Kabanata 6

2396 Words
Parang panaginip lamang ang lahat para kay Kalista. Hindi magkamayaw ang luhang naglalandas sa kaniyang mga mata. Wala na ang kaniyang ina, ang tatay naman niya ay nakakulong. Malabo pa itong makalabas dahil kailangan ng piyansa. Isa pa, mas mabuting nasa loob ito kaysa naman makasama pa nila. Hindi rin nila naisipan na dalawin ito, kundi dahil sa kanilang ama ay buhay pa sana ang kaniyang ina. Hinaplos niya ang salamin ng kabaong ng ina. Hinfi pa rin siya makapaniwala. "Ate, magpahinga ka muna. Ako muna diyan," wika ni Ily. Hinawakan nito ang kaniyang kamay saka pinisil ang kanyang palad. "Huwag kang mag-alala, Ate. Kaya natin 'to. Maghahanap ako ng part time para kahit paano makatulong sa bayarin natin sa bahay. Magtutulungan tayong dalawa," Mas lalo siyang naiyak sa sinabi ng kapatid. Napakabata pa ni Ilyana para sa mga ganitong bagay. Pero wala naman siyang magagawa, hindi sila mayaman. At kung may gusto sila ay kailangan nilang paghirapan. "Hey," Pumasok si Keith kasama si Caius at Kael saka ang isang lalaki na hindi pamilyar sa kaniya. "Condolence," magkapanabay na sabi ni Caius at Kael. Tumango naman siya sa dalawa. Umupo ang mga ito sa upuan na nakahanay sa tapat ng kabaong ng ina. Umupo naman siya sa katabi ni Keith habang si Ilyana ang pumalit sa pwesto niya kanina. "Are you okay?" halata ang pag-aalala sa boses ni Keith. "Natulog ka na ba? You look like a freakin panda," pagbibiro pa nito. "Hindi ako makatulog," Ihinilig ni Keith ang kaniyang ulo sa balikat nito saka hinaplos ang buhok niya nang banayad. "You should sleep." anito habang patuloy pa rin ang paghaplos sa kaniyang buhok. Unti-unti siyang pumikit saka ipinahinga ang isip. Naamoy niya ang mamahaling pabango ng binata. Tahimik rin naman ang mga kaibigan nito. Padalawang araw nang nakaburol ng kaniyang ina at kinabukasan ay ililibing na ito. Dito lamang nakaburol ang labi nito sa kanilang bahay. Parang magic ang haplos ni Keith dahil hindi na niya namalayan na dinalaw na pala siya ng antok. Nang magising si Kalista ay nakahiga na siya sa kama. Madilim na rin sa labas. Agad siyang tumayo at lumabas ng kaniyang silid. Naabutan naman niya si Keith at Ilyana na nagbibigay ng juice at tinapay sa mga bisita. Nang makita siya ni Keith ay agad itong lumapit sa kaniya. "You want some? Are you hungry?" sunod - sunod na tanong nito. Umiling naman siya saka inagawa ang hawak nitong tray. "Anong ginagawa mo? Baka mamaya may makakita sa `yo," mahinang sabi niya rito. Kumunot naman ang noo ni Keith. "Anong masama?" Huminga siya ng malalim saka hinila ang binata patungo sa kusina. Pinagtitinginan na kasi sila ng ibang mga bisita. Mga chismosa pa naman ang ilan sa mga kapitbahay nila. "Paano kung makarating `to sa pamilya mo? Baka mamaya kung anong isipin nila," aniya. "They don't care about me, actually." "Pero Keith, hindi mo rin naman dapat ginagawa `to." "Pero gusto ko." he insisted. "Gusto ko ang ginagawa ko, Kalista. Hindi ako marunong mag-comfort ng tao kapag malungkot siya. Matti, told me that I should be there when that person was sad. That my presence will be enough, even without comforting words. And also Matti, told me there's another thing that I should do to ease someone's sadness." "Ano naman?" kuryoso niyang tanong. Humakbang ito palapit sa kaniya saka siya ginawaran ng yakap. Kalista stiffened. Para siyang naestatwa sa kinatatayuan niya. Walang salitang namutawi sa kaniyang bibig. Lumakas rin ang t***k ng kaniyang puso na hindi niya mawari kung ramdam ba ito ni Keith dahil sa pagkakayakap nito sa kaniya. "Hug," sabi nito nang nakangiti. Hindi niya alam kung nabawasan ba ang lungkot na nararamdaman niya. Ngunit nagbigay iyon ng kakaibang pakiramdam sa kaniya na siyang naging tanong naman sa kaniyang isipan. "Nandito ka lang palang bakla ka! Kanina pa kita hinahanap!" humahangos na wika ni Joy. Palipat-lipat ang tingin ni Joy sa kanilang dalawa. Si Keith ay nakangiti pa rin habang siya naman ay hindi maintindihan ang magiging reaksyon. "Gusto ko ng juice bakla naman! Wala ng juice sa labas. Akin na nga `tong tray. Saka na kayo maglandian kapag nailibing na si Mother!" tila nang - aasar pa nitong sabi bago kumuha ng tray na may laman na juice at lumulan palabas ng kusina. "She's happy and living without pain wherever she is." Lumingon siya kay Keith na ngayon ay seryoso na ang mukha. "I may not be able to meet your mother but I can see that she's a good mother. Wala akong ibang narinig kanina kung hindi ang salitang sayang. And they are telling me that you're mother really did a great job raising both of you. Sabi nga nila kapag daw mabait, maagang kinukuha ni Lord." "Salamat Keith. Maraming maraming salamat dahil nandito ka," lumapit siya saka niyakap ang binata. Kakaiba ang pakiramdam. Para bang kapag gumagaan ang lahat sa isang simpleng yakap. Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Mangilan-ngilan rin ang dumadalaw sa kaniyang ina. Mamaya ay dadalhin na ito sa simbahan upang misahan saka sila didiretso sa sementeryo upang ilibing na ito. Si Ilyana ay naabutan niyang nagbibilang ng abuloy na nakalagay sa ibabaw ng kabaong ng ina habang umiiyak. "Ate, pakiramdam ko nananaginip pa rin ako. Parang hindi ko matanggap na wala na si Nanay," umiiyak ito saka siya niyakap. Hinahagod naman niya ang likod nito. "Ang laki ng perang nakalap natin. Pero wala naman na si Nanay," Hinaplos niya ang buhok ng kaniyang kapatid. Naawa siya rito. Napakabata pa nito para mawalan ng ina. Napakabata pa nila. Huminga siya nang malalim saka nagsalita. “Huwag kang mag-alala. Hindi ka pababayaan ni Ate. Kahit tayong dalawa na lang makakaya natin ‘to basta magkasama tayo,” nakangiting wika niya sa kapatid. Pinahid ni Ilyana ang luha nito. Hindi niya alam ang gagawin sa totoo lang. Wala na ang kaisa-isang taong nagagabay sa kanilang magkapatid. Hindi niya alam kung paano niya kakayanin pero kailangan niyang kayanin dahil may isang taong nangangailangan sa kaniya. Hindi na niya pinag-aksayahan pang isipin ang ama dahil wala naman itong mabuting naidulot sa pamilya nila. At hinding-hindi niya ito mapapatawad sa ginawa nito sa kaniyang ina. Kung hindi sana nito palaging binubugbog ang ina ay marahil kasama pa nila ito hanggang sa ngayon. Tiningnan niyang muli si Ilyana habang abala sa pagbibilang ng abuloy at panaka-nakang nagpupunas ng luha. Hindi siya pupuwedeng maging mahina dahil may isang taong kailangan niyang protektahan. Walang lugar upang maging mahina siya. Nang sumapit ang ala una ay dumating na ang karo na maghahatid sa kanila sa simbahan. Kasunod naman noon ay ang kotse ni Keith. Bumaba ito kasama ang mga kaibigan nito at ang pinsan nitong si Mattino. Isa-isang niligpit ng mga staff ng punerarya ang mga gamit at ipinasok sa L300 nilang dala. Pahuling inilabas ang kabaong ng kaniyang ina. Nagpatulong ang ilang mga staff upang mabuhat ang kabaong. Nagpresinta naman agad si Keith kasama si Caius at Kael. Iyak ng iyak si Ilyana habang binabaybay nila ang daan patungo sa simbahan. Maging siya ay walang pagsidlan ang luha. Nang makarating sila sa simbahan ay nagsimula na rin misahan ang kaniyang ina. Parang ilang milyong kutsilyo ang tinatarak sa puso niya habang nakatingin sa kabaong ng ina. Hindi man lang siya nito makikitang makapagtapos—-silang magkapatid. Nang matapos ang misa ay nagsimula na silang maglakad patungo sa sementeryo. “Here,” nagulat siya nang abutan siya ni Keith ng panyo. Kumunot naman ang noo niya. May kalayuan ang simbahan sa sementeryo. Ngunit katulad niya at nang ilang nakikilibing ay naglalakad rin ito. Binuksan nito ang itim na payong upang hindi siya mainitan. Nang hindi niya agad tanggapin ang panyo ay pinunasan nito ang kaniyang pisngi na puno ng luha. Agad naman siyang tumalima saka kinuha ang panyo sa kamay nito at siya ang nagpunas sa sariling luha. Tahimik lamang silang naglalakad hanggang makarating sa sementeryo. Binuksan ang kabaong at saka sila nagmanong magkapatid. Matapos iyon ay isinara na kaagad at saka dahan-dahang inilagak ang kabaong sa ilalim ng lupa. Mas lalo siyang napaiyak dahil mayamaya pag-uwi nila ay wala na talaga ang kaniyang ina. Ang katotohanang sila na lamang magkapatid ay parang unti-unti nang nagiging klaro sa kaniyang isipan. *~~~* Isang linggo ang mabilis na lumipas mula nang mailibing ang kaniyang ina. Isang linggo na rin siyang hindi nakakapasok. Abala siya sa paghahanap ng trabaho dahil kailangan niyang bayaran ang balance nila sa punerarya. Sa asta niyang ito ay baka pati scholarship niya ay mawala na rin sa kanya. Pero mas kailangan niyang unahin ang dapat unahin. Kanina pa siya palakad-lakad habang bitbit ang resume niya. Hindi na niya mabilang ang dami ng kaniyang inapplyan ngunit palaging sabi ay tatawagan na lamang siya. Tinitipid niya ang perang mayroon siya dahil kailangan nila ng pang-gastos sa bahay. Tinitiis na lamang niya ang gutom, upang maibsan ang gutom ay umiinom na lamang siya ng tubig at kumakain ng dala niyang biscuit. Araw araw siyang sumusuong sa init. Ngunit araw araw rin siyang bigo. Wala pa ni isang tumatawag sa kanya. Sa gabi ay ume-extra pa rin siya sa paresan para kahit paano ay may kitain siya. Pagkalabas niya ng alas singko ng umaga ay matutulog lamang siya ng dalawang oras at saka muling maghahanap ng trabaho. Iyon ang naging routine niya sa loob ng isang linggong lumipas. Alas dose na at kumakalam na ang sikmura niya. Minabuti niya munang umupo sa park upang kainin ang kaniyang baon na tinapay. Ilang beses na siyang tinatawagan ni Joy dahil sa hindi niya pagpasok. Ngunit hindi niya iyon sinasagot. Nagpupunta rin daw ito sa bahay nila ngunit hindi naman siya naabutan dahil palagi naman siyang wala. Maging si Keith ay tinatawagan rin siya. Ngunit hindi niya pa rin ito nakakausap. Inilabas niya ang ginawa niyang sandwich kaninang umaga. Nang akmang kakagatin niya ay may isang batang paslit na lumapit sa kanya. Marumi ito at payat. “Ate, puwedeng pahingi?” Tiningnan niya ang nakalahad nitong palad sa harapan niya. Nanginginig na iyon, marahil ay dahil sa kagutuman. “Sige na, Ate. Kahapon pa kami hindi kumakain ng nanay ko. May sakit po kasi siya kailangan niyang makakain baka po puwedeng sa akin na lang,” magalang ngunit mangiyak-ngiyak na sabi ng bata. Ngumiti naman siya rito saka muling binalot ang sandwich bago inabot sa bata. Kita niya ang galak sa mukha nito. “Maraming Salamat po, Ate!” Tuwang-tuwang sabi nito. “Iisa lang ‘yan. Paano ka kakain kung ibibigay mo ‘yan sa nanay mo?” Tanong niya rito. “Okay lang po ako, ang mahalaga ay makakain po ang nanay ko,” nakangiti pa rin wika ng bata. Tumayo siya saka luminga-linga sa paligid. “Sige, ganito na lang. Sumama ka sa ‘kin at ibibili ko kayo ng pagkain. Para pati ikaw at makakain,” “T-Talaga po?” Tila hindi makapaniwalang sagot nito sa kanya. Tumango naman siya saka inilahad ang kamay rito. “Tara?” “Marumi po ang ka—“ Agad niyang kinuha ang kamay nito saka hinawakan. Dinala niya ito sa malapit na kainan sa park. “Pumili ka diyan ng gusto mo at ako na ang bahalang magbayad,” aniya. “P-Po? Nakakahiya naman po. Ayos na po ako sa tinapay na bigay ninyo,” “Sige, ako na lang ang pipili.” Ngumuso naman siya rito. Lumapit ang babaeng tindera sa kanila. “Aba Kiko, kamusta ang nanay mo? Magaling na ba?” Tanong rito ng tindera. Kung gano’n ay Kiko ang kaniyang pangalan. Umiling naman ito. “Ate, pabili nga po ako ng isang order ng kare-kare, adobo sa gata na manok at itong friedn chicken ninyo saka apat na kanin,” Tumango naman ang tindera saka nagsalin ng pagkain na kaniyang binili. Hinarap niyang muli si Kiko. “May gamot na ba ang nanay mo? Ano bang sakit niya?” Tanong niya rito. “Nilalagnat po siya at hindi makabangon kaya hindi po siya makapasok sa paglalabada niya.” Parang lalong lumambot ang puso niya sa bata. “Sige, puwede ba kitang samahan?” “Opo, sige po. Para makita po ni Nanay kung sino ang nagbigay po ng pagkain,” Matapos magbayad ay nagtungo na sila kung saan ang bahay nila Kilo. Hindi naman ito kalayuan kung saan niya nakita ang bata. Maliit na barong-barong ang kanilang bahay. Walang kwarto iyon ngunit may isang cr naman. Pagkapasok nila ay nakita niya agad ang nanay nitong nakahiga sa banig habang ubo ng ubo. “Nanay, may dala akong pagkain,” tuwang-tuwang sabi nito. “H-ha? Saan galing ang…uhoo,uhooo.. pinambili mo?” “Kay Ate Ganda po,” pagturo ni Kiko sa kanya. Abala itong nagsasalin ng pagkain sa plato. “Pasensya ka na ineng ha, hayaan mo kapag lumakas lakas ako ay baba—“ Hinawakan niya ang kamay nito. “Wala po iyon, magpalakas po kayo para kay Kiko.” “Salamat ineng,” “Nanay kumain ka na, may dala na akong gamot mo,” masiglang sabi ng bata. Sinusubuan pa nito ang ina at ito rin ang nagpainom ng gamot dito. Nang matapos ay nagpaalam na siya kay Kiko. “Ate, salamat, ha? Maganda ka na mabait ka pa.” Nakangiting wika nito. Ginulo naman niya ang buhok nito. “Bolerong bata ka. Uuna na ako, ha? Alagaan mo si Nanay mo, ha?” Tumango naman ito. Naglakad na siya palabas sa eskinita. Kumakalam ang kaniyang sikmura ngunit masaya naman ang puso niyang nakatulong siya. Tiningnan niya ang hawak na listahan ng mga job hirings sa Tierra. Halos kalahati noon ay inapplyan na niya ngunit wala pa rin talagang tumatawag sa kaniya. Ang gusto kasi ng mga ito ay tapos ng four years o kaya naman ay may experience na. Habang naglalakad ay nakaramdam siya ng pagkahilo pero hindi niya iyon alintana. Muli ay uminom siya ng tubig. Masyado kasing mainit ang panahon ngayon. Naglakad siyang muli patungo sa pastry shop na kaniyang sunod na aaplyan. Hindi pa rin mawala ang hilo niya at nanlalabo na ang kaniyang paningin. “Kalista!” Lumingon siya sa tumawag ng kaniyang pangalan ngunit hindi na niya iyon gaanong maaninag. Pakiramdam niya ay unti-unti na rin humihina ang pandinig niya kasabay ng pagbagal ng galaw ng mga tao. “Kalista!” Pilit niyang inaaninag ang taong tumatawag sa kaniyang pangalan ngunit mas lalo lamang lumalabo ang kaniyang paningin hanggang sa tuluyan nang dumilim iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD