(Standing with her own feet)
WALA na siyang pakialam kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. Ang mahalaga ay makalayo siya sa kanyang ama. Kung iyon lang ang paraan upang maniwala ito sa kanya na kaya niyang mabuhay mag-isa ay gagawin niya.
Sumakay siya ng taxi at kahit hindi alam kung saan patungo. Bahala na si Batman.
“Ma’am, saan po ang baba ninyo?" tanong ng driver sa kanya matapos ang ilang minuto ng kanyang pagsakay.
“Ah, Manong, sa bayan po kung saan makakahanap ako ng maaari akong magpalipas ng gabi."
“Lumayas ka ba sa inyo, iha?"
“Naku, hindi po. Maghahanap po kasi ako ng trabaho kahit kasambahay lang."
“Ah, ganoon ba? May alam akong naghahanap, hija. Gusto mo doon na kita dalhin?"
“Kaya lang po, Manong, wala po akong dala na kahit na ano'ng requirements."
“Hindi na kailangan. Mukha ka namang disenteng babae. Mayroon kasi akong kapatid na nagtatrabaho roon sa Monteverde Mansion patutulungan kitang makapasok. Basta gawin mo lang ng maayos ang trabaho mo."
Monteverde Mansion? Parang pamilyar ang apelyido sa kanyang pandinig.
“Saan po ba iyon, Manong?"
“Sa kabila pang bayan pero mababait ang magiging amo mo roon. Sa tagal na nga ng kapatid ko roon ay wala naman akong narinig na problema. Lagi pa nga raw silang may bonus. Kaya nakakaipon siya."
“Mabuti naman po kung ganoon. Gusto ko rin po kasi mag-ipon."—“At mabuhay ng tahimik mag-isa,” dagdag niya sa kaniyang isipan.
“Ang balita ko kasi ay naghahanap sila ng isa pang kasambahay para doon sa anak ng mag-asawang Monteverde."
“So, kung sakali po ay doon ako maninibilhan sa anak nila?" curious niyang tanong. Pakiramdam niya talaga ay pamilyar siya sa mg Monteverde. Pero hindi na mahalaga iyon, baka magkatunog lang.
“Oo, pero huwag kang mag-alala. Minsan lang umuuwi iyon. Laging abala sa trabaho." Tumangu-tango siya bilang response. “At ang gwapo nu’n. Alam mo, mukhang bagay kayo,” asar ni Manong.
“Naku, Manong! Isa lamang po akong katulong. Hinding-hindi po kami magiging bagay," aniya na nakangiti.
“Bakit naman, hija? Hindi naman basehan ang status sa buhay. Sa itsura mong iyan, maraming lalaki ang maghahabol sa iyo. Malay mo ma-in-love sa iyo si Sir Lorcan."
"Binata pa po ba siya?"—“Lorcan pala ang pangalan niya,” aniya sa loob ng isipan niya. “Oo at napakasipag sa trabaho. Kapag nakilala mo ay tiyak na hahanga ka roon. Ang bata-bata pa pero halos siya na ang namamahala ng mga negosyo ng kanyang magulang. Naikwento nga sa akin ng kapatid ko na may sarili na rin itong negosyo, shopping mall yata."
“Wow naman!" namamangha niyang sabi. “Ang swerte ng magiging girlfriend ni Sir Lorcan, noh? Malay mo ikaw na iyon?" pagbibiro ni Manong.
“Bakit naman po ako? Sabi ninyo nga po ay gwapo iyon kaya malabo akong magustuhan 'nun sa rami-dami sigurong babae na nagkakagusto sa kanya." “Ang balita ko ay wala pang nagiging girlfriend iyon. Masyado kasing busy."
HALOS kalahating oras ang tinakbo ng taxi bago ito huminto sa harap ng isang napakalaking gate. Kaagad niyang kinuha ang wallet sa maliit niyang bag saka kumuha roon ng perang pambayad sa driver.
“Magkano po, Manong?" tanong niya.
“Huwag ka na mag-abala pa, hija. Libre ko na ito sa iyo." “Magbabayad po ako, Manong.
“Ang layo po binayahe natin tapos libre lang. Mahal po ang gasolina ngayon," inabot niya ang isang five hundred peso bill.
“Papunta naman talaga ako dito dahil nandito rin ang asawa ko, kaya ayos lang. Sa iyo na iyang pera para may panggastos ka habang nagsisimula ka pa lang sa trabaho." Pilit nitong ibinalik sa kanya ang pera.
“Sigurado po ba kayo, Manong? Pang-jollibee rin po ito."
“Ikaw talaga, palabiro ka. Sa iyo na iyan," maluwang itong ngumiti sa kanya.
“Salamat po, Manong. Ano po pala pangalan ninyo?"—“May mga tao pa palang katulad niya. Balang-araw ay makakabawi rin ako kay Manong driver,” sambit niya sa loob ng kaniyang isipan.
“Tatay Mario na lang ang itawag mo sa akin."
“Salamat po, Tatay Mario.
Tinulungan pa siya nitong ibaba ang kanyang maleta. Masyado niyang na-appreciate ang pagtulong nito sa kanya kahit na hindi naman sila magkaanu-ano. Sa pagtingin niya ng maigi ang napagtanto niya na tunay ngang napakalaki ng mansion ng mga Monteverde kung ikukumpara sa Villa nila. Marahil napakayaman ng mga ito dahil hindi biro ang magkaroon ng ganoong kalaking bahay. Kakailanganin talaga ng maraming kasambahay. Hindi na rin siya mahihirapan pang maghanap ng mapapasukan. Kakayanin niyang mabuhay pa sa kanyang sarili at sa kanyang kinabukasan.
“Oh, nariyan na pala ang asawa at kapatid ko," nakatanaw na sabi ni Mang Mario sa papalapit sa kanila na dalawang babae.
“Siya ba ang kasama mong naghahanap ng trabaho?" tanong ng isang babae na hindi malayo ang edad kay Mang Mario. “Siya nga. Siya si– ano nga pala ulit ang pangalan mo, hija?"
“Arwa po," magalang niyang sagot. “Kakaiba ang pangalan mo, hija," ani ng babae.
"Ako nga pala si Marina, ang asawa nitong si Mario at ang kasama ko naman ang kapatid niyang si Nancy. Mabuti naman at dito mo nais na magtrabaho, mababait ang mga amo rito. Tara na sa loob," aya nito sa kanya. "Mario, sunduin mo ako mamaya ha? Day off ko."
“Mang Mario, salamat po sa pagdadala sa akin dito."
“Walang anuman, Arwa." Bumaling ito sa dalawang babae. "Kayo na muna ang bahala sa kanya, ha? Aalis na ako."
“Alam na ni Madam na may mag-a-apply ka ngayon kaya baka mamaya rin ay dalhin ka sa bahay ng anak niyang si Sir Lorcan. Kailangan kasi ng tagalinis doon at tagapangalaga ng bahay." Tumango lang siya. Pumasok sila sa loob ng bahay at tumambad ang napakalaking sala.
“Siya ba?" sabay-sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa fifties na ito ngunit kapansin-pansin pa rin ang maganda nitong balat. Parang nakita na niya ang magandang mukha nito sa kung saan.
“Opo, Madam!" sagot ni Aling Marina.
“Kumusta, hija? Talaga bang naghahanap ka ng trabaho?" biglang lumambing ang boses nito nang makalapit sa kanya.
“Opo, Ma’am." “Marunong ka ba sa gawaing bahay?"
“Opo, Ma’am."
“Kung ganoon ay ipapahatid na kita sa bahay ng anak kong si Lorcan. Madalas na walang tao roon at mag-isa ka lang, okay lang ba sa iyo?" muling tanong nito sa kanya.
“Opo, Ma’am! Sa-sanay po akong mag-isa. Mas nakakapagtrabaho po ako kapag mag-isa lang ako," aniya kahit may bahid ng kasinungalingan ang sinabi niya. Wala namang ibang nakakaalam.
“Mabuti kung ganoon. Nancy, pakitawag ang driver para maihatid na siya."
“Opo, Madam!" Magsisimula na ang panibagong chapter ng kanyang buhay at hindi na niya kailangan pang umasa sa Papa niya. Tatayo siya sa sarili niyang mga paa.