IRON POV
"Nawawala na rin siya ngayon."
Nawawala?
"Ibig sabihin, magkasabay na nawala si Colleen at si Dutch?"
"Pwedeng oo, pwedeng hindi."
"Bakit mo naman 'yan nasabi?"
"Bago pa kumalat sa ilang bahagi ng Holmberg ang pagkawala ni Dutch, sinabihan na ako ni Sandra na nawawala nga siya dahil tinawagan si Sandra ng mga magulang ni Dutch."
Ibig sabihin, mas naunang sumangguni ang mga magulang na Weiss kay Sandra, sumunod lamang ang Holmberg government.
"At?"
"That time, ang napansin pa lang ni Sandra na nawawala ay si Dutch. Huli na niyang napansin na nawawala din si Colleen. 'Yun ang tingin ko."
Nacu-curious na talaga ako sa nangyayari, habang tumatagal, lalong lumalalim ang kasong ito.
"Tingin mo, maaaring kunin ni Colleen si Dutch?"
"Dahil sabay silang nawala? Pwede."
"Ano kaya ang posibleng motibo ni Colleen bakit niya kukunin si Dutch Weiss?"
"Wala. Wala akong alam tungkol diyan. Mas kilala ni Sandra si Colleen. Inimbitahan lang ako ni Sandra na mag-cutting. Di ko siya kilala, personally."
Tumango ako.
"Iuuwi na kita," sabi ko sabay andar ng sasakyan.
Tinuro niya naman na ang direksyon papunta sa bahay niya. Kailangan ko siyang ihatid dahil gabi na at tinatanaw kong malaking utang na loob ang pagbibigay niya ng mga impormasyon sakin.
"Kung sakaling kakailanganin kita ulit, 'wag ka sanang magdalawang-isip na tulungan ako."
Tumango siya.
"Oo. Nangangako ako."
I smiled.
Bumaba na siya sa kotse ko matapos niyang ibigay sakin ang phone number ni Sandra. Magsisimula na siyang maglakad papasok sa bahay niya ngunit nagsalita ako.
"Ano nga palang pangalan mo?"
"Chill Haugen. Salamat sa paghatid, Miss Iron."
Pinaandar ko na ang kotse papunta sa bahay ko.
Gusto ko ng magpahinga dahil madami na akong nagawa ngayong araw. Kahit papaano, may koneksyon pa rin naman si Dutch sa misyon ko, 'di ba? May dahilan pa rin naman siguro ako para hanapin ang babaeng 'yun dahil makakatulong siya na maresolba ang misyon ko.
Kailangan kong gumising bukas ng maaga. Kung pwedeng araw at gabi akong maglakbay para lang makita si Dutch, gagawin ko. Isa pa, nararamdaman ko din na may responsibilidad ako sa pagkawala niya dahil isa ako sa mga kinausap ni Dutch no'ng araw na iyon na seryoso. At hindi magtatagal, isa din ako sa mga iimbestigahan ng mga pulis tungkol sa sinabi sakin ni Dutch.
Pero kailangan kong itago ang totoo at ilantad ang kasinungalingan. Hindi pa ako pwedeng magsalita ngayon.
Bawal pa dahil hindi pa ito ang tamang oras para tukuyin ang pinuno ng ilegal na negosyo na nagtatago sa Holmberg.
Lintik na 'yan.
Si Dutch lang ang nag-iisang saksi at maaari ko siyang gamitin bilang susi sa lahat.
Pero nawawala pa siya.
----
*brrrrumm*
Papunta ako ngayon sa lugar kung saan nakatira si Alessandra McCartney. Hindi ko nakuha ang address niya kay Chill, galing lang ito sa research ko kagabi.
Kanina, dinaanan ko ang bahay ni Chill Haugen kaso tulog pa yata siya dahil isang oras akong naghintay sa labas, nagbabakasakali kung lalabas siya.
Alas otso na ng umaga pero wala akong planong pumunta sa Holmberg ngayon. Gusto ko lang igugol ang araw na ito sa paghahanap ng clues kung nasaan na si Dutch ngayon.
Matapos ang isang oras ay nakarating ako sa isang bukirin na may mga maliliit na bahay sa gilid.
Naglakad ako palapit sa unang bahay na nadaanan ko.
*tok.tok.tok*
Bumukas ang pinto at sinalubong ako ng isang matandang babae.
"A-Ano yun, Ineng?"
"Magandang umaga po, may nakatira po ba na Alessandra McCartney sa lugar na ito?"
"Ano kamo? Alessandra?"
"Alessandra po o Sandra. Meron po ba?"
Nag-isip siya ng konti bago ibinalik sakin ang tingin.
"Ah! Si Esang! Oo, nakatira siya rito sa sitio namin pero dati pa 'yun! Mga anim na taon na ang nakalilipas. Ang bait nga nung batang iyon, nang makaluwas siya ng Maynila, pinadalhan niya kagad ng mga pagkain ang buong sitio na ito! Haha!"
"Alam niyo po ba kung saan sa Maynila nanirahan si Esang?"
"Hindi eh. Pasensya na, Ineng."
Tumango ako at ngumiti sa kanya.
"Sige po. Salamat na lang sa impormasyon," tumalikod na ako at naglakad palapit sa kotse ko at nagmaneho pabalik sa Maynila.
Mga ilang oras din bago ako makabalik ng Maynila. Ang tagal ng biyahe. Buti na lang at maaga akong nagpakarga ng gasolina para hindi ako maubusan. Baka maulit na naman 'yung nangyari no'ng isang araw eh.
At baka this time, wala nang tumulong sakin.
Ipinarada ko ang kotse ko sa tapat ng isang Convenience store at bumaba ako.
Simple lang naman ang suot ko ngayon kumpara sa dinadamit ko pag pumupunta ako ng Holmberg. Kulay gray na sando na pinatungan ng maong na jacket, tinernuhan ng maong na pantalon at itinali ko ang aking mahabang buhok.
Naglakad ako papasok sa Convenience store at kumuha ng isang malamig na bottled water.
At kumpara sa mga nakaraang araw, hindi ako masyadong nagdala ng armas ngayon. Isang baril lang at pagmamay-ari pa ito ni Artery.
Ibinigay ko sa cashier ang nag-iisang bottled water na pinili ko at binayaran ko na ito.
Matapos ibigay sakin ang sukli ay lumabas na ako ng Convenience store at bumalik sa kotse ko.
Ininom ko muna ang bottled water na binili ko at nagpahinga sandali. Alas onse pasado na. Magha-hapon na pero wala pa akong nagagawa. Kabaliktaran ito ng nangyari kahapon.
Pinagmasdan ko ang paligid habang nasa loob ako ng sasakyan.
Siyudad na ito ngunit kakaiba pa rin ang itsura ng lugar. May kakaunting kabahayan, may mga nagkalat na maliliit na negosyo tulad ng talyer, relo at kung anu-ano pa, tapos biglang may tumubong Convenience store dito? Parang hindi naman akma gayong may iba pang bakanteng lote dito na nakatiwangwang lang na tinubuan ng d**o.
Kung iisipin, hindi kikita ang Convenience store na ito dahil sa ganitong klaseng lugar siya nakatayo.
Pero maraming dumadaang sasakyan. Kaya siguro dito itinayo ang tindahang ito para sa mga motorista gaya ko.
Natuon ang atensyon ko sa babaeng nasa harapan ng kotse ko. Ilang metro lang ang distansya niya mula sa kotse ko.
Sigurado akong hindi niya mapapansin na may tao sa loob ng kotse na ito.
Ikinalat niya ang kanyang paningin sa harap ng Convenience store hanggang sa mapako ang tingin niya sa sasakyan ko. Ilang segundo siyang nakatitig dito matapos ay binawi na niya.
Tinitigan ko siya hanggang sa napagtanto ko ang isang bagay.
Dahan-dahan siyang naglakad palayo sa Convenience store. Nang mahanap ko na ang tamang pagkakataon, pinaandar ko ang kotse pasunod sa babae. Unti-unting bumibilis ang takbo ng babae at pabilis ng pabilis na rin ang pagpapatakbo ko sa sasakyan.
Nararamdaman niya na sinusundan ko siya. Nakaamoy na siya ng panganib.
Takbo lang siya ng takbo at hindi ko inaasahan na may kabilisan pala ito.
Nang makontrol ko na ang kotse ko, mas binilisan ko ang pag-andar nito to the point na naunahan nito ang takbo ng babae. Mabilis kong hinarangan ang direksyon niya at nagtagumpay ako.
Napahinto siya nang maharangan ko siya sa direksyon na dapat ay tatakbuhan niya palayo sakin. Pero sandali lang iyon dahil mabilis niyang nabawi ang lakas niya at tinawiran ang kotse ko.
Ngayon, nalampasan niya na ang sasakyan ko.
Shit. It was not on the plan, girl!
Bumaba ako ng kotse ko at hinabol ko ang babae. Tinapatan ko ang bilis niya.
"Hoy! Tumigil ka!" sigaw ko sa kanya.
Pinukulan niya lang ako ng tingin at ibinalik ang tingin sa daraanan.
Hindi siya titigil ah. Pwes.
Huminto ako sa pagtakbo at inilabas ko ang baril na nasa bulsa ko. Malayo na pala ang narating ko dahil sa pagtakbo. Wala nang masyadong tao ngayon sa lugar na ito at karamihan ng sumasakop sa paligid ay d**o at talahib.
*bang*
Nagpaputok ako ng baril sa direksyon niya.
"Ouch! Damn it!" nahinto siya sa pagtakbo at napatalon sa sobrang sakit ng nararamdaman.
Nakuha niya pang magtatatalon ngayong natamaan ko na siya sa binti. Halos magpagulong-gulong siya sa lupa dahil sa mga dugong lumabas.
Nilapitan ko siya.
"Sinabihan naman na kasi kita na tumigil ka sa pagtakbo, ikaw lang 'tong matigas ang ulo. Tsk tsk."
"Hayop ka! Anong ginawa mo sakin? Walangya!" she blurted out.
Pinunasan ko ang noo ko na nagpapawis dahil tirik na tirik ang araw.
Tinuon ko ang tingin ko sa kanya.
"Ikaw ba si Alessandra McCartney?"