Tumigil sila sa pinakasikat na sinehan sa Tierra del Sol. Sabado ngayon pero kataka-takang walang tao sa loob. Nang makapasok sila ay dumiretso na si Keith sa cashier.
“Anong gusto mong panoorin?” Tanong nito sa kanya.
“Ikaw ang bahala,” aniya.
Tumango naman si Keith. Tinitingnan niya ang paligid ngunit wala talaga siyang makitang kahit isang tao. Nakakapagtaka.
“Tara na sa loob?” Yakag naman ni Keith.
Tumango naman siya saka sila lumulan papasok ng sinehan. Nang makapasok ay dumiretso sila sa gitna.
“Parang walang tao ngayon,” aniya.
“I rented the whole cinema,” proud na sabi ni Keith.
“H-Ha?!” Hindi niya mapigilan na hindi mapasigaw sa tinuran nito.
“Bakit? May problema ba?” Nagtatakang tanong naman ni Keith.
Hinampas naman niya ang braso nito. “Anong pumasok sa isipan mo at nirentahan mo ‘to? Nagsasayang ka ba ng pera, ha? Hindi porket mayaman kayo ay magsasayang ka na ng gano’n kalaking pera!”
“Teka, teka, aray, aray ko, Kalista! Ano ba, Kalista?” Pagpigil naman nito sa kanya.
“Sira ba ang ulo mo, ha?” Sigaw niyang muli rito.
Hinawakan ni Keith ang kanyang kamay saka iyon ibinaba.
“Kumalma ka naman muna,”
Pinagkrus niya ang braso saka sumandal sa upuan.
“Galit ka ba?” Masuyong tanong ni Keith.
Tiningnan niya ito saka inirapan.
“Gusto ko kasing ma-solo ka,” anito saka tumikhim at nag-iwas ng tingin.
“Ma-Masolo?”
“Ehem, O-Oo,” tila nahihiyang sagot naman ni Keith.
Nag-init naman ang kaniyang pisngi. Hindi siya makatingin rito ng diretso. Mabuti na lamang at magsisimula na ang sine kaya naman hindi na siya nagsalita at nag-focus na lang sa pinapanood.
Habang abala sa panonood ay kumukuha siya ng popcorn nang hindi sinasadyang magkasabay silang kumuha ni Keith. Nagdampi ang kanilang kamay kaya naman natigilan siya at agad na binawi ang kaniyang kamay.
Ramdam niya ang malakas na pagtibok ng kaniyang puso. Para bang anumang sandali ay lalabas na iyon sa pagiging histerikal.
Ano bang nangyayari sa kanya? Maging ang pisngi niya ay nag-iinit.
Hindi na siya nakapag-focus sa pinapanood nila. Panaka-naka niyang sinusulyapan si Keith na abala sa panonood.
Para silang nasa isang date.
Napailing naman siya sa naisip. Nagpapasama lang itong manood at hindi ito date.
Namalayan niya na lang na tapos ang palabas at bumukas na ang ilaw sa sinehan. Wala man lang siyang naintindihan sa palabas na pinanood nila.
“Saan mo gustong kumain? Nagugutom na ako. Tanghalian na pala,” pag-aya nito.
“Ikaw ang bahala,” aniya.
Naningkit ang mata ni Keith saka ito yumuko upang magpantay silang dalawa.
“Boring ba akong kasama? Para kasing napipilitan ka lang,” anito na parang naghihinanakit.
Agad naman siyang umiling.
“H-Hindi ah,” pagtanggi niya.
“Sige, ako na ang bahala kung saan tayo kakain,” nakangiting sabi nito.
~~~~***~~~
Halos mapanganga siya sa presyo ng mga pagkain. Dito lang naman siya dinala ni Keith sa Paprika! Sikat ang kainan na ito dito, dahil ito ang kauna-unahang fine dining sa Tierra del Sol. Sikat daw ito sa Maynila at maraming branches roon. Dahil maraming turista rin ang nagpupunta dito sa Tierra ay nag-expand na sila hanggang dito. Kitang-kita ang dagat rito. Napakaganda ng pwesto nila dahil sa view.
“What do you want?” Tanong ni Keith habang abala sa pagtingin sa Menu.
Siya naman ay pabuklat-buklat sa pahina at naghahanap ng pinakamura ngunit kahit kanin sa kanila ay tumataginting na isangdaang piso!
“T-Tubig na lang siguro ako,”
Kumunot naman ang noo ni Keith.
“Isang aglio olio, isang carbonara, isang mango juice, at isang iced caramel macchiato.” Sabi nito sa waiter. Agad naman tumango ang waiter saka sila iniwan.
Sinundan niya ng tingin ang waiter at nang mawala sa paningin ay saka siya bumulong kay Keith.
“Bakit naman dito pa tayo kumain? Ang mahal!” Mahinang bulong niya rito.
Tumawa naman si Keith saka sumandal sa upuan niya.
“I can pay. Don’t worry,” mayabang na sabi nito.
Gusto niyang konyatan ang binata dahil sa pagsasayang nito ng pera. Kung alam niyang dito siya dadalhin ni Keith ay hinila na lamang niya ito sa karinderya.
Ngunit hindi naman ito kumakain sa karinderya.
“Thank you, Kalista.” Biglang sabi nito.
Siya naman ay nagtaka sa biglang pagpapasalamat nito.
“Thank you saan?”
“Sa pagsama mo sa ‘kin ngayong araw,”
“Wala rin naman akong gagawin,”
“Puwede ba na maglakad muna tayo sa labas bago kumain? Mayamaya pa naman siguro ‘yon darating,” aya ni Keith sa kaniya.
Sabay silang tumayo at lumabas. Agad naman humampas sa kaniyang balat ang malamig na simoy ng hanging dagat. Malakas ang alon ngayon at rinig na rinig niya ang paghampas noon.
May mangilan-ngilan na kumakain sa labas at halos mga foreigner iyon. Wala silang imikan ni Keith habang naglalakad.
“Keith?”
Napatingin naman siya sa babaeng nasa harapan nila. Magkasing tangkad sila ng babae ngunit maputi ito at may magandang kutis, chinita at may mahabang kulay tsokolateng buhok na umaalin tuwing nahahanginan.
“Tosca?” Si Keith naman ang nagsalita.
Agad na tinakbo ng babae ang distansya nilang dalawa ni Keith saka ito niyakap.
“It’s been years! How are you?” Galak na galak na tanong ng babae.
Bumitiw naman agad sila sa yakap ng isa’t isa.
“I’m doing fine, you see.” Tila nagmamayabang na wika ni Keith habang umikot pa sa harapan bg babaeng tinawag niyang Tosca.
“Ohh, still the conceited Zion Keith. I missed you! Can we hang out? Where are my boys? Kael and Caius? I missed them so much,”
“They’re—-“
“Who is she?” Turo sa kaniya ng babae.
“Ah, ano,” hindi niya malaman ang itutugon.
“She’s a friend,” si Keith naman ang sumagot.
Nagkunwari siyang tumawa. Ang awkward sa totoo lang.
“I see. Hmm, may ibang babaeng kaibigan ka na, ha?” Tudyo ng babae kay Keith saka ito mahinang binangga sa braso.
Tinapunan naman siya ng tingin nito saka ineksamina mula ulo hanggang paa. Bigla ay parang nanliit siya sa paraan nito ng pagtitig. Lalo na sa kaniyang kasuotan. Malayong-malayo sa itsura ng babae sa kaniyang harapan. Halatang anak mayaman ito, sa paraan pa lamang ng pananamit ay talo na siya. Nakita niya kung gaano kaganda ang mga daliri nito na halatang hindi pa nakakatikim ng kahit anong gawaing bahay. Malamang ay mayroon itong mga katulong na gumagawa noon para sa kaniya.
“Sige, mauna na ako.” Paalam niya sa dalawa.
Tumalikod na siya ngunit hinawakan ni Keith ang braso niya.
“Wait,” pagpigil nito sa kaniya.
Muli niyang sinulyapan ang babae na halatang nagtataka.
“Is she your girlfriend?” Nakangiti pa rin na wika nito ngunit halatang may pang-aasar sa boses.
“Hindi, magkaibigan lang talaga kami,” siya na ang sumagot.
Ngumiti ang babae saka kinuha ang braso ni Keith at sumandal sa balikat nito.
“Good, anyway, I’m Tosca Adrianna Fortalejo, from the Fortalejo clan in La Fortunata. The youngest daughter of Eduardo Castanueva Fortalejo, Zion Keith’s fiancè,” pakilala nito.
Umawang ang labi niya. Fiancè?
Inilahad nito ang napakaganda nitong kamay na may ilang singsing na alam niyang mamahalin na nakasuot sa mga daliri nito.
Hindi niya malaman kung aabutin ba iyon o hindi. Ngunit ibinaba ni Keith ang kamay ni Tosca saka ito humarang sa harapan niya.
“Tosca,” tawag niya sa pangalan nito.
“Kidding!” Bumulanghit ito ng tawa saka siya tiningnan.
“Pasensya ka na, may sira kasi ang tuktok ng isang ‘to,” hinging paumanhin naman ni Keith.
“We’re not engaged. But we are getting there,” muling sumeryoso ang boses nito.
Hinila na siya ni Keith papasok muli sa restaurant at umupo sa kanilang upuan. Naroon na rin ang pagkain nila.
“May fiancè ka pala,” untag niya rito.
Kumamot naman sa batok si Keith.
“Gawa-gawaan lang ‘yon ng matatanda. Alam mo na, business merging tactics,”
Kumuyom ang kaniyang palad.
“Kung ganoon hindi ka dapat sumasama kung kani-kaninong babae kasi may fiance ka na,”
Shocks, para siyang nagseselos na girlfriend.
“H-ha?”
Hindi na siya nagsalita. Tumayo na siya saka mabilis na tumakbo palabas ng restaurant. Agad naman siyang sinundan ni Keith.
Nang makalabas sila ay naabutan siya nito.
“Teka, anong problema Kalista?”
“Keith?”
Isang matandang babae at lalaki ang nasa harapan nila ngayon. Sumisigaw ng karangyaan ang suot ng mga ito. Hindi dahil sa mga mamahaling alahas na nakapulupot sa leeg at mga daliri ng dalwa kundi halata mo pa lang sa aura nila ang pagiging sopistikada at elegante.
“Mama, Papa?” Tila nagulat si Keith sa nakita.
Agad na lumapit ang matandang babae sa kanilang dalawa. Tinapunan siya ng tingin nito na para bang nanunuot sa kaniyang buong pagkatao ang mga mata nito.
“Who are you?” Mataray na tanong nito.
“Tosca is here, and you’re with a girl? Paano kung makita ka ng pamilya ni Tosca!” Ang matandang lalaki naman ang nagsalita.
“Kailan pa kayo umuwi?” Nagtatakang tanong ni Keith.
“We just landed. At dumiretso kami rito para kitain ang pamilya ng mga Fortalejo para pag-usapan ang engagement ninyo. And yet you’re here causing trouble with this woman!” Sigaw naman ng mama nito.
“P-Pasensya na po,” hinging paumanhin niya sa mga ito.
Tinanggal niya ang kamay ni Keith na nakahawak sa kaniya saka mabilsi na tumakbo palayo. Tinawag siya ni Keith pero hindi na niya ito nilingon.
Hindi niya namalayan na may luhang naglalandas na sa kaniyang pisngi.
Masyado na ata siyang nahihibang na para isiping nagugustuhan na siya ni Keith. Gayong may ibang babae na palang nakatakda para sa binata.