“Class dismissed.”
Isa-isang nag-ayos ng mga gamit ang mga kaklase niya. Habang ang ilan ay lumabas na. Siniko naman siya ni Joy saka ngumuso patungo sa pintuan ng kanilang classroom.
“Mukhang kanina ka pa hinihintay,” anang kaibigan habang abala rin sa pag-aayos ng gamit.
Isinukbit niya ang backpack saka naglakad na. Sumunod naman si Joy sa kaniya. Nang dumako sa pintuan ay hindi niya pinansin si Keith. Agad naman itong sumunod sa kaniya.
“Galit ka ba sa ‘kin, Kalista?” Nanunuyong boses ni Keith.
Patuloy lamang siya sa paglalakad na parang walang naririnig.
“Kalista?” Tawag nito sa pangalan niya.
Ngunit nagpatuloy lamang siya sa paglalakad. Mas binilisan niya pa ang paglalakad. Pero dahil matangkad si Keith ay madali siyang naabutan nito.
Hinawakan nito ang braso niya kaya naman tumigil siya. Binigyan niya ng blangkong tingin si Keith.
“Wala naman akong dapat ikagalit,” aniya.
“Bakit hindi mo ako pinapansin?” Nagtatampong tanong naman ni Keith.
Huminga siya nang malalim saka ito tiningnan.
“Pagod lang ako, puwede bang huwag mo muna akong kausapin?”
Bumitiw si Keith sa pagkakahawak sa kaniya kaya naman naglakad na siyang muli. Sakto naman ang pagdaan ng tricyle kaya agad niya iyong pinara. Ngunit bago pa man makaalis ang tricycle ay sumakay na agad si Keith sa tabi niya.
Nanlaki naman ang mata niya. Lalo at biglang umandar ang tricyle saka lumulan paalis.
“Bayad, Kuya.” Nag-abot ito ng limang daan kaya mas lalong nanlaki ang mata niya.
“Wala akong panukli, hijo. Bente lang ang pamasahe,” anang driver.
“Keep the change na, Kuya.” Ani Keith na parang wala lang dito.
“Ano ka ba?!” Singhal niya rito.
Nakayuko ito dahil masyado itong matangkad at may kaliitan ang tricycle ni manong.
“Bakit? Gusto kong masigurado na ligtas kang makakauwi. Ihahatid sana kita pero bigla ka naman sumakay,” paliwanag ni Keith.
Nasapo niya ang noo.
“At paano ka babalik?” Tanong niya.
“Ako na ang bahala ro’n. Puwede naman akong magpasundo kay Kael o Caius. Ang mahalaga ay naihatid kita,”
Napapaspas ng hangin ang buhok ni Keith. Dahil medyo maliit ang tricycle ay nagsisiksikan sila sa tricycle. Naaninag niya ang mukha ng binata. Makinis iyon at halatang alagang-alaga. Parang wala itong pores o blackheads man lang. Sabagay ay marami itong pambili ng pang skincare kaya naman hindi nakakapagtakang kayang-kaya nitong alagaan ang sarili. Katulad ng sabi ng iba ay hindi maiitanggi ang kagwapuhan ng binata.
Tumigil ang tricycle. Naunang bumaba si Keith, inilahad naman nito ang kamay upang alalayan siyang makababa ngunit hindi na niya iyon inabot dahil kaya naman niya ang sarili niya.
Nasa may kanto lang sila ng kanilang bahay. Nagpasalamat pa ang driver ng tricycle kay Keith. Makakauwi na raw ito dahil malaki na ang kinita nito.
“Dito na lang. Kaya ko naman maglakad hanggang sa amin,”
Ngunit parang walang narinig si Keith dahil nauna pa itong maglakad sa kaniya.
“Keith?” Tawag niya rito.
Nilingon naman siya nito.
“Hmm?” Nakangiting sagot nito.
“Umuwi ka na, kaya ko naman umuwing mag-isa,” aniya.
“Dumidilim na. Paano kita hahayaang mag-isa sa daan? Delikado ngayon baka mapano ka pa,” puno ng pag-alalang wika nito.
Hinawakan naman niya ang braso nito.
“May gagawin ka ba bukas?” Biglang tanong nito.
“B-Bukas? Bakit?”
“Puwede mo ba akong samahan manood ng sine?” Nag-iwas ito ng tingin saka kinamot ang batok.
Nanatili pa rin siyang nakahawak sa braso nito. Balak niya sanang maghanap ng trabaho ulit bukas dahil wala siyang pasok. Pero malaki ang utang na loob niya kay Keith kaya naman pupuwede naman niyang ipagpaliban muna iyon.
“Sige,”
Nagliwanag ang mga mata ni Keith saka nagtaton at sumigaw.
“Susunduin kita bukas alas dyis ng umaga,” galak na galak nitong sabi.
Tumango naman siya saka sila sabay na naglakad na dalawa hanggang makarating sa bahay niya.
“Salamat sa paghatid,” aniya.
Ngumiti naman si Keith. “Wala ‘yon.”
“Sige na. Magpasundo ka na.”
“Basta bukas ha?” Muling paalala nito.
Tumango naman siya ulit.
“Aalis na ako kapag nakapasok ka na,” wika nito.
“I-Ingat ka pauwi,” paalala niya rito.
Sumaludo naman si Keith saka siya sinenyasan na pumasok na sa kanilang bahay. Kumaway pa siya rito para magpaalam bago tuluyang pumasok sa bahay. Sinilip naman niya ito sa bintana. Nagsimula na itong maglakad palayo sa kanila.
Napahawak naman siya sa kaniyang dibdib na ngayon ay napakalakas ng t***k. Sinabunutan niya ang sarili. Masyado na ata siyang nadadala sa mga pinapakita ni Keith.
Kinabukasan ay nagising siya nang alas otso. Naabutan niya si Ilyana na paalis na. May gagawin raw iyong project at gagabihin. Siya naman ay nagtimpla na ng kape.
Nagtungo siyang muli sa kaniyang kwarto upang tingnan ang kaniyang mga damit. Halos lahat iyon ay T-shirt at pantalon lamang. Wala man lang siyang maayos na damit. Nakakahiya naman tumabi kay Keith kung gusgusin ang itsura niya.
Ginulo niya ang buhok dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siyang maayos na damit.
“Bakit ba masyado akong nag-aalala? Hindi naman ito date.” Mahina niyang kinatok ang kaniyang noo.
Nang maubos ang iniinom na kape ay naligo na siya.
Alas nuebe na.
Dahil wala talaga siyang mapili ay isinuot na lamang niya kung ano ang mayroon siya. Hindi naman iyon date. Bakit kailangan niya pang mag-ayos?
Pantalon at croptop ang isinuot niya. Pinartneran niya iyon ng kaniyang puting sapatos na kinudkod niyang maigi kagabi para naman magmukhang bago.
Saktong alas dyis ay nasa labas na si Keith ng bahay nila. Sakay ito sa kaniyang mamahaling motorsiklo. Inabot ni Keith ang kulay pink na helmet sa kaniya. Agad naman siyang sumakay sa likuran nito.
“Kapit kang maigi,” paalala nito.
Kumapit naman siya sa balikat nito. Hinawakan ni Keith ang kaniyang kamay saka iyon dinala sa baywang nito.
“Dito ang kapit.” Pagtatama nito.
Kumalabog na naman ang kaniyang dibdib.
“Baka kasi mahulog ka, sige ka. Ikaw rin.” Anito na parang may ibang ibig sabihin pero ipinagsawalang bahala na lamang niya iyon.
Pinaandar ni Keith ang motorsiklo nito saka nagsimulang mag-drive.
Kakaiba ang pakiramdam niya sa tuwing kasama si Keith. Parang nagiging masaya ang puso niya kasabay pa noon ang mga paru-parong parang naglalaro sa kaniyang tiyan.
Ito na ba ang tinatawag nilang pag-ibig?