Marahan kong iminulat ang aking mga mata nang sa wakas ay magkaroon ako ng malay. Ramdam ko ang pagkirot ng kung ano sa ulo ko, kaya napangiwi ako dahil sa sakit. Nang makita ko kung nasaan kami ay agad akong napatayo mula sa pagkakahiga at napatingin sa paligid. Una kong napansin sina Nox at Siria na wala pa ring malay. “Elex…” narinig ko ang pabulong na tawag ni Niyebe ng pangalan ko, napansin kong nasa loob siya ng aking damit na tila ba doon nagtago. “Niyebe,” banggit ko rin sa pangalan niya. Ikinulong nila kami. May kadiliman sa loob ng kulungang gawa sa bato, ngunit may bahagyang liwanag pa rin naman na nagmumula sa labas, at mula sa aming kinaroroonan ay tanaw ko ang tarangkang gawa sa bakal. Makapal ang pagkakagawa nito kaya’t tiyak akong walang paraan upang kami’y makatakas.