Chapter 2
EUNICE
Sumapit ang araw ng kasal namin ni Alexander. Simpleng
kasalan lamang ang naganap sa isang hardin sa bahay ng mga Moran. Iilang bisita
lamang ang dumalo sa kasal namin ni Alexander. Mayor ng Las Palmas ang nagkasal
sa amin. Simula kanina nang ikasal kami hindi ko man lang nakita sa mukha niya
ang ngiti.
Pagkatapos ng aming kasal ay nag-uwian na ang ibang mga bisita. Kanina ay natanaw ko pa si Alexander na abala sa pag-entertain ng mga bisita na kilala niya, ngunit ngayon ay hindi ko na siya mahagip ng aking mga mata. Bubuksan na sana namin ang mga regalo sa aming dalawa, ngunit hindi ko na siya makita. Hanggang sa nakatingin ako sa labas ng gate. Kitang-kita ng dalawa kong mata na may kasama siyang babae at magkahawak kamay sila. Para silang nagmamadali na pumasok sa loob ng saksakyan ni Alexander.
Bigla na lang sumibol ang kaba sa aking dibdib. Iba ang kutob ko sa kanilang dalawa. Nakita ko na umalis ang sasakyan ni Alexander. Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim.
“Congratulations, Eunice. Hindi ko talaga akalain na mauunahan mo pa ako na maging isang, Moran!” Bigla akong nagulat nang sikuhin ako ni Aliyah. Kinikilig pa ito habang sinasabi iyon sa akin.
Tipid lang ako na ngumiti sa kaniya. “Hindi ko alam kung dapat
ba ako matutuwa o dapat mainis at mangamba dahil hindi ko lubos kilala ang
taong pinakasalan ko.”
“Ano ka ba? Mabait naman si Kuya Xander, Eunice. Sa ganda
mong ‘yan tiyak mamahalin ka niya,’’ turan ng kaibigan ko na parang wala lang
sa kaniya kung bakit nalagay ako sa ganitong sitwasyon. Hindi ko nga alam kung
anong kapalaran ang naghihintay sa akin gayong kasal na ako sa lalake na hindi
ko naman mahal at hindi naman ako mahal.
Ilang oras pa ang lumipas ay umalis na ang lahat. Si Mommy at Daddy na lang ang naiwan. “Nasaan si Alexander?’’ tanong sa akin ni Donya Emilia.
“Baka may hinatid lang po,’’ sagot ko sa tanong ni Donya Emilia.
“Paano, Iha. Uuwi na kami. Kapag may problema ka sa anak namin sabihin mo lang sa akin,’’ wika naman ni Don Miguel sa akin.
Tipid lang ako na ngumiti at tumango-tango. Mabuti pa sila mabait sa akin, subalit ang anak nila mukha yatang hindi kami magkasundo. Nagbiso-biso na kami ni Donya Emilia bago sika umslis. Naiwan ako sa loob ng bahay na mag-isa.
Nakatulog na ako subalit hindi umuwi si Alexander nang gabi na iyon ng kasal namin. Pabor din naman iyon sa akin dahil baka hindi pa ako makahinga kapag narito siya sa bahay.
Lumipas pa ang isang linggo ay nakatulog ako sa sofa dahil sa sobrang pagod. Naglinis kasi ako ng buong bahay.
“Mama, nasaan na po ang kuwentas ko? Mama, mahalaga po sa akin ang kuwentas na ‘yon,’’ umiiyak kong pakiusap sa aking ina. Hindi maaaring mawala ang kuwentas na iyon dahil iyon na lang ang natitirang alalala sa akin.
“Ano ka ba, Eunice? Uunahin mo pa ang kuwentas na iyon? Wala na ang Tatay mo!” sermon ni Mama. Umiiyak lang ako dahil paggising ko wala na ang isang bagay na iniingatan ko. Ang bagay na mahalaga sa akin. Ang bagay na siyang mag-uugnay sa akin sa nagbigay niyon.
Bigla akong nagising sa isang pangit na bangungot nang marinig ko ang malakas na kalabog ng pintuan. Nakatulog ako sa sofa habang hinihintay si Alexander. Isang linggo na kaming kasal at dito kami umuuwi sa bahay niya sa Secret Village. May sarili siyang bahay, kaya hindi kami nakikitira sa mansion nila.
Oo, isang linggo na nga kaming kasal subalit para kaming mga pepe at bingi dahil hindi man lang ako iniimik ni Alexander. Para ako invisible sa paningin niya. Kahit kausapin niya ako hindi niya nagagawa. Noong gabi ng kasal namin hindi ko tinanong kung sino ang babae na kasama niya. Kung bakit inumaga na siya ng uwi dahil ayaw ko naman na ma pressure siya sa akin.
“Alas-dose na ng gabi, bakit ngayon ka lang umuwi? Gawain mo
ba talaga na ganito oras na umuuwi?’’ salubong ang mga kilay ko na tanong sa
kaniya. Bumangon ako at bahagya ko pa kinusot-kusot abg mga mata ko.
Masakit naman na tingin ang iginawad niya sa akin. Kung nakakamatay lang o nakakasugat ang tingin niya siguro kanina pa ako humandusay sa kinauupuan ko.
“Hating gabi na, bakit gising ka pa?’’ malamig ang boses niya
na tanong din sa akin. Hinagis niya sa upuan ang dala niyang bag.
“Hinihintay kasi kita,’’ tipid kong sagot sa kaniya. Kahit
alam ko na hindi niya ako gusto, nais kong gampanan pa rin ang pagiging asawa ko
sa kaniya. Gusto ko subukan na maging maayos ang pagsasama namin alang-alang sa
bata.
“Ilang beses ko bang sabihin sa’yo na hindi mo kailangan
akong hintayin? Hindi mo kailangan magpakita na mabuti kang asawa sa akin dahil
sa papel lang naman ang pagiging mag-asawa natin!’’ malamig nitong turan sa
akin habang hinuhubad ang kaniyang sapatos. Masakit man ang pananalita niyang
iyon subalit iyon ang katotohanan na mag-asawa lang kami sa papel. Hindi nga
kami tumatabi matulog dahil sa guest room ang silid ko at siya naman sa
kaniyang silid.
Natameme ako sa sinabi niyang iyon. Pagkatapos niyang hubarin
ang kaniyang sapatos kinuha niya ang kaniyang bag na may lamang laptop. Hindi
man lang niya magawang tumingin sa akin. Kumibot na lang ang labi ko at
nagtungo sa kusina. Malamig na ang niluto kong adobong baboy para sana sa
hapunan naming dalawa.
Hindi ko nga alam kung bakit umaasa ako na makasabay ko siya
sa pagkain. Isang linggo na kami nagsasama subalit parang tao-tauhan lang ako
sa bahay na ito. Tanggap ko naman iyon dahil hindi naman namin gusto ang isa’t
isa. Para lang sa bata, kaya kami ikinasal. Ganoon kasi ang tradisyon ng
pamilya Moran. Kailangan panagutan mo kung sino ang binuntis mo.
Dahil nakaramdam na ako ng gutom kumain na naman ako mag-isa.
Hindi kasi ako kumain kanina dahil gusto ko nga sana na kasalo ko siya sa
pagkain. Madalas ako magutom at kailangan may stock akong pagkain. Ganito
siguro kapag buntis. Isang linggo na ang nakalipas na ikinasal ako sa isang
Moran, subalit hindi ko pa rin nasabi kay Tita ang tungkol sa pag-aasawa ko.
Balak ko magpaalam kay Alexander na puntahan ko ang ina ko sa Isla Cordoba at
si Tita.
Madilim ang paligid at ang tanging ilaw sa labas ang nagsilbing liwanag sa kusina. Tahimik lang ako na kumakain sa harap ng lamesa. Nagulat na lang ako nang biglang nagbukas ang ilaw sa kusina.
Nasa pintuan ng kusina si Alexander. Kunot ang mga noo nito na nakatingin sa akin, subalit wala pa rin expression ang kaniyang mukha. Kasing lamig pa rin ng yelo ang kaniyang mga mata na nakatingin sa akin.
“Nagtitipid ka ba sa kuryente at hindi mo binubuksan ang ilaw habang kumakain ka?’’ malamig ang boses na tanong niya.
Unti-unti siyang lumapit sa kusina.
“Nagugutom na kasi ako,’’ tipid kong sagot sa kaniya at
sumubo pa ako ng pagkain.
Hindi na siya umimik sa sinabi ko. Nagtungo siya sa
refrigerator at kumuha ng tubig. Binuksan niya ang 500ml mineral water at
ininom.
“Hindi ka ba kumain kanina?’’ malamig niyang tanong at inubos
ang tubig na nasa mineral bottle.
“Hinintay kita, kaya hindi ako kumain. Malungkot kasi kumain
mag-isa,” sagot ko na may kasamang pangungunsensya.
Lumapit siya sa lamesa at tiningnan niya kung ano ang ulam.
“Ito lang ang ulam mo?’’ taas ang dalawa niyang kilay na tanong sa akin.
Agad akong tumango. “’Yan lang kasi ang niluto ko.”
Nagbuntong-hininga siya na tumingin sa kaniyang relo. “Hindi
ko alam kung may bukas pa na restaurant ngayon. Magpapa-deliver na lang ako ng
ulam mo.”
Medyo nanibago ako sa tuno ng boses niya. Mahinahon ito at hindi na mataas ang tuno o parang galit.
“Huwag na. Patapos na rin ako,” tanggi ko dahil totoo naman
na patapos na ako kumain.
Parang malulusaw ako sa klase ng tingin niya sa akin. Walang
expression ang kaniyang mukha, kaya mahirap basahin kung ano ang iniisip niya.
“Next time huwag kang magpapalipas ng gutom. Huwag mo na ako
hintayin dahil wala kang maasahan sa akin. Tapusin mo na ang kinakain mo at
matulog ka na!’’ pagsusungit na naman nito sa akin. Akala ko mabait na siya,
pero ilang minuto lang pala.
Tatalikod na sana siya, ngunit tinawag ko ang kaniyang pangalan. “Xander!”
Malamig siyang lumingon sa akin at umangat ang dalawa niyang kilay na naghihintay sa sasabihin ko.
“Aalis sana ako bukas. Bibisitahin ko lang si Mama at Tita.”
Mabuti na lang hindi ako napiyok. Para kasing nakakatakot magpaalam sa kaniya.
Subalit mabuti na ‘yong nagpapaalam ako bilang respeto na lang sa papel ng
pagiging mag-asawa namin.
“It’s up to you. Sinabi ko naman sa’yo malaya kang gawin ang
gusto mo as long as na iniingatan mo ang anak ko.” Para akong na-freeze sa
sobrang lamig ng boses niya pata ang tingin niya sa akin.
Tmalikod na siya pagkatapos niyang sabihin iyon at pumasok sa kaniyang silid. Napakibit-balikat na lang ako at inubos ang kinakain ko na hindi ko na nalalasahan. Bakit baa ng sungit niya? Pareho lang naman kami na hindi gusto ang pagpapakasal.
Kinabukasan hindi ko na naabutan si Alexander sa loob ng bahay. Maaga itong umalis. Nagligpit na lamang ako ng mga gamit ko. Balak ko na manirahan ng isang linggo sa Cordoba. Ang mga magulang ni Xander agad din bumalik sa Hacienda de Amor, pagkatapos ng kasal namin ni Xander.
Pagkatapos ko mag-ayos isinara ko na ang bahay at bitbit ang aking
traveling bag. Dumaan ako kina Ate Rosaly. May bago na silang kasambahay at
magbabantay kay Donya Juana.
“Oh, Olivia Eunice? Nag-alsa balutan ka?’’ nagtatakang tanong ni Ate Rosaly sa akin. Wala itong pasok dahil week end. “Pasok ka,” aya pa nito sa akin.
Humalik ako sa kaniya habang malawak ang ngiti sa labi.
“Hindi na po, Ate. Nagmamadali ako na abutan ang last trip papunta sa port.
Magbabakasyon kasi ako sa Cordoba. Hindi ko pa kasi nasabi kay Tita ang tungkol
sa biglaang pagpapakasal ko.’’
“Hindi ka sinamahan ng asawa mo?’’ pangungusisa nito habang
nakataas ang isang kilay. Nasa labas kami ng kanilang bahay dahil nag-e-spray
siya ng tubig sa kaniyang mga orkedyas na pananim.
“Busy po si Alexander, Ate. Alam mo naman hindi sasama iyon,”
sagot ko sa tanong no Ate Rosaly at matamis ko siyang nginitian.
“Oh, siya. Ingat ka sa byahe,’’ aniya sabay yakap sa akin.
“Salamat, Ate.’’
Nagpara ako ng taxi patungo sa port. Saktong alas-siete emedya ng umaga ako nakarating sa port at hindi pa umaalis ang bangka na patungo sa Cordoba. Kumuha ako ng ticket at sumakay sa bangka.
Marami-rami ang mga pasahero, subalit kapag ganitong
pagkakataon na umuuwi ako sa Cordoba, tahimik lang ako na tinitingnan ang
karagat. Nalulungkot ako kapag naiisip ko ang trahedyang naganap na siyang
ikinamatay ni Papa. Kung hindi sana kami lumipat sa Cordoba, buhay pa sana ang
aking ama. Hindi pa sana nawala ang mahalagang kuwentas sa aking leeg.
Nagbalik tanaw ako sa aking nakaraan.
“Oliv, may dala akong pagkain para sa’yo,” sabay abot ng
pagkain na dala niya.
“Wow, lumpia! Paborito ko po ito, Kuya Popoy!’’ masaya kong
sabi sa kaniya.
“Huwag mo nga akong tawaging, Kuya! Hindi naman tayo magkapatid,
eh!” naasar niyang saway sa akin.
“Eh, sabi ni Mama at Papa tawagin daw kitang kuya dahil
matanda ka sa akin,” puno ng ka enosentahan kong tugon sa kaniya.
“Tawagin mo lang akong Popoy, okay? Alisin mo ang Kuya dahil
ayaw ko na maging kapatid ka,’’ nakasimangot niyang protesta sa akin.
Napasimangot ako sa sinabi niyang iyon. Kinain ko na lamang
ang lumpia na ibinigay niya sa akin. Gustong-gusto ko pa naman na tawagin
siyang Kuya.
“Miss, puwede makiupo? Puno na kasi ang ibang upuan, eh
dalawahan naman ang upuan dito.” Bumalik ang ulirat ko nang may isang Ali ang
nakikitabi sa akin.
Kinuha ko ang aking bag sa upuan at inilagay sa sahig ng
bangka. Binabalik-balikan ko ang nakaraan. Ang mga pangarap ko bigla na lang
naglaho. Umaasa ako na isang araw magkita kami ni Kuya Popoy, subalit malabo na
siguro mangyari iyon. Kung sakaling magkita man kami wala na rin akong mukhang
iharap sa kaniya dahil hindi ako tumupad sa pangako namin sa isa’t isa.
Magiging ina na ako paglipas ng ilang buwan. Marahil mayroon na rin si Kuya
Popoy na sarili niyang pamilya.
Umaasa pa rin talaga ako sa mga pangako niya noong bata pa
kami. Ako kasi ang tipong tao na kapag pinagakuan mo inaasahan ko na tutuparin
mo iyon.
Alas-saes ng hapon dumaong ang bangka na sinasakyan ko sa
Cordoba. Bumaba ako bitbit ng aking bag at sumakay sa tricycle. Nagpahatid ako
sa bayan ng Andalusia kung saan naroon ang Tita Mary Ann ko at Mama. Subalit
bumaba muna ako sa Judellia, upang mamili ng pasalubong sa kanila.
Pagkatapos kong mamili hinatid na ako ng driver sa ibaba ng
aming bahay naglakad pa ako ng ilang kilometro patungo sa bahay. Pagdating ko
sa tapat ng bahay ay narinig ko na ang pagtatalak ni Tita kay Mama.
“Ano ba naman, Carolina? Wala ka ngang naitulong sa akin
pabigat ka pa! Nakakadiri ka talagang babae ka!’’
Patakbo akong pumasok sa bakod na yari sa kawayan at pumasok
sa maliit na bahay na yari sa kalahating semento at kalahating kawayan.
“Tita, anong nangyari kay Mama?’’
Bahagya pang nagulat si Tita nang bigla akong pumasok.
“Olivia, mabuti na lang at dumating ka. Ayan, tingnan mo ang
ginawa ng Mama mo. Pinaglalaruan ang dumi niya. Hindi ko na magawang maglaba at
maghanap buhay dahil sa kababantay ng ina mo!’’ maktol ni Tita sa akin.
Agad kong binitiwan ang traveling bag ko at mga pinamili ko
at hinawakan ang kamay ni Mama. Isusubo niya sana ang kamay niya na puno ng
kaniyang dumi.
“Pasensya na, Tita. Ako na po ang bahalang maglinis kay
Mama.”
“Sige, at maniningil pa ako ng pautang sa kabilang baryo.
Lumalala na yata ang pagkaluwag ng turnelyo ng ina mo, Olivia. Ano na lang kaya
kung dalhin natin siya sa mental?’’ suhestyon ni Tita sa akin.
“Mamaya na lang natin pag-usapan, Tita. May mahalaga rin kasi
akong sasabihin sa inyo,’’ turan ko.
“Siya, sige! Bahala ka na riyan sa Mama mo,’’ aniya at
lumabas na ito ng bahay.
Pinatayo ko si Mama at dinala sa banyo upang linisan. “Mama,
bakit niyo naman pinaglaruan ang dumi ninyo?’’ maktol ko sa aking ina habang
hinuhubaran siya.
Kahit anong gawin kong kausap sa Mama ko, para itong may
sariling mundo. Nakatulala lang siya habang nakangiti na para bang gumagawa
siya ng sarili niyang mundo sa sarili niyang kaisipan.
Pinaliguan ko na lang si Mama at pinalitan ng malinis niyang
damit. Pagkatapos ko siyang bihisan sinuklay ko ang kaniyang buhok. Kung dati nakikilala
niya pa ako, ngayon ay parang hindi na. Parang lumalala nga yata ang depression
niya.
“Mama, magpagaling ka na po. Ilang taon ka ng ganiyan. Mama,
magkakaroon ka na ng apo,’’ malambing kong sabi sa aking ina habang
sinusuklayan ko siya.
Pagkatapos kong ayusan si Mama, nagtungo ako sa kusina upang
tingnan kung ano ang puwede kong lulutuin. May gulay sa ref at isda. Iyon na
lang ang isisigang ko upang may mahigop na sabaw si Mama. Nagsaing na rin ako
upang pagdating ni Tita kakain na lang kami.
Alas-otso na ng gabi nang makarating si Tita. Pinauna ko ng
pinakain si Mama kaninang mga alas-siete pagkatapos ko magluto para makatulog
siya ng maaga. Hinintay ko na lang si Tita para may kasabay akong kumain. Naiisip
ko na naman si Alexander. Umuwi na kaya siya ng bahay?’’
“Ano ‘yong sasabihin mo sa akin, Olivia?’’ Parang hindi ko
malunok ang kinakain ko sa biglang tanong ni Tita.
Si Tita at Ate Rosaly lang tumatawag sa akin ng Olivia
dahil Eunice ang tawag sa akin ng karamihan. Nilunok ko muna ang kanin na nginunguya
ko upang hindi bumara sa lalamunan ko kapag nasabi ko kay Tita ang nais kong
sabihin.
“Tita, buntis po ako,’’ mahina kong sabi subalit parang
sumabog naman na bomba ang bunganga ni Tita.
“Ano? Nagpabuntis ka? Anak ng tipaklong naman, Olivia Eunice!
Alam mo na nga na hirap na hirap na ako sa Mama mo dumagdag ka pa ng
palalamunin! So, ano ang plano mo? Pagkatapos mong manganak sa akin mo rin
iiwan? Hindi ka talaga nag-iisip na bata ka!”
Pinaghahamapas na ako ni Tita Mary Ann ng sandok sa aking
balikat. Pinipigilan ko ang sakit dahil kasalanan ko naman na indi ako
nag-ingat.
“Akala ko ba matino kang bata ka? Olivia, naman! Sana bago ka
bumukaka inisip mo muna ang kalagayan ng Mama mo? Paano na ngayon ‘yan? Tatlo
na kayo magiging pabigat sa buhay ko! Bkit ba hindi mo itinikom iyang bilat mo?’’
umiiyak niyang sabi habang walang tigil ang paghampas niya sa braso ko.
“Tita, I’m sorry,’’ umiyak na rin ako at napayakap sa kaniya
upang tumigil na siya sa paghahampas ng sandok sa braso ko. Namumula na nga ang
braso ko sa paghahampas niya.
“Huwag mo akong yakapin, Olivia! Naiinis ako sa ginawa mo.
Nagpabuntis-buntis ka na alam mo naman ang kalagayan natin. Hay!’’
Tumayo si Tita at iwinasiwas ang pagkain sa lamesa. Nagkalat ito sa sahig at nabasag pa ang mga pinggan. “Huwag mo muna akong kausapin at baka mangudngod kitang bata ka!” inis nitong banta sa akin at tumalikod.
Naiwan akong umiiyak sa harap ng lamesa. Ilang segundo pa ang
lumipas inayos ko ang aking sarili at niligpit ang mga nagkalat na kanin at
ulam sa sahig. Hindi ko masisisi si Tita, kung magalit man ito sa akin. Subalit
hindi man lang niya pinapankinggan ang paliwanag ko.
Kinabukasan maaga akong nagising upang asikasuhin si Mama.
Kailangan maaga pa siyang makakain at makainom ng gamot. Nakita ko sa lalagyan
ng gamot ni Mama na marami pa siyang stock na gamot. Alam ko na hindi siya
pinapabayaan ni Tita Mary-ann. Silang dalawa na lang kasi ang magkapatid at
wala na silang ibang pamilya.
Bumakat ang pamamalo ni Tita sa aking braso. Nagkapasa pa ang
ginawa ni Tita kagabi sa akin. Nasa kusina siya at nagluluto na ng almusal.
Hindi niya ako pinapansin at parang multo lang ako sa paningin niya na hindi
niya nakikita.
“Tita?’’ mahina kong tawag sa kaniya. Nasa likod niya ako
habang nagpi-prito siya ng tuyo.
“Umalis ka na, Olivia. Umalis ka na habang nakakapagtimpi pa
ako. Masasaktan lang kita kapag tumagal ka rito. Huwag ka mag-alala sa Mama mo
ako ang bahala sa kaniya. Bahala ka na kung ano ang gawin mo sa buhay mo.
Simula ngayon kakalimutan ko na may pamangkin akong disgrasyada.”
Mabigat ang pananalitang iyon sa akin ni Tita, tagos iyon sa
aking puso at kaluluwa subalit kilala ko si Tita. Alam ko na masasaktan at
masasaktan niya ako kapag pinilit ko siya na pakinggan ang paliwanag ko.
“Tita, hindi namn-‘’ hindi ko na natapos ang sasabihin ko
nang pagtabuyan niya muli ako.
“Umalis ka na, Olivia! Huwag ka ng magpakita pa sa akin!’’
galit niya akong pinagtulakan hanggang sa makarating ako sa pintuan. Kinuha
niya ang mga gamit ko at itinapon sa labas.
Pabagsak niyang akong pinagsarhan ng pinto. Mabuti na lang
malayo ang kabahayan roon at hindi nakita ang pagtataboy ni Tita sa akin.
Unti-unti akong umupo at pinulot ang mga nagkalat kong damit
galing sa traveling bag ko. Umiiyak ako habang papalayo sa bahay. Hindi ko man
lang nayakap si Mama bago ako umalis.
Bumalik ako sa port at kumuha ng ticket pabalik sa Las
Palmas. Habang nasa barko ako walang tigil sa pag-agos ang aking mga luha.
Hindi ko inaasahan na itatakwil ako ni Tita na hindi man lang pinapakinggan ang
mga paliwanag ko. Hindi ko tuloy alam kung sino pa ang malalapitan ko na
pamilya ko dahil wala na akong ibang pamilya maliban sa kanila.