NAPAPAILING na lamang si Maze habang pinagmamasdan ang kaibigang si Reena. Kung hindi sila nang-i-stalk sa mga crush nito ay parang timang lamang itong nangangarap nang gising . . . kagaya na lang ngayon. Kanina pa kasi ito pangiti-ngiti habang nakatingin sa malayo at pagkatapos ay bigla-bigla na lamang hahagikgik o tatawa.
“Will you stop doing that?” naiiritang sabi ni Maze. Bukod kasi sa katotohanang mukha talagang nasisiraan na ng bait si Reena sa ginagawa nito ay hindi lingid sa kaalaman niyang kanina pa ito pinagtitinginan ng mga tao sa paligid.
Vacant period nila at kasalukuyan silang nasa cafeteria ng school para mag-merienda at magpalipas ng oras. Tila wala namang narinig ang kaibigan kaya pasimple niyang hinila ang ilang hibla ng buhok nito.
“Aray ko naman, Maze! Inaano ba kita?” reklamo nito. “’Yung buhok ko . . . nagulo na tuloy,” may halong pagkainis na muling sabi nito kasabay ng paghaplos nito sa kaniyang kulay tsokolateng buhok na medyo may pagkakulot sa dulo.
Kung kutis ang vanity issue ni Maze . . . buhok naman ang kay Reena. Naniniwala kasi siya na ang buhok ang siyang natatanging crowning glory ng mga kababaihan. Kapag maganda kasi ang buhok mo . . . ang ibig sabihin noon ay mas maganda ka. Mas ma-appeal ka kumbaga.
Dali-daling kinuha ni Reena ang kaniyang cellphone at tiningnan ang sariling repleksyon sa pamamagitan ng front camera. Ilang minuto rin yata niyang sinuri ang kaniyang sarili at mas pinagtuunan ng pansin ang pagkakaayos ng buhok. Nang makita naman niyang ayos lang ang kaniyang hitsura ay ibinalik niya na iyon sa kaniyang bag at saka sinamaan ng tingin ang kaibigan.
“Alam mo . . . ang OA mo talaga,” naiinis na sabi ni Maze kay Reena saka ito inirapan.
“Excuse me? Alam mo, Mazey, hindi ako OA, ’no? Paano na lang kung makita ako ng mga crush ko tapos ang chaka ko? Mati-turn off sila sa akin, for sure! And of course, I won’t let that happen.”
Agad namang natawa si Maze sa sinabi ng kaibigan na ikinakunot ng noo nito. “Gaga! Alam mo ba kung ano ang mas nakaka-turn off? Mas nakaka-turn off kaya iyong ginagawa mo kanina! Mukha kang baliw na patawa-tawa at pangiti-ngiti riyan nang mag-isa. Huwag ka namang PDA, bes!” sabi nito at pagkatapos ay natatawa pa ring naiiling. Sa totoo lang, torn between naiinis at natatawa talaga siya sa kaibigan.
“PDA? Huh? Ano naman iyon?” clueless na tanong ni Reena na napakamot pa sa ulo habang hinihintay ang sagot ng kaibigan.
Maze sighed. “Duh? PDA as in Public Display of Abnormality! Kaloka ka na, Reena! Huwag ka nga mag-daydream dito. Alam mo, tanggap na tanggap naman kita, eh. Pero need mo rin magpahinay-hinay minsan kapag may time, okay?” Muling umiling si Maze matapos sabihin iyon.
Natawa naman si Reena sa realization sa sinabi ng kaibigan. “Okay, okay. Sorry na nga. Sige na. May point ka na. Pero . . . pagbigyan mo na ako ngayon. Eh, kasi naman, kotang-kota kaya ako sa mga crush ko ngayon. Nakausap ko ba naman si Jack tapos nakita ko pa kanina sina Red, Harry, at Peter! And, wait! They even smiled at me, ha! Oh, ’di ba? Ang bongga!” excited na excited na sabi ni Reena at kulang na lang ay tumili na siya sa sobrang kilig. Ang mga iyon kasi ang top crushes niya sa campus kaya natural lamang na hindi siya maka-get over sa mga pangyayari. Well, ano pa nga bang bago? Kung hindi lang isa sa mga top students si Reena, iisipin na dahil lang sa mga crush nito kaya ito pumapasok sa school.
Halos mag-panic naman si Maze sa paghihisterikal na naman ng kaibigan. Pinisil niya ito sa braso at saka bahagyang hinila para ibalik ito sa reyalidad. “Lower your voice, Reena. Gosh!” awat niya rito at saka agad na lumingon sa paligid. Tama nga siya. Nakaagaw na naman sila ng atensyon.
Napasapo si Maze sa kaniyang noo sa sobrang kunsumisyon. Pakiramdam niya ay maha-highblood siya sa ginagawa ng kaibigan. Reena always gets her into trouble. Naalala na naman tuloy niya ang pagkabilad niya sa araw noong nakaraang Sabado dahil sa kabaliwan nito. Ngayon naman ay dinadamay siya nito sa kahihiyan. Well, like that’s something new, anyway. Napabuntonghininga na lamang siya.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko sa iyo,” ani Maze na tila ba sumusuko na. Parang hopeless case na kasi si Reena. She suddenly felt weak kahit wala pa sila sa kalagitnaan ng araw na iyon.
Kinuha ni Reena ang baso ng blueberry cheesecake shake at saka humigop mula sa malaking straw noon. Paborito niya ang inumin na iyon. Kahit nga siguro five times a day siyang uminom noon ay ayos lang. Madalas ay sinasamahan niya pa iyon ng banana choco flavored waffle na paborito rin talaga niya.
“Mazey, parang hindi ka pa nasanay sa akin. You know . . . that’s why I’m really thankful to you. Natitiis mo kasi ang kaabnormalan ko,” Reena sincerely said. Maya-maya ay ibinaba niya ang hawak na shake at saka hinawakan ang kamay ng kaibigan. “Thank you.”
Lumambot ang ekspesyon ni Maze dahil sa inakto ni Reena. Napangiti na rin siya sa kaibigan. Hindi niya talaga ito magawang tiisin. “You’re always welcome, Reena. Alam mo namang tanggap ko ang kaabnormalan mo, ’di ba? Ikaw kaya ang best friend ko! Huwag ka nga lang sumusobra kasi nakakahiya talaga. Maawa ka naman sa image ko, ’no! Balak ko pa namang mag-artista,” may halong biro na wika ni Maze. “Hindi pa ako nagsisimula, baka masira na ang image ko. Kaya relax-relax ka lang, ha? Kalmahan mo lang.” Nginitian ni Maze ang kaibigan at saka tinapik ito sa balikat.
“Salamat talaga,” nakangiting sabi muli ni Reena at maya-maya lang ay biglang natigilan. Napakunot pa ang noo nito habang nakatitig pa rin kay Maze. “Teka, seryoso ba? Mag-aartista ka?” tanong niya rito.
“Oo. Bakit? Mag-o-audition nga ako para makapasok sa Bahay ni Kuya, eh. Ine-enhance ko na rin ang entertainment skills ko dahil kailangan daw iyon kapag mag-aartista. Kailangan daw na flexible para mas maraming ambon na projects. Ay, hindi. Ulan pala para mas maraming blessings.” Todo ang ngiti ni Maze at ngayon ay tila siya naman ang nangangarap.
Madalas mabanggit ni Maze na gusto niyang mag-artista noon pa lang pero ngayon lang na-realize ni Reena na seryoso pala ito. Akala niya kasi ay nagbibiro lang ito. Kaya pala talagang alagang-alaga ito sa kutis nito. “Baliw ka. Akala ko joke mo lang iyong mag-aartista ka. Pero, oo na. Sige na. Susuportahan kita riyan sa gusto mo,” natatawang sabi ni Reena. Kahit seryoso kasi si Maze most of the time, hindi pa rin naman nawawala ang sense of humor nito.
Sinamaan siya nito ng tingin. “Teka, bakit ka tumatawa? Bakit? Aangal ka? May duda ka bang makakapag-artista talaga ang bestfriend mo?” sunod-sunod na tanong nito at pagkatapos ay pinaningkitan siya ng mata. Parang sinasabi noon na ayusin niya ang pagsagot dahil kung hindi ay malilintikan talaga siya nang wala sa oras.
“H-ha? A-ano . . . wala naman akong sinasabing—” Hindi na natapos ni Reena ang sasabihin nang putulin iyon ni Maze.
“Ano? Ano’ng ibig mong sabihin? Sige nga. Tell me. Ang ganda ko kaya! Mas maganda pa nga ako kay Billie na pinag-aagawan ng Jeya boys,” mataray at proud pang sabi nito. Ang tinutukoy nito ay ang babaeng bida sa isang teleserye ng isang local TV station na pinag-aagawan ng apat na magkakaibigan. “Mas makinis at mas maganda kaya ako roon. Mas matangkad pa ako sa kaniya nang ’di hamak,” dagdag pa nito at tila ine-emphasize ang bawat description na ibinibigay sa sarili.
Awkward naman na napatawa si Reena. “O-oo nga. Iyon nga ang ibig kong sabihin, Maze. Perfect na perfect ka maging artista. Wala naman akong angal, eh!” natatawa pa ring pagsang-ayon na lang ni Reena. Mahirap nang kontrahin si Maze kapag nagmamaganda siya. May pagka-brutal din kasi ang babaeng iyon minsan. “Oo na. Mas maganda ka na kay Billie.” Nginitian niya pa ito nang ubod ng tamis.
“Oh, ba’t parang napipilitan ka lang?” mataray na tanong nito.
Agad namang umiling si Reena. “Ha? Ako? Napipilitan?” Itinuro pa niya ang sarili. “Hindi kaya! Guni-guni mo lang iyon, beshy!” nakangiting sabi pa niya pagkatapos. Mahirap na talagang ma-beastmode si Maze. May pagka-moody pa naman ito. “Ang ganda-ganda mo naman talaga, eh! Walang aangal. Dahil kung meron mang kokontra, lagot talaga sa akin.”
Maze smiled then flipped her hair. “Very good. Mabuti naman kung ganoon.”
***
MABILIS lumipas ang mga oras at ilang minuto na lang ay magsisimula na naman ang klase nila. Kanina pa nasa classroom sina Reena. Maaga silang pumapasok sa klaseng iyon dahil bawal daw ang ma-late. Kapag naunahan kasi sila ng professor nila na pumasok sa classroom ay automatic na absent na sila.
Nasa ikalawang taon na sina Reena sa kursong Business Administration. Magdadalawang taon na rin silang magkaibigan simula nang magkakilala sila noong unang araw ng pasukan sa kolehiyo. Magkatabi sila ng upuan noon at sa paglipas nga ng panahon ay natuklasan nilang magkasundo sila sa maraming bagay. Simula noon ay hindi na sila mapaghiwalay. Magkasama na sila sa lahat ng bagay. Pati nga sa pagka-Dean’s Lister ay magkasama sila. Friendship goals kumbaga.
Si Reena at Maze ay hindi kagaya ng mga tipikal na magaganda. They were more than just a pretty face. They also have the brains. Iyon din ang dahilan kaya sikat sila sa school at marami ang humahanga. And of course, natural din naman na may mga naiinis din sa kanila.
Dahil wala pa naman ang kanilang professor ay naging busy muna sila sa pag-i-scan ng notes. Minsan kasi ay bigla-biglang naiisipan ng professor nilang magpa-quiz. Kabilang sila sa mga taong naniniwala na dapat na sineseryoso ang pag-aaral. Because being in a school is a reason. Isa pa, academically speaking, ang college na ang huling shot nila para patunayan ang mga sarili nila before entering the real world.
“Buti na lang medyo gamay na natin ang Calculus, ’no? Pero sana huwag na muna magpa-quiz si Ma’am Calc.” Bumuntonghininga si Reena matapos sabihin iyon. Minsan kasi ay nagsasawa na rin talaga siya sa kaka-quiz nila tuwing klase nila roon. Love naman niya ang pag-aaral pero minsan talaga kapag tinotopak siya, ang tamad din talaga niya.
“Kaya nga, eh,” pagsang-ayon naman ni Maze na tumango-tango pa habang tutok pa rin ang mga mata sa notes. Maya-maya ay bigla itong natigilan at saka nilingon si Reena. “Teka, anong Ma’am Calc? Ma’am Gina Rosales ang pangalan ng professor natin. Grabe ka talaga! Hindi mo alam ang pangalan ng professor natin?” natatawang puna nito.
Napaawang naman ang bibig ni Reena na nilingon din si Maze. Umiling siya rito nang ilang beses. “Huy! Hindi, alam ko kaya na iyon ang pangalan niya! Hmm . . . Mas madali lang kasi talagang bigkasin ang salitang ‘Calc’ kaysa sa apelyido niya, ’no,” pangangatwiran pa nito kahit na ang totoo ay may pagkamakakalimutin talaga siya sa pangalan kaya sa nakaugalian niya nang bansagan ang mga professor ayon sa subject ng mga ito.
“Sus! Huwag nga ako, Reena! Magpapalusot ka pa!” pang-aasar pa uli ni Maze na tawa pa rin nang tawa habang napapailing.
“Ewan ko sa iyo!” may halong inis namang sabi naman ni Reena saka sinimangutan ang kaniyang kaibigan. Napikon na siya dahil mukhang wala itong balak na tigilan siya. Akmang tatayo na si Reena at inilapag ang hawak na notebook sa desk.
“Oy, joke lang! Grabe naman ’to. Saan ka pupunta?” pag-awat ni Maze dito na hinawakan pa ang braso ng kaibigan.
“Heh! Hindi tayo bati!” paismid na sabi nito saka naglakad na nang padabog papunta sa pintuan. May pagkamatampuhin din talaga si Reena madalas.
Agad na napatingin si Maze sa wall clock na nakasabit sa bandang itaas ng pisara sa harapan. “Reena! Wait lang! Limang minuto na lang magsisimula na ang klase! Hoy! Malapit na ang time. Baka ma-absent ka!” pahabol pa na sigaw niya para pigilan ito.
Nilingon lang siya ni Reena at saka inirapan. Pagkatapos noon ay tumalikod na uli ito para ituloy ang paglabas sa classroom. Gusto talaga nitong mag-inarte sa mga oras na iyon. Alam naman niyang malapit na ang time. Kaya lang . . . bigla rin kasi siyang naihi kaya naisipan na rin niyang pumunta sa CR. Pero bago pa man siya tuluyang makalabas ay isang lalaki ang nakabanggaan ni Reena.
“Ouch!” daing niya at napapikit pa sa sobrang sakit at nakaramdam ng bahagyang pagkahilo.
Mabuti na lamang ay naagapan siyang hawakan ng lalaking nakabangga niya kaya hindi siya natumba nang mawalan siya ng balanse. Hindi na rin alintana ni Reena ang kantiyaw ng mga kaklase niya dahil sa pangyayaring iyon. Napahawak siya sa mukhang tumama sa matipunong dibdib ng lalaki. Sobrang sakit talaga niyon.
“I’m sorry. Okay ka lang ba, miss?” sambit ng lalaki na may halo ng pag-aalala. Nakaalalay pa rin ito sa kaniya habang pinagmamasdan siya at tila sinusuri kung saan pa siya posibleng nasaktan.
‘Ikaw kaya ang mauntog sa pader? Maging okay ka lang kaya?’ Gusto sana iyong itanong ni Reena ngunit hindi na niya iyon nagawang isatinig dahil sa sobrang pagkahilo. Nanatili pa rin siyang nakapikit kaya hindi niya masulyapan ang lalaking nakabangga.
Pero hindi rin nakaligtas kay Reena ang husky na boses ng lalaki na tila naging sanhi ng kakaibang kilabot sa sistema niya. She finds it so sexy. At dahil nga hawak pa rin siya nito ay nasasamyo niya ang mabangong panlalaking amoy nito. She can’t stop herself to imagine a very hot guy. Kagaya ng mga modelo na madalas niyang mapanood sa mga fashion channels. Pati na rin ng mga actor na napapanood niya sa action movies o Kdrama.
“Hey, miss . . .” muling sambit ng lalaki na titig na titig pa rin ngayon sa kaniya. Nagsisimula nang madagdagan ang pag-aalalang nararamdaman nito sa pagkakataong iyon.
“Bessy, ano na ba ang nangyayari sa iyo?” sabi naman ni Maze na may halo rin ng pag-aalala.
Bumalik sa huwisyo si Reena nang marinig ang bestfriend niya na ngayon ay nakaalalay na rin sa kaniya. Umatras siya at kumapit kay Maze. Tila unti-unting naibabalik ang isip niya sa tunay na sitwasyon. Inihanda niya ang sarili para awayin ang lalaki. Kung bakit ba naman bigla na lang siyang nabangga nito.
She prepared her fiercest look . . . ending up to be astonished upon seeing the face of the guy in front of her.
“I-ikaw?!” nauutal na sambit ni Reena. Natutop pa niya ang kaniyang bibig sa sobrang gulat.
“Excuse me, miss? Do we know each other?” nagtatakang tanong naman ng lalaki. Nakakunot ang noo nito at mataman siyang tinitigan. Tila sinusuri ang kaniyang mukha at inaalala kung saan nga ba sila nito maaaring nagkita.
“Reena, sino siya?” nagtatakang tanong naman ni Maze na nasa tabi pa rin niya. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kaibigan at sa lalaki. “Reena . . .” muling pagtawag niya rito nang tila hindi siya nito narinig. Pero parang wala sa sarili si Reena na nakatitig lamang sa lalaki.
Ilang sandali pa ang lumipas bago ito muling magsalita. Halo-halo ang emosyong mababakas sa kaniyang mga mata. Mayroon iyong pagkalito, saya, at pagkasabik na mas lalong ipinagtaka ng lahat.
“Y-you’re here . . . You’re really real,” nakangiting sambit ni Reena bago mawalan ng malay. Akmang hahawakan pa nga nito ang mukha ng binata na hindi niya na nagawa.