad. “Bakla, puwede ba ako tumuloy muna riyan sa apartment mo?’’ tanong ko sa kaniya. “Oo, naman! Mag-isa lang ako rito dahil nasa bakasyon ang parents ko,’’ tugon nito sa akin. “Salamat, bakla. Sige, pupunta na ako riyan.’’ Pagkatapos namin mag-usap ni Aliyah ay pumara ako ng taxi na dumaan. Sumakay ako at nagpahatid sa apartment na tinutuluyan ni Aliyah. Pagdating ko sa kanila agad niya akong sinalubong sa gate. Siya na ang nagdala ng maleta ko sa loob ng apartment niya. “Ano ba ang nangyari sa’yo at nag-alsa balutan ka?’’ tanong nito nang makapasok na kami sa loob. “Bukas mo na ako interview-hin dahil nagugutom na ako. May kanin ka ba riyan?’’ Hindi na ako nahiya kay Aliyah. Para na kaming magkapatid. Nakaramdam na rin ako ng gutom dahil kaninang umaga at tanghali pa na walang laman ang tiyan ko. Mani na nilaga lang ang kinain ko kanina sa port. “Ano ba ang nangyari sa’yong buntis ka? May ulam at kanin pa naman natira. Teka, paghainan kita,’’ namomoroblemang wika sa akin ni Aliyah. Akmang tatalikod na sana siya upang paghainan ako. “Ako na ang kukuha. Hindi ka pa sanay sa akin,’’ wika ko at kumuha ng plato. Binuksan ko ang kaldero at kumuha ng kanin. “Saan ang asawa mo? Nag-away ba kayo?’’ muli niyang tanong sa akin. Umiling-iling lang ako sa mga tanong niya. Kumuha rin ako ng ulam na afritada na karne ng baka. Kaunti lang kinuha ko dahil hindi type ng panlasa ko ang karne. Marahil dahil nasa stage pa rin ako ng paglilihi. Naupo na ako sa lamesa upang kumain. Naghihintay naman si Aliyah na sagutin ko ang mga tanong niya. “Ano ba ang nangyari sa’yo, Bakla?’’ hindi mapakaling tanong ni Aliyah na nag-aalala na sa akin. “Umuwi ako sa Cordoba. Pinalayas ako ni Tita nang malaman niyang buntis ako. Tapos pagdating ko sa bahay naroon ang girlfriend ng asawa ko. Alam mo kung ano ang nakakatawa? Buntis ‘yon!’’ Mapakla akong tumawa pagkatapos kong sabihin iyon kay Aliyah upang hindi lumabas ang mga luha sa aking mga mata. Pinipigilan ko ang sarili ko na hindi maiyak dahil nasa harap ako ng pagkain. Subalit parang pinipiga ang puso ko sa sobrang sakit. “Bu-buntis ang girlfriend ni Kuya Alexander?’’ hindi makapaniwalang tanong ni Aliyah. Tango lang ang sagot ko sa kaniya habang ngumunguya ako ng kanin. Nanginginig ang mga labi ko dahil sa pagpigil ko ng aking mga luha. “I’m sorry, Eunice,’’ alo ni Aliyah sa akin at hinagod ang likod ko. “Aliyah, bakit ganoon? Kahit ang magiging anak ko man lang sana ang mabigyan ng atensyon okay na sa akin, pero may kahati na ang anak ko sa atensyon ng pamilya ng ama niya. Lalo na sa atensyon ni Alexander. Ang masaklap pa ako ang pinakasalan, pero hindi ako ang mahal. Kahit anong gawin kong paninisi sa sarili ko hindi ko na maibalik ang dati.’’ Tuluyan nang pumatak sunod-sunod ang mga luha ko pagkatapos kong sabihin iyon kay Aliyah. Niyakap niya na lamang ako at inalo-alo. Naghalo na ang mga luha ko sa pagkain ko. Pati sipon ko ay nahalo na rin sa mga luha ko. “Tahan, na. Malalampasan mo rin ang pagsubok na ‘yan sa buhay mo. Ang gawin mo mag-relax ka muna rito para makapag-isip ka ng maayos.” Napayakap ako sa mga bisig ni Aliyah. Kahit paano gumaan ang pakiramdam ko. Mabuti na lang narito siya. Paano na lang kung wala? Inayos ko ang sarili ko at tinapos ang aking pagkain. Pagkatapos kong kumain hinayaan na muna ako ni Aliyah na makapagpahinga. Natatakot nga ito na baka mapaano kami ng baby ko subalit malakas ang bata na nasa sinapupunan ko. Kinabukasan nagising ako sa ingay sa labas ng silid na tinutulugan ko. Bago ako lumabas nag-tooth brush muna ako saka naghilamos. May banyo naman sa loob ng silid na tinutulugan ko dito sa apartment ni Aliyah. Inayos ko na rin ang aking sarili saka ako lumabas ng silid. Paglabas ko ay parang pinako ako sa aking kinatatayuan nang nabungaran ko ang mukha ng asawa ko. Nakikipagtalo ito kay Aliyah at kasama nito si Lander na kapatid niya. “Anong ginagawa mo rito?’’ malamig kong tanong sa kaniya. Tumingin siya sa akin nang makita ako. “Kailangan ko pa bang sagutin ‘yang tanong mo?’’ galit niyang pabalik na tanong sa akin. Kung masungit ako mas masungit pa siya. “Kung pumunta ka rito para sabihin na mag-divorce na tayo, sige. Hindi ko ipipilit ang sarili ko sa’yo!’’ pangunguna ko sa kaniya para hindi naman ako mukhang kawawa kapag balak niya ng makipaghiwalay sa akin. “Umuwi ka na sa bahay!’’ maawturidad na utos niya sa akin. “Dito muna ako kay Aliyah. Ayaw ko ma-stress kami pareho ng girlfriend mo. Ayaw ko ‘yong may sumusugod sa akin sa bahay,’’ malamig kong sabi at naupo ako sa sofa. “Damn! May bahay tayo at hindi ka dapat kung saan-saan natutulog!’’ sagot niya sa akin sa mataas na boses. “Ate Eunice, mabuti pa umuwi ka na kasama ni Kuya, bago pa malaman nila Daddy at Mommy ang nangyayari sa inyo,’’ turan naman ni Lander na nasa tabi ni Aliyah. “At ano ang gusto niyong gawin sa akin na makisama ako sa kabit ng kapatid mo?’’ mataas ang boses ko na tanong kay Lander. “Sino ka para tawaging kabit si Bianca? Ikaw na nga ang nang-agaw ikaw pa itong may gana na magsalita ng masama. Sinabi ko naman sa’yo na hindi titira si Bianca sa bahay. Magsasama pa rin tayo bilang mag-asawa sa mata ng mga magulang ko at sa mata ng mga tao dahil ikaw ang pinakasalan ko. Subalit hindi mo ako mapipigilan na makipagkita kay Bianca. Hindi lang dahil sa magkakaroon kami ng anak kundi dahil mahal ko siya simula pa noong bata kami. Hintayin mo na makapanganak ka saka natin aayusin ang divorce paper natin!” mariin na sabi ni Alexander sa akin. Eh, ‘di wow! Pinamumukha talaga niya sa akin na childhood sweetheart niya ang babaeng iyon. Napangiti ako ng malamig sa sinabing iyon ni Xander. Lumilitaw na kontrabida ako sa relasyon nila ni Bianca. Kumikirot ang puso ko para kay Bianca. Mag-childhood sweetheart pala sila ng asawa ko, pero iba ang pinakasalan ng sweetheart niya. Naaalala ko tuloy si Kuya Popoy. Siguro kung hindi nawala ang kuwentas na ibinigay niya sa akin, hindi siguro mangyayari ito sa akin. Baka matagal na kami nagkita o baka may sarili na rin siyang pamilya at kinalimutan niya na ako? “Huwag mo na hintayin ang manganak ako, Mr. Moran! Sa lalong madaling panahon asikasuhin mo ang divorce natin para malaya ka na pakasalan si Bianca. At para maging malaya rin ako sa’yo,’’ mahinahon kung wika sa kaniya. Wala naman kasi akong karapatan na ipaglaban siya dahil una hindi kami nagmamahalan. Pangalawa ayaw ko na may nasasaktan dahil sa akin. Sila naman talaga ni Bianca ang para sa isa’t isa. “Madali lang sa’yo sabihin ‘yan, pero hindi mo alam ang pinagsasabi mo,’’ naiinis na tugon ni Alexander sa akin. “Ate, hindi ganoon kabilis na ipawalang bisa ang kasal ninyo ni Kuya. Hindi rin papayag sina Mommy at Daddy na mangyari iyon kahit na magkaroon pa ng anak si Kuya kay Ate Bianca. Alam mo na nasa politiko si Daddy, kaya may pangalan at prinsipyo siyang inaalagaan. Sa pamilya kasi namin bawal ang divorce,’’ pahayag naman ni Lander sa akin. Gusto kong sabihin kay Lander na magkaiba ang prinsipyo namin ng pamilya nila, pero ayaw ko rin masaktan ko ang kalooban niya. Tumayo na lamang ako at kinuha ang aking maleta. Nagpasalamat na lang ako kay Aliyah sa pagpapatira niya sa akin ng isang gabi sa apartment niya saka nagpaalam na ako sa kaniya. Alam ko na hindi titigil si Alexander na kulitin ako hanggang hindi ako uuwi sa bahay. Si Alexander na ang nagbitbit ng maleta ko patungo sa kaniyang kotse. Nagbiso-biso pa kami ni Aliyah bago ako pumasok sa kotse ni Alexander. Habang nasa byahe na kami walang imikan sa pagitan naming dalawa ni Alexander, subalit halata sa kaniyang mukha ang inis at galit. Naiinis ako sa aking sarili dahil nakasira ako ng isang relasyon. Kung hindi lang sana nangyari ang gabing iyon marahil hindi pa ako itatakwil ni Tita at patuloy pa rin siguro akong namamasukan kina Ate Rosaly, subalit nangyari na ang dapat mangyari, kaya wala na akong magagawa kundi tanggapin ang kapalaran kong ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD