Nang sumunod na araw ay nasa loob lamang ng silid si Fiona. Kasalukuyan niyang inaayos ang mga damit na pinamili nila kahapon sa tiangge. Dahil sa wala nga siyang dala maliban sa kanyang maliit na bag ay kailangan niyang bumili, hindi lang ng mga damit kundi maging ng mga personal niyang gamit. Napalabhan na nila ang mga damit at ngayon nga ay isang summer dress ang kanyang isinuot. Ang haba niyon ay umabot lamang hanggang sa gitna ng kanyang mga binti. May manipis din iyong straps na sadyang nagpapakita ng mapuputi at makikinis niyang mga balikat. Kahapon nga ay sa bahay na nina Nanay Luz sila tumuloy. Sa bahay ding iyon lumaki si Randall at silid mismo nito ang kinaroroonan niya ngayon. Si Randall mismo ang nagpaabiso sa kanya na ang silid nito ang gamitin niya. Doon na rin dineretso